Napalaya Mula sa mga Tanikala ng Poot
Napalaya Mula sa mga Tanikala ng Poot
AYON SA SALAYSAY NI JOSÉ GOMEZ
AKO ay ipinanganak noong Setyembre 8, 1964, sa Rognac, isang maliit na nayon sa katimugan ng Pransiya. Ang aking mga magulang at mga ninuno ay mga Hitanong taga-Andalusia, na isinilang sa Algeria at Morocco, Hilagang Aprika. Gaya ng pangkaraniwan sa kultura ng Hitano, malaki ang aming pamilya na may kasamang pinapamilyang mga kamag-anak.
Marahas na tao ang aking ama, at ang ilan sa alaala ko sa murang edad ay ang pananakit niya sa aking ina. Nang maglaon, ipinasiya ng aking ina na makipaghiwalay sa kaniya—isang bagay na bihirang mangyari sa mga Hitano. Isinama niya kami ng kapatid kong lalaki at babae sa Belgium, kung saan namuhay kami nang mapayapa sa sumunod na walong taon.
Subalit nagbago ang mga bagay-bagay. Gusto naming magkakapatid na makita ang aming ama, kaya dinala kami ni Inay sa Pransiya at muli naming nakasama ang aking ama. Naging problema para sa akin ang pakikisamang muli kay Itay. Sa Belgium, kasa-kasama namin si Inay sa lahat ng lugar. Pero sa partido ng aking ama, ang mga lalaki lamang ang magkakasama. Ang kanilang kaisipang panlalaki ay na ang mga lalaki ang nagtataglay ng lahat ng karapatan at ang mga babae naman ang gaganap ng lahat ng tungkulin. Halimbawa, isang araw nang gusto kong tulungan ang aking tiya sa pagsisinop ng pinagkainan pagkatapos ng hapunan, pinaratangan ako ng aking tiyo na isang bakla. Sa kaniyang pamilya, ang paghuhugas ng pinggan ay gawain lamang ng mga babae. Sa dakong huli, nakaimpluwensiya sa akin ang walang katuwirang kaisipang ito.
Hindi pa natatagalan nang ang aking ina ay muling naging biktima ng marahas na pananakit ng aking ama. Ilang beses na naming sinubukang mamagitan, kinailangan naming magkapatid na lalaki na tumakas sa bintana para maiwasang mabuntal ni Itay. Hindi rin naman nakaliligtas dito ang aking kapatid na babae. Bunga nito, hindi ako umuuwi sa aming bahay hangga’t maaari. Sa edad na 15, wala nang direksiyon ang buhay ko.
Nang maglaon, naging kilalá ako dahil sa pagiging basag-ulero ko. Gustung-gusto ko ang pagiging maton ko. Kung minsan ay sadyang ginagalit ko ang ibang kabinataan, subalit kakaunti ang naglalakas-loob na lumaban sa akin—lalo na dahil sa malimit akong may bitbit na balisong o kadena. Hindi nagtagal at nagnanakaw na ako ng mga sasakyan at saka ko ibinibenta ang mga ito. May ilang pangyayari na basta sinisilaban ko ang mga ito at tuwang-tuwa kong pinanonood ang mga bombero na inaapula ang apoy. Nang dakong huli ay nanloob ako ng mga tindahan at bodega. Ilang beses na akong naaresto. At sa bawat pagkakataon ay humingi ako ng tulong sa Diyos sa panalangin!
Oo naman, naniniwala ako sa Diyos. Noong nasa Belgium kami, nakapag-aral ako sa isang relihiyosong paaralan. Kaya alam kong mali ang ginagawa ko. Pero wala pa ring epekto sa pag-uugali ko ang aking paniniwala sa Diyos. Ang akala ko ang kailangan ko lamang gawin ay humingi ng tawad at mapatatawad na ang aking mga kasalanan.
Noong 1984, sinentensiyahan ako ng 11 buwang pagkabilanggo dahil sa pagnanakaw. Ipinadala ako
sa Baumettes Prison, sa Marseilles. Nagpatato ako roon sa iba’t ibang bahagi ng aking katawan. Mababasa sa isang tato ko ang “poot at paghihiganti.” Dahil sa hindi naman talaga ako nagbago, hinayaan kong patindihin ng aking pagkabilanggo ang poot ko sa awtoridad at sa lipunan sa pangkalahatan. Nang ako’y palayain, pagkatapos mabilanggo nang tatlong buwan, mas nalipos ako ng poot higit kailanman. Pagkatapos, isang trahedya ang nagpabago sa landas ng aking buhay.Paghihiganti ang Naging Tunguhin Ko
May pakikipag-alitan ang aking pamilya sa isang pamilyang Hitano. Ipinasiya namin ng aking mga tiyo na komprontahin sila para malutas ang problema. Parehong may mga sandata ang pami-pamilya namin. Sa sumunod na pagtatalo, ang aking tiyo Pierre at ang pinsan ng aking ama ay namatay dahil sa pagkakabaril sa kanila. Halos mawala ako sa sarili anupat napatayo na lamang ako sa lansangan, may hawak na baril, at naghihihiyaw sa galit. Sa wakas, inagaw ng isa sa mga tiyo ko ang baril na hawak ko.
Labis akong naghinagpis dahil sa pagkamatay ni Tiyo Pierre, na itinuturing kong parang aking ama. Nagluksa ako ayon sa kaugalian ng Hitano. Hindi ako nag-ahit o kumain ng karne sa loob ng maraming araw. Ayaw ko ring manood ng telebisyon o makinig ng musika. Ipinangako ko na ipaghihiganti ko ang pagkamatay ng aking tiyo, pero pinigilan ako ng aking mga kamag-anak na magkaroon ng baril.
Noong Agosto 1984, kinalap ako para maglingkod sa militar. Sa edad na 20, nagpatala ako sa hukbong pangkapayapaan ng United Nations sa Lebanon. Sinuong ko ang pagpatay o ako ang mapatay. Nang maglaon, humihitit na ako ng pagkarami-raming hashish. Bukod sa parang napakagaling ng pakiramdam ko, ginawa rin ng droga na madama kong walang anumang bagay ang makapipinsala sa akin.
Napakadaling magkaroon ng mga sandata sa Lebanon, kaya ipinasiya kong magpadala ng sandata sa Pransiya para isulong ang plano kong ipaghiganti ang aking tiyo. Bumili ako ng dalawang rebolber, kasama na ang mga bala, mula sa mga tagaroon. Kinalas ko ang mga baril, itinago ang mga ito sa dalawang radyo, at saka ko ito ipinadala sa amin.
Dalawang linggo lamang bago matapos ang paglilingkod ko sa militar, ako at ang tatlo sa aking mga kasamahan ay lumiban sa paglilingkod nang walang pahintulot. Pagbalik namin sa aming mga baraks, ikinulong kami. Samantalang nakabilanggo, nagpupuyos ako sa galit at sinugod ko ang isang guwardiya. Hindi ko sukat akalain na mamaliitin ako ng isang payo—hindi Hitano. Kinabukasan, nakipagsuntukan na naman ako, sa pagkakataong ito ay sa isang opisyal. Ipinadala ako sa Montluc Prison, sa Lyons, para sa natitirang panahon ng paglilingkod ko sa militar.
Nasumpungan Ko ang Kalayaan—Sa Bilangguan
Sa unang araw ko sa Montluc Prison, mainit ang pagtanggap sa akin ng isang mabait na kabataang lalaki. Napag-alaman ko na isa pala siyang Saksi ni Jehova at siya at ang iba pang kapananampalataya niya ay nabilanggo dahil lamang sa ayaw nilang humawak ng mga sandata. Nakalito iyan sa akin. Gusto kong makaalam nang higit pa.
Natuklasan ko na ang mga Saksi ni Jehova ay may tunay na pag-ibig sa Diyos, at humanga ako sa matataas na pamantayan nila sa moralidad. Pero napakarami ko pa ring mga tanong. Lalo na dahil sa gusto kong malaman kung puwedeng makipag-usap ang mga patay sa mga buháy sa pamamagitan ng mga panaginip—isang bagay na pinaniniwalaan ng maraming Hitano. Isang Saksi na nagngangalang Jean-Paul ang nag-alok na makipag-aral ng Bibliya sa akin, na ginagamit ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. *
Sabik na sabik kong binasa ang aklat sa buong magdamag, at naantig ang puso ko ng aking mga nabasa. Dito ko natagpuan sa bilangguan ang tunay na kalayaan! Sa wakas, nang palayain ako sa pagkabilanggo, sumakay ako ng tren pauwi na may dalang bag na punô ng mga publikasyon sa Bibliya.
Para makatagpo ng mga Saksi sa lugar namin, nagpunta ako sa Kingdom Hall sa Martigues. Ipinagpatuloy ko ang pag-aaral ng Bibliya, ngayon naman sa tulong ng isang buong-panahong ministro na nagngangalang Eric. Sa loob ng ilang araw, inihinto ko ang paninigarilyo, at hindi na ako nakipagkita sa dati kong mga kasama sa paggawa ng krimen. Determinado akong mamuhay kasuwato ng sinabi sa Kawikaan 27:11: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” Nasumpungan ko kay Jehova ang isang maibiging Ama na ibig kong paluguran.
Ang Hamon ng Pagbabago
Hindi madali para sa akin na ikapit ang mga simulaing Kristiyano.
Halimbawa, nagdroga na naman ako na tumagal nang ilang linggo. Subalit ang pinakamahirap na hamon sa akin ay ang alisin ang pagnanais kong maghiganti. Lingid sa kaalaman ni Eric, lagi akong may dalang baril at abala pa rin ako sa pagpaplano ng aking paghihiganti sa mga pumatay sa tiyo ko. Hinahanap ko sila gabi-gabi.Nang sabihin ko ito kay Eric, malinaw na ipinaliwanag niya sa akin na hindi ako magkakaroon ng isang mabuting kaugnayan sa Diyos kung nagtataglay ako ng sandata at naghihiganti. Kailangan kong magpasiya. Binulay-bulay kong mabuti ang payo ni apostol Pablo sa Roma 12:19: “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot.” Ito ang nakatulong sa akin upang masupil ang aking damdamin, kalakip na ang taimtim na panalangin. (Awit 55:22) Sa wakas, inalis ko ang aking mga sandata. Noong Disyembre 26, 1986, pagkatapos kong makapag-aral ng Bibliya sa loob ng isang taon, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.
Tumugon ang Aking Pamilya
Ang mga pagbabago na nagawa ko sa aking paggawi ang humimok sa aking mga magulang na mag-aral ng Bibliya. Nagpakasal silang muli, at ang aking ina ay nabautismuhan noong Hulyo 1989. Nang maglaon, ang ilan sa iba ko pang kapamilya ay tumugon sa mensahe ng Bibliya at naging mga Saksi ni Jehova.
Noong Agosto 1988, ipinasiya kong maging isang buong-panahong ministro. Pagkatapos ay umibig ako sa isang kabataang kapatid na babae sa aming kongregasyon na nagngangalang Katia. Ikinasal kami noong Hunyo 10, 1989. Mahirap ang unang taon ng aming pag-aasawa, yamang kailangan ko pa ring baguhin ang aking saloobin sa mga babae. Nahirapan akong ikapit ang mga salita sa 1 Pedro 3:7, na humihimok sa mga asawang lalaki na pag-ukulan ng karangalan ang kanilang mga asawang babae. Kinailangan kong manalangin nang paulit-ulit para sa lakas upang masupil ko ang aking pagmamataas at mabago ko ang aking pag-iisip. Unti-unting bumuti ang mga bagay-bagay.
Napakapait na karanasan para sa akin ang pagkamatay ng aking tiyo, at kung minsan ay hindi ko mapigilang lumuha kapag naiisip ko siya. Pinaglalabanan ko ang hirap ng aking kalooban kapag naalaala ko ang pagpaslang sa kaniya. Sa loob ng maraming taon, maging pagkatapos kong mabautismuhan, takot akong makatagpo sa di-inaasahang pagkakataon ang mga kapamilya ng pinaghihigantihan namin noon. Ano kaya ang gagawin ko kung salakayin nila ako? Paano kaya ako kikilos? Manaig kaya ang dati kong personalidad?
Isang araw ay nagbigay ako ng pahayag pangmadla sa isang kalapit na kongregasyon. Nakita ko roon si Pepa, isang kamag-anak ng mga taong pumaslang sa aking tiyo. Aaminin ko na naging pagsubok sa bawat himaymay ng aking Kristiyanong pagkatao ang makita siya. Subalit isinaisantabi ko ang aking mga nararamdaman. Nang maglaon, sa araw ng bautismo ni Pepa, niyakap ko siya at binati dahil sa kaniyang pasiya na paglingkuran si Jehova. Sa kabila ng lahat ng nangyari, tinanggap ko siya bilang aking espirituwal na kapatid.
Nagpapasalamat ako araw-araw kay Jehova sa pagtulong niya sa akin na makalaya sa mga tanikala ng poot. Nasaan kaya ako ngayon kung hindi dahil sa awa ni Jehova sa akin? Dahil sa kaniya, masaya ako sa pagkakaroon ng isang maligayang buhay pampamilya. May inaasam-asam din ako sa hinaharap—yaong isang bagong daigdig na wala nang poot at karahasan. Oo, lubos akong nagtitiwala na matutupad ang pangako ng Diyos: “Uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila; sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo ang nagsalita nito.”—Mikas 4:4.
[Talababa]
^ par. 18 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 19]
Kasama ang hukbong pangkapayapaan ng UN sa Lebanon, 1985
[Larawan sa pahina 20]
Kasama si Katia at ang aking mga anak, sina Timeo at Pierre