Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Globalisasyon Nasiyahan ako sa inyong seryeng itinampok sa pabalat na “Globalisasyon—Sumpa o Lunas?” (Mayo 22, 2002) Ilang beses na akong nakadalo sa mga lektyur tungkol sa globalisasyon at parang may kinikilingan ang kanilang mga pagtalakay. Alinman sa pinapaboran ng tagapagsalita ang globalisasyon sa pamamagitan ng pagbanggit sa mga bentaha nito o binabatikos ito na wala namang ibinibigay na kahaliling pamamaraan. Pero gaya ng binanggit ng inyong mga artikulo, ang Kaharian ng Diyos ang magpapangyaring maging kapaki-pakinabang ang globalisasyon sa ating lahat. Nananabik na ako sa pagdating ng gayong kapaki-pakinabang na mga pagbabago!
E. F., Pilipinas
Minsan pa ay sumulat kayo ng napakagandang artikulo na talagang hahangaan ng marami. Gaya ng idiniriin ng inyong konklusyon, ang tanging solusyon para sa sangkatauhan ay ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa isang paraisong lupa. Gusto ko lang kayong pasalamatan sa inyong mahusay na pagsusulat ng mga artikulo na nauugnay sa mapanganib na panahong ating kinabubuhayan.
G. B., Ireland
Ibig ko kayong pasalamatan sa inyong kapuri-puring gawain ng pag-eebanghelyo. Nabasa ko ang seryeng itinampok sa pabalat na “Globalisasyon—Sumpa o Lunas?” at talagang kahanga-hanga ang pagiging tumpak nito. Tinulungan tayo ng seryeng ito na mabatid ang ating mga limitasyon bilang tao. Nakatulong din ito sa atin na maunawaan na hindi magtatagumpay ang mga bagay-bagay kapag hindi tayo namumuhay kasuwato ng mga batas ni Jehova.
J. D., Belgium
Nais kong ipahayag ang aking paghanga sa mga artikulo tungkol sa globalisasyon. Napakaganda ng pagkakasulat at ng mga larawan nito. Bago ko mabasa ang mga artikulong ito, wala man lamang akong kaalam-alam sa kahulugan ng salita, subalit pakiramdam ko ngayon ay marami na akong nalalaman. Lagi akong nasisiyahan sa pagbabasa ng Gumising!
E. K., Peru
Pandinig Maraming salamat sa artikulong “Ingatan ang Iyong Pandinig!” (Mayo 22, 2002) Nasa unang taon ako ng pagsasanay bilang isang espesyalista sa hearing aid, kaya nauunawaan ko ang epekto ng ingay sa araw-araw. Lalo nang mahalaga na ipaalam sa mga kabataan ang pagkahantad nila sa pang-araw-araw na ingay.
C. K., Alemanya
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong Talagang nakapagtuturo ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Kaya Ako Makakakita ng Makakasundong Kasama sa Kuwarto?” (Mayo 22, 2002) Hindi na ako kabataan, pero nakipagdiborsiyo ako sa asawa ko kamakailan. Laking gulat ko dahil sa napalaki ng gastos para mabuhay sa ngayon, hindi ko pala kayang magsarili. Ang tanging paraan ay humanap ako ng makakasama sa kuwarto. Inisip ko na dahil sa aking edad, magiging isang malaking hamon ito para sa akin. Isang kabataang sister, na baguhan sa aming kongregasyon, ang naghahanap din ng makakasama sa kuwarto. Nagkasama kami sa isang kuwarto. Talagang naging pagpapala ang naging kaayusan. Pagkalipas ng ilang panahon, kinapos kami nang husto sa pera, at isa pang sister ang lumipat sa amin. Masasabi ko na sa organisasyon lamang ni Jehova makikitang nagsasama nang mapayapa at nagmamahalan ang isang 60-taóng-gulang na lola at dalawang kabataang dalaga na may iba’t ibang kinalakhan! Para kaming isang maliit na pamilya, at sa maraming paraan ay naibsan nito ang kalungkutan sa aming buhay.
L. G., Estados Unidos
Pagmamasid sa Daigdig Salamat sa tudling ng “Pagmamasid sa Daigdig” na pinamagatang “Pag-unawa sa Sakit sa Isip.” (Mayo 22, 2002) Mayroon akong bipolar disorder sa loob ng 18 taon na. Sa kabila ng sakit na ito, marami naman akong nagagawa sa buhay. Nakapagpalaki ako ng tatlong anak na lalaki at naging isang mabuting maybahay sa aking asawa. Natulungan ko rin ang ilang indibiduwal na magkaroon ng kaalaman sa Bibliya. Mayroon akong mapagmahal na pamilya at maiibiging kaibigan sa kongregasyon. Salamat sa Gumising! Ginagawa tayong lahat nito na maging magkakapantay ang naaabot na edukasyon.
H. B., Timog Aprika
[Picture Credit Line sa pahina 30]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.