Ang Pangmalas ng Bibliya
Dapat Bang Mangaral sa Iba ang mga Kristiyano?
MARAHIL ay idinidikta ng paraan ng pagpapalaki sa iyo at ng kultura mo na ang relihiyon ay hindi dapat pag-usapan sa labas ng pamilya o sa labas ng simbahan. Bunga nito, maaaring mainis ka kapag may dumalaw sa iyong tahanan nang walang pasabi at may hawak na Bibliya. Para sa ilan, nabuo ang pangmalas na ito dahil sa mga karahasan sa kasaysayan ng relihiyon na isinagawa dahil diumano sa mga kampanyang nagliligtas-buhay.
Inilalahad ng kasaysayan ng maraming bansa ang hinggil sa mga maramihang pagkakumberte ng mga tao, na hindi udyok ng pag-ibig kay Kristo kundi, sa halip, ng takot na mamatay. Maraming tao ang nagtago, iniwan ang tahanan at tinubuang bayan, o namatay pa nga
Hindi sinusuportahan ng kinasihang mga kasulatan sa Bibliya ang gayong mga sapilitang pagpapakumberte. Kung gayon, nangangahulugan ba ito na hindi maaaring ibahagi sa iba ang relihiyosong mga paniniwala ng isang tao? Ang Bibliya mismo ang sumasagot.
Pagtuturo Nang May Awtoridad
Una, isaalang-alang ang parisang ipinakita ni Jesu-Kristo. Isa siyang dalubhasang guro na may impluwensiya sa buhay ng kaniyang mga tagapakinig. (Juan 13:
Karaka-raka bago siya umakyat sa langit, nagbigay si Jesus ng utos na tumitiyak na pagkamatay niya, ang gawaing pagtuturo na kaniyang pinasimulan ay magpapatuloy at susulong pa nga. (Juan 14:12) Tinagubilinan niya ang kaniyang mga alagad na humayo sa mga tao ng lahat ng mga bansa, “na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay” na iniutos niya. Ang pangunahing layunin ng atas na ito ay nilinaw sa pananalita ring iyon nang sabihin ni Jesus: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad.”
Isaalang-alang din ang halimbawa ni apostol Pablo. Pagkatapos ng kaniya mismong pagkakumberte sa Kristiyanismo, hindi siya nahiyang ibahagi sa iba ang kaniyang bagong-tuklas na pananampalataya. (Gawa 9:17-19, 22) Nakaugalian ni Pablo na magsalita sa mga sinagoga at patunayan “sa pamamagitan ng mga reperensiya na ang Kristo ay kailangang magdusa at bumangon mula sa mga patay.” May-kahusayang “nangatuwiran siya sa kanila mula sa Kasulatan” upang ‘hikayatin ang mga Judio at mga Griego.’ Ayon sa isang awtoridad, ang salitang Griego na ginamit para sa ‘hikayatin’ ay nangangahulugang “baguhin ang isipan sa pamamagitan ng impluwensiya ng pangangatuwiran o moral na mga kadahilanan.” Dahil sa mapanghikayat na pangangatuwiran ni Pablo, siya ay “nakapanghikayat ng isang malaking pulutong at ibinaling sila tungo sa ibang palagay.”
Pamimilit o Panghihikayat — Alin?
Sa makabagong panahon, ang salitang “proselitismo” ay ginagamit upang ipahiwatig ang isang uri ng sapilitang pangungumberte. Hindi sinusuportahan ng Bibliya ang gayong gawain. Sa halip, itinuturo nito na ang mga tao ay nilalang na may kalayaang magpasiya taglay ang pribilehiyo at pananagutan na piliin kung paano sila mamumuhay. Kasama rito ang desisyon kung paano sasambahin ang Diyos.
Iginalang ni Jesus ang bigay-Diyos na karapatang ito sa pamamagitan ng hindi kailanman paggamit sa kaniyang kamangha-manghang kapangyarihan o awtoridad upang puwersahin, o pilitin, ang isa na tanggapin ang kaniyang mga salita. (Juan 6:66-69) Pinakilos niya ang kaniyang mga tagapakinig sa pamamagitan ng paggamit ng wastong pangangatuwiran, mga ilustrasyon, at punto-de-vistang mga tanong, na pawang may layunin na abutin ang kanilang puso. (Mateo 13:34; 22:41-46; Lucas 10:36) Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ipakita ang gayunding paggalang sa iba.
Maliwanag na ginamit ni Pablo si Jesus bilang huwaran sa kaniyang ministeryo. Bagaman hinikayat niya ang kaniyang mga tagapakinig sa pamamagitan ng wastong maka-Kasulatang pangangatuwiran, iginalang naman ni Pablo ang damdamin at pangmalas ng iba. (Gawa 17:
Personal na Desisyon
Kapag gumagawa ng malalaking desisyon sa buhay, tulad ng kung anong bahay ang bibilhin, kung saan magtatrabaho, at kung paano palalakihin ang mga anak, ang makatuwirang mga tao ay hindi nagpapasiya nang padalus-dalos. Maaaring saliksikin nila ang iba’t ibang mapagpipilian, magbubulay-bulay sa kanilang mga nasumpungan, at malamang na humingi ng payo. Saka lamang sila gagawa ng desisyon pagkatapos isaalang-alang ang mga bagay na ito.
Ang desisyon kung paano natin dapat sambahin ang Diyos ay nararapat nating pag-ukulan ng higit na panahon at pagsisikap kaysa sa anupamang desisyon sa buhay. Makaaapekto ito sa paraan ng pamumuhay natin ngayon, at mas mahalaga, makaaapekto ito sa ating pag-asa na walang-hanggang buhay sa hinaharap. Maliwanag na naunawaan ito ng unang-siglong mga Kristiyano sa Berea. Bagaman ang mabuting balita ay personal na ipinaliwanag sa kanila ni apostol Pablo, maingat pa rin nilang sinuri ang Kasulatan araw-araw upang matiyak na ang itinuturo sa kanila ay totoo. Bilang resulta, “marami sa kanila ang naging mananampalataya.”
Sa ngayon, ipinagpapatuloy ng mga Saksi ni Jehova ang gawaing pagtuturo at paggawa ng alagad na isinaayos ni Jesus. (Mateo 24:14) Iginagalang nila ang karapatan ng iba na magtaglay ng kanilang sariling relihiyon. Ngunit pagdating sa pagbabahagi sa iba ng kanilang relihiyosong mga paniniwala, sinusunod nila ang parisang ipinakita sa Bibliya. Oo, gumagamit sila ng tapat na pangangatuwiran mula sa Kasulatan sa itinuturing nilang isang gawaing nagliligtas-buhay.