Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Magastos na Bug

Nakahinga nang maluwag ang mga inhinyero ng computer nang ang karamihan sa mga sistema ng computer ay matagumpay na nakalampas mula 1999 tungo sa 2000. Inihula ng ilang mga tagasuri na maraming programa ng computer, na hindi nakakakilala sa pagkakaiba ng taóng 1900 at 2000 dahil sa isang pamamaraan sa pagprograma na nag-aalis sa unang dalawang numero ng mga petsa ng taon, ang biglang masisira at magdudulot ng iba’t ibang kaguluhan. (Tingnan ang Pebrero 8, 1999 na isyu ng Gumising!, pahina 21-3.) Upang maiwasan ito, nagtrabaho ang mga programmer upang ayusin ang mga sistemang may depekto bago ang kritikal na petsa. Gaano kalaki ang ginastos dito? Ayon sa isang artikulo sa pahayagang Pranses na Le Monde, tinaya ng isang grupo sa pananalapi ang halaga sa “pagitan ng 300 at 600 bilyong dolyar sa buong daigdig.” Gumastos ang Estados Unidos ng mga 100 bilyong dolyar; at ang Pransiya, 20 bilyong dolyar. Sa paghahambing, ang ginastos ng mga puwersang magkakaalyado sa Gulf War ay “nasa pagitan ng 46 at 60 bilyong dolyar.” Gayunman “mauulit ang kasaysayan . . . kasama ang magkakasunod na bagong mga problema sa numero na nauugnay sa computer na aalalahanin,” sabi ng The Wall Street Journal. Mabuti na lamang, “wala sa mga problemang ito ang malamang na magiging kasintindi ng Year 2000 Bug.”

Mga Problema sa Password

Gumugugol nang milyun-milyong dolyar taun-taon ang mga negosyo sa E.U. dahil sa kawalan sa produksiyon at sa pangangailangang maglaan ng teknikal na tulong bunga ng nalimutang mga password. “Noong nakalipas na dalawampung taon, ang kailangan lamang tandaan ng mga tao ay ang kanilang Social Security number at maaaring isa o dalawang numero ng telepono,” sabi ng The New York Times. Ngunit ngayon, naging karaniwan na para sa marami ang paggamit ng mga password upang mabuksan ang mga file sa computer at mga serbisyo ng E-mail sa trabaho. Sa katunayan, karaniwan lamang sa mga tao ang makapag-ipon ng dose-dosenang password, access code, at mga personal identification number. Isang administrador ng isang network ang iniulat na gumagamit ng 129 na password. Kaya naman pinapalitan na ng ilang kompanya ang mga sistemang gumagamit ng password ng mga fingerprint scanner at iba pang hi-tech na kagamitang panseguridad.

Ang Galit at ang Iyong Puso

“Ang mga taong magagalitin ay tatlong beses na mas malamang na atakihin sa puso kaysa roon sa mababagal magalit,” sabi ng isang ulat sa pahayagang Globe and Mail. Halos 13,000 katao ang nakibahagi sa isang anim-na-taóng pagtaya sa panganib ng sakit sa puso. Walang sakit sa puso ang lahat ng kalahok sa pasimula ng pagsusuri. Ang bawat isa ay binigyan ng mga serye ng katanungan at binigyan ng marka kung siya’y may mababa, katamtaman, o mataas na antas ng galit. Sa loob ng anim na taon, 256 ang inatake sa puso. Isiniwalat ng pagsusuri na yaong mga may katamtamang marka ay 35 porsiyento na mas malamang na magkaroon ng mga problema sa puso. Sinabi ng punong awtor ng pagsusuri, si Dr. Janice Williams ng University of North Carolina: “Maaaring magdulot ng atake sa puso ang galit, lalo na sa mga lalaki’t babae na nasa katamtamang edad na may normal na presyon ng dugo.” Kaya iminungkahi ng mga mananaliksik na isaalang-alang ng mga taong magagalitin ang paggamit ng mga pamamaraan upang makontrol ang kaigtingan.

Balita sa Paninigarilyo

“Pagkatapos ng isang siglong pagtaas sa bilang ng paninigarilyo, tinatalikuran na ng daigdig ang mga sigarilyo,” ulat ng isang Worldwatch Issue Alert. Mula 1990 hanggang 1999, bumaba ang paninigarilyo nang 11 porsiyento sa buong daigdig. Patuloy ang pagbaba na ito sa Estados Unidos sa loob ng halos dalawang dekada, na mas mababa pa sa 42 porsiyento ang nahihitit na sigarilyo sa Estados Unidos noong 1999 kaysa noong 1980. Binanggit ng ulat na ang mga dahilan ng pagbaba ay ang mga kampanya laban sa paninigarilyo, pagdami ng kaalaman hinggil sa mga panganib na nauugnay sa paninigarilyo, at ang mas mataas na mga presyo ng sigarilyo. Karagdagan pa, “ang bilang ng mga hinihitit na sigarilyo ng bawat tao ay bumaba nang 19 na porsiyento sa Pransiya sapol nang tumaas ito noong 1985, 8 porsiyento sa Tsina mula noong 1990, at 4 na porsiyento sa Hapon mula noong 1992,” sabi ng ulat.

Ipinagwawalang-Bahala ng mga Walang Seguro ang Sakit

Ipinakita ng isang pagsusuri kamakailan sa Estados Unidos na ang mga taong walang seguro sa pagpapagamot ay mas malamang na magwalang-bahala sa sakit at mas malayong magpatingin sa doktor, ulat ng Reuters news service. Ang pagsusuri, na unang inilathala sa Archives of Internal Medicine, ay salig sa impormasyong kinalap ng National Center for Health Statistics. Ipinakita ng pananaliksik na kahit nakakaramdam na ng malubhang sakit, tulad ng lumalabong paningin o paglitaw ng bukol sa suso, yaong mga walang seguro sa pagpapagamot ay mas malamang na hindi magpatingin sa doktor kaysa roon sa mga may seguro. Sinabi ng ulat: “Balintuna nga na samantalang naitatag ng ating bansa ang ‘Panukalang-Batas Para sa mga Karapatan ng Pasyente’ ay hindi pa rin natin naitatatag ang karapatan na maging isang pasyente.”

Zoo sa London Noong Edad Medya

Isiniwalat ng mga paghuhukay sa ilalim ng tanyag na Tower of London ang bagong mga detalye ng “isang edad medyang menagerie (koleksiyon ng mga hayop) kung saan naroon ang kakaiba at sari-saring hayop,” ulat ng The Sunday Times ng London. Sinasabi ng mga mananaliksik na may patotoo na 100 iba’t ibang uri ng hayop, tulad ng rhino, antelope, mga tigre, mga ostrich, mga ahas, at mga buwaya, ang itinatago noon sa ilalim ng tinatawag sa ngayon na West Tower. Matagal nang alam ng mga eksperto ang pag-iral ng zoo, ngunit nilinaw ang ilang punto ng bagong pagsasaliksik sa mga artsibo ng maharlika, unibersidad, at simbahan, kasama ang impormasyong nakuha sa paghuhukay. Itinatag ni Haring John ang menagerie noong mga 1210 at isinara ito noong 1835 nang magbukas ang London Zoo sa Regent’s Park. Pagkatapos ay inilipat ang ilang hayop sa bagong zoo, samantalang ang iba naman ay dinala sa Amerika. Tumagal nang gayon ang menagerie pangunahin na dahil sa interes ng magkakasunod na mga monarka at sa ipinapalagay na matatag na kalagayan ng bansa. Sinabi ni Geoffrey Parnell, punong tagapangasiwa sa artsibo sa Tower: “Maliwanag na ito ang pinakamatagal na palabas sa London, na nagsisilbing libangan kapuwa ng maharlika at ng karaniwang mga tao sa loob ng maraming siglo.”

Kagyat na Katarungan

Sinusubukan ng tatlong hukom sa estado ng Espírito Santo, Brazil, ang isang programa sa computer na dinisenyong tumulong sa pagbibigay ng kagyat na katarungan, ulat ng magasing New Scientist. Ang programa, na tinatawag na Electronic Judge, ay nasa isang laptop na computer. Kapag may naganap na aksidenteng hindi naman malubha, tinatawag ng mga pulis ang isang hukom at isang kawani ng hukuman sa lugar ng aksidente. Dinisenyo ang programa upang matulungan ang taong hukom na pagtimbang-timbangin ang ebidensiya at maglapat ng katarungan doon mismo sa lugar ng aksidente. Ginagawa iyan ng programa sa pamamagitan ng paghaharap sa hukom ng isang serye ng mga katanungan, tulad ng “Huminto ba ang drayber sa pulang ilaw?” o, “Nakainom ba ang drayber ng inuming de-alkohol nang higit sa itinakdang hangganan ng batas?” Pagkatapos ay iniimprenta nito ang desisyon nito at ang dahilan ng desisyon. Ayon sa New Scientist, ang programa ay maaari ring magpataw ng “mga multa, mag-utos na magbayad ng bayad-pinsala at magmungkahi pa nga ng mga sentensiya sa bilangguan.” Inaasahan na ang programang ito ng computer ay makatutulong sa mga taong hukom na maging mas mabisa at sa gayon ay makatutulong na mabawasan ang pasanin ng natatambakang legal na sistema ng Brazil.

Tubig Bilang Isang Insentibo sa Pagbebenta

Sinasamantala ng ilang negosyante sa India ang tagtuyot kamakailan upang makaakit ng mga mamimili. Nag-aalok sila ng libreng tubig na kasama sa pagbili ng pangunahing mga kagamitan sa bahay. Iniulat ng The Times of India na isang negosyante ang nangakong magbibigay ng 500 litrong tubig sa loob ng apat na araw bawat sanlinggo sa loob ng dalawang buwan ng tag-init sa sinumang bibili ng lutuan, repridyeretor, washing machine, o telebisyon. Isa pang tindahan ang nag-aalok ng ‘libreng tubig sa natitirang panahon ng tag-init’ kapag bumili ng isang repridyeretor o telebisyon. Yamang dinaranas ang isa sa pinakamalubhang tagtuyot kailanman, nasumpungan sa hilagang-kanlurang bahagi ng Estado ng Gujarat na ang tubig ay mas nakatatawag-pansin kaysa sa regalong ginto, pilak, o libreng mga pabakasyon. Sa lunsod ng Rajkot, sinasabi ng mga negosyante na dumami nang tatlong beses ang kanilang benta dahil sa pag-aalok ng tubig bilang insentibo.

Nalutas ang Misteryo ng Brilyante

Nabubuo ang pinakamatigas na likas na sangkap na kilala ng tao, ang brilyante, kapag sumailalim ang karbon sa matinding temperatura at puwersa. Ngunit ano ang nangyayari sa mismong brilyante kapag napasailalim sa matinding puwersa? Sinikap ng mga siyentipiko na sagutin ang tanong na iyan sa loob ng 40 taon​—iyan ay, hanggang kamakailan lamang. “Lumilitaw na kapag binigyan ng tamang puwersa sa angkop na mga anggulo,” ulat ng The Buffalo News, “ang kilalang likas na pinakamatigas na sangkap ay nagiging graphite, ang gayunding karbon . . . na pinagmulan nito.” Sinasabi ng mga siyentipiko na umaasa silang magagamit nila ang kanilang natutuhan sa kanilang mga eksperimento upang gumawa ng mas mahuhusay na kagamitan para sa brilyante.