Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ginagawang Mas Ligtas ang Iyong Pagdadalang-tao

Ginagawang Mas Ligtas ang Iyong Pagdadalang-tao

Ginagawang Mas Ligtas ang Iyong Pagdadalang-tao

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO

AYON sa United Nations Population Fund, mahigit sa kalahating milyong babae ang namamatay taun-taon dahil sa mga sanhing nauugnay sa pagdadalang-tao. Karagdagan pa, iniulat ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) na mahigit sa 60 milyong babae ang dumaranas ng grabeng mga komplikasyon mula sa pagdadalang-tao taun-taon at na halos sangkatlo sa mga ito ang dumaranas ng panghabang-buhay na mga pinsala o impeksiyon. Sa papaunlad na mga bansa, maraming kababaihan ang hindi na makatakas sa siklo ng pagdadalang-tao, panganganak, at pagpapabaya sa sarili, anupat sila’y pagód na pagód at nagkakasakit. Oo, ang pagdadalang-tao ay maaaring maging nakapipinsala​—mapanganib pa nga. May magagawa ba ang isang babae upang gawing mas ligtas ang kaniyang pagdadalang-tao?

Pangangalaga sa Kalusugan Bago ang Pagdadalang-tao

Pagpaplano. Baka kailangang pag-usapan ng mag-asawa kung ilang anak ang gusto nila. Sa papaunlad na mga bansa, karaniwan nang makakita ng mga babaing may maliliit pang anak, pagkatapos ay may pinasususo pang sanggol at, kasabay nito ay nagdadalang-tao na naman. Ang maingat na pagpaplano at pagsasaalang-alang ng mga bagay ay maaaring magbigay ng sapat na panahon bago masundan ang isang anak, anupat nakapagpapahinga ang babae at nagkakaroon ng panahong magpalakas pagkatapos manganak.

Nutrisyon. Ayon sa Coalition for Positive Outcomes in Pregnancy, ang isang babae ay nangangailangan ng di-kukulangin sa apat na buwan upang makabawi mula sa pagkalantad sa nakapipinsalang mga substansiya at magkaroon ng mainam na suplay ng pagkain bago magdalang-tao. Halimbawa, ang panganib na magkaroon ng spina bifida, dahil sa depektibong pagsasara ng neural tube, ay lubhang nababawasan kapag ang magiging ina ay may sapat na suplay ng folic acid. Yamang ang neural tube ng ipinagdadalang-tao ay nagsasara sa pagitan ng ika-24 at ika-28 araw pagkatapos ng paglilihi​—bago pa man malaman ng maraming babae na sila ay buntis​—umiinom na ng suplementong folic acid ang ilang babae na nagpaplanong magdalang-tao.

Isa pang mahalagang nutriyente ang iron. Oo, nadodoble ang kinakailangang iron ng isang babae sa panahon ng pagdadalang-tao. Kung hindi sapat ang reserba niya​—na totoo sa maraming kababaihan sa papaunlad na mga bansa​—maaari siyang magkaroon ng anemya dahil sa kakulangan ng iron. Maaari pang lumala ang kalagayan sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagdadalang-tao, yamang ang babae ay maaaring wala nang panahon upang madagdagang muli ang kaniyang reserbang iron. *

Edad. Mas malaki nang 60 porsiyento ang panganib na mamatay sa pagdadalang-tao ang mga batang babae na wala pang 16 anyos kaysa sa mga nasa edad 20. Sa kabilang dako naman, ang mga babaing ang edad ay mahigit nang 35 ay mas malamang na magkaroon ng mga sanggol na may abnormalidad sa pagsilang, gaya ng Down’s syndrome. Ang mga inang napakabata pa o may-edad na para manganak ay mas malamang na dumanas ng preeclampsia. Ang sakit na ito, ang pagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo pagkatapos ng ika-20 linggo ng pagbubuntis na may pamamanas at dumaraming protina sa ihi, ang nagdudulot ng higit na panganib sa pagkamatay kapuwa ng sanggol at ng ina.

Mga impeksiyon. Maaaring lumala ang mga impeksiyon sa daanan ng ihi, kuwelyo ng matris, at sa tiyan at bituka sa panahon ng pagdadalang-tao at madagdagan ang panganib na manganak nang wala sa panahon at preeclampsia. Ang anumang impeksiyon ay pinakamainam na gamutin bago ang pagdadalang-tao.

Pangangalaga sa Kalusugan sa Panahon ng Pagdadalang-tao

Pangangalaga sa kabuntisan. Binabawasan ng regular na pagpapatingin sa isang doktor sa panahon ng pagdadalang-tao ang panganib na mamatay ang ina. Kahit na sa mga bansang limitado ang regular na pagpapatingin sa mga klinika at ospital, may mga komadrona na sinanay nang wasto.

Nabibigyan ng babala ang sinanay na mga tauhan sa mga kalagayan na maaaring mangailangan ng pantanging pangangalaga kapag may pangangalaga sa kabuntisan. Kabilang dito ang pagbubuntis ng dalawa o higit pang sanggol, alta presyon, mga sakit sa puso at bato, at diyabetis. Sa ilang bansa ang isang babaing nagdadalang-tao ay maaaring bakunahan ng tetanus toxoid upang maiwasan ng bagong-silang ang tetano. Maaari ring suriin kung mayroon siyang group B streptococcus sa pagitan ng ika-26 at ika-28 linggo ng pagbubuntis. Kung may mga baktiryang tulad nito sa malaking bituka, maaaring mahawahan ang sanggol sa panahon ng panganganak.

Dapat na handa ang magiging ina na magbigay sa mga propesyonal sa kalusugan ng lahat ng impormasyon, pati na ang kaniyang personal na rekord ng kalusugan. Dapat na malaya rin siyang magtanong. Dapat humingi agad ng medikal na tulong kapag dinugo, biglang namaga ang mukha, may matindi at patuloy na pagsakit ng ulo o pagkirot ng mga daliri, biglang nanlalabo ang paningin, may matinding sakit ng tiyan, walang tigil ang pagsusuka, giniginaw o nilalagnat, may mga pagbabago sa dalas o tindi ng pagdumi, naubos ang likido sa ari ng babae, masakit ang pag-ihi, o may abnormal na kawalan ng ihi.

Alkohol at droga. Ang paggamit ng ina ng inuming de-alkohol at droga (kasali na ang tabako) ay mas nagsasapanganib sa kaniyang anak na magkaroon ng mahinang ulo, mga abnormalidad sa katawan, at mga problema sa paggawi. Ang mga sanggol ng mga inang sugapa sa droga ay napag-alamang nakikitaan ng mga sintomas ng mga taong dating sugapa subalit huminto na sa pagdodroga. Bagaman naniniwala ang ilang tao na ang paminsan-minsang pag-inom ng isang baso ng alak ay hindi nakapipinsala, karaniwang inirerekomenda ng mga eksperto ang lubusang hindi pag-inom ng alak sa panahon ng pagdadalang-tao. Dapat ding mag-ingat ang mga magiging ina sa usok ng sigarilyo mula sa iba.

Mga medisina. Walang gamot ang dapat inumin malibang espesipikong inireseta ng isang doktor na nakaaalam sa pagdadalang-tao at maingat na isinaalang-alang ang mga panganib. Ang ilang suplementong bitamina ay maaari ring makapinsala. Halimbawa, ang sobrang bitamina A ay maaaring pagmulan ng kapansanan sa katawan ng ipinagbubuntis na sanggol.

Dagdag na timbang. Dapat iwasan ng babaing nagdadalang-tao ang pagpapakalabis sa timbang. Ayon sa Krause’s Food, Nutrition and Diet Therapy, 40 ulit na mas nanganganib mamatay ang isang sanggol na mababa ang timbang nang isilang kaysa sa bagong-silang na normal ang timbang. Sa kabilang dako naman, ang pagkain ng para sa dalawa katao ay nagdudulot lamang ng labis na katabaan. Ang tamang dagdag na timbang​—higit na kapansin-pansin mula sa ikaapat na buwan ng pagbubuntis patuloy​—ay nagpapahiwatig na tama ang dami ng kinakain ng magiging ina para sa dumaraming pangangailangan. *

Kalinisan at iba pang mga bagay na dapat isaalang-alang. Maaaring maligo, subalit hindi puwedeng gumamit ng vaginal douches. Hindi dapat makisalamuha ang isang babaing nagdadalang-tao sa sinumang may impeksiyong dala ng virus, gaya ng rubella, na tinatawag ding German measles. Isa pa, upang maiwasan ang toxoplasmosis, dapat maingat na iwasan ang pagkain ng karne na hindi gaanong naluto at ang paghipo sa mga dumi ng pusa. Mahalaga ang saligang pamamaraan sa kalinisan gaya ng paghuhugas ng kamay at ng mga pagkaing hindi niluluto. Karaniwang walang panganib ang pagtatalik, maliban na sa mga huling linggo ng pagdadalang-tao o sa kaso ng pagdurugo, pulikat, o dating nakunan.

Isang Maayos na Panganganak

Ang isang babaing nangangalaga sa kaniyang sarili sa panahon ng pagdadalang-tao ay walang gaanong komplikasyon sa panganganak. Natural, ipaplano niya kung saan niya gustong manganak, sa bahay o sa ospital. Aalamin din niya kung ano ang aasahan at kung paano makikipagtulungan sa dalubhasang komadrona o manggagamot. Ang taong ito naman ang aalam sa may-kabatirang pagpili ng babae​—kung may mapagpipilian​—tungkol sa mga isyu na gaya ng posisyon sa panganganak, paghiwa upang mapadali ang panganganak, at ang paggamit ng porsep, mga pampamanhid, at pagsubaybay sa ipinagbubuntis na sanggol sa pamamagitan ng ultrasound. Dapat mayroon ding kasunduan sa iba pang mga isyu: Saang ospital o klinika sila pupunta kung magkaroon ng komplikasyon ang panganganak sa bahay? Ano ang eksaktong gagawin sakaling mawalan ng maraming dugo? Yamang ang pagdurugo ay sanhi ng pagkamatay ng maraming ina, dapat may nakahandang mga panghalili sa dugo para sa mga pasyenteng ayaw magpasalin ng dugo. Dapat ding pag-isipan nang patiuna ang gagawin kung kakailanganin ang isang cesarean section.

Sinasabi ng Bibliya na ang mga anak ay isang pagpapala mula sa Diyos, isang “mana.” (Awit 127:3) Mientras mas maraming nalalaman ang isang babae tungkol sa kaniyang pagdadalang-tao, mas magiging maayos ang kaniyang panganganak. Sa pamamagitan ng pangangalaga sa kaniyang sarili bago at sa panahon ng pagdadalang-tao at sa pamamagitan ng sapat at patiunang pag-iisip sa iba’t ibang aspekto ng panganganak, gagawin ng isang babae ang lahat ng magagawa niya upang matiyak ang isang mas ligtas na pagdadalang-tao.

[Mga talababa]

^ par. 7 Ang ilan sa pinagmumulan ng folic acid at iron ay ang atay, butong-gulay, berde at madahong mga gulay, nuwes, at fortified cereals. Para masipsip ang mga pagkaing mayaman sa iron, makatutulong na samahan ito ng mga pagkaing pinagmumulan ng bitamina C, gaya ng sariwang mga prutas.

^ par. 16 Ang iminumungkahing dagdag na timbang para sa isang babaing nagsisimula sa pagdadalang-tao na may malusog na timbang ay sa pagitan ng 9 at 12 kilo sa pagtatapos ng pagbubuntis. Gayunpaman, ang dagdag na timbang para sa mga nagdadalaga o mga babaing kulang sa pagkain ay dapat na sa pagitan ng 12 at 15 kilo, samantalang yaon namang sobra sa timbang ay dapat magdagdag lamang sa pagitan ng 7 at 9 na kilo.

[Kahon sa pahina 14]

MGA TIP PARA SA MGA BABAING NAGDADALANG-TAO

● Pangkaraniwan nang dapat kasali sa pagkain ng isang babaing nagdadalang-tao ang mga prutas, gulay (lalo na ang mga gulay na kulay matingkad na berde, kahel, at pula), butong-gulay (gaya ng patani, balatong, lentehas, at garbansos), binutil (kasali na ang trigo, mais, oat, at sebada​—mas mabuti ang whole grain o fortified), pagkain mula sa mga hayop (isda, manok, karne ng baka, itlog, keso, at gatas, lalong mabuti ang gatas na walang taba). Dapat na katamtaman lamang ang pagkain ng taba, asukal, at asin. Uminom ng maraming tubig. Iwasan ang mga inuming may caffeine, gayundin ang mga pagkaing may mga preserbatibo at mga additive (gaya ng artipisyal na mga kulay at lasa). Ang gawgaw, luwad, at iba pang substansiyang di-kinakain ay maaaring maging sanhi ng malnutrisyon at pagkalason.

● Mag-ingat sa posibleng mga panganib sa kapaligiran, gaya ng labis na pagkahantad sa X-ray at nakapipinsalang mga kemikal. Limitahan ang paggamit ng mga isprey at iba pang substansiya sa bahay. Huwag magpainit nang husto dahil sa pagkahantad sa maiinit na temperatura o labis na pag-eehersisyo. Iwasan ang pagtayo nang matagal at labis na pagpapagod. Ikabit ang sinturong pangkaligtasan sa tamang posisyon.