Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Ang Pinakamabilis Lumaking Negosyo ng Krimen
Ang ilegal na pangangalakal ng mga tao “ang siyang pinakamabilis lumaking negosyo ng mga kriminal sa daigdig,” sabi ni Pino Arlacchi, pangkalahatang direktor ng United Nations Office for Drug Control and Crime Prevention. Ayon kay G. Arlacchi, tinataya na may 200 milyong tao ang kontrolado ng mga ilegal na mangangalakal. Samantalang 11.5 milyong tao ang kinuha mula sa Aprika sa loob ng 400 taon ng pang-aalipin, mahigit na 30 milyong babae at mga bata naman ang dinala at kinuha sa Timog-silangang Asia nito lamang nakaraang dekada. Ang karamihan ay ginagamit upang magtrabaho sa mga pagawaan nang may mabababang sahod o para sa seksuwal na mga layunin. Iminumungkahi ni G. Arlacchi na ang mga batas laban sa pang-aalipin ay muling ibalik ng mga pamahalaan na hindi na nagpapatupad nito.
Pagpapahirap at Kalupitan sa Europa
Ang “pagkamatay sa panahon ng sapilitang pagkatapon, pagpapahirap sa bilangguan, sistematikong kalupitan ng pulisya, at etniko at relihiyosong paniniil” ay kabilang sa mapapansing mga pang-aabuso sa mga karapatang pantao sa Europa, ulat ng isang balitang inilabas ng Amnesty International. “Bagaman maraming tao sa Europa ang nagtatamasa ng mga pangunahing karapatang pantao, ang ilan, lakip na ang mga naghahanap ng kanlungan at ang mga etniko at relihiyosong minorya, ay patuloy na nakararanas ng isang aspekto ng Europa na salungat sa larawan nito bilang isang tanggulan ng karapatang pantao at kalayaan,” sabi ng balita. “Kitang-kita ito sa paglaganap at pagdalas ng mga paratang sa kalupitan ng pulisya. Mula sa United Kingdom hanggang sa Azerbaijan, ang mga tao ay dumanas ng . . . malupit, di-makatao o mapanghamak na pagtrato sa kamay ng mga pulis.” Yaong mga may sala ay madalas na hindi nahahatulan, ang sabi ng organisasyon. Binanggit nito ang sumusunod na halimbawa: “Noong Hulyo [1999], nasumpungan ng European Court of Human Rights na ang Pransiya ay lumabag sa mga pandaigdig na pamantayan sa pagpapahirap at makatarungang mga paglilitis” sa kaso ng isang nandayuhan na hinuli ng mga pulis. “Sa pagtatapos ng taon, ang mga akusadong pulis ay nasa kanilang puwesto pa rin,” dagdag ng ulat.
Dapat na Igalang ang mga May-Edad Na
Ipinakita ng isang anim-na-buwang pag-aaral na ang pagsasalita na katulad ng bata ay madalas na ginagamit sa mga nursing home. Gayunman, ang gayong pakikipag-usap sa mga may-edad na ay hindi lamang nakapag-aalis ng kanilang dignidad kundi nakapipinsala rin sa kanila, ulat ng pangkalusugang newsletter na Apotheken Umschau sa Alemanya. Ang gayong kawalan ng paggalang ay iniuulat na may nakapipinsalang epekto sa kalusugan. Sinabi ni Christine Sowinski ng German Association of Elderly Care: “Kapag higit na nawawala ang paggalang sa mga may-edad na, mas maagang humihina ang kanilang katawan at isip.” Iminumungkahi niya na alisin ang mapanlait at pambatang mga salita sa mga rutin ng pangangalaga, “yamang ang saloobin sa likod nito ay maaapektuhan ng paraan ng pagsasalita.”
Mas Mahaba ang Buhay ng mga Relihiyosong Tao?
“Ang regular na pakikibahagi sa mga relihiyosong gawain ay may malapit na kaugnayan sa pagkakaroon ng mas mabuting kalusugan sa pisikal at mas mahabang buhay, ayon sa isang estadistikang pagsusuri ng 42 magkakabukod na mga pag-aaral na inilathala mula noong 1977 na tumalakay sa isyung ito,” sabi ng Science News. “Ipinakita ng estadistika na ang pakikibahagi sa relihiyon, lalo na ang uring pampubliko, ay may malaking kaugnayan sa mataas na bilang ng mga mas matagal ang buhay, sabi ng mga siyentipiko.” May ilang dahilan na sinasabing siyang sanhi ng mga resulta ng pag-aaral—ang pag-iwas sa mapanganib na mga paggawi, katatagan sa pag-aasawa, hindi gaanong nanlulumo sa mga bagay na hindi tuwirang kontrolado, mas malawak na pakikipag-ugnayan sa lipunan, at positibong mga emosyon at saloobin. Isang ulat ang may ganitong konklusyon: “Nasumpungan sa ngayon na ang madalas na pagdalo sa mga relihiyosong pagpupulong . . . ay nauugnay sa mahabang buhay, partikular na sa mga babae. Iniulat na ang mga regular na dumadalo sa mga relihiyosong pagpupulong . . . ay may mas malaking suporta mula sa iba, hindi gaanong nanlulumo, at mayroong mas mahusay na kinaugalian sa kalusugan.”
Umabot na sa Isang Bilyon ang Populasyon ng India
Noong Mayo 11, 2000, sinasabi na ang populasyon ng India ay umabot na sa isang bilyon. Gayunman, ipinaliwanag ng Associated Press: “Mahirap pagpasiyahan kung kailan naabot ng India ang bilang na 1 bilyon sapagkat ito ay isang bansa na doo’y 42,000 bata ang ipinanganganak bawat araw at kakaunti ang medikal na mga rekord.” Bilang resulta ng paglaki ng populasyon, dumami ang mga nagugutom at ang mga di-marunong bumasa at sumulat, sa kabila ng malalaking pagsulong na ginawa sa produksiyon ng
pagkain at edukasyon. Bagaman milyun-milyon ang nabubuhay sa karukhaan, ang isang batang ipinanganak ay itinuturing na isang potensiyal na susuweldo, isa na makapagtatrabaho at makatutulong sa pagsapat sa mga pangangailangan ng kanilang pamilya.Hinadlangan ng mga Sinikap Niyang Sagipin
“Isang magdaragat na taga-California na nagsimulang maglayag nang mag-isa patawid sa Pasipiko at nagbuhos ng pansin sa pagsagip sa mga balyena ang tumigil sa kaniyang paglalayag . . . pagkatapos na mapaharap sa dalawang balyena,” ulat ng The New York Times. Ang magdaragat, si Michael Reppy, ay naglayag mula San Francisco patungong Yokohama, Hapon. Gusto niyang makagawa ng isang rekord sa oras na ginagamit ang kaniyang 18 metrong bangkang pangkarera, na Thursday’s Child, “upang ipaalam sa madla ang kalagayan ng mga hinuling balyena.” Ngunit sa unang araw ng kaniyang paglalayag, dalawang balyena ang “mabilis na dumaan,” anupat naging mahirap na kontrolin ang bangka. “Nasumpungan niyang nawala ang ibabang bahagi ng timon, na malamang na nasagi ng isa sa mga dumaang balyena,” sabi ng Times. Ang isang naunang pagtatangka noong 1997 “na bigyan ng pansin ang kalagayan ng mga hayop sa dagat” ay nagwakas nang bumaligtad ang kaniyang bangka mga 500 kilometro mula sa Tokyo.
Pinanatili ang Paggamit ng DDT Upang Masugpo ang Malarya
“Ang DDT, isang pamatay-peste na ipinagbawal sa Europa at sa Estados Unidos sa loob ng halos 30 taon, ay malamang na hindi na ipagbawal sa daigdig dahil sa pagiging mabisa nito sa pagpatay sa mga lamok na siyang dahilan ng isa sa pinakamatinding mamamatay-tao sa buong daigdig—ang malarya,” ulat ng magasing BBC Wildlife. “Bagaman ang DDT ay isang lubhang nakalalasong sangkap na napatunayang may masamang epekto sa buhay-iláng, ang mga nangangampanya para sa kalusugan ay nagsasabi na ito pa rin ang isa sa pinakamahalagang panlaban sa malarya, isang sakit na pumapatay sa 2.7 milyong tao bawat taon at umaabot sa 500 milyon ang dinudulutan nito ng malubhang sakit.” Bagaman sinusuportahan ang pagbabawal sa paggamit ng DDT sa agrikultura, ikinakatuwiran ng World Health Organization na dapat itong gamitin sa pagsugpo sa malarya hanggang sa may magawa nang ligtas at mabisang alternatibo.
Nariyan na Uli ang mga Pagong!
Napasigla ang mga tagapagtaguyod sa pangangalaga ng hayop sa taóng ito nang makita ang pinakamaraming pugad ng mga pagong na Olive Ridley sa may silangang baybayin ng India mula noong kalagitnaan ng dekadang 1980. Ayon sa magasing pangkapaligiran na Down to Earth, nakagugulat ito dahil sa pinsalang nagawa ng isang bagyo sa baybayin ng estado ng Orissa noong 1999. Ang baybaying ito ang pinakamalaking lugar na pinamumugaran ng nanganganib na mga kinapal na ito. Sa pagitan ng Marso 13 at 20, mahigit na 1,230,000 pagong ang umahon mula sa dagat, at 711,000 sa mga ito ang nangitlog, bagaman 28,000 pagong ang namatay dahil sa mga lambat ng mga bangka sa pangingisda na malapit sa baybayin. Iba’t iba ang mga banta sa mga pagong—mga baboy-ramo at mga asong kumakain sa mga itlog, mga nanghuhuli na nagsusuplay ng mga laman ng pagong sa mga kumakain nito, at mga bangka sa pangingisda na may mga lambat na walang “mga kagamitang nagpupuwera sa mga pagong.”
Masamang Epekto ng Pagsabog ng Chernobyl
Ang nuklear na kasakunaan na nangyari sa Chernobyl noong 1986 “ay magdudulot ng 50,000 bagong kaso ng kanser sa thyroid sa mga kabataang naninirahan sa lugar na pinakamalubhang apektado,” sabi ng The Guardian ng London. Ayon sa isang ulat mula sa World Health Organization, mahigit sa pitong milyong tao na ang apektado at ang eksaktong bilang ay maaaring hindi kailanman malalaman. Tatlong milyong bata ang kailangang ipagamot, at marami ang maagang mamamatay. Sa Ukraine, 73,000 katao ang masasabing permanenteng baldado. Mga 23 porsiyento niyaong mga kasangkot sa paglilinis ay naging baldado, at ang ikalimang bahagi ng kagubatan sa Belarus ay nananatiling may radyasyong nuklear. Sa isang paunang salita sa ulat, sinabi ng Kalihim-Panlahat ng UN na si Kofi Annan: “Ang Chernobyl ay isang salita na nais nating burahin sa ating memorya,” ngunit “mahigit na 7 m[ilyon] sa ating mga kapuwa tao ay hindi basta makalilimot dito. Nagdurusa pa rin sila, araw-araw, dahil sa nangyari.”
Simbahan sa Computer
Binabalak ng Katolikong diyosesis ng arsobispo sa Winnipeg, Manitoba, Canada, na “ilunsad ang isang network ng computer na magbibigay ng pagkakataon sa mga tapat na magmuni-muni, mangumpisal ng mga kasalanan at humingi ng payo sa mga pastor na naka-online,” ulat ng Calgary Herald. Si Richard Osicki, direktor ng mga komunikasyon para sa diyosesis ng arsobispo, ay umaasa na ang network ay gaganyak sa maraming tinaguriang Kristiyano, na mga 75 porsiyento sa kanila ang hindi kailanman nagsimba, na muling makibahagi sa relihiyosong gawain. “Ginagawa naming bukas ang simbahan maging sa labas ng pisikal na mga gusali. Nangangahulugan ito na maaari kang makipag-usap sa Diyos habang nakaupo ka sa harapan ng iyong computer,” sabi niya.