Ang Hindi Inaasahang Pagtatagpo Namin ng mga Marmot
Ang Hindi Inaasahang Pagtatagpo Namin ng mga Marmot
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA
GUSTO mo bang makilala ang isang mahiyain at munting nilalang na kapuwa kahali-halina at nakatutuwa? Hayaan mong ikuwento ko sa iyo kung paanong sa di-inaasahang pagkakataon ay nakatagpo naming mag-asawa ang isang kawan ng mabalahibo at munting mga hayop na tinatawag na mga marmot.
Nasa Dolomites kami, isang hanay ng mga bundok sa bandang hilaga ng Italya, kung saan kitang-kita ang dalawang mariringal na taluktok ng bundok—ang Latemar at ang Catinaccio. Dahil sa pinili naming dumaan sa matarik na daan, nakarating kami sa dalisdis ng Catinaccio. Iba’t ibang bulaklak ang tumutubo sa kaingin. Napahinto kami dahil sa nakabibighaning ganda ng Turk’s-cap lily. Nakatawag-pansin din sa amin ang orkidya na black vanilla, isang kumpol ng maliliit na bulaklak na amoy na amoy banilya. Sa kalagitnaan ng umaga, pinainit na ng araw ang balat ng nagkalat na mga conifer—mga arolla pine, spruce fir, at mga larch—anupat pinahahalimuyak nito ang matinding bango sa kapaligiran.
Hindi nagtagal at nakarating kami sa libis na walang punungkahoy. Makikita sa bandang kanan namin ang matarik at madamong dalisdis. Ang lugar naman sa kaliwa ay punô ng naglalakihang bato. Biglang may kumaluskos. Basta na lamang ako napalingon, pero wala namang gumagalaw. Nang tingnan kong mabuti, napansin ko ang isang marmot na nakaupo sa tulis ng batuhan. Marahil ay may naninirahang isang kawan nito sa mga siwang ng batuhan.
Ang marmot ang pinakamalaking miyembro sa pamilya ng ardilya (squirrel). Ang isa sa pinakakilalang uri sa mapipintog na hayop na ito na ngumangatngat ay ang woodchuck ng Hilagang Amerika. Ang mga marmot na matatagpuan sa aming lugar ay ang mga Alpine marmot. Medyo mahilig magsama-sama ang mga ito at mamuhay nang kawan-kawan.
Lumihis kami ng daan at lumapit kami nang husto para pagmasdan ito, subalit nawala ang marmot. Naghintay kami, umaasang lilitaw muli ang mahiyaing kinapal. Pagkaraan ng ilang sandali, tuwang-tuwang sumenyas ang aking asawa. May isang sumisilip sa amin
sa likod ng malaking bato! Ang balahibo nito na kulay abo at kayumanggi ay halos kakulay ng bato, anupat halos hindi mo na makikita ang hayop. Habang pinagmamasdan kong mabuti, napansin kong may mas maliit pang marmot ang nakasilip din sa amin. Sa banda pa roon, may nakita kaming isa pang marmot—na ipinapalagay namin na siyang ama. Bagaman hindi kami makatiyak, inisip na lamang namin na ang nakikita namin ay isang pamilya ng marmot.Ang “ama” na marmot ay halos 45 sentimetro ang taas at tuwid na tuwid sa pagkakaupo sa kaniyang mga binti sa hulihan, na para bang nagbabantay. Samantala, dalawa pang marmot ang lumiligid-ligid sa mga palumpong ng rhododendron. Kapag naghahanap ng pagkain, binubungkal ng mga marmot ang lupa sa pamamagitan ng kanilang mga paa sa unahan, na may matitibay na kuko. Minsang makakita ng nagustuhan nitong lamang-lupa, uupo ito nang tuwid para ngatngatin ito, anupat ginagamit ang mga paa sa unahan para sumubo. Madaling-araw at gabi kung kumain ang mga marmot, na umiidlip sa pagitan nito. Bukod sa mga pananim, kumakain din ang mga ito ng mga tipaklong, uwang, bulati, at mga itlog ng ibon, pero hindi sila nagtatago ng pagkain sa kanilang mga lungga.
Nakatutuwang pagmasdan ang pamilya, ngunit nang lumapit pa ako nang kaunti para kunan ng litrato ang mga marmot, hindi kumilos ang tatlo sa mga ito. Nang muli akong kumilos, ang katahimikan ng libis ay binasag ng dalawang matinis na huni ng “ama” na marmot. Kasimbilis ng kidlat, tumalon sa dalawang makipot na daan ang “ina” at ang “bunsong anak” at biglang naglaho sa batuhan. Sandali akong tiningnan ng “ama.” Pagkatapos humuni nang dalawa pang beses, kumaripas na rin ito ng takbo kasama ng pamilya.
Sa bandang ibaba pa ng libis, nakakita ako ng malaking bato na waring tamang-tama para makapagmasid ako roon. Nahiga ako sa taluktok nito habang naghihintay. Hindi pa gaanong natatagalan, dalawa pang marmot ang nangahas na lumabas. Isa ang gumapang sa malaking bato at dumapa. Gumapang ang isa pa sa bato ring iyon sa kabilang panig naman. Nang sila’y magtagpo, parang bang naghalikan ang dalawang marmot.
Patuloy kong pinagmasdan ang mga marmot, anupat nabibighani sa kanilang pagkislut-kislot, na sinasalitan ng matagal na paghinto. Biglang napapahinto ang mga ito at itinataas ang kanilang mga ulo, anupat alistung-alisto, sa kaunting pagkaluskos ko. Pagkatapos ay umidlip ang mga ito, wari bang walang pakialam sa pagkanaroroon ko.
Napansin ko ang tila alpombrang damuhan sa harap ko na punô ng mga butas na madaling makita dahil sa mapusyaw na kulay ng bunton ng lupa. Ito ang mga lungga ng mga marmot kapag nagkagipitan na, kung saan sila nagtatago kapag naramdaman nilang may panganib sa panahon ng kanilang sandaling panginginain. Ang mga lungga sa ilalim ng lupa ay may silid sa gitna na nakadugtong sa ilang tunel sa gilid. Ang haba ng mga tunel ay maaaring mula isa hanggang anim na metro, at lumalagos ang mga marmot sa pasikut-sikot na daang ito sa pamamagitan ng kanilang
itim na balbas, na tinatawag na vibrissae, na matatagpuan sa palibot ng kanilang nguso.Sa kasagsagan ng taglamig, ang mga grupo ng mga marmot na tig-10 at tig-15 ay magpapahinga sa mga silid kung saan sila magtútutulóg habang taglamig. Ang mga bata at matandang marmot na nagmula sa iba’t ibang lungga para sa tag-init ay nagtitipun-tipon sa mga silid na ito, na dati nang nalatagan ng dayami, at kapag magkakatabi na silang namaluktot, pasisimulan na nila ang mahabang pagtulog. Ang temperatura ng kanilang katawan ay bumababa nang wala pang 8 digri Celsius, bumabagal ang tibok ng kanilang puso anupat nagiging tatlo hanggang limang tibok sa bawat minuto, at humihinga lamang ng dalawa o tatlong beses sa bawat minuto—tamang-tama lamang ito para sa mga marmot upang manatili silang buhay. Minsan sa isang buwan ay gumigising sila para magbawas sa palikuran, pantanging hinukay na mga silid na nasa ibang bahagi ng lungga, na sarado dahil sa pinasakan ng mga bagay-bagay. Isinasara rin ang iba’t ibang silid na tinutulugan kapag taglamig, subalit hindi naman saradung-sarado. Sa ganitong paraan ay makapapasok ang kaunting hangin sa loob ng mga lungga.
Matagal nang inuunawa ng mga siyentipiko kung paano nakakayanan ng mga marmot ang mga kalagayan kapag taglamig. Natiyak kamakailan na ang pagtulog sa panahon ng taglamig ay kinokontrol ng ilang endocrine gland, lalo na ng thyroid. Sa katunayan, kapag ang mga hayop ay sinaksakan ng hormon, hindi natutulog ang mga ito. Subalit kapansin-pansin, kapag nahantad sa matinding lamig ang mga hayop sa panahon ng tag-init, bumibilis ang gawain ng thyroid nito at ng kanilang metabolismo para mapanatili ang normal na temperatura ng katawan. Maliwanag na likas nilang nalalaman na hindi pa panahon para magtulóg.
Gayon na lamang kabighabighani ang mga marmot anupat hindi namin namalayan ang oras. Hapon na, at kailangan na namin silang iwan at bumaba ng libis. Nakarating kami roon nang dapit-hapon na. Marami kaming nakitang kamangha-manghang bagay sa kalikasan sa araw na ito, pero marahil ang nakatutuwa sa lahat ay ang hindi inaasahang pagtatagpo namin ng mga marmot.
[Larawan sa pahina 16]
Mga “marmot” na nagbabatian sa isa’t isa
[Mga larawan sa pahina 17]
Mga bulaklak sa Alpine
“Bearded bellflower”
“Turk’s-cap lily”
“Edelweiss”
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Mga marmot: Gerken/Naturfoto-Online.de
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Mga marmot: Gerken/Naturfoto-Online.de