Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Pagkalulong” sa Cell Phone

“Pagkalulong” sa Cell Phone

“Pagkalulong” sa Cell Phone

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA HAPON

“UMABOT na sa Pagkalulong ang Pagkahumaling sa Cell Phone,” ang sabi ng ulo ng balita sa The Daily Yomiuri sa Hapon. Pagkalulong? “Waring itinuturing ng mga kabataan ang mga cell phone na bahagi ng kanilang katawan at natataranta sila kapag hindi tangan ang kanilang cell phone,” ang paliwanag ng pahayagan. Dahil sa takot na mapahiwalay sa iba, laging bitbit ng marami ang kanilang mga cell phone, saanman sila magpunta. Kapag sila ay “hindi nakatanggap ng anumang mensahe sa kanilang mga cell phone, balisang-balisa sila at nayayamot, at nadarama nila na hindi na sila kailangan pa ng iba.” Ang pagkabalisang ito ang nag-uudyok sa kanila na sagutin agad ang lahat ng natatanggap nilang mga text message, na kadalasang hindi naman mahalaga.

Mangyari pa, may bentaha naman ang mga cell phone. Sa katunayan, malimit mapatunayang napakahalaga nito sa gipit na mga kalagayan. Maging ang pangkaraniwang paggamit ng mga cell phone ay hindi naman masama, hangga’t ginagamit ito sa timbang na paraan. Subalit sinasabi ng ilang awtoridad na ang “pagkalulong” sa cell phone ay makasisira sa normal na kakayahang makipagtalastasan. Isang guro sa Osaka na nagtuturo sa mga batang nasa edad 13 hanggang 16 ang nag-aalala na dahil sa mga cell phone, “nawawalan ng kakayahan ang mga bata na magbigay ng kahulugan sa mga ekspresyon ng mukha, pag-uugali at tono ng boses ng ibang tao. Ang isang bunga nito ay nagiging lalong agresibo ang mga bata, kalakip na ang pagwawalang-bahala nila sa damdamin ng iba,” ang sabi ng pahayagan.

Ganito ang pagwawakas ng artikulo: “Waring hindi maiiwasan na lalong maging depende ang mga bata sa mga cell phone sa hinaharap. Ang tanging paraan upang mabawasan ang negatibong mga epekto ng kausuhang ito ay tiyakin na makapagbibigay ng mabuting halimbawa ang mga adulto sa paggamit ng mga cell phone.”