Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Sobrang Katabaan—Lumalalang Problema sa Daigdig
Ang sobrang katabaan ng mga adulto at ng mga bata ay “lumalaganap at ikinababahala sa buong daigdig” at ngayon ay kasali na rito ang ilan sa pinakamahihirap na bansa, ang ulat ng The Lancet. Ayon sa ekonomista at epidemiologist sa nutrisyon ng University of North Carolina na si Barry Popkin, ito ay medyo dahil sa mga pagsulong sa teknolohiya na nag-aalis ng mga langis na makakain mula sa mga binhi ng mais, balatong, at bulak. “Sa mga bansa sa Asia at Aprika, pangunahin nang nagmumula sa mga langis na ito ang idinaragdag na ekstrang kalori sa pang-araw-araw na pagkain,” ang sabi ng The Lancet. Gayundin, pinahihintulutan ng mga patakaran ng gobyerno sa agrikultura at pangangalakal na iluwas ng bansa ang asukal sa mas mababang presyo, anupat nabibigyan ang mga pabrika ng mumurahing produkto na nagpapalasa sa mga pagkain. Hindi na rin gaanong nagkikikilós ang mga nagtatrabaho at hindi nila nagagamit ang enerhiya sa katawan dahil sa teknolohiya sa maraming larangan ng gawain, na siyang unti-unting nagpapabigat sa timbang ng mga tao. Ang ikinababahala ng mga eksperto sa pagkain at kalusugan ay na maaaring humantong sa nagtatagal na mga sakit ang sobrang katabaan gaya ng diyabetis, alta presyon, at sakit sa puso.
Natuklasan ang Kakaiba at Bagong Organismo
Nakatuklas ang mga siyentipiko sa University of Regensburg, Alemanya, ng isang kapuna-punang mikrobyo na nasa pinakasahig ng karagatan na may mga bulkan sa hilaga ng Iceland. Nabubuhay lamang ito sa tubig na nakapapaso ang init at walang oksiheno na sagana sa asupre, ang sabi ng magasing pambalita na Der Spiegel. Pinangalanan ang baktirya na Nanoarchaeum equitans, o pagkaliit-liit na baktirya noong sinaunang panahon na umaasa sa iba, dahil sa nabubuhay ito sa ibabaw ng mas malalaking organismo na tinatawag na Ignicoccus, o fireball, kung saan dumedepende ang mga ito para lumaki. Ayon sa ulat, palibhasa’y 400 nanometer lamang ang diyametro nito, gayon na lamang kaliit ang mga mikrobyo anupat ang “mahigit na anim na milyon nito ay magkakasya sa dulo ng isang karayom.” Pambihira rin ang mga ito dahil sa ang DNA nito ay wala man lamang 500,000 base pair. “Sa gayon ang pagkaliliit na baktirya noong sinaunang panahon ang nilalang na kilalang may pinakamumunting gene,” sabi ng Der Spiegel.
“Pagsamba sa Bantog na mga Tao”
“Sinasabi ng bagong pananaliksik sa sikolohiya na pumapalit sa relihiyon ng maraming tao ang pagsamba ng publiko sa bantog na mga tao,” ang sabi ng saykayatris na si Dr. Raj Persaud. Sa pagsulat sa The Sunday Times ng London, sinabi ni Persaud na mientras mas mahina ang paniniwala ng isang tao, mas malamang na “sumamba” siya sa bantog na mga tao. Nakikita ang anyo ng pagsambang ito sa mga taong handang magbayad ng napakalaking halaga para makapangolekta ng mga bagay na pag-aari o nahawakan ng bantog na mga tao. Isa pa, ang sabi ni Persaud, sinusundan ng “mga mananamba ng bantog na mga tao” ang yapak ng kanilang iniidolo, na malimit na itinuturing na hindi nagkakamali at “namumuhay na may iba’t ibang pamantayan na hindi nauunawaan ng pangkaraniwang mga tao kung kaya dapat silang pagpaumanhinan.” Makikita rin ang impluwensiya ng bantog na mga tao sa iba sa dami ng bumibili ng mga produktong ipinakikilala nila at sa pagtulad sa maseselang pasiya sa pangangalaga sa kalusugan, ang sabi ni Dr. Persaud. Ang sabi pa niya: “Ipinakikita nito na ang ating pagsamba sa bantog na mga tao ang nagpapangyari upang sila ang maging pinakamakapangyarihang mga tao sa planeta—katumbas ng mga diyos na ating kinikilala.”
Nasa India ang 25 Porsiyento ng mga Bulag sa Daigdig
“Kilala ang India sa pagkakaroon ng 12 milyong bulag, na siyang bumubuo sa 25 porsiyento ng kabuuang populasyon ng mga bulag sa daigdig,” ang sabi ng Deccan Herald ng India. Sinabi rin ng isang ulat ng Youth Vision India noong 2002, na nakasalig sa impormasyong natipon mula sa mga pamantasan at mga paaralan sa mahigit na 40 lunsod sa buong India, na “mahigit na 50 porsiyento ng mga kabataang nangangailangang iwasto ang paningin ay hindi man lamang nakababatid na may ganito silang problema.” Ayon sa mga natuklasan, ang mga problema sa pagpokus ng paningin at mga katarata ang sanhi ng karamihan sa mga sakit sa mata sa bansa, at maaari namang iwasto ang mga ito. “Ang kawalan ng kabatiran” at ang “kakulangan ng mga manggagamot sa mata” ang binanggit ng artikulo ng pahayagan bilang pangunahing mga sanhi ng problema sa India. Sinabi pa nito: “Ang India ay mayroon lamang 5000 optometrista, kung ihahambing sa 40,000 na inirerekomenda ng WHO.”
Nakumpleto Na ang Bibliya ng mga Inuit
Natapos na ng Canadian Bible Society ang 23-taóng gawain ng pagsasalin ng kumpletong Bibliya sa Inuktitut, ang wika ng mga taong Inuit sa Canada. Isang malaking hamon ang pagsasalin. “Ang pagsisikap na magsalin tungkol sa isang kultura na may mga tupa, kamelyo, at mga buriko at puno ng palma para sa isang kultura na may mga poka (seal), walrus at kakaunting halaman ay napakahirap,” ang sabi ni Hart Wiens, patnugot sa pagsasalin ng Kasulatan para sa Canadian Bible Society. “Halimbawa, napakaraming salita sa Bibliya para sa mga puno ng palma. Subalit sa Nunavut [pinakaliblib na hilagang dako ng Canada], ay wala man lamang mga punungkahoy, na siyang nagpapahirap para ilarawan ang mga puno ng palma.” Ang Inuktitut ang wika ng humigit-kumulang 28,000 taga-Canada. Ayon sa National Post, “makukuha na ngayon ang Bibliya sa mahigit na 2,285 iba’t ibang wika.”
Mga Panganib sa Internet
Ayon sa pinakamalaking organisasyon sa Britanya na nagpapayo sa pag-aasawa, ang Relate, malimit na nagiging sanhi ng awayán ng mag-asawa ang maling paggamit ng Internet, ang sabi ng The Times ng London. “Inirereklamo ng mga asawang lalaki’t babae na sila’y nagiging mga biyudo o biyuda dahil sa Internet pagkatapos na sila’y pabayaan habang gumugugol ng mahahabang oras ang kanilang mga kabiyak sa harap ng computer na nakikipag-usap sa mga estranghero sa mga chat room, kumokopya ng musika at mga laro sa kanilang computer, o nanonood ng pornograpya.” Makasisira rin sa pagsasama ng mag-asawa ang mga site sa Internet kung saan muling nabubuhay ang damdamin ng pag-iibigan sa pamamagitan ng E-mail, at ang nakapupukaw sa sekso na panoorin sa Internet (cybersex). Taun-taon, 90,000 mag-asawa ang pinapayuhan ng Relate hinggil sa pagsasama ng mag-asawa, na sinisisi ng 10 porsiyento sa mga ito ang Internet dahil sa kanilang mga problema. At lumalala ang problema. Ganito ang sabi ng punong ehekutibo ng Relate, na si Angela Sibson: “Iniuulat ng aming mga tagapayo na patuloy na nagiging tagawasak ng relasyon ang Internet.”
Ang Problema sa mga Taong Nagkakaedad
“Ang mga taong nagkakaedad ay nagiging kapansin-pansing bagay sa buong daigdig na nakaaapekto at makaaapekto sa bawat lalaki, babae at bata saanmang panig ng daigdig. . . . Sa pagsapit ng taóng 2050, hihigitan ng bilang ng mga may-edad na sa daigdig ang bilang ng mga kabataan sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng sangkatauhan,” ang sabi ni Ivan Šimonovic, presidente ng Economic and Social Council, na nagtalumpati sa Second World Assembly on Ageing, na ginanap sa Madrid, Espanya, noong Abril 2002. Sinabi ng kalihim-panlahat ng United Nations na si Kofi Annan sa kapulungan, na hindi pa sasapit ang 50 taon, darami ang mga taong mahigit na 60 taóng gulang mula sa 600 milyon hanggang sa halos 2 bilyon, anupat lalampasan ang bilang ng mga batang wala pang 15 taóng gulang. Sinabi rin niya na 80 porsiyento ng mga may-edad nang ito ay magmumula sa mauunlad na bansa. Ang pag-unti ng mga isinisilang at higit na paglawig ng buhay sa buong daigdig ang sanhi ng malalaking pagbabago sa kabuuan ng populasyon. Nananawagan ang kasalukuyang kapulungan para sa mas maraming manggagawa na nangangalaga sa kalusugan at mga serbisyo upang matugunan ang pantanging mga pangangailangan ng mga may-edad na para magkaroon sila ng “katiwasayan at dignidad” habang sila ay nagkakaedad.
Mga Selyong Nakawawala ng Paggalang
“Kung minsan ay masakit sa ulo ang mga kilalang tao sa relihiyon at mga usapin tungkol selyo,” ang sabi ng pahayagang Jerusalem Post ng Israel. Napansin ng isang nandayuhan sa Timog Aprika, si Alan Silver, ang isa sa mga selyo na pinalabas ng isang opisyal sa koreo upang alalahanin ang Hebreong mga buwan. “Dahil sa gumamit ng lente, nakita ni Silver ang selyo ng Elul na ilang beses na nakitaan ng pangalan ng Diyos, na hindi puwedeng gamitin maliban sa banal na mga layunin ayon sa batas ng Judio,” ang sabi ng Post. Ipinakita niya iyon sa kaniyang rabbi, “na may kapangyarihang nagsabi na ipinagbabawal sa batas ng Judio na gamitin ang selyo ng Elul. Hindi rin maaaring bumili nito, ang sabi niya, at kung mayroon ka nito, kailangang ilagay ang mga ito sa koleksiyon ng banal na mga kasulatan na ililibing sa dakong huli, sa halip na itapon ito sa basurahan.” Hindi ito ang kauna-unahang selyo na nagdulot ng mga problema. Ang isang ginawa upang alalahanin ang Lubavitcher Rebbe Menahem Mendel Schneerson ay tinuligsa ng ilan sa kaniyang mga tagasunod na nagsasabing siya’y “hindi pa yumayao” at ang iba naman ay “nagsabi na hindi angkop na dilaan ang likuran ng selyong naglalarawan sa kanilang rebbe o kanselahin ito para hindi na magamit muli.” Hindi ipinagamit ang selyo.