‘Sinusunod Namin ang Diyos sa Halip na ang mga Tao’
‘Sinusunod Namin ang Diyos sa Halip na ang mga Tao’
Nang siya’y 17 taóng gulang, si Adam ay isa sa tatlong nanalo sa isang paligsahan na tinangkilik ng Holocaust Memorial Museum sa Estados Unidos. Ang ibinigay ng mga lumahok sa paligsahan—halos 500 silang lahat—ay likhang sining o isang akda upang ilarawan ang katapangan sa ilalim ng paniniil ng Nazi. Isang Saksi ni Jehova si Adam, at ipinasiya niyang gumawa ng isang collage na maglalarawan sa paghihirap na dinanas ng kaniyang mga karelihiyon sa ilalim ng rehimeng Nazi. Ang sabi ni Adam, inilarawan ng gawang sining, hindi ang pagkatalo o pait ng loob, kundi ang kagalakan dahil sa napanagumpayan ng mga Saksi ni Jehova ang mabangis na pagsalakay ng malulupit na maniniil. May ipinakitang isang bata. Bakit? “Para ipakita na maging ang mga bata ay nanatiling matatag laban sa pag-uusig ng Nazi,” ang sabi ni Adam.
Alam na alam na noong panahon ng Nazi ay tumangging sumaludo kay Hitler o sumuporta sa kaniyang pulitikal na partido ang mga Saksi ni Jehova. Ang kanilang paninindigan ay inilarawan sa itaas na bahagi sa bandang kanan ng collage ni Adam. May isang sulat na sinipi na ipinadala sa pamahalaan ng Alemanya noong Oktubre 7, 1934, ng lahat ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Sa bahagi nito, ganito ang isinasaad ng sulat: “May maliwanag na pagkakasalungatan sa batas ninyo at sa batas ng Diyos, at, bilang pagsunod sa halimbawa ng tapat na mga apostol, ‘dapat kaming tumalima sa Diyos sa halip na sa mga tao,’ at ito ang aming gagawin. (Gawa 5:29) . . . Yamang nagpapatuloy ang inyong pamahalaan at ang mga opisyal nito sa inyong pagsisikap na pilitin kaming sumuway sa pinakamataas na batas sa sansinukob, napipilitan kaming magbigay ng pahiwatig sa inyo na kami, sa biyaya niya, ay tatalima sa Diyos na Jehova at lubusang titiwala sa Kaniya upang mailigtas kami sa lahat ng pang-aapi at mga mang-aapi.”
Ipinagmamalaki ni Adam ang kaniyang espirituwal na pamana. “Matatag na pinaniniwalaan ng mga Saksi ni Jehova na hindi nila dapat saktan ang kanilang kapuwa at hindi dapat sambahin ang sinuman maliban sa Diyos, mangahulugan man ito ng kamatayan,” ang sabi niya. Ang di-natitinag na katayuan ng mga Saksi ni Jehova ay makikita sa pamagat ng collage ni Adam: “Susundin Namin ang Diyos sa Halip na ang mga Tao!”