Pinaglaanan ng Isang Pag-asa na Nagpapalakas sa Akin
Pinaglaanan ng Isang Pag-asa na Nagpapalakas sa Akin
AYON SA SALAYSAY NI TATJANA VILEYSKA
Nawasak ang aming maligayang pamilya nang si Inay ay bugbugin hanggang sa mamatay sa aming apartment. Si Itay ay nagpatiwakal pagkalipas ng apat na buwan. Pagkatapos niyaon ay ayaw ko nang mabuhay pa. Kaya bakit naririto pa ako para ikuwento ang nangyari? Hayaan ninyong ipaliwanag ko.
ANG Donetsk, sa silangang Ukraine, ay isang lunsod na may mga hurnong tunawan at mga minahan ng uling. Ang populasyon na mahigit sa isang milyon ay nagsasalita ng Ruso at masisipag at palakaibigan. Ang ilan sa kanila ay naniniwala sa astrolohiya o espiritismo, at marami ang gumagamit ng horoscope upang sumangguni hinggil sa hinaharap. Ang ilan ay bumabaling sa mga manggagaway, o mga koldun, gaya ng pagkakilala sa kanila sa wikang Ruso. Ang ilan sa mga taong ito ay nakikipag-ugnayan sa mga patay sa pag-asang mapagaling mula sa pagkakasakit o bilang katuwaan lamang.
Si Itay ay isang sapatero. Bagaman inaangkin niyang siya ay isang ateista, iniisip niyang may isa na naglagay sa atin sa lupa. Sinasabi niya: “Mga panauhin lamang tayo sa planetang ito.” Nagsisimba si Inay tuwing Pasko ng Pagkabuhay sapagkat, gaya ng sabi niya, “Kung may Diyos, kung talagang umiiral siya, kung gayon ay dapat tayong magsimba.” Isinilang ako noong Mayo 1963. Ang aking ate, si Lubov, at ang aking nakababatang kapatid na lalaki, si Alexandr, ang bumubuo ng aming maligayang pamilya.
“Mabuti ang White Magic”
Si Pjotr *, isang malayong kamag-anak namin, ay naaksidente habang nagtatrabaho sa isang minahan ng uling at nagkapinsala sa ulo na nangailangan ng pagpapagamot sa isang pantanging klinika. Palibhasa’y nababahala sa kaniyang kalusugan, sumangguni siya sa isang koldun. Pinangyari ng manggagaway na makipag-ugnayan si Pjotr sa daigdig ng mga espiritu. Bagaman sinabihan siya ng kaniyang asawa at ng aking mga magulang na ang panggagaway ay kahibangan, para sa kaniya ay hindi naman. “Ang isinasagawa ko ay white magic,” ang iginiit niya. “Ang black magic ay balakyot, ngunit ang white magic ay mabuti.”
Inaangkin ni Pjotr na mayroon siyang kapangyarihan na nagpapangyaring mahulaan niya ang hinaharap at maipagsanggalang ang mga tao mula sa panganib. Magkagayunman, iniwan si Pjotr ng kaniyang asawa. Kaya, tumitira sa amin si Pjotr, kung minsan ay sa loob ng ilang linggo. Napakasama ng impluwensiya niya sa aming pamilya. Sa paanuman, nagsimulang magkaroon ng malulubhang pagtatalo sina Inay at Itay. Nang
dakong huli, naghiwalay sila at nagdiborsiyo. Kaming mga anak ay lumipat sa ibang apartment kasama si Inay, at si Pjotr—na kamag-anak niya—ay pumisan sa amin.Si Lubov ay nag-asawa at lumipat sa Uganda, sa Aprika, kasama ng kaniyang asawa. Noong Oktubre 1984, nagbakasyon si Alexandr at nagbiyahe naman ako sa bayan ng Gorlovka nang isang linggo. Nang umalis ako ng bahay, basta nagpaalam lang kami ni Inay sa isa’t isa. Sana’y mas marami pa akong sinabi sa kaniya o kaya’y hindi na ako umalis ng bahay! Kasi, hindi ko na muling nakita pang buhay si Inay.
“Patay na ang Iyong Mahal na Ina”
Nang bumalik ako mula sa Gorlovka, ang apartment ay nakakandado, at isang pahiwatig mula sa pulisya na nagbabawal pumasok ang nakabitin sa pinto. Kinilabutan ako. Nagpunta ako sa kapitbahay namin. Si Olga ay hindi makapagsalita dahil sa labis na pagkabagabag. Ang kaniyang asawa, si Vladimir, ay may kabaitang nagsabi: “Tanja, may masamang nangyari. Patay na ang iyong mahal na ina. Pinatay siya ni Pjotr. Pagkatapos, pumunta siya sa apartment namin, tumawag sa pulis, at sumuko.”
Pinatunayan ng pulisya ang kahila-hilakbot na balita at ibinigay sa akin ang mga susi sa aming apartment. Galit na galit ako kay Pjotr. Sa tindi ng galit ay kinuha ko ang karamihan sa mga gamit niya—pati na ang kaniyang mga aklat sa mahika—inihagis sa isang kumot, at dinala sa isang kalapit na bukid, kung saan ko sinunog ang mga ito.
Nabalitaan ni Alexandr ang nangyari, at nagalit din siya kay Pjotr gaya ko. Pagkatapos ay kinalap sa hukbo si Alexandr at umalis. Lumipat sa apartment si Itay kasama ko, at bumalik si Lubov mula sa Uganda at tumira sa amin nang maikling panahon. Kung minsan, may dahilan kami para sabihing nililigalig kami ng balakyot na mga puwersang espiritu. Isa pa, binabangungot si Itay. Iniisip niyang siya ang dapat sisihin sa pagkamatay ni Inay. “Kung hindi ko sana siya iniwan,” ang sinasabi niya, “buhay pa sana siya.” Di-nagtagal, dumanas si Itay ng matinding panlulumo. Sa loob ng apat na buwan pagkamatay ni Inay, nagpatiwakal siya.
Pagkatapos ng libing ni Itay ay bumalik si Alexandr sa militar, at si Lubov naman sa Uganda. Sinikap kong magsimulang muli sa pamamagitan ng pag-aaral sa Makeyevka Institute of Construction Engineering, na 30 minuto lamang mula sa bahay. Nilagyan ko ng dekorasyon at binago ang ayos ng apartment, sa pag-asang mabura ang ilan sa mga alaala. Ngunit mayroon pa ring dahilan upang maghinala na nanliligalig ang mga demonyo.
“O Diyos, Kung Talagang Umiiral Ka”
Natapos ni Alexandr ang kaniyang serbisyo sa militar at bumalik sa bahay. Ngunit nagsimula kaming magkaroon ng mga pagtatalo. Nag-asawa siya, at sa loob ng ilang buwan ay lumipat ako sa Rostov, isang lunsod sa Russia sa baybayin ng Dagat ng Azov, mga 170 kilometro mula sa amin. Nang dakong huli, nagpasiya akong itapon ang lahat ng natitirang pag-aari ni Pjotr.
Labis-labis din akong nanlumo anupat nagpasiya rin akong magpatiwakal. Ngunit paulit-ulit kong tila naririnig ang mga salita ni Inay: “Kung may Diyos, kung talagang umiiral siya.” Isang gabi, nanalangin ako sa unang pagkakataon. “O Diyos,” ang pagsusumamo ko, “kung talagang umiiral ka, pakisuyong ipaalam mo sa akin ang kahulugan ng buhay.” Pagkalipas ng ilang araw, isang liham ang dumating mula kay Lubov na nag-aanyaya sa akin na dalawin siya sa Uganda. Kaya ipinagpaliban ko ang plano kong magpatiwakal.
Mga Sorpresa sa Uganda
Iilang lugar lamang sa daigdig ang magkaibang-magkaiba na gaya ng Ukraine at Uganda. Lumapag sa Entebbe ang eroplano na aking sinasakyan
noong Marso 1989. Nang bumaba ako sa eroplano, parang pumasok ako sa hurno. Hindi pa ako nakaranas kailanman ng gayong init! Hindi ito kataka-taka, dahil iyon ang aking unang paglalakbay sa labas ng Unyong Sobyet. Nagsasalita ng Ingles ang mga tao, isang wikang hindi ko nauunawaan.Sumakay ako ng taksi para sa 45 minutong biyahe patungong Kampala. Ang tanawin ay ibang-iba sa nakasanayan ko anupat parang nasa ibang planeta ako! Ngunit napakabait ng palangiting drayber ng taksi, at natagpuan niya sa wakas ang bahay ni Lubov at ng asawa nito, si Joseph. Laking pasasalamat ko!
Si Lubov ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Wala pa akong narinig kailanman hinggil sa kanila, ngunit sabik si Lubov na magbalita sa akin. Sinusundan-sundan niya ako sa bahay habang ikinukuwento sa akin ang lahat ng natutuhan niya, pasimula sa Genesis at patuloy pa hanggang sa Apocalipsis. Sa totoo lang, nakaiinis ito!
Isang araw ay dumalaw ang mga Saksi na nagdaraos ng pag-aaral kay Lubov. Marianne ang pangalan ng isa sa kanila. Hindi niya tinangkang mangaral sa akin agad-agad, yamang noon ay halos wala naman talaga akong maintindihang Ingles. Ngunit nangusap sa akin ang kaniyang mainit at palakaibigang mga mata na siya ay isang taimtim at maligayang tao. Ipinakita niya sa akin ang isang larawan ng Paraiso sa buklet na “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay.” “Tingnan mo ang babaing ito,” ang paghimok niya. “Ikaw ‘yan, at ang babae namang ito ay ako. Magkasama tayo sa Paraiso kasama ng lahat ng iba pang mga taong ito. Hindi ba kamangha-mangha iyan?”
Waring nagsasalit-salitan ang iba pang mga Saksi sa Kampala sa pagdalaw kina Lubov at Joseph. Napakapalakaibigan nila anupat naghinala ako na baka sinisikap lamang nilang pahangain ako. Pagkalipas ng ilang linggo, dumalo ako sa pulong sa unang pagkakataon, ang pag-alaala sa Hapunan ng Panginoon. (Lucas 22:19) Bagaman hindi ko naunawaan ang mga sinabi, muli akong humanga sa pagiging palakaibigan ng mga taong ito.
‘Basahin Mo Ito Mula Umpisa Hanggang Katapusan’
Binigyan ako ni Marianne ng Bibliyang Ruso—ang kauna-unahan kong kopya. “Basahin mo ang Bibliya mula umpisa hanggang katapusan,” ang pakisuyo niya. “Kahit na hindi mo maunawaan lahat, basta basahin mo lang!”
Lubos akong naantig sa regalo ni Marianne, at nagpasiya akong sundin ang payo niya. ‘Tutal,’ ang naisip ko, ‘para ano pa at nagkaroon ako ng Bibliya kung hindi ko ito babasahin?’
Nang bumalik ako sa Ukraine, dinala ko ang aking Bibliya. Nang sumunod na ilang buwan, nagtrabaho ako sa Moscow, Russia, at ginamit ko ang aking libreng panahon upang simulang basahin ang Bibliya. Nang bumalik ako sa Uganda makalipas ang siyam na buwan, nakapangalahati na ako rito. Pagbalik ko sa Kampala, ipinakita sa akin ni Marianne sa Bibliya ang isang kamangha-manghang pag-asa para sa hinaharap. Isang paraiso! Ang pagkabuhay-muli! Ang makitang muli sina Inay at Itay! Natanto ko na ang natututuhan ko ay sagot sa aking panalangin noong ako’y nasa Donetsk.—Gawa 24:15; Apocalipsis 21:3-5.
Nang pag-aralan namin ang paksa tungkol sa masasamang espiritu, pigil-hininga akong nakinig. Tiniyak ng Bibliya ang matagal ko nang hinala. Walang mabuti o di-nakapipinsalang mahika. Ang lahat ng ito ay may kalakip na panganib. Sapat na ang nangyari sa sarili kong pamilya bilang patotoo nito. Nang sunugin ko ang mga gamit ni Pjotr, wala akong kamalay-malay na tama pala ang ginawa ko. Sinunog din ng sinaunang mga Kristiyano ang kanilang mga gamit sa mahika nang magsimula silang maglingkod kay Jehova.—Deuteronomio 18:9-12; Gawa 19:19.
Habang higit kong nauunawaan ang Bibliya, lalo kong natitiyak na nasumpungan ko na ang katotohanan. Itinigil ko ang paninigarilyo, at noong Disyembre ng 1990, ako ay nabautismuhan bilang sagisag ng aking pag-aalay kay Jehova. Si Lubov ay nabautismuhan na una lamang sa akin nang tatlong buwan; at si Joseph naman, noong 1993.
Pagbalik sa Donetsk
Noong 1991, bumalik ako sa Donetsk. Nang taon ding iyon ang mga Saksi ni Jehova sa Ukraine ay pinagkalooban ng legal na pagkilala, na nangangahulugang maaari kaming magtipon nang malaya at mangaral nang hayagan. Pinasimulan namin ang pakikipag-usap sa lansangan sa sinumang maaaring makipag-usap. Di-nagtagal at natuklasan namin na maging sa isang lupaing maraming tao ang nag-aangking ateista, marami ang nag-uusisa tungkol sa Kaharian ng Diyos.
Noong unang mga taon ng 1990, hindi sapat ang suplay ng literatura sa Bibliya, kaya gumawa kami ng isang aklatang pahiraman sa mga lansangan sa Donetsk. Nagtayo kami ng isang patungan sa pangunahing plasa ng lunsod upang ipakita ang mga kopya ng aming mga aklat at mga buklet. Di-nagtagal at ang mga taong palakaibigan at mausisa ay tumitigil upang magtanong. Ang mga may gusto ng literatura ay humihiram nito, at inaalok sila ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
Noong 1992, naging payunir ako, isang buong panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova, at noong Setyembre 1993, inanyayahan ako upang mapabilang sa isang pangkat ng mga tagapagsalin sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Selters, Alemanya. Noong Setyembre 1998 ay lumipat kami sa Poland habang hinihintay naming matapos ang aming mga bagong pasilidad ng sangay sa Lviv, Ukraine.
Ang pagsulong sa gitna ng bayan ni Jehova sa Ukraine ay naging kahanga-hanga. Kung dati ay may isang kongregasyon lamang sa Donetsk na may 110 Saksi noong 1991, mayroon na ito ngayong 24 na kongregasyon na may mahigit sa 3,000 mga Saksi! Ang pagdalaw ko sa Donetsk noong 1997 ay nagdulot hindi lamang ng kasiya-siyang mga pagkikita kundi maging ng isang pangyayari na nagdulot sa akin ng pighati.
“Hinahanap Ka ni Pjotr”
Sa panahon ng aking pamamalagi sa Donetsk, nabigla ako kay Juliya, isang Saksi na nakakakilala sa aming pamilya, nang sabihing: “Hinahanap ka ni Pjotr. Gusto ka niyang makausap.”
Sa bahay ay umiyak ako nang gabing iyon at nanalangin kay Jehova. Ano kaya ang kailangan sa akin ni Pjotr? Alam kong nakulong siya nang ilang taon dahil sa kaniyang nagawang krimen. Napopoot ako sa kaniya dahil sa ginawa niya, at sa pakiwari ko’y hindi siya karapat-dapat matuto hinggil sa bagong sanlibutan ni Jehova. Ipinanalangin ko ang bagay na ito nang ilang araw at pagkatapos ay natanto ko na hindi ako ang magpapasiya kung sino ang karapat-dapat tumanggap ng walang-hanggang buhay. Naalaala ko ang pangako ni Jesu-Kristo sa kriminal na nakabitin sa tulos sa tabi niya—na ang kriminal ay makakasama niya sa Paraiso.—Lucas 23:42, 43.
Taglay ang mga kaisipang ito, ipinasiya kong makipagkita kay Pjotr at magpatotoo sa kaniya tungkol sa Mesiyanikong Kaharian at sa bagong sistema ng mga bagay ng Diyos. Kasama ng dalawang Kristiyanong mga kapatid na lalaki, nagpunta ako sa direksiyon na ibinigay sa akin ni Juliya. Doon, sa kauna-unahang pagkakataon mula nang mamatay si Inay, nakaharap ko si Pjotr.
Maigting ang situwasyon. Ipinaliwanag ko kay Pjotr na naging isa akong Saksi ni Jehova at na
natulungan ako ng Bibliya na maunawaan kung bakit sa sistemang ito ay makararanas tayong lahat ng mga suliranin, kung minsan pa nga ay mga personal na trahedya. Sinabi ko rin kay Pjotr kung gaano kasaklap sa amin na mawalan ng ina at pagkatapos ay ng aming ama.Ipinaliwanag ni Pjotr na isang tinig ang nagsabi sa kaniya na patayin ang aking ina, at detalyado niyang inilarawan kung ano ang naganap nang araw na iyon. Habang nakikinig ako sa kaniyang nakapangingilabot na kuwento, ang aking pagkasuklam ay nahaluan ng awa, sapagkat parang ninenerbiyos siya, na gaya ng isang tinutugis na hayop. Nang matapos magsalita si Pjotr, sinikap kong ipakita sa kaniya ang ilan sa kamangha-manghang mga pangako sa Bibliya. Inangkin niyang naniniwala siya kay Jesus, kaya nagtanong ako:
“May Bibliya ka ba?”
“Wala pa. Pero nag-order na ako ng isa,” sagot niya.
“Alam mo na siguro na ayon sa Bibliya, ang personal na pangalan ng tunay na Diyos ay Jehova.”—Awit 83:18.
Nang marinig ang pangalang iyon, naligalig si Pjotr. “Huwag mong babanggitin sa akin ang pangalang iyan,” ang sabi niya. “Hindi ko matagalan ang pangalang iyan.” Lubusan kaming nabigo sa aming mga pagtatangkang sabihin kay Pjotr ang hinggil sa kamangha-manghang mga pangako ng Diyos.
Umalis ako na tiyak ang isang bagay sa aking isipan: Kung hindi ko nakilala si Jehova, maaaring napatay na rin ako gaya ni Inay, maaaring nagpatiwakal na rin ako tulad ni Itay, o maaaring nakontrol ako na gumawa ng nakapangingilabot na mga bagay gaya ni Pjotr. Kay laking pasasalamat ko na nakilala ko ang tunay na Diyos, si Jehova!
Tumingin sa Hinaharap, Huwag sa Nakalipas
Ang napakasakit na mga karanasang ito ay nag-iwan sa aking damdamin ng namamalaging epekto. Maging sa ngayon, kung minsan ang mga alaalang iyon ay nagdudulot sa akin ng kirot at pighati. Ngunit nang makilala ko si Jehova at ang kaniyang mga layunin, ang paghihilom ay nagsimula na. Tinuruan ako ng mga katotohanan sa Bibliya na magpako ng pansin, hindi sa nakalipas, kundi sa hinaharap. At anong gandang kinabukasan ang inilalaan ni Jehova para sa kaniyang mga lingkod!
Kalakip sa kinabukasang iyon ang pagkabuhay-muli ng mga patay sa isang makalupang paraiso. Anong laking kagalakan ang madarama ko kapag sinalubong ko ang aking binuhay-muling mga magulang! Sa diwa ay tama si Itay nang sabihin niya: “Mga panauhin lamang tayo sa planetang ito.” At ang saloobin ni Inay na maniwala na talagang umiiral ang Diyos ay totoong tama. Ang aking pinakamimithi ay ang maturuan sina Inay at Itay ng mga katotohanan sa Bibliya kapag sila’y binuhay-muli sa bagong sistema ng mga bagay ng Diyos.
[Talababa]
^ par. 7 Pinalitan ang pangalan.
[Blurb sa pahina 24]
Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang mamatay si Inay, nakaharap ko ang pumatay sa kaniya
[Larawan sa pahina 23]
Yakap-yakap nina Marianne at Heinz Wertholz, mga misyonero na nagdaos ng pag-aaral sa akin sa Uganda
[Larawan sa pahina 23]
Ang aking bautismo sa Kampala
[Larawan sa pahina 24]
Nagtatrabaho bilang bahagi ng pangkat ng mga tagapagsalin sa wikang Ukrainiano sa Poland