Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Ngayon Makakayanan ang Pag-iwan sa Amin ni Itay?

Paano Ko Ngayon Makakayanan ang Pag-iwan sa Amin ni Itay?

“Mahirap ang lumaki nang wala ang aking itay. Kaunting pansin lamang naman ang gusto ko.”​—Henry. *

SI Joan ay 13 taóng gulang noon nang umalis ang kaniyang ama sa kanilang tahanan. Yamang lubhang nalulong sa pag-inom ng alak, bihirang makipag-ugnayan ang ama sa kaniyang mga anak pagkatapos niyang umalis. Nakalulungkot sabihin, hindi lamang si Joan ang ganiyan; maraming kabataan ang iniwan ng kanilang mga ama.

Kung nangyari ito sa iyo, maaaring masumpungan mong napakahirap na makayanan ito. Sa pana-panahon ay maaari kang madaig ng paghihirap ng damdamin at galit. Kung minsan ay maaari kang malungkot o manlumo. Baka matukso ka pa nga na magrebelde. Tulad ng sinabi minsan ng manunulat ng Bibliya na si Solomon, “sa paniniil ay napakikilos na parang baliw ang marunong.”​—Eclesiastes 7:7.

‘Kumikilos na Parang Baliw’

‘Kumilos na parang baliw’ si James pagkatapos na umalis ang kaniyang ama sa tahanan nila. Sinabi ni James: “Hindi ako nakinig sa kaninumang awtoridad, kahit na sa aking inay. Napasabak ako sa maraming away. Lagi akong nagsisinungaling at palihim na umaalis sa gabi dahil walang sinuman ang dumidisiplina sa akin. Sinikap ni inay na pahintuin ako, ngunit hindi niya ito magawa.” Pinabuti ba ng pagrerebelde ang situwasyon ng buhay ni James? Hindi. Sinabi ni James na di-nagtagal, siya ay “nag-eksperimento sa droga, lumiliban sa paaralan, at bumabagsak sa paaralan.” Di-nagtagal at lumubha ang kaniyang masamang paggawi. “Nagnakaw ako sa mga tindahan,” inamin niya, “at nangholdap rin ako ng mga tao. Dalawang beses akong naaresto at nabilanggo sa loob ng sandaling panahon, ngunit hindi iyan nakapigil sa akin.”

Nang tanungin kung bakit napakarebelyoso niya, sinabi ni James: “Dahil wala ang aking ama, wala akong disiplina. Hindi ko talaga inisip kung gaano ko nasasaktan ang aking inay, ang aking nakababatang kapatid na lalaki at babae, at maging ang aking sarili. Hinangad ko ang kalinga at disiplina ng aking itay.”

Ngunit pinalalala lamang ng pagrerebelde ang isang malubhang situwasyon. (Job 36:18, 21) Halimbawa, si James ay nagdulot ng mga problema hindi lamang sa kaniyang sarili kundi pati na rin sa kaniyang ina at mga kapatid, na dumanas ng di-kinakailangang igting at hirap. Mas malubha pa riyan ang katotohanan na ang rebelyosong paggawi ay nakapagdudulot ng di-pagsang-ayon ng Diyos mismo. Tutal, inutusan ni Jehova ang mga kabataan na maging masunurin sa kanilang ina.​—Kawikaan 1:8; 30:17.

Pagdaig sa Galit

Kung gayon, paano mo makakayanan ang galit at kapaitan na maaaring madama mo sa iyong ama? Una sa lahat, baka kailangan mong ipaalaala sa iyong sarili na hindi mo kasalanan ang pag-alis ng iyong ama. Ni nangangahulugan man ito na hindi ka na niya mahal o pinagmamalasakitan. Sabihin pa, maaaring masakit kapag ang isang ama ay hindi gaanong tumatawag o dumadalaw. Ngunit gaya ng ipinakita ng naunang artikulo sa seryeng ito, * maraming umalis na ama ang hindi nakikipag-ugnayan sa kanilang mga anak, hindi dahil sa hindi nila mahal ang mga ito, kundi dahil sa sila’y lubos na nakokonsiyensiya at nahihiya. Ang iba, tulad ng ama ni Joan, ay nalulong sa droga o sa alak, at sinisira nito ang kanilang kakayahang kumilos nang normal.

Anuman ang situwasyon, pagsikapang tandaan na hindi sakdal ang iyong mga magulang. Ipinahahayag ng Bibliya: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23; 5:12) Totoo, hindi ito katuwiran sa nakasasakit o iresponsableng paggawi. Ngunit ang pagkilala sa katotohanan na tayong lahat ay likas na di-sakdal ay magpapadali sa iyo na pawiin ang nakapipinsalang galit at kapaitan.

Ang sinasabi sa Eclesiastes 7:10 ay makatutulong sa iyo na pakitunguhan ang galit at kapaitan na nadarama mo sa iyong mga magulang. Pansinin kung paano ito nagbababala laban sa pagtutuon ng pansin sa nakaraan: “Huwag mong sabihin: ‘Bakit nga ba ang mga araw noong una ay mas mabuti kaysa sa mga ito?’ sapagkat hindi dahil sa karunungan kung kaya ka nagtanong tungkol dito.” Samakatuwid, sa halip na balik-balikan ang takbo ng mga bagay-bagay noon, makabubuti na pag-isipan kung ano ang pinakamagaling na magagawa sa iyong situwasyon.

Pagkukusa

Halimbawa, maaari mong isaalang-alang na magkusa sa pakikipag-ugnayan sa iyong ama. Totoo, siya ang nang-iwan sa iyo at baka makatuwiran na madama mo na siya ang may pananagutan na magkusa. Ngunit kung hindi niya gawin iyon at ang hindi pakikipag-ugnayan sa kaniya ay nagpapalungkot at nagpapalumbay sa iyo, hindi kaya sulit na sikapin mo mismo na mapabuti ang situwasyon? Isaalang-alang kung paano pinakitunguhan ni Jesu-Kristo ang mga bagay-bagay nang saktan siya ng ilan sa kaniyang mga kaibigan. Noong huling gabi ng kaniyang buhay bilang tao, iniwan siya ng kaniyang mga apostol. Nagyabang si Pedro na mananatili siyang kasama ni Jesus anuman ang mangyari. Ngunit, itinatwa ni Pedro si Jesus​—hindi lamang minsan kundi tatlong beses!​—Mateo 26:31-​35; Lucas 22:54-62.

Magkagayon man, patuloy na inibig ni Jesus si Pedro sa kabila ng mga pagkukulang nito. Pagkatapos ng pagkabuhay-muli ni Jesus, nagkusa si Jesus na muling patibayin ang kanilang kaugnayan sa pamamagitan ng isang pantanging pagpapakita kay Pedro. (1 Corinto 15:5) Kapansin-pansin, nang tanungin ni Jesus si Pedro, “Iniibig mo ba ako?” Ang tugon ni Pedro ay “Oo, Panginoon, alam mo na may pagmamahal ako sa iyo.” Sa kabila ng kaniyang kahiya-hiyang mga paggawi, inibig pa rin ni Pedro si Jesus.​—Juan 21:15.

Gaya ng nangyari kina Pedro at Jesus, baka ang situwasyon sa iyong ama ay hindi naman walang pag-asa gaya ng inaakala mo. Baka tutugon siya kung ikaw ang magkukusa tulad ng pagtawag sa kaniya sa telepono, pagsulat ng liham, o pagdalaw sa kaniya. Naalaala ni Henry, na binanggit sa pasimula: “Sumulat ako kay itay nang isang beses, at sinulatan din niya ako na sinasabing ipinagmamalaki niya ako. Ipinakuwadro ko ang liham na iyon at inilagay ko sa aking dingding sa loob ng maraming taon. Nasa akin pa rin ang liham na iyon hanggang sa ngayon.”

Nagkusa rin sina Joan at ang kaniyang mga kapatid na dalawin ang kanilang amang alkoholiko. “Hindi maganda ang kaniyang kalagayan,” inamin ni Joan, “ngunit mabuti pa rin na makita siya.” Baka ang pagkukusa ay makapagdulot ng mabuting resulta para sa iyo. Kung sa una ay walang pagtugon, baka nanaisin mong palipasin muna ang ilang panahon at pagkatapos ay sumubok muli.

Kung Paano Makakayanan ang Pait ng Pagtatakwil

Ipinaaalaala sa atin ni Solomon na may “panahon ng paghanap at panahon ng pagtanggap sa pagkawala.” (Eclesiastes 3:6) Kung minsan, dapat na harapin ng isang kabataan ang masaklap na katotohanan na ayaw nang makipag-ugnayan ang kaniyang ama sa kaniyang mga anak. Kung totoo ito sa iyong ama, baka isang araw ay matatanto niya kung gaano kalaki ang nawala sa kaniya sa pagkabigong mapanatili ang ugnayan ninyo.

Gayunman, samantala ay magtiwala ka na ang pagtakwil niya sa iyo ay hindi nangangahulugan na ikaw ay walang halaga. Sinabi ng salmista sa Bibliya na si David: “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.” (Awit 27:10) Oo, lubhang mahalaga ka pa rin sa paningin ng Diyos.​—Lucas 12:6, 7.

Kaya kung ikaw ay nasisiphayo o nanlulumo, lumapit ka sa Diyos sa panalangin. (Awit 62:8) Sabihin mo sa kaniya ang eksaktong nadarama mo. Magtiwala na pakikinggan at aaliwin ka niya. Isa pang salmista sa Bibliya ang sumulat: “Nang ang aking mga nakababalisang kaisipan ay dumami sa loob ko, ang iyong mga pang-aaliw ay nagsimulang humaplos sa aking kaluluwa.”​—Awit 94:19.

Ang mainit na pakikipagsamahan sa mga kapuwa Kristiyano ay makatutulong din sa iyo na pakitunguhan ang gayong pagtatakwil. Sinasabi ng Kawikaan 17:17: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” Makasusumpong ka ng gayong tunay na mga kaibigan sa loob ng Kristiyanong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Maaaring lalo nang makatutulong na makilala ang ilan sa mga tagapangasiwa sa kongregasyon. Ang nakababatang kapatid na lalaki ni Joan na si Peter ay nagbigay ng ganitong payo: “Makipag-usap sa mga may-edad sa kongregasyon, at malaki ang maitutulong nila. Kung iniwan ka ng iyong ama, ipaalam sa kanila ang iyong nadarama.” Maaari ring magbigay ang mga tagapangasiwa sa kongregasyon ng ilang praktikal na mungkahi hinggil sa pagbalikat sa ilan sa mga pananagutan na dating ginagawa ng iyong ama, tulad ng pagkukumpuni sa bahay.

Maaari ring pagmulan ng suporta ang iyong ina. Totoo, maaaring dumaranas din siya ng paghihirap ng damdamin. Ngunit kung may paggalang mong ipahahayag ang iyong damdamin, walang alinlangan na gagawin niya ang kaniyang buong makakaya upang tumugon.

Suportahan ang Iyong Pamilya!

Makaaapekto sa iyong pamilya ang paglisan ng iyong ama sa ilang paraan. Maaaring magtrabaho ang iyong ina​—baka kumuha pa nga ng dalawang trabaho​—upang makaraos. Baka kailangang balikatin ninyong magkakapatid ang higit pang pananagutan sa bahay. Ngunit makakayanan mo ang gayong mga pagbabago kung nililinang mo ang walang imbot na pag-ibig Kristiyano. (Colosas 3:14) Makatutulong ito sa iyo na mapanatili ang isang positibong saloobin at mapawi ang hinanakit. (1 Corinto 13:4-7) Sabi ni Peter: “Ang pagtulong sa aking pamilya ay siyang nararapat na gawin, at nasisiyahan ako na malaman na nakatutulong ako sa aking ina at mga ate.”

Walang alinlangan na ang pag-alis ng ama sa tahanan ay isang nakapanlulumo at masakit na pangyayari. Ngunit makatitiyak ka na sa tulong ng Diyos at sa tulong ng maibiging mga kaibigang Kristiyano at kapamilya, ito ay makakayanan mo at ng iyong pamilya. *

[Mga talababa]

^ par. 3 Binago ang mga pangalan.

^ par. 11 Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Kami Iniwan ni Itay?” sa aming isyu ng Nobyembre 22, 2000.

^ par. 27 Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa pamumuhay sa isang sambahayan na may nagsosolong magulang, tingnan ang mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” na lumitaw sa mga isyu ng Disyembre 22, 1990, at Marso 22, 1991.

[Mga larawan sa pahina 26]

Ang ilang kabataan ay nagkusang makipag-ugnayan sa kanilang ama