Ang mga Bata ay Karapat-dapat na Pahalagahan at Ibigin
Ang mga Bata ay Karapat-dapat na Pahalagahan at Ibigin
“MAG-UKOL ka ng kaunting pag-ibig sa isang bata, at labis-labis ang ibabalik sa iyo.” Ganiyan ang isinulat ng Ingles na manunulat at kritiko noong ika-19 na siglo na si John Ruskin. Marahil ay sasang-ayon ang karamihan sa mga magulang na sulit na ibigin ang sariling mga anak, hindi lamang dahil sa ganting pag-ibig na natatamo kundi, ang mas mahalaga, dahil sa positibong epektong idudulot ng pag-ibig na ito sa kanila.
Halimbawa, sinabi ng aklat na Love and Its Place in Nature na kung walang pag-ibig ang “mga bata ay namamatay.” At sinabi pa nga ni Ashley Montagu, kilalang antropologo na isinilang sa Britanya: “Ang isang bata na hindi inibig ay ibang-iba ang kayariang biyokemikal, pisyolohikal, at sikolohikal kaysa sa isa na inibig. Naiiba pa nga ang paglaki ng nauna sa huling binanggit.”
Iniulat ng Toronto Star ang isang pag-aaral na gayundin ang naging mga konklusyon. Sinabi nito: “Ang mga bata na pinalaki nang hindi laging niyayakap, hinahaplos o hinahagod . . . ay may abnormal at mataas na antas ng mga stress hormone.” Sa katunayan, ang pagpapabaya sa pisikal na pag-aaruga sa panahon ng pagkasanggol ay “maaaring magkaroon ng malulubhang pangmatagalang mga epekto sa pagkatuto at sa memorya.”
Idiniriin ng mga resulta ng pag-aaral na ito ang pangangailangan ukol sa pisikal na pagkanaroroon ng mga magulang. Kung hindi ganoon, paano magkakaroon ng matibay na buklod sa pagitan ng magulang at ng anak? Subalit nakalulungkot, maging sa maririwasang bahagi ng daigdig, ang nakakagawian ngayon ay ang sikaping ilaan ang mga pangangailangan ng bata nang nakahiwalay sa kaniyang mga magulang. Ang mga bata ay pinapupunta sa paaralan, pinapupunta sa Sunday school, pinapupunta sa trabaho, pinapupunta sa summer camp, at binibigyan ng pera at pinapupunta sa mga lugar ng libangan. Palibhasa’y parang itinaboy sa pinakasentro ng pamilya, anupat parang planeta na umiinog nang malayo sa araw, wika nga, milyun-milyong bata ang likas na makadarama—kahit sa isip lamang—na sila’y pinabayaan, di-pinahahalagahan, at di-iniibig, anupat napapaligiran ng isang galít na mundo ng mga adulto. Ang laganap na damdaming ito sa mga bata ay maaaring isang dahilan kung bakit may tinatayang 3,000 batang kalye sa Berlin. Isang halimbawa rito ay ang kabataang si Micha, na nagsabi: “Wala nang may gusto pa sa akin.” Nagreklamo rin ang isang siyam-na-taóng-gulang na batang lalaking Aleman: “Mabuti pang ako na lang ang naging aso namin.”
Maraming Uri ang Pagmamaltrato sa mga Bata
Ang di-pag-aasikaso sa bata ay isang uri ng pagmamaltrato na nagpapahiwatig ng kawalan ng “likas na pagmamahal,” gaya ng tawag dito ng Bibliya. (Roma 1:31; 2 Timoteo 3:3) At maaari itong mauwi sa mas masasamang uri ng pagmamaltrato. Halimbawa, mula noong Internasyonal na Taon ng Bata noong 1979, higit na binigyang-pansin ang mga problema hinggil sa pisikal na pagmamaltrato at seksuwal na pag-aabuso sa mga bata. Siyempre pa, mahirap tipunin ang tumpak na mga estadistika, at nagkakaiba-iba ang mga ito sa bawat lugar. Subalit halos di-mapag-aalinlanganan na ang mga pilat na likha ng seksuwal na pang-aabuso na dala-dala ng mga bata hanggang sa pagtanda ay mahirap pawiin.
Anuman ang uri ng pagmamaltrato, ibinibigay nito sa mga bata ang mensahe na sila ay di-iniibig at di-pinahahalagahan. At waring lumalaki ang problemang ito. Ayon sa pahayagang Aleman na Die Welt, “parami nang paraming bata ang lumalaking di-marunong makibagay sa lipunan.” Idinagdag pa nito: “Hindi naranasan ng mga bata ang pagmamahal sa tahanan. Ayon kay [Gerd Romeike, ang direktor ng isang child-guidance center sa Hamburg], ang buklod ng damdamin sa pagitan ng mga anak at ng mga magulang ay humihina, o hindi naitatatag sa simula pa lamang. Ang gayong mga bata ay nakadarama na sila’y pinabayaan, at ang kanilang paghahangad ng seguridad ay hindi napupunan.”
Ang mga batang pinagkaitan ng karapatang sila’y pahalagahan at ibigin ay maaaring maghinanakit, anupat ibinubunton ang kanilang mga
sama-ng-loob doon sa mga nagpabaya sa pag-aasikaso sa kanila o maaaring sa lipunan sa pangkalahatan. Halos isang dekada na ang nakalilipas, isang report ng ahensiya sa Canada ang nagpahiwatig sa pangangailangan ukol sa dagliang pagkilos dahil baka mapariwara ang isang buong salinlahi “na nag-iisip na wala nang pakialam sa kanila ang lipunan.”Ang mga kabataan na di-iniibig at di-pinahahalagahan ay baka matuksong lumayas sa kanilang tahanan upang matakasan ang kanilang mga problema, subalit nagkakaroon lamang ng mas malalaking problema sa mga lunsod na sinasalot ng krimen, droga, at imoralidad. Sa katunayan, mahigit sa 20 taon na ang nakalilipas, tinaya ng pulisya na 20,000 nagsilayas na wala pang 16 anyos ang naninirahan sa isa lamang sa malalaking lunsod sa Estados Unidos. Inilarawan sila bilang “mga produkto ng mga wasak na tahanan at ng kalupitan, na kadalasan ay dulot ng mga magulang na alkoholiko o sugapa sa droga. Sila’y nagpapalabuy-laboy sa lansangan, ginagamit ang kanilang katawan para mabuhay at, pagkatapos gulpihin ng mga bugaw at hubaran ng dangal, sila’y namumuhay sa takot na baka sila’y paghigantihan kung magtatangka silang tumakas sa gayong ilegal na gawain.” Nakalulungkot, sa kabila ng tapat na mga pagsisikap na baguhin ang ganitong kalunus-lunos na situwasyon, umiiral pa rin ito.
Ang mga batang lumalaki sa mga kalagayang inilarawan sa itaas ay nagiging di-timbang na mga adulto, na kadalasan ay walang kakayahang palakihin nang wasto ang sariling mga anak. Yamang sila mismo ay hindi pinahalagahan at inibig, sa dakong huli ay nagkakaanak sila ng mga kauri nila—mga batang nakadarama na sila’y di-pinahahalagahan at di-iniibig. Ganito ang tumpak na pagkakasabi ng isang pulitikong Aleman: “Ang mga batang di-iniibig ay nagiging mga adultong punô ng poot.”
Sabihin pa, ginagawa ng milyun-milyong magulang ang kanilang buong makakaya upang tiyakin na nalalaman ng kanilang mga anak na sila ay pinahahalagahan at iniibig. Hindi lamang nila ito sinasabi sa kanila kundi pinatutunayan din ito sa pamamagitan ng paglalaan sa kanilang mga anak ng maibiging pagkalinga at personal na atensiyon na karapat-dapat sa bawat bata. Gayunpaman, mayroon pa ring mga problema—mga problema na maliwanag na hindi kayang lutasin ng bawat magulang. Halimbawa, sa ilang bahagi ng daigdig, ang di-sakdal na mga sistema ng tao sa ekonomiya at pulitika ay hindi nakapaglalaan sa mga bata ng sapat na pangangalaga sa kalusugan, angkop na edukasyon, at sapat na pagkain, gayundin ng proteksiyon mula sa salot ng pagpapatrabaho sa mga bata at kalunus-lunos na mga kalagayan ng pamumuhay. At kadalasan, ang mga kalagayang ito ay pinalulubha pa ng mga sakim, tiwali, makasarili, at walang-konsiderasyong mga nasa hustong gulang.
Binanggit ni Kofi Annan, kalihim-panlahat ng United Nations, ang ilan sa mga pangunahing problema na kinakaharap ng mga bata sa ngayon nang kaniyang isulat: “Milyun-milyong bata ang patuloy na nagtitiis sa labis na kahihiyang dulot ng karukhaan; daan-daang libo ang nagdurusa dahil sa mga epekto ng alitan at kaguluhan sa ekonomiya; sampu-sampung libo ang napipinsala sa mga digmaan; marami pa ang nauulila o namamatay dahil sa HIV/AIDS.”
Ngunit hindi lahat ng balita ay masama! Ang mga ahensiya ng UN, gaya ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) at ang World Health Organization, ay nagpagal nang husto
upang mapabuti ang buhay ng mga bata. Sinabi ni Annan: “Mas maraming bata ang isinisilang na malusog at mas marami ang napapabakunahan; mas marami ang marunong nang bumasa at sumulat; mas marami ang malayang matuto, maglaro at basta mamuhay bilang mga bata kaysa sa inakalang posible maging sa nakalipas na maikling dekada.” Gayunman, nagbabala pa rin siya: “Hindi ito ang panahon para makontento sa nakaraang mga tagumpay.”Yaong mga Karapat-dapat sa Pantanging Atensiyon
Ang ilang bata ay karapat-dapat sa pantanging atensiyon. Noong unang bahagi ng dekada 1960, nagitla ang daigdig nang mabalitaan ang mga ulat mula sa mahigit na labindalawang bansa hinggil sa pagsilang ng libu-libong tinatawag na mga batang thalidomide. Kapag ininom ng mga babaing nagdadalang-tao, ang pildoras na thalidomide na pampakalma at pampatulog ay may di-inaasahang masamang epekto na sanhi ng pagsisilang nila ng mga batang ang binti at kamay ay tuyot o wala pa nga ng mga ito. Ang mga kamay o binti ay kadalasang kasinliliit lamang ng mga palikpik.
Pagkaraan ng apat na dekada, ang salarin na pinakamalamang na puminsala sa mga bata ay ang mga nakatanim na bomba. * Tinataya ng ilan na mula 60 milyon hanggang sa 110 milyong aktibong mga bomba ang nagkalat sa buong daigdig. Mga 26,000 katao ang namamatay o nagiging baldado taun-taon—kasali na ang maraming bata. Sapol noong 1997, nang mapanalunan ni Jody Williams ang Nobel Peace Prize dahil sa kaniyang kampanya na ipagbawal ang mga itinatanim na bomba, higit na pansin ang iniukol sa problemang ito. Subalit nariyan pa rin ang mga parang na tinamnan ng mga bomba. Ganito ang sinabi ng isang pulitikong Aleman may kinalaman sa mga pagsisikap na alisin ang mga nakatanim na bomba sa daigdig: “Kagaya ito ng pagsisikap na alisan ng laman ang isang bathtub sa pamamagitan ng isang kutsarita samantalang nakabukas ang gripo.”
Ang isa pang grupo ng mga bata na nangangailangan ng pantanging atensiyon ay yaong napagkaitan ng kanilang mga magulang. Nilayon ng Diyos na Jehova, ang Maylalang sa tao, na ang mga bata ay lumaki na taglay ang maibiging atensiyon kapuwa ng isang ina at ng isang ama. Kailangan at karapat-dapat sa isang bata ang gayong timbang na pangangalaga ng mga magulang.
Sinisikap na tugunan ng mga bahay-ampunan at ang mga ahensiya na nagpapaampon ang mga pangangailangan ng mga batang napagkaitan ng dalawang magulang. Gayunman, nakalulungkot na ang ilang kaawa-awang mga bata na higit na kailangang ampunin ang siyang kadalasang di-pinapansin—yaong mga may sakit, may suliranin sa pagkatuto, may kapansanan sa katawan, o mga anak ng dayuhan.
Itinatag ang mga organisasyon na humihimok sa mga indibiduwal na regular na mag-abuloy ng salapi at sa gayon ay waring “inampon” nila ang isang batang nakatira sa isang di-mariwasang bansa. Ang iniabuloy na salapi ay ginagamit upang papag-aralin ang mga bata o paglaanan ng mga pangangailangan sa buhay. Kung nanaisin, maaari pa ngang magpalitan ng mga larawan at mga liham upang mapatibay ang ugnayan. Bagaman nakatutulong, ang ganitong kaayusan ay di-sapat para maging kaayaayang solusyon.
Isa pang kapansin-pansing halimbawa ng naisagawa upang tulungan ang mga batang napagkaitan ng mga magulang ay ang isang kilusan na noong 1999 ay nagdiwang ng kalahating-siglong pag-iral.
Ang SOS Children’s Village
Noong 1949, itinatag ni Hermann Gmeiner sa Imst, Austria, ang tinawag niyang SOS Children’s Village. Mula sa maliit na pasimulang ito, ang kaniyang organisasyon ay lumago anupat nakasali ang halos 1,500 nayon at nakakatulad na mga institusyon na matatagpuan sa 131 bansa sa Aprika, Amerika, Asia, at Europa.
Ibinatay ni Gmeiner ang kaniyang proyekto sa apat na simulain na nagsisilbing patnubay—ang ina, ang mga kapatid, ang tahanan, at ang nayon. Isang “ina” ang nagiging saligan para sa isang “pamilya” na binubuo ng lima o anim—posibleng higit pa—na mga bata. Namumuhay siyang kasama nila at nagsisikap na pagpakitaan sila ng pag-ibig at atensiyon na inaasahan sa isang tunay na ina. Ang mga bata ay nananatiling magkakasama sa iisang “pamilya” at kasama ng iisang “ina” hanggang sa dumating ang panahon para iwan nila ang “tahanan.” Kasali sa “pamilya” ang mga batang may iba’t ibang edad. Palibhasa’y kapuwa may nakatatanda at nakababatang “mga kapatid na lalaki” at “mga kapatid na babae,” ang mga bata ay natututong magmalasakit sa isa’t isa, sa gayon ay tinutulungan silang iwasan ang pagiging makasarili. Sinisikap na ilakip ang mga bata sa isang “pamilya” sa pinakamaagang edad hangga’t maaari. Ang tunay na mga magkakapatid ay laging pinagsasama sa iisang “pamilya.”
Ang mga nayon ay binubuo ng mga 15 “pamilya,” na bawat isa ay nakatira sa sarili nitong bahay. Sinasanay ang lahat ng mga bata na tulungan ang kanilang “ina” sa paggawa ng kinakailangang mga gawain sa tahanan. Bagaman walang ama, may probisyon upang ilaan ang suporta ng isang lalaki na magbibigay ng makaamang payo at maglalapat ng kinakailangang disiplina. Ang mga bata ay pumapasok sa lokal na mga paaralan. Ang bawat “pamilya” ay tumatanggap ng isang takdang buwanang allowance na pantakip sa mga gastusin. Ang mga pagkain at damit ay binibili sa lugar ding iyon. Ang tunguhin ay imulat ang mga bata sa isang karaniwang buhay pampamilya lakip ang lahat ng mga problema at mga kagalakan nito, sa gayo’y tinutulungan silang mamuhay nang normal, hangga’t maaari. Inihahanda sila nito para sa pagpapamilya kapag sila’y tumuntong na sa hustong gulang.
Hinahanap Pa Rin ang Kaayaayang Solusyon
Ang mga ahensiya sa pag-aampon, mga bahay-ampunan, mga SOS Children’s Village, UNICEF, at ang katulad na mga organisasyon o grupo ay may mabuting layunin kapag sinisikap ng mga ito na ilaan ang suporta sa kaawa-awang mga bata. Subalit wala sa mga ito ang makapagpapabulaan sa katotohanan na ang ilang tao ay sadyang kaawa-awa. Gaano man ang kanilang pagnanais, hindi nila kayang bigyan ang isang batang lumpo ng malulusog na binti, pagalingin ang isipan ng isang batang may kapansanan sa isip, ipisang-muli ang bata sa kaniyang hiwalay o nagdiborsiyong mga magulang, o ibalik siya sa maibiging yakap ng isang yumaong magulang.
Sikapin man nila, hindi mailalaan ng mga tao ang kaayaayang solusyon sa mga problema ng mga bata. Subalit malulutas ang mga ito! Oo, at maaaring mas malapit pa kaysa sa inaakala mo. Ngunit paano?
[Talababa]
^ par. 17 Tingnan ang serye na “Mga Nakatanim na Bomba—Ano ang Maaaring Gawin Dito?” na lumabas sa aming isyu ng Mayo 8, 2000.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Kailangan at karapat-dapat sa isang bata ang pag-ibig ng dalawang magulang