Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kabalintunaan ng Pribadong Buhay

Ang Kabalintunaan ng Pribadong Buhay

Ang Kabalintunaan ng Pribadong Buhay

“MAAARING TANGGIHAN NG PINAKADUKHANG TAO NA NASA LOOB NG KANIYANG DAMPA ANG KAPANGYARIHAN NG HARI.”​—WILLIAM PITT, BRITANONG PULITIKO, 1759-1806.

IPINAHIHIWATIG sa mga salita ni Pitt ang ideya na bawat tao ay may karapatang magkaroon ng pribadong buhay, ipagsanggalang ang ilang pitak ng kaniyang buhay na iniingatan ito mula sa di-kanais-nais na pagmamanman.

Maaaring iba’t iba ang kahulugan ng pagkakaroon ng pribadong buhay para sa mga taong nagmula sa iba’t ibang kultura. Halimbawa, sa kapuluan ng Samoa sa Pasipiko, pangkaraniwan nang walang dingding ang mga bahay, at ang karamihan sa mga ginagawa ng pamilya sa loob ng bahay ay kitang-kita ng mga nasa labas. Subalit, maging doon, itinuturing na kagaspangan ng ugali na pumasok sa bahay nang hindi inaanyayahan.

Matagal nang batid ng mga tao ang pangangailangang magkaroon ng pribadong buhay ang isang indibiduwal sa paanumang paraan. Libu-libong taon bago binigkas ni William Pitt ang kaniyang bantog na sinabi, ipinakita na ng Bibliya ang kahalagahan ng paggalang sa pribadong buhay ng ibang tao. Sumulat si Haring Solomon: “Gawin mong madalang ang iyong paa sa bahay ng iyong kapuwa, upang hindi siya magsawa sa iyo at talagang kapootan ka.” (Kawikaan 25:17) Si apostol Pablo ay nagpayo: “Gawing inyong tunguhin ang . . . asikasuhin ang inyong sariling gawain.”​—1 Tesalonica 4:11.

Gayon na lamang kahalaga ang karapatan sa pagkakaroon ng pribadong buhay anupat tinagurian ito ng The UNESCO Courier bilang “ang pinakasaligan ng karapatan ng mga mamamayan.” Sa katulad na paraan, isang maimpluwensiyang pulitiko mula sa Latin-Amerika ang nagsabi: “Sa isang diwa, ang lahat ng karapatang pantao ay bahagi ng karapatan sa pagkakaroon ng pribadong buhay.”

Gayunman, sa kasalukuyang kalagayan na lumalago ang krimen at terorismo sa buong daigdig, mas nadarama ng mga gobyerno at ng mga ahensiyang nagpapatupad ng batas na upang maipagsanggalang nila ang kanilang mga mamamayan, kailangan nilang panghimasukan ang pribadong buhay. Bakit? Sapagkat ginagamit ng mga alagad ng kasamaan ang karapatan sa pagkakaroon ng pribadong buhay bilang panakip ukol sa kasamaan. Sa gayon, may pagsisikap na ginagawa para maging timbang ang pananagutan ng gobyerno na ipagsanggalang ang mamamayan nito at ang karapatan sa pagkakaroon ng pribadong buhay ng isang tao.

Pagkakaroon ng Pribadong Buhay Laban sa Katiwasayan

Binago ng pagsalakay ng mga terorista na yumanig sa daigdig noong Setyembre 11, 2001, ang kaisipan ng maraming tao hinggil sa karapatang manghimasok ng gobyerno sa ilang bahagi ng pribadong buhay ng isang tao. “Binago ng Setyembre 11 ang mga bagay-bagay,” ang sinabi ng dating komisyonado ng pederal na kalakalan sa Estados Unidos sa BusinessWeek. Sinabi niya: “Kumikilos ang mga terorista sa isang lipunan kung saan ipinagsasanggalang ang pagkakaroon nila ng pribadong buhay. Kung kinakailangang panghimasukan ang pribadong buhay upang mailantad sila, ang karamihan ng mga tao ay magsasabing ‘Ayos lang, sige gawin ninyo iyon.’” Iniulat ng magasin: “Ipinakikita ng mga surbey na isinagawa sapol noong Setyembre 11 na 86% ng mga Amerikano ay pabor sa mas malawakang paggamit ng sistema na makakakilala sa mukha; 81% ang nagnanais na mas subaybayan ang mga transaksiyon sa bangko at credit card; at 68% ang sumusuporta sa pagkakaroon ng pambansang ID kard.”

Ang uri ng mga identity card na iniisip ng ilang nasa gobyerno sa Europa at Amerika ay isa na may kakayahang magtago ng tatak ng daliri at larawan ng retina ng nagtataglay nito at magbigay ng anumang impormasyon hinggil sa krimeng nagawa ng isa at rekord sa pinansiyal. Posibleng maiugnay sa teknolohikal na paraan ang impormasyon ng isang identity card at ng credit card at maitugma ito sa mukhang nakikilala ng mga kamerang pangmanman. Sa gayon, maaaring arestuhin ang mga kriminal pagkatapos na makapamilí sila ng mga kagamitan sa paggawa ng krimen.

Mahuhuli pa rin sila kung sakaling tangkain ng mga kriminal na takasan ang pagtutop sa pamamagitan ng pagtatago ng mga bomba, baril, o patalim sa ilalim ng kanilang mga damit, o maging sa likod ng matitibay na dingding ng isang bahay. Maipakikita ng mga kasangkapang taglay ng ilang ahensiya sa seguridad ang larawan ng mga bagay na itinatago mo sa ilalim ng iyong damit. Nakikilala ng pulis ang mga taong kumikilos o humihinga pa nga sa kabilang silid dahil sa bagong mga kagamitang radar. Subalit pinababa nga ba ng pinaghusay na mga paraan sa pagmamanman ang kaganapan ng krimen?

Nahahadlangan ba ng mga Kamera ang mga Kriminal?

Nang magsimulang dumami ang krimen sa Bourke, isang liblib na bayan sa Australia, kinabitan ito ng apat na kamerang closed-circuit television (CCTV). Bunga nito ay biglang bumaba ang kaganapan ng krimen. Subalit ang tagumpay na ito ay hindi naman nangyayari sa lahat ng lugar. Sa pagsisikap na mabawasan ang krimen sa Glasgow, Scotland, 32 CCTV ang ikinabit noong 1994. Natuklasan sa isang pag-aaral ng Scottish Office Central Research Unit na nang sumunod na taon pagkatapos ng pagkakabit nito, nabawasan ang kaganapan ng ilang uri ng krimen. Gayunman, sinabi ng ulat: “Ang malalaswang krimen, kasali na ang prostitusyon, ay tumaas nang 120 ang bilang; mga krimen hinggil sa kawalang-katapatan, tumaas nang 2185; at iba pang kasalanan (kasali na ang salang pagdodroga), tumaas nang 464.”

Kahit na mapababa pa ng pagmamanman ang krimen sa isang lugar, hindi naman nito mababawasan ang dami ng krimen sa pangkalahatan. Itinampok ng The Sydney Morning Herald ang di-pangkaraniwang kataga ng mga pulis at dalubhasa sa krimen na “displacement” (pag-iiba ng ikinikilos dahil sa hindi na uubra ang dating ginagawa). Sinabi ng pahayagan: “Kapag nakikita ng mga kriminal na sila’y mahuhuli ng isang kamera o ng mga pulis na nagpapatrolya sa partikular na lugar, lilipat sila sa ibang lugar upang doon gumawa ng lagim.” Marahil ay ipinaisip niyan sa iyo ang isang matagal nang sinabi ng Bibliya: “Siya na gumagawa ng buktot na mga bagay ay napopoot sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, upang ang kaniyang mga gawa ay hindi masaway.”​—Juan 3:20.

Ang hamon na kinakaharap ng mga ahensiyang nagpapatupad ng batas ay na hindi matututop maging ng pinakabagong radar o sistema ng pagmamanman sa pamamagitan ng X-ray ang isip at puso ng isang tao, subalit sa puso nangyayari ang tunay na pakikipaglaban para mabawasan ang krimen, pagkapoot, at karahasan.

Ngunit may isang anyo ng pagmamanman na nagaganap na anupat mas matindi kaysa sa anumang teknolohiya na naimbento ng tao. Tatalakayin sa sumusunod na artikulo ang uri ng pagmamanman na ito at ang mabuting epekto na taglay nito sa pag-uugali ng tao.

[Blurb sa pahina 6]

“Kumikilos ang mga terorista sa isang lipunan kung saan ipinagsasanggalang ang pagkakaroon nila ng pribadong buhay”

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Gaano ba Kalihim ang Iyong Medikal na mga Rekord?

Iniisip ng maraming tao na ang pagiging lihim ng kanilang medikal na mga rekord​—ang detalye ng pakikipag-usap nila sa kanilang mga doktor at sa ospital​—ay siguradong naiingatan. Ngunit, gaya ng babala ng Privacy Rights Clearinghouse, isang organisasyon na nagsasanggalang sa pribadong buhay, “mali ang inaakala mong pagiging lihim nito.” Sa kaniyang aklat na Database Nation​—The Death of Privacy in the 21st Century, sinabi ni Simson Garfinkel: “Sa ngayon, marami nang gamit ang medikal na mga rekord . . . Ginagamit ito ng mga may patrabaho at mga kompanya ng seguro sa kanilang pagpapasiya kung sino ang dapat tanggapin sa trabaho at bigyan ng seguro. Ginagamit ang mga ito ng mga ospital at relihiyosong organisasyon upang mangilak ng donasyon. Maging ang mga nagnenegosyo ay bumibili ng medikal na mga rekord para malaman kung sino ang posibleng maging mga parokyano.”

Sinabi rin ni Garfinkel: “Ang nagpapahirap sa pagiging kompidensiyal ng mga rekord ay ang bagay na binubuklat ng 50 hanggang 75 katao ang tsart ng isang pasyente kapag pangkaraniwang nagpapatingin ang isa sa ospital.” Sa ilang lugar, hindi namamalayan ng mga pasyente mismo na pinahihintulutan nila ang panghihimasok sa kanilang pribadong buhay sa pamamagitan ng paglagda sa mga pormularyo hinggil sa lubusang pagsuko ng karapatan o sa pangkalahatang pagbibigay ng pahintulot kapag sila ay naoospital. Sa paglagda sa mga pormularyong ito, “pinahihintulutan mo ang nangangalaga ng kalusugan na magbigay ng medikal na impormasyon sa mga kompanya ng seguro, mga ahensiya ng pamahalaan at iba pa,” ang sabi ng Privacy Rights Clearinghouse.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 8]

Pagkakaroon ng Pribadong Buhay Laban sa Komersiyal na mga Pakinabang

Ang mga taong gumagamit ng Internet ay lalo nang nanganganib sa di-kanais-nais na pagmamanman. Sinabi ng Privacy Rights Clearinghouse: “Talagang walang mga gawain o serbisyo sa network ng computer ang tinitiyak na lubusang maililihim. . . . Makakakuha ang mga gumagamit ng Internet ng impormasyon o ng mga dokumento mula sa mga site . . . , o baka basta ‘mag-browse’ ang mga gumagamit sa mga site na ito na wala namang interaksiyon sa iba. Inaasahan ng maraming gumagamit na hindi nalalaman ng iba ang gayong mga gawain. Hindi ito totoo. Posibleng mairekord ang maraming gawain sa computer, kasali na ang mga newsgroup o file na ginagamit ng isang subscriber at mga web site na binubuksan ng isang subscriber. . . . Ang mga rekord ng kinahihiligang ‘i-browse’ ng isang subscriber . . . ay posibleng pagkakitaan ng malaking salapi . . . Kapaki-pakinabang ang impormasyong ito para sa mga direct marketer upang magkaroon sila ng saligan para makagawa ng mga talaan ng mga gumagamit ng Internet na nilalayon nilang maging mga parokyano na may magkakatulad na mga hilig at ginagawa.”

Sa paano pang paraan napupunta ang iyong pangalan sa listahan ng pinadadalhan ng sulat ng mga nagda-direct marketing? Mapasasali ang iyong pangalan kapag ginawa mo ang alinman sa sumusunod:

◼ Pinunan ang mga kard para sa warranty o pagpaparehistro para sa produkto.

◼ Sumali o nagbigay ng salaping donasyon sa mga samahan, organisasyon, o kawanggawa.

◼ Nagsuskribe sa mga samahan para sa magasin, aklat, o kapisanan sa musika.

◼ Ipinatala ang iyong pangalan at adres sa direktoryo ng telepono.

◼ Lumahok sa sweepstakes o iba pang mga paligsahan.

Karagdagan pa, kapag gumamit ka ng debit, credit, o check-cashing card para bayaran ang iyong mga groseri, posibleng ilagay ng kompanya ang iyong pangalan at adres sa talaan ng groseri na pinamili mo, yamang dumaraan ang mga ito sa scanner para sa presyo. Sa gayon ang iyong hilig sa pamimili na nasa detalyadong data base ay maaaring tipunin at posibleng gamitin para sa layuning pagbebenta. *

[Talababa]

^ par. 32 Ang impormasyon ay hinalaw mula sa Web site na Privacy Watch Clearinghouse.

[Mga larawan sa pahina 6, 7]

Nababawasan ba ng pagmamanman ang krimen?