Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Ikadalawampung Siglo Binabati ko kayo sa inyong impormatibo at nakapagtuturong gawain. Bilang isang tagapag-ulat sa mga gawain sa pulitika at militar, lagi akong mapamuna sa mga artikulong binabasa ko. Ngunit pinakamahusay ang seryeng “Ang Ika-20 Siglo—Mga Taon ng Malalaking Pagbabago.” (Disyembre 8, 1999) Lubos na ipinaaninag ng ilustrasyon sa pabalat ang pinakamahalagang mga pangyayari sa siglong ito.
A. P., Angola
Melatonin at Panlulumo Nakatawag ng aking pansin ang balita sa “Pagmamasid sa Daigdig” na “Isang Mahabang Gabi.” (Marso 8, 2000) Nagtatrabaho ako sa isang institusyon kung saan pinag-aaralan ang melatonin, at lumilitaw na hindi tumpak ang inyong balita. Kung nasasangkot man ang melatonin sa pana-panahong panlulumo, ang kalabisan sa halip na kawalan ng hormon na ito ang dahilan.
X. Y., Pransiya
Lumilitaw ngayon na ang eksaktong kaugnayan ng melatonin sa pana-panahong panlulumo—kung mayroon man—ay hindi pa matiyak. Kamakailan, ipinahiwatig ng mga mananaliksik na maaaring ang isyu ay, hindi ang antas ng melatonin, kundi kung paanong ang kawalan ng liwanag ay maaaring humahadlang sa siklo ng paggawa ng melatonin. Maliwanag, kakailanganing gawin ang higit pang pagsasaliksik bago makagawa ng anumang tiyak na mga konklusyon.—ED.
Pagkakamali sa Larawan? Nasa ospital ako habang binabasa ko ang Enero 8, 2000 na isyu, na may serye sa pabalat na “Paggamot at Pag-opera Nang Walang Dugo—Dumarami ang Humihiling Nito,” nang pumasok ang isang punong espesyalista sa puso at isang pangkat ng mga estudyante. Sinabi niya na baligtad ang linya ng EKG (electrocardiogram) sa pabalat.
J. T., Inglatera
Ang linya ay ginamit bilang isang kasangkapan sa sining. Ipinakita iyon sa ilang manggagawa sa pangangalaga sa kalusugan bago ito inilathala; gayunman, sumang-ayon ang lahat ng ibang medikal na tauhan na nakakita sa larawan na ito’y naiguhit nang mali. Humihingi kami ng paumanhin sa pagkakamali.—ED.
Paghinto sa Paninigarilyo Kamakailan lamang ay naging sugapa ako sa sigarilyo, marihuwana, inuming de-alkohol, at sa cocaine. Maraming beses ko nang sinikap na huminto ngunit walang nangyayari. Nang magsimula akong makipag-aral ng Bibliya sa isa sa mga Saksi ni Jehova, saka ko lamang nadama na may halaga ako. Sa tulong ni Jehova, hindi na ako gumagamit ng kahit na anong droga o nanigarilyo mula pa noong Enero. Talagang nakapagpapahirap ang mga sintomas na dulot ng paghinto sa paninigarilyo. Mula noong Enero, hindi ako mapagkatulog. Ang Marso 22, 2000, na isyu na may seryeng “Kung Paano Mo Maihihinto ang Paninigarilyo” ay tumulong sa akin na maunawaan na ang hindi pagkakatulog ay isang sintomas ng paghinto at na hindi ako nasisiraan ng bait! Maraming-maraming salamat.
D. M., Estados Unidos
Nang mabasa ko ang inyong paglalarawan sa mga sintomas ng paghinto sa nikotina, naalaala ko ang naranasan ko noon. Noong una ay wala na akong ibang maisip kundi sigarilyo. Unti-unti, mga araw, mga linggo, at pagkatapos ay mga buwan ang lumipas na hindi ko na naiisip ang sigarilyo. Talagang tinulungan ako ni Jehova pagkatapos kong mangako sa sarili ko na hindi na ako muling maninigarilyo. Dalawampung taon na ang lumipas mula noon, at, sa katunayan, hindi na ako muling nanigarilyo.
D. A., Italya
Mga Mariposa Maraming salamat sa paglalathala sa artikulong “Kapag Bulag ang Pag-ibig,” tungkol sa lalaking mariposa. (Marso 22, 2000) Nakakita ako ng isa nito sa aking bakuran. Nang dumating ang isa pang mariposa, kinunan ko sila ng litrato na ipinakita sa lokal na telebisyon. Lubos kong pinahahalagahan ang puspusang pagsisikap at pananaliksik na kasangkot sa paglalaan ng mga magasin.
I. K., Estados Unidos
El Niño Nais ko kayong pasalamatan sa nakapagtuturong artikulo na “Ano ba ang El Niño?” (Marso 22, 2000) Sa totoo lamang, naririnig ko nang pinag-uusapan ng lahat ang tungkol sa El Niño noong 1998, at wala akong kaalam-alam hinggil dito. Buweno, inihatid ninyo ang paliwanag sa akin mismong pintuan! Ang artikulo ninyo’y maikli ngunit nakapagtuturo.
U. N., Estados Unidos