Saan Ka Makakakuha ng Pinakamahusay na Edukasyon?
Saan Ka Makakakuha ng Pinakamahusay na Edukasyon?
“Kung ano ang eskultura sa isang bloke ng marmol, ganoon ang edukasyon sa kaluluwa.”—Joseph Addison, 1711.
NAKAPAG-ARAL ka ba sa paaralan? Karamihan sa mga tao ay makasasagot ng oo—ngunit hindi lahat. Habang papasok tayo sa ika-21 siglo, milyun-milyong bata ang hindi regular na nakapag-aaral. Matagal nang nangyayari ito, kaya sa kasalukuyan ay halos isang bilyong adulto ang walang pinag-aralan.
Gayunman, ang mahusay na edukasyon ay isang pangunahing pangangailangan. Sa halip na malasin ito bilang di-makakamtang luho, minamalas ito ng marami sa ngayon bilang isang karapatan ng kapuwa mga bata at mga adulto. Subalit paano magkakaroon ng isang mahusay na edukasyon kung wala ang kinakailangang mga pinagmumulan nito? Paano kung kulang ang mga aklat, walang kuwalipikadong mga guro, at hindi sapat ang mga paaralan?
Sa katunayan, saan makakakuha ang mga tao ng de-kalidad na edukasyon na nagpapasigla sa indibiduwal na makibahagi, nagpapalawak sa kanilang kaalaman sa daigdig na nakapalibot sa kanila, at naglalaan sa kanila ng espirituwal na mga pamantayan na makapagpapabago ng kanilang buhay? Anong edukasyon ang nagdiriin sa kapaki-pakinabang na mga pamantayan ng moralidad, nagpapakita kung paano makakamtan ang isang mas magandang buhay, at naglalaan ng isang matibay na pag-asa sa hinaharap? Talaga bang makakakuha ang lahat ng gayong edukasyon?
Saligan Para sa Pinakamahusay na Edukasyon
Bagaman waring nakapagtataka, may pagtitiwala nating masasabi na oo, na ang lahat ay makakakuha ng de-kalidad na edukasyon. Ito’y sa dahilang umiiral ang isang napakabisang kasangkapan sa pagtuturo na makapaglalaan ng saligan para rito. Ito ay isang matagal nang kinikilalang “aklat-aralin” na maaaring makuha, ang kabuuan man o ang bahagi nito, sa mahigit na 2,200 wika sa daigdig. Halos bawat isa sa lupa ay makakakuha nito sa wika na mauunawaan niya. Anong aklat ito?
Ito ang Bibliya, isang aklat na malaganap na kinikilala bilang ang pinakamahalagang aklat na isinulat kailanman. “Ang bawat isa na may lubusang kaalaman sa Bibliya ay tunay na matatawag na edukado,” ang isinulat ng iskolar noong unang mga taon ng ika-20 siglo na si William Lyon Phelps. “Walang ibang kaalaman o kultura, gaano man ito kalaganap o karingal, ang maaaring . . . angkop na humalili.”
Ang Bibliya ay isang koleksiyon ng mga aklat na isinulat sa loob ng mga 1,600 taon. Hinggil sa mahalagang koleksiyong ito ng mga aklat, idinagdag pa ni Phelps: “Ang ating mga ideya, ang ating karunungan, ang ating pilosopiya, ang ating literatura, ang ating sining, ang ating mga mithiin, ay higit na nanggagaling sa Bibliya kaysa sa lahat ng iba pang aklat na pinagsama-sama. . . . Naniniwala ako na ang kaalaman sa Bibliya na walang kurso sa kolehiyo ay mas mahalaga kaysa sa kurso sa kolehiyo na walang Bibliya.”
Isinasagawa ngayon sa buong daigdig ng Kristiyanong komunidad ng mga Saksi ni Jehova ang isang napakalaking gawaing pagtuturo na salig sa Bibliya. Ang gayong edukasyon ay hindi lamang tungkol sa mga panimulang aral sa pagbasa at pagsulat. Pinasusulong nito ang isip at moral. Sa isang positibong paraan, nakaaapekto ito sa pangmalas ng mga tao sa hinaharap, anupat nagbibigay ng saligan para sa matibay na pag-asa na ang hinaharap ay makapupong mainam kaysa sa nakalipas.
Pakisuyong alamin ang tungkol sa programang ito ng edukasyon ukol sa buhay sa pamamagitan ng pagbasa sa susunod na artikulo.