Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Makapagdudulot Kaya ang Siyensiya ng Buhay na Walang Hanggan?

Makapagdudulot Kaya ang Siyensiya ng Buhay na Walang Hanggan?

NOONG nakalipas na mga taon, ang gayong katanungan ay waring katawa-tawa. Subalit sa ngayon, seryosong pinag-iisipan ng ilang tao ang pag-asang ito. Ngayon pa lamang, nagawang doblehin ng mga siyentipiko ang haba ng buhay ng mga langaw at mga bulati sa paggamit ng mga pamamaraan na inaakala ng ilan na maaaring gamitin sa mga tao.

Ipinakikita ng pananaliksik na namamatay ang normal na selula ng tao, anupat naghahati-hati lamang nang iilang beses. Pagkatapos ay tumitigil na ito sa paghahati. Ito’y isang proseso na inihalintulad sa isang panloob na talaorasan na kumokontrol kung kailan tatanda at mamamatay ang tao. Sinisikap ngayon ng mga siyentipiko na ayusin ang talaorasang ito.

Sinasabi ng isang popular na teoriya na ang pangunahing dahilan ng pagtanda ay nakasalig sa dulo ng bawat hibla ng DNA, isang rehiyon na tinatawag na telomere. Ang mga telomere ay inihahalintulad sa mga bilot ng plastik sa dulo ng mga sintas ng sapatos, na dinisenyo upang huwag maghimulmol ang mga sintas. Napansin ng mga siyentipiko na sa tuwing maghahati ang ilang selula, ang mga telomere ay umiikli gaya ng nasusunog na mitsa. Sa kalaunan, waring ang mga telomere ay umiikli hanggang sa punto na tumitigil na sa paghahati ang mga selula. Gayunman, mayroong isang partikular na enzyme, ang mga telomere ay hindi umiikli. Kaya ayon sa teoriya, makapagbibigay ito sa mga selula ng kakayahan na patuloy na maghati nang walang katapusan. Ganito ang sabi ng opisyal ng isang kompanya na kasangkot sa gawaing ito: “Ito ang kauna-unahang pagkakataon na maaari nating gunigunihin ang imortalidad ng tao.” Ngunit hindi lahat ng siyentipiko ay sumasang-ayon.

Kung Paano Sumapit ang Kamatayan

Sabihin pa, sa nagdaang mga milenyo, ang mga taong may pananampalataya sa Bibliya ay naniniwala sa posibilidad ng buhay na walang hanggan para sa mga tao. Sila’y nagtitiwala hindi sa mga taong siyentipiko kundi sa Dalubhasang Siyentipiko, na lumikha sa lahat ng bagay na nabubuhay, ang Diyos na Jehova.​—Awit 104:24, 25.

Ipinakikita ng Bibliya na ang kamatayan ng tao ay hindi kasama sa layunin ng Maylalang. Ang unang taong mag-asawa ay nilalang sa larawan ng Diyos at inilagay sa isang paraisong hardin. Sila’y mga sakdal, anupat walang depekto sa isip o katawan. Bilang gayon, taglay nila ang pag-asa na mabuhay magpakailanman sa lupa. Iyan ang nais ng Diyos para sa kanila. Tinagubilinan niya sila na magsipag-anak at unti-unting palawakin ang Paraiso sa buong lupa.​—Genesis 1:27, 28; 2:8, 9, 15.

Gaya ng ipinakikita sa Genesis kabanata 3, si Adan, bagaman nakababatid na kamatayan ang kaparusahan, ay kusang naghimagsik laban sa Diyos. Isa pa, sa pamamagitan ng pagtataguyod ng isang landasin ng pagsuway, nagdulot siya ng kasalanan at kamatayan sa kaniyang hindi pa naisisilang na supling. Ganito ang paliwanag dito ni apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Sa ibang pananalita, dahil nagkasala si Adan, ang kaniyang katawan ay hindi na sakdal. Unti-unti siyang tumanda at namatay. Minana ng kaniyang supling ang depektong iyon.

Sa gayo’y sumapit ang kamatayan bunga ng paghihimagsik ni Adan at ng kasunod na hatol ng Diyos. Hindi magtatagumpay ang mga tao na baligtarin ang hatol na iyan. Bagaman nakagawa ang siyensiya ng maraming pagsulong sa medisina, ang kinasihang mga salita ni Moises, na isinulat 3,500 taon na ang nakalilipas, ay totoo pa rin: “Sa ganang sarili ang mga araw ng aming mga taon ay pitumpung taon; at kung dahil sa natatanging kalakasan ay walumpung taon, ngunit ang pinagpupunyagian nila ay ang kabagabagan at nakasasakit na mga bagay; sapagkat madali itong lumilipas, at kami ay lumilipad na.”​—Awit 90:10.

Ang Paglalaan ni Jehova Para sa Buhay na Walang Hanggan

Nakatutuwa naman dahil sa may pag-asa! Bagaman sa kasalukuyan ang lahat ng tao ay namamatay, hindi nilayon ni Jehova na ang kalagayang ito ay magpatuloy nang walang katapusan. Bagaman karapat-dapat mamatay noon sina Adan at Eva, alam ng Diyos na marami sa kanilang hindi pa naisisilang na mga supling ang tutugon nang may pagpapahalaga sa kaniyang maibiging pangangasiwa. Para sa gayong mga tao, gumawa siya ng paglalaan para sa walang-hanggang buhay sa lupa. Ang salmista ay sumulat: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Ngunit paano ito maisasakatuparan?

Hindi ito mangyayari bunga ng pagtuklas ng mga tao sa mga hiwaga ng DNA. Sa halip, ang buhay na walang hanggan ay isang kaloob na igagawad ni Jehova doon sa mga nananampalataya sa kaniya. Sa pagkatanto na kailangang sagipin ang mga supling nina Adan at Eva, naglaan siya ng paraan para matamo nila ang buhay na walang hanggan​—ang haing pantubos ni Jesu-Kristo. Tinukoy ni Jesus ang paglalaang ito nang sabihin niya: “Inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”​—Juan 3:16.

Tulad ni Adan, si Jesus ay isang sakdal na tao. Di-tulad ni Adan, si Jesus ay ganap na masunurin sa Diyos. Kaya, nasa kalagayan si Jesus na ihain ang kaniyang sakdal na buhay tao upang mabayaran ang kasalanan ni Adan. Sa pamamagitan ng maibiging pagkilos na ito, na bumalanse sa timbangan ng katarungan, ang mga anak ni Adan ay maaaring mapalaya mula sa hatol na kamatayan. Bunga nito, lahat ng nananampalataya kay Jesus ay tatanggap ng kaloob ng Diyos na buhay na walang hanggan.​—Roma 5:18, 19; 1 Timoteo 2:5, 6.

Kung may kakayahan ang mga tao na mapagtagumpayan ang di-kasakdalan at magdulot ng walang-hanggang buhay para sa kanilang mga sarili, hindi na kailangan pa ang pantubos. Ibinibigay ng Bibliya ang matalinong payo na ito: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga taong mahal, ni sa anak man ng makalupang tao, na sa kaniya ay walang pagliligtas. Ang kaniyang espiritu ay pumapanaw, siya ay bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ring iyon ay maglalaho ang kaniyang pag-iisip. Maligaya siya na ang kaniyang pinakasaklolo ay ang Diyos ni Jacob, na ang kaniyang pag-asa ay kay Jehova na kaniyang Diyos, ang Maylikha ng langit at ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon, ang Isa na nag-iingat ng katapatan hanggang sa panahong walang takda.”​—Awit 146:3-6.

Ang buhay na walang hanggan ay magmumula, hindi sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa siyensiya, kundi kay Jehova. Anuman ang itakda ng Diyos na gawin, maisasakatuparan at matatapos niya ito. “Sa Diyos ay walang kapahayagan ang magiging imposible.”​—Lucas 1:37.

[Picture Credit Line sa pahina 18]

© Charles Orrico/SuperStock, Inc.