Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Isyu—Kung Paano Ito Nagsimulang Lahat

Ang Isyu—Kung Paano Ito Nagsimulang Lahat

Ang Isyu​—Kung Paano Ito Nagsimulang Lahat

ANG STRATTON, OHIO, E.U.A., ay isang maliit na pamayanan na malapit sa Ohio River, na naghihiwalay sa Ohio at West Virginia. Isa itong nayon na may alkalde. Ang maliit na pamayanang ito na wala pang 300 ang naninirahan ay naging sentro ng kontrobersiya noong 1999 nang obligahin ng mga awtoridad ang mga Saksi ni Jehova, pati na ang iba pa, na kumuha ng isang permit bago dumalaw sa mga tahanan ng mga tagaroon taglay ang kanilang mensaheng salig sa Bibliya.

Bakit mahalaga ang isyung ito? Habang binabasa mo ang aming ulat, makikita mo na aktuwal na lilimitahan ng ordinansa at pagkontrol na ito ng gobyerno ang mga karapatan sa kalayaan sa pagsasalita hindi lamang ng mga Saksi ni Jehova kundi ng lahat ng nakatira sa Estados Unidos.

Kung Paano Nagkaroon ng Kaso

Ang mga residente ng Stratton ay maraming taon nang dinalaw ng mga ministro ng Wellsville Congregation ng mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon. At ang mga ministrong ito ay nagkaroon ng mga problema sa ilang lokal na opisyal may kaugnayan sa gayong ministeryo sa bahay-bahay mula noong 1979. Noong unang mga taon ng dekada ng 1990, itinaboy mula sa bayan ng isang lokal na opisyal ng pulisya ang isang grupo ng mga Saksi, na sinasabi: “Wala akong pakialam sa inyong mga karapatan.”

Ang problema ay dumating sa sukdulan noong 1998 nang personal na komprontahin ng alkalde ng Stratton ang apat sa mga Saksi ni Jehova. Papalabas sila ng nayon pagkatapos bumalik doon upang makipag-usap sa mga residenteng nagpakita ng interes sa mga usapang salig sa Bibliya. Ayon sa isa sa mga babaing kinompronta, sinabi ng alkalde na kung sila ay mga lalaki, ipakukulong niya sila.

Ang sanhi ng huling salungatan ay ang ordinansa ng nayon na “Isailalim sa Regulasyon ang Di-ninanais na Paglalako at Pangingilak sa Pribadong Ari-arian,” na humihiling sa sinumang nagnanais makibahagi sa gawaing pagbabahay-bahay na kumuha ng permit, nang walang bayad, mula sa alkalde. Minamalas ng mga Saksi ni Jehova ang ordinansang ito bilang isang paglabag sa kalayaan sa pagsasalita, kalayaan sa pagsasagawa ng relihiyon, at kalayaan sa pamamahayag. Kaya, nagsampa sila ng demanda sa hukumang pederal nang tanggihan ng nayon na baguhin ang kanilang pagpapatupad sa ordinansang ito.

Noong Hulyo 27, 1999, nagkaroon ng bista sa sala ng huwes sa pandistritong hukuman ng Estados Unidos para sa Timugang Distrito ng Ohio. Sinabi niya na naaayon sa konstitusyon ang ordinansa ng nayon na pagkuha ng permit. Pagkatapos, noong Pebrero 20, 2001, pinagtibay rin ng U.S. Court of Appeals for the Sixth Circuit ang pagiging naaayon sa konstitusyon ng ordinansa.

Upang malutas ang isyu, hiniling ng Watchtower Bible and Tract Society of New York at ng Wellsville Congregation ng mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon na repasuhin ng Korte Suprema ng Estados Unidos ang kaso.

[Mapa/Larawan sa pahina 3]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Los Angeles

New York

OHIO

Stratton