Ang Unang Hakbang—Bibigang Argumento sa Korte Suprema
Ang Unang Hakbang—Bibigang Argumento sa Korte Suprema
ITINAKDA ANG PETSA para sa bibigang argumento sa harap ng punong hukom na si William Rehnquist at ng walong kasamang mga hukom ng Korte Suprema noong Pebrero 26, 2002. Ang mga kapakanan ng mga Saksi ni Jehova ay kinatawan ng isang pangkat ng apat na abogado.
Sinimulan ng nangungunang abogado para sa mga Saksi ang kaniyang argumento sa pamamagitan ng nakatatawag-pansing pambungad: “Alas 11:00 noon ng umaga ng Sabado sa Nayon ng Stratton. [Pagkatapos ay kumatok siya nang tatlong ulit sa podyum.] ‘Magandang umaga po. Dahil sa mga pangyayari kamakailan, gumawa po ako ng pantanging pagsisikap na magtungo sa inyong bahay upang ipakipag-usap sa inyo ang tungkol sa binanggit ni Propeta Isaias na isang bagay na mas mabuti. Ito po ang mabuting balita na binanggit ni Kristo Jesus, ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.’”
Nagpatuloy siya: “Isang krimen ang magtungo sa bahay-bahay sa Nayon ng Stratton at magdala ng mensahe malibang ang isa ay kumuha muna ng permit mula sa mga awtoridad upang gawin iyon.”
‘Hindi Kayo Humihingi ng Pera?’
Nagbangon ng ilang nauugnay na tanong si Hukom Stephen G. Breyer para sa mga Saksi. Nagtanong siya: “Totoo ba na ang iyong mga kliyente ay hindi humihingi ng anumang pera, kahit isang kusing, at [na] hindi sila nagtitinda ng mga Bibliya, at wala silang ipinagbibili, sinasabi lamang nilang, ‘Gusto ko pong makipag-usap sa inyo tungkol sa relihiyon’?”
Sumagot ang abogado para sa mga Saksi: “Kagalang-galang na Hukom, maliwanag po ang sinasabi ng rekord na hindi humihingi ng pera ang mga Saksi ni Jehova sa Nayon ng Stratton. Maliwanag din ang rekord sa iba pang dako na kung minsan ay binabanggit nila ang isang kusang-loob na donasyon. . . . Hindi kami nangingilak ng salapi. Sinisikap lamang naming makausap ang mga tao tungkol sa Bibliya.”
Kailangan ba ang Pahintulot ng Pamahalaan?
May-pang-unawang tinanong ni Hukom Antonin Scalia: “Hindi ba’t sa pangmalas mo ay hindi na kailangan pang magtungo sa alkalde at humingi ng pahintulot upang makipag-usap sa isang kapitbahay tungkol sa isang bagay na kawili-wili?” Sumagot ang abogado ng mga Saksi: “Hindi kami naniniwalang dapat sang-ayunan ng Hukumang ito ang regulasyon ng isang Pamahalaan na humihiling sa isang mamamayan na kumuha ng isang lisensiya upang makipag-usap sa isa pang mamamayan sa tahanan nito.”
Pagbabago ng mga Argumento, Pagbabago ng Saloobin
Pagkakataon na ngayon ng Nayon na iharap ang kaso nito. Ipinaliwanag ng nangungunang abogado na kumakatawan sa nayon ang ordinansa ng Stratton, na sinasabing: “Ginagamit ng Stratton ang kapangyarihan
ng pulisya nito kapag ipinagsasanggalang nito ang pribadong buhay ng mga residente nito, kapag hinahadlangan nito ang krimen. Ang ordinansa nito hinggil sa hindi pangangambas o pangingilak sa pribadong ari-arian ay humihiling lamang ng patiunang pagpaparehistro at pagdadala ng isang permit sa panahon ng gawaing pagbabahay-bahay.”Tinumbok agad ni Hukom Scalia ang pinakadiwa nito nang magtanong siya: “May nalalaman ba kayong anumang ibang kaso natin [ng Korte Suprema] na nagsasangkot ng isang ordinansang ganito ang saklaw, tungkol sa pangingilak, hindi paghingi ng pera, hindi pagtitinda ng kalakal, subalit halimbawa ay nagsasabing, ‘Nais kong makipag-usap sa inyo tungkol kay Jesu-Kristo,’ o ‘Nais kong makipag-usap sa inyo tungkol sa pangangalaga sa kapaligiran?’ Nagkaroon ba tayo ng gayong kaso?”
Nagpatuloy si Hukom Scalia: “Wala akong nalalamang gayong kaso, sa loob ng mahigit na dalawang dantaon.” May-katalinuhan namang sumagot si Punong Hukom Rehnquist: “Hindi ka naman nabuhay nang gayon kahaba.” Nagtawanan sa loob ng hukuman. Ipinagpatuloy ni Hukom Scalia ang kaniyang argumento: “Ang saklaw ng bagay na ito ay bago sa akin.”
Isang Ekselenteng Ideya?
Nagbangon ng isang makatuwirang tanong si Hukom Anthony M. Kennedy: “Para sa iyo ay isang ekselenteng ideya na humingi ako ng pahintulot sa Pamahalaan bago ako magtungo sa isang kalye, kung saan hindi ko kilala ang lahat ng tao, [at] sasabihin kong nais ko kayong makausap sapagkat nababahala ako sa pangongolekta ng basura, sapagkat nababahala ako sa ating Kongresista, o anupaman. Kailangan ko pa bang humingi ng pahintulot sa Pamahalaan bago ko magawa iyan?” Sinabi pa niya, “Pambihira naman ito.”
Pagkatapos, sumali na rin sa argumento si Hukom Sandra Day O’Connor at nagtanong: “Buweno, kumusta naman ang mga batang nagbabahay-bahay kapag panahon ng halloween na humihingi ng kendi? Kailangan ba nilang kumuha ng permit?” Itinaguyod kapuwa nina Hukom O’Connor at Scalia ang pangangatuwirang ito. Iniharap ni Hukom O’Connor ang isa pang argumento: “Kumusta naman ang panghihiram ng isang tasang asukal sa iyong kapitbahay? Kailangan ko bang kumuha ng permit upang manghiram ng isang tasang asukal sa aking kapitbahay?”
Mga Kambaser ba ang mga Saksi?
Nagtanong si Hukom David H. Souter: “Bakit saklaw ng ordinansa ang mga Saksi ni Jehova? Sila ba’y mga kambaser, tagapangilak, tagapaglako, tagapagbenta sa bahay-bahay, o naglalakbay na mga mangangalakal? Hindi sila gayon, di ba?” Detalyadong sinipi ng abogado ng Nayon ang ordinansa at idinagdag pa na sinabi ng nakabababang hukuman na ang mga Saksi ni Jehova ay mga kambaser. Sa bagay na ito, sinabi ni Hukom Souter bilang tugon: “Kung gayon, napakalawak ng pagbibigay-kahulugan mo sa salitang mga kambaser, kung kasali rito ang mga Saksi ni Jehova.”
Pagkatapos ay sinipi ni Hukom Breyer ang kahulugan na ibinigay ng diksyunaryo sa salitang kambaser upang ipakita na hindi ito kumakapit sa mga Saksi. Sinabi pa niya: “Wala akong nabasang anuman sa iyong balangkas ng argumento na nagsasabi kung ano ang layunin upang hilingan ang mga taong ito [mga Saksi ni Jehova] na hindi interesado sa pera, hindi interesadong magtinda, hindi pa nga interesado sa mga boto, na magtungo sa bahay-pamahalaan ng lunsod at magparehistro. Ano ang layunin ng lunsod?”
Ang “Pribilehiyo” ng Komunikasyon
Pagkatapos, nangatuwiran ang abogado ng Nayon na “ang layunin ng lunsod ay hadlangan ang pang-aabala sa may-ari ng bahay.” Ipinaliwanag pa niya na ito’y upang ipagsanggalang ang mga residente mula sa pandaraya at sa mga kriminal. Sinipi ni Hukom Scalia ang ordinansa upang ipakita na makahihiling ang alkalde ng higit pang impormasyon tungkol sa nagpapatala at sa kaniyang layunin upang “mailarawan nang tumpak ang uri ng pribilehiyo na ninanais.” Mariin niyang idinagdag: “Ayon sa ordinansa, isang pribilehiyo ang paglilibot upang hikayatin ang iyong mga kapuwa mamamayan tungkol sa iba’t ibang bagay—hindi ko maunawaan ang pagiging makatuwiran niyan.”
Nagtanong muli si Hukom Scalia: “Kaya dapat bang hilingan ang lahat ng tumitimbre sa pinto na makuhanan muna ng tatak ng mga daliri sa bahay-pamahalaan ng lunsod bago [siya] maaaring tumimbre sa pinto? Sapat bang dahilan ang maliit na panganib na baka may mangyaring krimen upang hilingan ang lahat na nagnanais tumimbre sa pinto na magparehistro sa bahay-pamahalaan ng lunsod? Siyempre pa, hindi.”
Ipinagsasanggalang ba ang mga Residente?
Nang matapos na ang 20 minutong ibinigay sa kaniya, iniabot ng abogado ng Nayon ang argumento sa solicitor general para sa estado ng Ohio. Nangatuwiran siya na ang ordinansang nagbabawal sa pangingilak ay nagsasanggalang sa mga residente mula sa mga pagdalaw ng isang estranghero, “tiyak na isang di-inanyayahang tao, [na] naririto sa aking ari-arian . . . at sa palagay ko ay may karapatan ang nayon na magsabi na, ‘Nababahala kami sa ganiyang uri ng gawain.’ ”
Pagkatapos, sinabi ni Hukom Scalia: “Sinasabi ng nayon na kahit na yaong mga taong tumatanggap sa mga Saksi ni Jehova, na nakaupo roon nang malungkot, na gustung-gusto nilang may makausap hinggil sa anumang bagay, gayunman ang mga taong ito [mga Saksi ni Jehova] ay kailangan pang magparehistro sa alkalde upang magkaroon ng pribilehiyo na tumimbre sa kanilang pinto.”
“Isang Lubhang Makatuwirang Paghihigpit”
Noong panahon ng pagtatanong, nagbigay ng mapuwersang punto si Hukom Scalia nang sabihin niya: “Tayong lahat ay maaaring sumang-ayon na ang pinakaligtas na mga lipunan sa daigdig ay ang mga pamamahalang diktadura. Napakakaunti ng krimen. Isa itong karaniwang katotohanan, at isa sa kapalit ng kalayaan sa paanuman ay ang labis na manganib sa mga gawaing labag sa batas, at ang isyu ay kung mapahihinto ba ng ordinansang ito ang gawaing labag sa batas upang maging sulit ang paghiling ng pribilehiyo na tumimbre sa pinto ng iba.” Pagkatapos ay sumagot ang solicitor general na “ito’y isang lubhang makatuwirang paghihigpit.” Sumagot naman si Hukom Scalia na ito’y lubhang makatuwiran anupat “wala kaming makitang kahit na isang kaso na nag-uulat hinggil sa isang munisipyo na kailanma’y pinagtibay ang isang ordinansang gaya nito. Sa palagay ko’y hindi ito makatuwiran.”
Sa wakas, dahil sa nagipit ng isa sa mga hukom, kailangang aminin ng solicitor general: “Atubili akong sabihin na talagang ipagbawal nga ninyo ang pagtimbre o pagkatok sa mga pinto.” Nang masabi iyon, natapos ang kaniyang argumento.
Bilang sagot sa paratang, binanggit ng abogado ng mga Saksi na ang ordinansa ay walang paraan upang patunayan ang sinabi ng isang tao. “Maaari akong magtungo sa bulwagang-bayan ng nayon at magsabi, ‘Ako po’y si [ganoon-at-ganito],’ at kukuha ng permit at magtutungo sa bahay-bahay.” Binanggit din niya na ang alkalde ay may kapangyarihang tumangging magbigay ng permit sa isang tao na nagsasabing hindi siya nauugnay sa isang organisasyon. “Naniniwala kami na ito’y maliwanag na paghatol sa isang bagay,” aniya at sinabi pa: “May-paggalang kong binabanggit na ang aming [ng mga Saksi ni Jehova] gawain ay kasuwato nga sa diwa ng Unang Susog.”
Di-nagtagal pagkaraan nito, tinapos ni Punong Hukom Rehnquist ang bibigang mga argumento, na sinasabing: “Ang kaso ay isinumite [sa Korte Suprema].” Ang buong proseso ay tumagal lamang nang mahigit sa isang oras. Kung gaano kahalaga ang oras na iyon ay makikita sa nasusulat na hatol na ibinalita noong Hunyo.
[Mga larawan sa pahina 6]
Punong Hukom Rehnquist
Hukom Breyer
Hukom Scalia
[Credit Lines]
Rehnquist: Collection, The Supreme Court Historical Society/Dane Penland; Breyer: Collection, The Supreme Court Historical Society/Richard Strauss; Scalia: Collection, The Supreme Court Historical Society/Joseph Lavenburg
[Mga larawan sa pahina 7]
Hukom Souter
Hukom Kennedy
Hukom O’Connor
[Credit Lines]
Kennedy: Collection, The Supreme Court Historical Society/Robin Reid; O’Connor: Collection, The Supreme Court Historical Society/Richard Strauss; Souter: Collection, The Supreme Court Historical Society/Joseph Bailey
[Larawan sa pahina 8]
Loob ng silid hukuman
[Credit Line]
Photograph by Franz Jantzen, Collection of the Supreme Court of the United States