Nagdesisyon ang Korte Suprema Pabor sa Kalayaan sa Pagsasalita
Nagdesisyon ang Korte Suprema Pabor sa Kalayaan sa Pagsasalita
DUMATING ANG NAPAKAHALAGANG ARAW noong Hunyo 17, 2002, nang ilathala ng Korte Suprema ang nasusulat na desisyon nito. Ano ba ang desisyon? Ipinaalam ng mga ulong balita sa pahayagan ang resulta. Ipinahayag ng The New York Times: “Inalis ng Hukuman ang mga Limitasyon Hinggil sa mga Pagdalaw ng mga Saksi ni Jehova.” Ganito ang sinabi ng The Columbus Dispatch ng Ohio: “Pinawalang-saysay ng Mataas na Hukuman ang Kahilingan sa Pagkuha ng Permit.” Sinabi naman ng The Plain Dealer ng Cleveland, Ohio: “Hindi na Kailangang Kumuha ng Permit Mula sa Bahay-Pamahalaan ng Lunsod ang mga Nangingilak.” Ipinahayag ng pahinang nasa kabila ng editoryal ng USA Today: “Nagtagumpay ang Kalayaan sa Pagsasalita.”
Nabaligtad ang mga desisyon ng nakabababang hukuman laban sa mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng boto na 8 sa 1! Isinulat ni Hukom John Paul Stevens ang opisyal na 18-pahinang Opinyon ng Korte. Ang desisyon ay isang matibay na muling pagpapatunay sa proteksiyon na ipinagkakaloob ng Unang Susog sa pangmadlang ministeryo ng mga Saksi ni Jehova. Sa nasusulat na opinyon nito, ipinaliwanag ng Korte na hindi kumukuha ng permit ang mga Saksi dahil sinasabi nilang “ang kanilang awtoridad na mangaral ay mula sa Kasulatan.” Pagkatapos ay sinipi ng Hukuman ang patotoong binabanggit sa kanilang nasusulat na argumento: “Itinuturing namin na halos isang pag-insulto sa Diyos ang paghingi mula sa isang munisipyo ng permit upang mangaral.”
Ganito ang sinasabi ng Opinyon ng Korte: “Sa loob ng mahigit na 50 taon, pinawalang-saysay ng Korte ang mga paghihigpit sa pangangambas at pamamahagi ng mga pamplet sa bahay-bahay. Hindi lamang nagkataon sa kasaysayan na ang karamihan sa mga kasong ito ay mga isyu na may kaugnayan sa mga karapatan sa ilalim ng Unang Susog na iniharap ng mga Saksi ni Jehova, sapagkat ang pangangambas sa bahay-bahay ay kahilingan sa kanilang relihiyon. Gaya ng Gawa 20:20. Literal nilang sinusunod ang utos ng Kasulatan, “Magsiyaon kayo sa buong sanlibutan, at ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng kinapal.” Marcos 16:15. Sa paggawa nito, naniniwala sila na sinusunod nila ang utos ng Diyos.’”
nakita natin sa Murdock v. Pennsylvania, . . . (1943), ‘sinasabi ng mga Saksi ni Jehova na sinusunod nila ang halimbawa ni Pablo, na nangangaral “nang hayagan, at sa bahay-bahay.”Pagkatapos, muling sumipi ang Opinyon mula sa kaso noong 1943: “Ang anyong ito ng relihiyosong gawain ay nagtataglay ng kagalang-galang na katayuan sa ilalim ng Unang Susog na katulad ng pagsamba sa mga simbahan at pangangaral mula sa mga pulpito. May karapatan din itong tumanggap ng proteksiyong katulad ng ibinibigay sa higit na maka-ortodokso at mas kombensiyonal na mga gawain ng relihiyon.” Sa pagsipi sa isang kaso noong 1939, sinabi ng Opinyon: “Ang pagsensura sa pamamagitan ng pagkuha ng lisensiya anupat nagiging imposible ang malaya at walang hadlang na pamamahagi ng mga pamplet ay banta sa mismong mga pundasyon na iginagarantiya ng konstitusyon,”—Kanila ang italiko.
Saka nagbigay ng mahalagang pahayag ang Korte: “Ipinakikita ng mga kaso na ang mga pagsisikap ng mga Saksi ni Jehova na labanan ang pagkontrol sa pagsasalita ay hindi isang pakikipagpunyagi para lamang sa kanilang mga karapatan.” Ipinaliwanag ng Opinyon na “hindi lamang [ang mga Saksi] ang ‘mga karaniwang tao’ na nanganganib patahimikin sa pamamagitan ng mga regulasyon na gaya niyaong ordinansa ng Nayon.”
Sinabi pa ng Opinyon na ang ordinansa “ay nakaiinsulto—hindi lamang sa mga simulaing ipinagsasanggalang ng Unang Susog, kundi sa mismong ideya ng isang malayang lipunan—na sa kalagayan ng araw-araw na pakikipag-usap sa iba, dapat munang ipagbigay-alam ng isang mamamayan sa pamahalaan ang kaniyang pagnanais na makipag-usap sa kaniyang mga kapitbahay at pagkaraan ay kumuha ng isang permit upang gawin iyon. . . . Ang isang batas na humihiling ng isang permit upang makipag-usap sa iba ay lubhang paglayo sa ating pambansang pamana at konstitusyonal na tradisyon.” Pagkatapos ay binanggit ng Opinyon ang “lubhang mapanganib na epekto ng gayong kahilingan na pagkuha ng permit.”
Banta ng mga Krimen
Kumusta naman ang palagay na ang permit ay isang pag-iingat laban sa mga magnanakaw at iba pang mga kriminal? Ang Korte ay nangatuwiran: “Sa kabila ng pagkilalang makatuwiran naman ang mga pagkabahalang ito, maliwanag mula sa naunang mga kaso na dapat maging timbang sa pagitan ng mga ikinababahalang ito at ng epekto ng mga regulasyon sa mga karapatan sa ilalim ng Unang Susog.”
Nagpatuloy ang Opinyon ng Korte: “Hindi ito nangangahulugan na komo walang permit ay hindi na kakatok sa mga pinto ang mga kriminal at makikipag-usap tungkol sa mga bagay na hindi saklaw ng ordinansa. Halimbawa, maaari silang magtanong ng direksiyon o humingi ng pahintulot na makigamit ng telepono, . . . o maaari silang magparehistro sa ilalim ng huwad na pangalan nang hindi naparurusahan.”
Sa pagsangguni sa mga desisyon noong dekada ng 1940, sumulat ang Korte: “Ang mga pananalitang ginamit sa mga opinyon noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II na paulit-ulit na nagligtas sa mga karelihiyon
ng mga nagpetisyon [Watch Tower Society] mula sa makitid ang isip na pagsasakdal ay nagpapakita sa ebalwasyon ng Korte hinggil sa mga kalayaan sa ilalim ng Unang Susog na nasasangkot sa kasong ito.”Ano ang konklusyon ng Korte? “Binaligtad ang hatol ng Court of Appeals, at ibinalik dito ang kaso upang ipagpatuloy pa ang paglilitis na kasuwato ng opinyong ito. Ito ang aming utos.”
Kaya, ang huling kinalabasan ng kaso ay, gaya ng binanggit sa Chicago Sun-Times, “Sinuportahan ng Hukuman ang mga Saksi ni Jehova,” at iyan ay sa nakararaming boto na 8 sa 1.
Kumusta Naman sa Hinaharap?
Paano minalas ng mga Saksi ni Jehova sa kalapit na Wellsville Congregation ang tagumpay na ito sa Korte Suprema? Tiyak na walang dahilan upang ipagyabang ito sa ikapapahiya naman ng mga naninirahan sa Stratton. Ang mga Saksi ay hindi nagkikimkim ng sama ng loob sa kagalang-galang na mga tao ng nayon. Si Gregory Kuhar, isang Saksing tagaroon, ay nagsabi: “Ang kasong ito sa korte ay isang bagay na hindi namin gustong gawin. Ang ordinansa sa ganang sarili ay talagang mali. Ang ginawa namin ay hindi lamang para sa amin, kundi para sa lahat.”
Ipinakikita ng mga katotohanan na ang mga Saksi ay gumawa ng pantanging pagsisikap upang huwag pukawin sa galit ang mga tao roon. Ganito ang paliwanag ni Gene Koontz, isa pang Saksi: “Ang huling pagkakataon na nangaral kami sa Stratton ay noong Marso 7, 1998—mahigit nang apat na taon.” Sinabi pa niya: “Personal akong sinabihan na ako’y aarestuhin. Marami kaming report noong mga taon na pinagbabantaan kaming arestuhin ng pulisya. Pagkatapos, kapag hinihiling naming makita ang aktuwal na nasusulat na ordinansa, wala kaming natatanggap na sagot.”
Idinagdag pa ni Koontz: “Mas pipiliin pa naming magkaroon ng mabuting kaugnayan sa aming mga kapitbahay. Kung ayaw ng ilan na dumalaw kami sa kanila, iginagalang namin ang desisyong iyon. Subalit may iba na palakaibigan at nagnanais makipag-usap tungkol sa Bibliya.”
Ganito naman ang paliwanag ni Gregory Kuhar: “Hindi namin itinaguyod ang kasong ito upang galitin ang mga mamamayan ng Stratton. Gusto lamang naming legal na itatag ang aming kalayaan sa pagsasalita sa ilalim ng Konstitusyon.”
Nagpatuloy siya: “Sa dakong huli, umaasa kaming makababalik kami sa Stratton. Magagalak ako na ako ang unang kakatok sa pinto pagbalik namin. Kaayon ng utos ni Kristo, dapat kaming bumalik.”
Ang kinalabasan ng “Watchtower v. Village of Stratton” ay nagkaroon ng malawak na mga epekto. Pagkatapos malaman ang pasiya ng Korte Suprema, kinilala ng maraming opisyal ng bayan sa Estados Unidos na hindi na maaaring gamitin ang lokal na mga ordinansa upang ipagbawal ang gawaing pag-eebanghelyo ng mga Saksi ni Jehova. Hanggang sa kasalukuyan, ang mga problema sa bahay-bahay na pangangaral ay nalutas na sa humigit-kumulang 90 pamayanan sa Estados Unidos.
[Kahon sa pahina 9]
“MULI NA NAMANG NAGTAGUMPAY ANG MGA SAKSI NI JEHOVA”
Isinulat ni Charles C. Haynes, iskolar na may mataas na katungkulan at direktor ng mga programa sa edukasyon sa First Amendment Center, ang mga salita sa itaas sa MSNBC Web site, sa ilalim ng pamagat na “The Freedom of Faith.” Nagpatuloy si Haynes: “Nakamit ng [mga Saksi] noong nakaraang linggo ang kanilang ika-48 tagumpay sa Korte Suprema—isang pambihira at sunud-sunod na kaso na lubhang nagpalawak sa mga proteksiyon sa ilalim ng Unang Susog para sa lahat ng Amerikano.” Nagbabala siya: “Tandaan ninyo ito: Kung maaaring higpitan ng pamahalaan ang kalayaan ng isang relihiyon, may kapangyarihan itong higpitan ang kalayaan ng anumang relihiyon—o ng lahat ng relihiyon. . . . Mangyari pa, may karapatan ang mga tao na huwag makinig—at magsara ng pinto. Subalit hindi dapat magkaroon ng awtoridad ang pamahalaan na magpasiya kung sino ang maaaring kumatok sa pinto. Kaya, salamat sa Korte Suprema.”
Ganito ang konklusyon ni Haynes: “Lahat tayo ay may utang na loob sa mga Saksi ni Jehova. Gaano man karaming beses silang ininsulto, itinaboy mula sa bayan, o sinaktan pa nga, patuloy nilang ipinaglalaban ang kanilang (at ang ating) kalayaan sa relihiyon. At kapag nagwagi sila, lahat tayo ay nakikinabang.”
[Kahon/Mga larawan sa pahina 10, 11]
ANG DESISYON NG KORTE SUPREMA—KUNG ANO ANG SINABI NG MGA PAHAYAGAN
◼ “Sinuportahan ng Korte ang mga Saksi ni Jehova; Hindi na Nangangailangan ng Isang Permit ang Ministeryo sa Bahay-bahay
Sa kanilang gawain na pagkatok sa mga pinto bilang mga Saksi ni Jehova, [ang mga Saksi] ay laging naniniwala na sinusuportahan sila ng Diyos. Ngayon ay sinusuportahan din sila ng Korte Suprema ng Estados Unidos.”—Chicago Sun-Times, Hunyo 18, 2002.
◼ “Nagtagumpay ang Kalayaan sa Pagsasalita
Sa susunod na pagkakataong abalahin ng mga Saksi ni Jehova ang inyong pagkain, maaari ninyong pasalamatan sila. Dahil sa taglay na lakas ng loob at dedikasyon nila sa kanilang relihiyosong mga simulain, ang di-maituturing na pangunahing relihiyong ito nang halos 1 milyong miyembro [sa Estados Unidos] ay malamang na nakagawa ng higit kaysa sa anumang ibang institusyon upang magkaroon ng kalayaan sa pagsasalita ang bawat Amerikano. . . .
“Para sa mga Saksi, ang pagtungo sa Korte Suprema ay pamilyar na rutin. Sa mahigit na dalawang dosenang kaso sa loob ng 65 taon, mabisa silang nakipagbaka laban sa paniniil ng nakararami.”—USA TODAY, Hunyo 18, 2002.
◼ “Ipinahayag na Isang Karapatan Ayon sa Konstitusyon ang Pangingilak sa Bahay-bahay. Isang Tagumpay Para sa mga Saksi ni Jehova ang Desisyon
Nagdesisyon ang Korte Suprema ng Estados Unidos noong Lunes na ang mga pulitiko, mga relihiyosong grupo, ang mga Girl Scout at ang iba pa ay may karapatan ayon sa konstitusyon na magtungo sa bahay-bahay upang ipalaganap ang kanilang mga paniwala nang hindi muna kumukuha ng pahintulot mula sa lokal na mga opisyal.”—San Francisco Chronicle, Hunyo 18, 2002.
◼ “Korte Suprema: Hindi Mo Mahahadlangan ang mga Saksi ni Jehova, mga Girl Scout sa Pagkatok sa mga Pinto
WASHINGTON—Ipinagsasanggalang ng Konstitusyon ang karapatan ng mga misyonero, pulitiko at iba pa na kumatok sa mga pinto nang hindi muna kumukuha ng pahintulot sa lokal na mga awtoridad, ang desisyon ngayon ng Korte Suprema. . . .
“Sa pamamagitan ng boto na 8 sa 1, nangatuwiran ang hukuman na kasali sa karapatan sa kalayaan sa pagsasalita sa Unang Susog ang karapatang dalhin ang mensahe nang tuwiran sa pintuan ng isa.”—Star Tribune, Minneapolis, Hunyo 18, 2002.
[Larawan sa pahina 9]
Hukom Stevens
[Credit Line]
Stevens: Collection, The Supreme Court Historical Society/Joseph Bailey