Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Huntington’s Disease Dapat kong ipahayag ang aking taimtim na pasasalamat para sa artikulong “Huntington’s Disease​—Pag-unawa sa Henetikong Trahedya.” (Marso 22, 2000) Sa loob ng 20 taon, inalagaan ko ang aking asawang lalaki na may ganitong sakit. Ang isang artikulong tulad nito, na isinulat taglay ang kabatiran at kaunawaan sa mga pangangailangan at damdamin ng iba, ay malugod na tatanggapin ng marami.

N. G., New Zealand

Salamat sa artikulo. Mas simple ang paliwanag ninyo kaysa sa paliwanag ng aming doktor. Nasuri na may Huntington’s Disease [HD] ang aking nanay mga tatlong taon na ang nakalipas. Napakasakit na makita siyang nahihirapang magsalita, kumain, at lumakad. Ang isang bagay na hindi ninyo nabanggit ay na ang memorya na imbakan ng matatagal nang alaala ay tila mas nananatili kaysa sa memorya na imbakan ng kamakailang mga pangyayari. Kaya ang pakikipag-usap tungkol sa matatagal nang mga kaibigan o pagpapakita ng mga lumang larawan sa isa na may malubhang HD ay makatutulong at makaaaliw.

J. M., Estados Unidos

Ang aking asawang lalaki ay nasuring may Huntington’s disease mga apat na taon na ang nakalipas. Mga isang taon at kalahati na ang nakaraan, sumulat ako sa mga tagapaglathala ng Gumising! at humingi ng tulong hinggil sa paksang ito. Nang makita ko ang artikulong ito, napaiyak ako dahil sa kaginhawahan at kagalakan.

D. B., Estados Unidos

Pagpapasa ng Hepatitis Tila may mali sa artikulong “Pinakapangkaraniwang Impeksiyon na Nakukuha sa Dugo” sa “Pagmamasid sa Daigdig” ng Abril 22, 2000. Sinabi ninyo na ang hepatitis C virus [HCV] ay pangunahin nang naipapasa sa pamamagitan ng seksuwal na pagtatalik o sa pamamagitan ng nahawahang dugo. Sa katunayan, hindi pangkaraniwan ang pagpapasa sa pamamagitan ng pagtatalik at nagaganap lamang ito sa pantanging mga kalagayan, gaya ng kapag may regla.

C. A., Pransiya

Maaaring nakapagbigay ng maling impresyon ang maikling artikulo, yamang lumilitaw na ang seksuwal na pagtatalik ay tila walang malaking papel sa pagpapasa ng hepatitis C na kung ihahambing sa pag-iiniksiyon ng mga gamot. Ayon sa “Harvard Health Letter” ng Pebrero 1996, ang mga asawa ng mga positibo sa HCV ay hindi gaanong mahahawahan o walang panganib na mahawahan. Gayunman, iniulat ng isang artikulo sa Agosto 19, 1999, isyu ng “The New England Journal of Medicine” may kinalaman sa pagiging laganap ng impeksiyon ng HCV sa Estados Unidos mula 1988 hanggang 1994: “Ang pinakamatibay na mga salik na bukod na nauugnay sa impeksiyon ng HCV ay ang ilegal na paggamit ng droga at ang lubhang mapanganib na seksuwal na paggawi.” Sinabi rin nito: “Bagaman ang pagpapasa ng HCV sa pamamagitan ng seksuwal na gawain ay maaaring hindi mabisa, . . . ang malaking bilang sa populasyon ng mga taong malubhang nahawahan ay naglalaan ng maraming pagkakataon na malantad sa mga taong may iba’t ibang seksuwal na katalik.”​—ED.

Pagpapabutas sa Katawan Salamat po sa inyong artikulo na “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Kumusta Naman ang Pagpapabutas sa Katawan?” (Marso 22, 2000) Ako po ay 16 na taóng gulang at matagal nang nag-iisip hinggil sa pagpapabutas sa aking katawan. Bagaman tinanong ko na po ang ilang tao tungkol sa kanilang pangmalas hinggil dito, hindi pa rin ako makapagpasiya. Gayunman, ang maliwanag at nakapagtuturong artikulo ay nakatulong po sa akin na matanto na ang pagpapabutas sa katawan ay maliwanag na hindi para sa akin, kahit na ito ay napakapopular.

E. C., Inglatera

Bilang dating mang-aawit sa isang bandang punk rock, nasumpungan kong napapanahon ang inyong artikulo hinggil sa pagpapabutas sa katawan. Talagang kakatwa nga na sinisikap ng mga tao na maging kakaiba sa pamamagitan ng pagsunod sa pinakabagong mga kausuhan!

F. S., Estados Unidos

Moralidad Kahapon ay nabasa ko ang serye ng mga artikulo na “Ano Na ang Nangyari sa Moral?” (Abril 8, 2000) Tunay ngang nakapagpapamulat sa katotohanan! Ipinakita ng seryeng ito kung gaano kasuklam-suklam ang kasalanan. Ang totoo, bago ako naging isa sa mga Saksi ni Jehova, napakaimoral kong tao. Hanggang ngayon ay pinaglalabanan ko pa rin ang matitinding nasa ng laman. Gayunman, sa pamamagitan ng pag-ibig at pangangalaga ni Jehova, tulong ng maibiging matatanda, suporta ng aking Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae, at mga artikulong gaya nito, nananaig na ako ngayon sa labanang ito.

J.C.P., Estados Unidos