Nakatulong sa Kanila ang mga Tulip Upang Makaligtas
Nakatulong sa Kanila ang mga Tulip Upang Makaligtas
NOONG mga huling buwan ng Digmaang Pandaigdig II sa Europa, isang barikada ng Nazi ang pumigil sa lahat ng kargamento ng pagkain na dumaraan sa mga daanan ng tubig patungo sa pangunahing mga lunsod sa kanluran ng Netherlands. Kalunus-lunos ang mga epekto nito, gaya ng mapatutunayan ng maraming nakaligtas sa panahong iyon.
Ang isang tao ay karaniwan nang nangangailangan ng mga 1,600 hanggang 2,800 calorie bawat araw. Ngunit noong Abril 1945, ang ilan sa mga naninirahan sa Amsterdam, Delft, The Hague, Leiden, Rotterdam, at Utrecht ay nabubuhay na lamang sa araw-araw na rasyon na katumbas ng mula 500 hanggang 600 calorie bawat araw. Pinaniniwalaang bunga nito, sa panahon ng Taglamig ng Gutom noong 1944/45, di-kukulangin sa 10,000 sibilyan ang namatay dahil sa malnutrisyon.
Ayon sa nakaligtas na si Susan Monkman, bumaling ang kaniyang pamilya sa pagkain ng mga ulo ng tulip. “Ang mga ulo ng tulip ay talagang napakatalas,” ang sabi ni Monkman. “Hindi lumalambot ang mga ito gaano man ito katagal pakuluan. Gayunpaman ay masaya naming nginunguya ang mga ito nang dahan-dahan at maingat. Pagkatapos ay nanakit ang mga lalamunan namin dahil dito sa loob ng maraming araw.” Upang maibsan ang pangangati, ilang karot o sugar beet, kung may makukuha, ang inihahalo sa mga ulo ng tulip.
Ang 100 gramo ng ulo ng tulip ay nagtataglay ng mga 148 calorie, 3 gramo ng protina, 0.2 gramo ng taba, at 32 gramo ng carbohydrate. Kaya, ang masama ang lasa na pagkaing ulo ng tulip ay maaaring nakatulong upang makaligtas ang maraming taga-Netherlands mula sa pagkagutom.
Ang kakila-kilabot na kalupitan ng tao sa kapuwa tao, na ang mga halimbawa nito ay hindi malilimutan ng marami, ay naglalarawan kung gaano katindi ang pangangailangan ng sangkatauhan na matupad ang pangako ng Bibliya: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa pangako [ng Diyos], at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Internationaal Bloembollen Centrum, Holland