Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Carbon Monoxide—Ang Tahimik na Mamamatay-Tao

Carbon Monoxide—Ang Tahimik na Mamamatay-Tao

Carbon Monoxide​—Ang Tahimik na Mamamatay-Tao

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA

BAWAT taon, mga 50 katao sa Britanya ang namamatay sa pagkalason sa carbon monoxide dulot ng sirang mga kagamitang initan sa tahanan. “Kasunod ng asbestos, ang carbon monoxide ang pinakakaraniwang dahilan ng pagkalason sa trabaho at sa tahanan,” ulat ng London Hazards Centre Trust. Ano ba ang carbon monoxide?

Ang carbon monoxide ay isang gas na nabubuo kapag hindi lubos na nasusunog ang gatong, maging ito man ay sa makina ng sasakyan o sa mga kagamitang initan na sumusunog ng uling at iba pang mga fossil fuel, lalo na ang gasolina. Wala itong kulay, amoy, at lasa. Kaya paano ito pumapatay?

Dinadala ng pulang mga selula ng dugo ang kinakailangang oksiheno sa mga himaymay ng katawan. Nakalalason ang carbon monoxide dahil sa mas nadadala ito ng pulang mga selula ng dugo sa halip na ang oksiheno. Nangyayari ang pagkalason sa carbon monoxide kapag kinulang sa oksiheno ang katawan. Ang pagkalantad sa mabababang antas ng carbon monoxide sa mahaba-habang panahon ay maaaring magdulot ng permanenteng pinsala sa utak. Kalakip sa mga sintomas ang pananakit ng ulo, pagkaantok, panghihina, pagkahilo, pagduduwal, at pagkahimatay​—at sa malulubhang kaso, mahinang pulso, koma, at paghinto ng palahingahan. Kung ang isang tao ay biglang igupo ng pagkalason sa carbon monoxide, kailangan ang kagyat na pagbibigay ng oksiheno at pantulong sa palahingahan bago mangyari ang asphyxiation​—ang kakulangan ng oksihenong nakararating sa utak​—na nagiging sanhi ng kamatayan.

Ano ang maaaring gawin upang maiwasan ang mga panganib ng carbon monoxide? Regular na patingnan at pahigpitan sa isang eksperto ang lahat ng kagamitan. Kapag kulay-dilaw ang apoy ng lutuang de-gas sa halip na asul, ituring ito na babala ng hindi normal na pagsusunog at malamang na pagbubuga ng carbon monoxide. May makukuha na ngayong iba’t ibang uri ng alarmang pambahay para sa carbon monoxide. Huwag kailanman maging kampante kapag gumagamit ng mga kasangkapan na nagbubuga ng carbon monoxide.

[Larawan sa pahina 31]

Hindi normal na apoy

[Larawan sa pahina 31]

Normal na apoy

[Larawan sa pahina 31]

May makukuha na ngayong iba’t ibang uri ng alarmang pambahay para sa carbon monoxide