Ang Kauna-unahan sa Nakalipas na Isang Daang Taon
Ang Kauna-unahan sa Nakalipas na Isang Daang Taon
Ang legal na karta ng Watch Tower Bible and Tract Society ay opisyal na itinala sa Pennsylvania, E.U.A., noong Disyembre 15, 1884. * Doon itinatag ang punong tanggapan ng samahang ito. Nang maglaon, noong Abril 23, 1900, nabili ang ari-arian para sa unang tanggapang pansangay sa London, Inglatera. Matatagpuan ito sa 131 Gipsy Lane, Forest Gate, sa East London, gaya ng makikita rito.
NANG itatag ang unang sangay na iyan, isang daang taon na ang nakalilipas, ang Inglatera ay may kabuuang 138 Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Makalipas ang dalawang taon, noong 1902, binuksan ang ikalawang sangay sa Alemanya; at pagsapit ng 1904, itinatag ang karagdagan pang mga sangay sa Australia at Switzerland.
Noong 1918, ang taóng nagwakas ang Digmaang Pandaigdig I, may 3,868 Estudyante ng Bibliya ang nag-ulat ng gawaing pangangaral sa buong daigdig. Nang sumunod na taon, ang ikalimang sangay ng Samahang Watch Tower ay itinatag—ito’y sa Canada. Pagkatapos, habang ang paghahayag ng mensahe sa Bibliya ay sumisigla, binuksan ang bagong mga sangay sa maraming iba’t ibang bansa, anim noon lamang 1921.
Noong 1931, nang tanggapin ng mga Estudyante ng Bibliya ang salig-sa-Bibliyang pangalan na mga Saksi ni Jehova, mayroon nang 40 tanggapang pansangay sa palibot ng daigdig. (Isaias 43:10-12) Sa loob ng sumunod na tatlong taon, ang bilang ay tumaas tungo sa 49! Noong 1938, may pinakamataas na bilang na 59,047 Saksi ang nangangaral sa 52 bansa, subalit noon ay nagbabanta na ang malupit na pagsalansang sa kanilang gawaing Kristiyano sa maraming lugar.
Habang lumalaganap ang pulitikal na totalitaryanismo at mga diktadura sa iba’t ibang bansa at nagsimula ang Digmaang Pandaigdig II noong Setyembre 1939, ang mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova ay ipinasara sa maraming bansa. Noong 1942, 25 na lamang ang nakabukas. Gayunman, kahanga-hanga na sa panahon ng pinakamapangwasak na digmaan sa kasaysayan ng tao, ang mga Saksi ni Jehova ay aktibo pa rin sa buong daigdig at tinamasa ang isa sa kanilang pinakamabibilis na pagsulong sa makabagong kasaysayan.
Kahit papatapos na ang Digmaang Pandaigdig II noong 1945—at nasa kagibaan ang maraming
bahagi ng daigdig—ang mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova ay muling nagbukas at nagtatag ng mga bago. Pagsapit ng 1946, mayroon nang 57 sangay sa buong daigdig. At ilan ang aktibong Saksi noon? Isang peak na 176,456! Halos tatlong ulit na mas marami iyan kaysa noong 1938!Kung Paano Pinalawak ang Unang mga Sangay
Noong 1911, ang unang sangay ng Samahang Watch Tower, sa London, Inglatera, ay inilipat sa 34 Craven Terrace, kung saan mas malaki ang lugar na magagamit para sa opisina at matutuluyan. Pagkatapos, noong Abril 26, 1959, inialay ang bagong mga pasilidad ng sangay sa Mill Hill, London. Nang maglaon, ang mga silid tuluyan ay pinalaki, at nang dakong huli (noong 1993), isang 18,500 metro kuwadrado na palimbagan at mga gusaling pampangasiwaan ang inialay malapit dito. Mahigit sa 90 milyong kopya ng Ang Bantayan at Gumising! ang nililimbag dito taun-taon sa 23 wika.
Ang pagpapalawak ng ikalawang sangay ng Samahan ay lalo pang kahanga-hanga. Noong 1923, ang sangay sa Alemanya ay inilipat sa Magdeburg. Ang The Watchtower ng Hulyo 15, 1923 ang kauna-unahang inimprenta sa sariling palimbagan ng Samahan doon. Nang sumunod na ilang taon, binili ang katabing ari-arian, dinagdagan ang mga gusali, at kumuha ng mga kagamitan sa bindery (pagtatahi at pagpapabalat ng aklat) at ng karagdagang mga palimbagan. Noong 1933, ipinasara ng mga Nazi ang sangay, pinagbawalan ang mga Saksi at, nang maglaon, dalawang libo sa kanila ang ipinadala sa mga kampong piitan.
Nang magwakas ang Digmaang Pandaigdig II noong 1945, ang ari-arian sa Magdeburg, na sakop noon ng Silangang Alemanya, ay ibinalik at ang sangay ay muling itinatag. Ngunit noong Agosto 30, 1950, sinalakay ng mga Komunistang pulis ang mga pasilidad at inaresto ang mga manggagawa, at ang mga Saksi sa Silangang Alemanya ay pinagbawalan. Samantala, noong 1947 ay nakabili ng ari-arian sa Wiesbaden, Kanlurang Alemanya. Noong sumunod na mga dekada, paulit-ulit na pinalaki ang mga gusali ng sangay na itinayo roon upang makaalinsabay sa pangangailangan sa literatura.
Dahil wala nang makuhang lugar para sa pagpapalawak sa Wiesbaden, mga 30 ektarya ang binili malapit sa Selters noong 1979. Pagkatapos ng
halos limang taóng pagtatayo, isang malaking sangay ang inialay noong Abril 21, 1984. Ito’y pinalawak pa mula noon, upang mabigyan ng lugar ang mahigit sa isang libong manggagawa sa sangay. Bawat buwan, mahigit sa 16 na milyong magasin sa mahigit na 30 wika ang iniimprenta sa malalaking palimbagang offset sa Selters; at sa isang taon na kamakailan lamang, mahigit sa 18 milyong aklat, kabilang na ang mga Bibliya, ang nagawa sa bindery.Iba Pang Malalaking Sangay na May Palimbagan
Unang itinatag ang isang sangay sa Kobe, Hapon, noong 1927, subalit napahinto ang kanilang gawain dahil sa matinding pag-uusig sa mga Saksi noong Digmaang Pandaigdig II. Gayunman, di-nagtagal matapos ang digmaan, ang sangay ay muling itinatag sa Tokyo. Nang wala nang makuhang karagdagang lugar para sa pagpapalawak doon, isang bagong sangay ang itinayo sa Numazu. Ito’y inialay noong 1973. Nang dagling sumikip ang mga pasilidad na ito dahil sa mabilis na pagsulong, nagtayo ng bagong malalaking pasilidad sa Ebina, at ang mga ito ay inialay noong 1982. Kamakailan lamang natapos ang pinalawak na mga pasilidad sa lugar na ito, na maaaring tuluyan ng 900 manggagawa, ay natapos na kamakailan. Sa wikang Hapon lamang, mahigit sa 94 na milyong kopya ng Ang Bantayan at Gumising! ang naimprenta noong 1999, at gayundin ang milyun-milyong aklat.
Ang pagpapalawak ng mga pasilidad ng sangay ay nagaganap din sa maraming bansa. Isang sangay ang itinatag sa Mexico City, Mexico, noong 1929. Pagkatapos, nang umabot ang bilang ng mga Saksi sa 60,000, isang maluwang na bagong pasilidad ang itinayo sa labas ng lunsod. Ito ay inialay noong 1974, at ang mga idinagdag dito ay natapos noong 1985 at 1989. Malapit na ngayong matapos ang isang malaking bagong pasilidad sa pag-iimprenta at karagdagang mga silid-tulugan. Bunga nito, di-magtatagal ay mapatutuloy na ng sangay sa Mexico ang 1,200 manggagawa. Ngayon pa lamang ay naglalaan na ang sangay ng mga magasin at mga aklat sa mahigit na 500,000 Saksi at sa milyun-milyong iba pang tao sa Mexico, gayundin naman sa mga taong naninirahan sa karatig na mga bansa.
Noong 1923 ay inorganisa ang isang tanggapang pansangay sa Rio de Janeiro, Brazil, at nang maglaon ay nagtayo roon ng magagandang bagong tuluyan. Yamang ang São Paulo ang sentro ng negosyo at transportasyon sa Brazil, itinayo ang isang bagong sangay sa lunsod na iyan noong 1968. Pagsapit ng kalagitnaan ng dekada ng 1970, halos 100,000 na ang mga Saksi sa Brazil. Gayunman, hindi na posible ang pagpapalawak pa sa São Paulo, kaya isang 115-ektaryang lote ang binili sa Cesário Lange, mga 150 kilometro sa labas ng São Paulo. Noong Marso 21, 1981, inialay ang mga pasilidad ng sangay sa bagong lugar na iyan. Dahil sa pagpapalawak sa lugar na ito, kayang mapatuloy ng sangay ang mga 1,200 katao. Ginagawa sa Brazil ang mga magasin at mga aklat para sa kalakhan ng Timog Amerika at gayundin para sa iba pang bahagi ng daigdig.
Isa pang malaking sangay na may palimbagan ang natapos noong unang mga taon ng 1990, malapit sa Bogotá, Colombia. Doon inililimbag ang mga magasing Bantayan at Gumising! para ipamahagi sa buong hilaga-kanlurang bahagi ng Timog Amerika.
Ang iba pang sangay na nag-iimprenta ng milyun-milyong magasin taun-taon ay nasa Argentina, Australia, Canada, Espanya, Finland, Italya, Korea, Nigeria, Pilipinas at Timog Aprika. Ang sangay sa Italya ay gumagawa rin ng milyun-milyong aklat bawat taon, kabilang na ang mga Bibliya, sa maraming wika. Sabihin pa, ang karamihan sa taunang produksiyon, na may bilang na mahigit sa 40 milyong aklat at mahigit sa isang bilyong magasin, ay isinasagawa pa rin sa punong tanggapan ng Watch Tower Bible and Tract Society sa Brooklyn, New York, gayundin sa imprentahan nito sa hilagang bahagi ng New York.
Tunay na kahanga-hanga na ang bilang ng mga tanggapang pansangay ay dumami mula isa, isang daang taon na ang nakalilipas, tungo sa 109 sa ngayon na nagsisilbi sa mga pangangailangan ng mga Saksi ni Jehova sa 234 na lupain. At isip-isipin na ang mga ito ay binubuo ng halos 13,000 naaalay na Kristiyanong boluntaryo! Tiyak, ang kanilang gawain kasama ng mahigit sa 5,500 boluntaryo na kaugnay sa punong tanggapan ng Samahan ay naging mahalaga sa katuparan ng hula ni Jesu-Kristo na ‘ang mabuting balitang ito ng Kaharian ng Diyos ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bago dumating ang wakas.’—Mateo 24:14.
[Talababa]
^ par. 2 Tinatawag noon na Zion’s Watch Tower Tract Society.
[Larawan sa pahina 17]
Si Tom Hart, na pinaniniwalaang ang kauna-unahang Estudyante ng Bibliya sa Inglatera
[Mga larawan sa pahina 18]
Ang sangay sa London sa 34 Craven Terrace (nasa larawan sa kanan)
[Mga larawan sa pahina 18]
Mga pasilidad na kasalukuyang ginagamit sa London