Edukasyon Ukol sa Buhay
Edukasyon Ukol sa Buhay
“Ang Bibliya ang pinakamahusay na patnubay sa sining ng pamumuhay.”—Thomas Tiplady, 1924.
HINDI kalabisang sabihin na ang buhay ay maaaring baguhin ng salig-sa-Bibliyang edukasyon. Nakapagdulot ito ng kabuluhan at pag-asa sa mga nakaranas ng kahungkagan at kawalan ng pag-asa. Isang nagsosolong magulang mula sa bansang Namibia ang sumulat sa sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Timog Aprika:
“Ako ay 29 na taóng gulang, at binasa ko ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas sa loob lamang ng dalawang araw. Lubhang naantig nito ang aking puso dahil talagang lungkot na lungkot ako. Namatay ang aking kasintahan sa isang aksidente sa kotse at naiwan sa akin ang aming dalawang anak. Labis kaming nagdurusa. Naiisip ko noon na mas makabubuti kung papatayin ko sila at pagkatapos ay magpapatiwakal ako. Ngunit nang mapasaakin ang aklat na ito, nagbago ang isip ko. Pakisuyong tulungan ninyo ako sa pamamagitan ng isang walang-bayad na pag-aaral sa Bibliya.”
Ang Bibliya ay isang giyang-aklat na maaaring tumulong sa mga tao na magtagumpay sa lahat ng larangan ng buhay—sa pakikipag-ugnayan sa kanilang pamilya, sa kanilang mga kamanggagawa, at sa mga tao sa pamayanan. (Awit 19:7; 2 Timoteo 3:16) Naglalaan ito ng tamang patnubay kung paano maitataguyod ang mabuti at kung paano maiiwasan ang masama. Ito ay isang aklat na makatotohanang tumatalakay sa buhay. Habang binabasa mo ito, masusumpungan mo na punô ito ng mga salaysay tungkol sa tunay na mga tao. Makikita mo kung ano ang nagpangyari na maging maligaya at kapaki-pakinabang ang buhay ng ilan at kung bakit masaklap at miserable naman ang sa iba. Magiging maliwanag sa iyo kung aling mga bagay ang kapaki-pakinabang at alin ang hindi.
Edukasyon Ukol sa Buhay Ngayon
Idiniriin ng Bibliya ang kahalagahan ng praktikal na karunungan. Sinasabi nito: “Karunungan ang pangunahing bagay. Magtamo ka ng karunungan.” (Kawikaan 4:7) Kinikilala rin nito na ang tao ay kadalasan nang nagkukulang ng karunungan, at kaya ipinapayo nito: “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat.”—Santiago 1:5.
Paanong ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, ay saganang nagbibigay ng karunungan? Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, anupat pinasisigla niya tayong basahin ito. Ang Diyos ay namamanhik: “Anak ko, kung tatanggapin mo ang aking mga pananalita at pakaiingatan mo sa iyo ang aking mga utos, upang magbigay-pansin sa karunungan . . . , mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos. Sapagkat si Jehova ay nagbibigay ng karunungan.” (Kawikaan 2:1, 2, 5, 6) Kapag ikinakapit natin ang payo na masusumpungan sa Salita ng Diyos at nakikita kung gaano ito kapraktikal, natatanto natin na talagang nagpapakita ito ng karunungan ng Diyos.
Kuning halimbawa ang tungkol sa kung paano makakayanan ang karukhaan. Inirerekomenda ng Bibliya ang kasipagan at nagbababala laban sa mga tunguhin na nag-aaksaya sa limitadong tinatangkilik. Kaya, ang mga bisyo na gaya ng paggamit ng tabako at pagpapakalabis sa inuming de-alkohol ay maliwanag na salungat sa mga simulain ng Bibliya.—Kawikaan 6:6-11; 10:26; 23:19-21; 2 Corinto 7:1.
Kumusta naman ang epektong maidudulot ng ating mga kasamahan sa ating buhay? Sinasabi ng Bibliya: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Napansin mo ba na ang panggigipit ng mga kasamahan ay madalas umakay sa mga tao—kapuwa bata at matanda—sa paglalasing, pag-aabuso sa droga, at imoralidad? Oo, kung makikisama tayo sa mga nagsasagawa ng gayong mga bagay, matutulad tayo sa kanila, gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1 Corinto 15:33.
Tiyak, tayong lahat ay nagnanais na maging maligaya. Subalit paano ito magiging posible? Natanto mo ba na sinasabi ng Bibliya na hindi naman laging mga bagay ang makapagpapaligaya sa atin kundi, sa halip, ang tamang mga saloobin at mga kaugnayan, lalo na ang isang mabuting kaugnayan sa Diyos? (1 Timoteo 6:6-10) Sinabi ni Jesu-Kristo, sa kaniyang tanyag na Sermon sa Bundok, na yaong tunay na maliligaya ay “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan,” “mahinahong-loob,” “nauuhaw sa katuwiran,” “maawain,” “dalisay ang puso,” at “mapagpayapa.”—Mateo 5:1-9.
Kapag pinag-iisipan mong mabuti ang mga turo ng Bibliya, mapahahalagahan mo kung paano makatutulong ang mga ito sa pagpatnubay sa ating buhay. Bilang pinagmumulan ng payo, ang Bibliya ay namumukod-tangi. Ang payo nito ay laging kapaki-pakinabang—hindi ito kailanman pala-palagay at hindi kailanman nakapipinsala sa atin. Yaong mga nagkakapit ng payo ng Bibliya ay laging nakikinabang.
Edukasyon Ukol sa Buhay
Gayunman, bukod sa pagiging kapaki-pakinabang sa atin mismo ngayon, ang Bibliya ay naglalaan ng pag-asa para sa buhay sa hinaharap. Inilalahad nito ang kamangha-manghang paglilinis sa lupa at ang pagpapabago rito tungo sa isang napakagandang tahanan para sa mga naglilingkod sa Diyos. Pansinin ang nakapagpapasiglang salaysay na ito tungkol sa hinaharap: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:3, 4; Kawikaan 2:21, 22.
Isip-isipin na lamang ito: Wala nang masasakiting bata, wala nang magugutom, wala nang nakatatakot na mga sakit na sumasaid sa lakas ng katawan, wala nang napakatinding kirot! Ang mga luha ng pagkabigo, pagkasiphayo, at pagdadalamhati ay mapaparam na, yamang ang mga kalagayan na nagiging sanhi ng gayong mga bagay ay babaguhin o aalisin. Yamang ang mga taong nagkukusang maging balakyot ay pupuksain ng hukbo ng mga anghel ng Diyos, hindi na iiral ang mga magnanakaw, mamamatay-tao, mga sinungaling, at ang iba pa na nag-aalis ng katiwasayan sa buhay. Magkakaroon na ang mga tao ng sarili nilang tahanan at tiwasay na masisiyahan sa mga ito.—Isaias 25:8, 9; 33:24; 65:17-25.
Maganda bang pakinggan ito para sa iyo? Gusto mo bang matuto nang higit tungkol sa pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya upang ikaw mismo ay makinabang ngayon at sa hinaharap? Kung oo, pakisuyong makipag-alam sa mga Saksi ni Jehova, at malulugod silang isama ka at ang iyong pamilya sa kanilang pangglobong programa sa “edukasyon ukol sa buhay.”