Pagharap sa mga Problema sa Prostate
Pagharap sa mga Problema sa Prostate
“Noong ako’y 54 na taóng gulang, naging madalas ang pag-ihi ko, na kung minsan ay tuwing 30 minuto. Dahil sa sintomas na ito ay kumonsulta ako sa doktor, at natuklasan ko na kailangan kong ipatanggal ang aking prostate.” Ang katulad na mga karanasan ay karaniwan sa mga klinika ng prostate sa palibot ng daigdig. Ano ang magagawa ng isang lalaki upang maiwasan niya ang mga sakit sa prostate? Kailan siya dapat kumonsulta sa doktor?
ANG PROSTATE ay isang glandula na hugis-walnut (nugales) na nasa ilalim ng pantog at bumabalot sa urethra (daanan ng ihi). (Tingnan ang ilustrasyon ng balakang ng lalaki.) Sa isang normal na adultong lalaki, tumitimbang ito ng 20 gramo at kadalasan ay may sukat na 4 na sentimetro ang kapal sa pinakagitna, 3 sentimetro ang sukat patayo, at 2 sentimetro pahalang. Ito ang gumagawa ng likido na bumubuo ng di-kukulangin sa 30 porsiyento ng semilya (semen). Ang likidong ito, na naglalaman ng citric acid, kalsiyum, at mga enzyme, ay malamang na nagpapabuti sa motility (kakayahang lumangoy) ng punlay (sperm) at sa kakayahang mag-anak. Karagdagan pa, kabilang sa likido na lumalabas mula sa prostate ang zinc, na ayon sa teoriya ng mga siyentipiko ay nagsasanggalang laban sa mga impeksiyon sa genital tract (daanan ng semilya).
Pagkilala sa May-Diperensiyang Prostate
Ang ilang mga sintomas sa balakang ng mga lalaki ang may kaugnayan sa sakit na pamamaga o tumor sa prostate. Ang prostatitis—pamamaga ng prostate—ay maaaring magdulot ng lagnat, hiráp na pag-ihi, at pananakit ng sacrum (bahagi ng vertebral column na tuwirang karugtong ng balakang) o ng pantog. Kapag ang prostate ay magang-maga, maaaring hindi makaihi ang pasyente. Kung ang pamamaga ay
dahil sa baktirya, ang sakit ay tinatawag na bacterial prostatitis, at ito’y maaaring panandalian lamang o namamalagi. Ito’y kadalasang nauugnay sa impeksiyon sa palaihian. Gayunman, sa nakararaming kaso, ang sanhi ng pamamaga ay hindi natutunton, at dahil dito ang sakit ay tinatawag na nonbacterial prostatitis.Ang karaniwang mga suliranin sa prostate ay ang dumadalas na pag-ihi, pag-ihi sa gabi, paghina ng daloy ng ihi, at ang pakiramdam na hindi lubusang nauubos ang laman ng pantog kahit matapos umihi. Kadalasang ipinahihiwatig ng mga sintomas na ito ang benign prostatic hyperplasia (BPH)—paglaki ng prostate na walang kinalaman sa kanser—na maaaring makaapekto sa mga lalaki na mahigit nang 40 taóng gulang. Ang posibilidad na magkaroon ng BPH ay tumataas kapag nagkakaedad. Ito’y masusumpungan sa 25 porsiyento ng mga lalaki na edad 55 at sa 50 porsiyento na edad 75.
Ang prostate ay maaari ring salakayin ng malignant (nakamamatay) na tumor. Kadalasan na, natutuklasan ang kanser sa prostate sa isang karaniwang pagsusuri, kahit na walang mga sintomas sa prostate. Sa mas malulubhang kaso, maaaring hindi nailalabas ang lahat ng ihi at may kasamang pamamaga ng pantog. Kapag kumalat na ang kanser sa iba pang mga sangkap, maaaring magkaroon ng pananakit ng likod, neurolohikal na mga sintomas, at pamamaga sa mga binti dahil sa pagkakabara ng lymphatic system. Sa isang kamakailang taon, ang Estados Unidos lamang ay nag-ulat ng halos 300,000 bagong kaso ng kanser sa prostate at 41,000 ang namatay dahil dito. Naniniwala ang mga siyentipiko na 30 porsiyento ng mga lalaki na nasa pagitan ng mga edad 60 at 69 at 67 porsiyento ng mga lalaking nasa pagitan ng 80 at 89 ang magkakaroon ng kanser sa prostate.
Sino ang Mas Malamang na Magkaroon Nito?
Isinisiwalat ng pananaliksik na ang tsansang magkaroon ng kanser sa prostate ay mabilis na lumalaki paglampas ng edad 50. Sa Estados Unidos, ang kanser na ito ay dalawang beses na mas karaniwan sa mga lalaking itim kaysa sa mga lalaking puti. Hindi pare-pareho ang dami ng kaso ng sakit na ito sa palibot ng daigdig, anupat mataas sa mga bansa sa Hilagang Amerika at Europa, katamtaman sa Timog Amerika, at mababa sa Asia. Ipinahihiwatig nito na ang mga pagkakaiba sa kapaligiran o sa pagkain ay maaaring may epekto sa pagdami ng kanser sa prostate. Kung ang isang lalaki ay mandarayuhan sa isang bansa kung saan
mas mataas ang posibilidad nito, ang panganib na magkaroon siya nito ay maaaring tumaas.Ang mga lalaking may mga kamag-anak na may kanser sa prostate ay mayroong mas mataas na posibilidad na magkaroon nito. “Nagiging doble ang panganib sa isang lalaki na magkaroon ng sakit na ito kung mayroon siyang ama o kapatid na lalaki na may kanser sa prostate,” ang paliwanag ng American Cancer Society. Ang ilan sa mga salik ng panganib ay edad, lahi, nasyonalidad, medikal na rekord ng mga miyembro ng pamilya, pagkain, at kawalan ng pisikal na gawain. Ang mga lalaking mamantika ang pagkain at palaupo ay mas malamang na magkaroon ng kanser.
Pag-iwas sa mga Sakit sa Prostate
Bagaman hindi pa rin alam ng mga siyentipiko kung ano talaga ang mga sanhi ng kanser sa prostate, naniniwala sila na maaaring may kinalaman ang mga salik sa henetiko at hormon. Mabuti na lamang, maaari nating kontrolin ang dalawang salik
ng panganib—ang pagkain at pagiging di-aktibo sa pisikal. Inirerekomenda ng American Cancer Society na “bawasan ang iyong pagkain ng matatabang karne at kumain ng mas maraming pagkaing galing sa mga halaman.” Inirerekomenda rin nito ang “pagkain ng mga prutas at mga gulay nang lima o higit pang ulit bawat araw” gayundin ang tinapay, binutil, pasta, iba pang mga produktong butil, kanin, at mga balatong. Ang mga kamatis, mga suha, at mga pakwan ay mayaman sa mga lycopene—mga antioxidant na tumutulong upang maiwasan ang pagkasira ng DNA at makatutulong na mabawasan ang panganib ng kanser sa prostate. Inaangkin din ng ilang dalubhasa na ang ilang partikular na mga halamang-gamot at mga mineral ay makatutulong.Naniniwala ang American Cancer Society at ang American Urological Association na ang maagang pagpapatingin sa prostate para maiwasan ang kanser ay makapagliligtas ng buhay. Ang paggamot ay mas malamang na magtagumpay kung ang kanser ay matutunton nang maaga. Iminumungkahi ng American Cancer Society na ang mga lalaki na mahigit 50, o mahigit 45 sa kaso niyaong mga nasa mga grupo na mataas ang panganib, ay magpatingin sa doktor taun-taon. *
Dapat ilakip sa pagsusuri ang prostate-specific antigen blood test (PSA). Ang antigen na ito ay isang protina na ginagawa ng mga selula ng prostate. Ang antas nito ay tumataas kapag may mga sakit sa prostate. “Kung hindi normal ang iyong pagsusuri sa PSA, hilingin mo sa iyong doktor na ipakipag-usap sa iyo ang mga panganib mong magkakanser at ang pangangailangan para sa karagdagang mga pagsusuri,” sabi ng American Cancer Society. Kabilang din ang isang digital rectal exam (DRE). Sa tumbong (rectum) ng pasyente, makakapa ng doktor ang anumang di-normal na bahagi sa glandula ng prostate, yamang ang glandulang ito ay nasa malapit sa bukana ng tumbong. (Tingnan ang ilustrasyon ng balakang ng lalaki sa pahina 20.) Makatutulong ang isang pagsusuri sa transrectal ultrasound (TRUS) “kapag ipinakita ng PSA o DRE na hindi normal ang prostate” at kailangang magpasiya ang doktor kung dapat niyang irekomenda ang isang biopsy sa glandula ng prostate. Ang pagsusuring ito ay tatagal ng mga 20 minuto.
Maliban sa pagtunton sa kanser sa prostate, maaaring matuklasan sa taunang pagsusuri ng palaihian ang BPH, na tinukoy kanina, sa maagang yugto na ito, na magpapahintulot sa hindi gaanong agresibong paggamot. (Tingnan ang kahon na “Mga Paggamot Para sa BPH.”) Ang paggawing malinis sa moral ay nagsasanggalang sa isang tao mula sa mga sakit na venereal, na maaaring magdulot ng prostatitis.
Talagang kailangang pangalagaan at ingatan ang iyong prostate. Isinalaysay ng lalaking binanggit kanina sa pasimula ng artikulong ito na siya ay lubusang gumaling mula sa kaniyang operasyon. Ayon sa kaniyang opinyon, “lahat ng lalaki ay kailangang sumailalim sa taunang pagpapatingin sa doktor bilang pag-iingat,” kahit na wala silang anumang sintomas.
[Talababa]
^ par. 13 Kung kabilang ka sa grupo na ganito ang edad, inaanyayahan ka na isaalang-alang ang kahon na “Indise ng mga Sintomas Para sa Benign Prostatic Hyperplasia (BPH).”
[Kahon sa pahina 21]
Indise ng mga Sintomas Para sa Benign Prostatic Hyperplasia (BPH)
Mga Tagubilin: Sagutin ang mga tanong sa ibaba sa pamamagitan ng pagbilog sa angkop na numero.
Ang mga katanungan 1-6 ay dapat sagutin ng:
0—Hindi man lamang
1—Wala pang isa sa limang beses
2—Wala pang kalahati ng pagkakataon
3—Halos kalahati ng pagkakataon
4—Mahigit sa kalahati ng pagkakataon
5—Halos palagi
1. Sa nakalipas na buwan, pagkatapos mong umihi, gaano mo kadalas nadama na hindi lubusang nasaid ang laman ng iyong pantog? 0 1 2 3 4 5
2. Sa nakalipas na buwan, gaano kadalas na kinailangan mong umihi muli nang wala pang dalawang oras pagkatapos mong umihi? 0 1 2 3 4 5
3. Sa nakalipas na buwan, gaano kadalas mong nasumpungan na patigil-tigil ang iyong pag-ihi? 0 1 2 3 4 5
4. Sa nakalipas na buwan, gaano mo kadalas nasumpungan na mahirap pigilin ang pag-ihi? 0 1 2 3 4 5
5. Sa nakalipas na buwan, gaano ka kadalas nagkaroon ng mahinang pag-ihi? 0 1 2 3 4 5
6. Sa nakalipas na buwan, ilang ulit mong kinailangang piliting umihi? 0 1 2 3 4 5
7. Sa nakalipas na buwan, sa katamtaman, ilang ulit mong kailangang bumangon para umihi, mula sa pagtulog hanggang sa paggising mo sa umaga? (Bilugan kung ilang ulit.) 0 1 2 3 4 5
Ang kabuuang bilang ng mga numerong binilugan ang iskor mo sa iyong sintomas sa BPH. Bahagya: 0-7, di-gaanong malubha: 8-19, malubha: 20-35.
[Credit Line]
Mula sa American Urological Association
[Kahon sa pahina 22]
Mga Paggamot sa BPH
◼ GAMOT: Maraming iba’t ibang gamot ang ginagamit, ayon sa mga sintomas ng bawat pasyente. Tanging ang doktor mo ang maaaring magreseta ng mga ito sa iyo.
◼ MAPAGBANTAY NA PAGHIHINTAY: Ang pasyente ay pana-panahong nagpapatingin sa doktor at hindi siya gumagamit ng gamot.
◼ PAGPAPAOPERA:
(a) Sa transurethral resection of the prostate (TURP), ipinapasok ng siruhano sa urethra ang isang instrumento (resectoscope) na mayroong electrical loop na humihiwa ng himaymay at nagsasara ng mga ugat ng dugo. Hindi kailangang hiwain ang balat. Tumatagal ito nang mga 90 minuto. Ang mga pamamaraang transurethral ay hindi masyadong masakit kaysa sa ibang paraan ng open surgery (pag-oopera na hinihiwa ang balat ng pasyente).
(b) Ang transurethral incision of the prostate (TUIP) ay katulad ng TURP. Gayunman, pinalalaki ng pamamaraang ito ang urethra sa pamamagitan ng ilang maliliit na hiwa sa dugtungan ng urethra patungong pantog at sa mismong glandula ng prostate.
(c) Ang open surgery ay ginagamit kapag ang pamamaraang transurethral ay hindi maaaring gamitin sapagkat ang prostate ay masyado nang lumaki. Ang open surgery ay nangangailangan ng paghiwa sa balat.
(d) Ang laser surgery ay ang paggamit ng mga laser upang durugin ang nakabarang himaymay ng prostate.
Ang pasyente ang kailangang gumawa ng panghuling pasiya kung aling paggamot, kung mayroon man, ang tatanggapin niya. Ang isang ulat kamakailan sa The New York Times ay nagsabi na ang ilang dalubhasa ay hindi nakatitiyak maging hinggil sa pagsusuri sa kanser sa prostate, lalo na sa may-edad na mga lalaki, sapagkat ito’y “maaaring isang sakit na mabagal kumalat na malayong magdulot ng namamalaging pinsala sa kalusugan, samantalang ang paggamot dito ay madalas na magdulot ng malulubhang epekto.”
[Kahon sa pahina 22]
Mga Katanungan na Maaari Mong Itanong sa Iyong Doktor Bago Magpaopera
1. Anong operasyon ang inirerekomenda ninyo?
2. Bakit kailangan kong magpaopera?
3. Mayroon bang mapagpipilian maliban sa pagpapaopera?
4. Ano ang mga bentaha ng pagpapaopera?
5. Ano ang mga panganib sa pagpapaopera? (Halimbawa, pagdurugo o pagkabaog)
6. Ano ang mangyayari kung hindi ako magpapaopera?
7. Saan ako makahihingi ng ikalawang opinyon?
8. Mayroon na ba kayong karanasan sa pagsasagawa ng operasyong ito nang walang pagsasalin ng dugo?
9. Saan gagawin ang operasyon? Iginagalang ba ng mga manggagamot at mga nars ng ospital na iyon ang karapatan ng pasyente hinggil sa mga pagsasalin ng dugo?
10. Anong uri ng anestisya ang kakailanganin ko? May karanasan ba ang anesthetist sa pag-oopera nang walang pagsasalin ng dugo?
11. Gaano katagal bago ako gumaling?
12. Magkano ang magagastos sa operasyon?
[Dayagram sa pahina 20]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Dayagram ng balakang ng lalaki
Pantog
Prostate
Tumbong
Urethra
[Larawan sa pahina 23]
Ang masustansiyang pagkain at katamtamang ehersisyo ay makatutulong sa pagpapababa ng panganib ng kanser sa prostate