Ang Kapangyarihan ng Isang Ngiti
Ang Kapangyarihan ng Isang Ngiti
BAGAMAN ito’y tumatagal lamang nang isang sandali, ang alaala nito ay maaaring manatili sa iyo habang-buhay. Napakalaki ng halaga nito, subalit walang sinuman ang napakahirap anupat hindi niya maibabahagi ito o napakayaman anupat hindi niya kailangan ito. Ano ba itong pinag-uusapan natin? Isang ngiti.
Ang isang ngiti ay nagagawa sa pamamagitan ng pagpapaikli ng isang kalamnan kung saan nagniningning ang mga mata at bahagyang kumukurba nang pataas ang mga gilid ng bibig na nagpapahiwatig ng kasiyahan. Sa unang mga linggo pagkasilang, ang sanggol ay ngumingiti, at ito, siyempre pa, ay nakalulugod sa tuwang-tuwa at bagong mga magulang. Ang unang mga ngiting ito ay kilala bilang kusa, o di-sinasadya, na mga ngiti. Ipinaliliwanag ng mga dalubhasa na ang uring ito ng ngiti ay madalas na lumilitaw sa panahong nananaginip ang isa at waring nauugnay sa panloob na mga damdamin at gawain ng central nervous system. Kahit na tayo ay mga adulto, maaari pa rin tayong mapangiti nang kusa pagkatapos kumain o habang nakikinig tayo sa musika.
Gayunman, mula sa edad na halos anim na linggo, ang isang sanggol ay ngumingiti bilang pagtugon sa isang mukha o sa isang tinig. Ang ‘pagngiti sa mga tao’—isang kusa at sadyang ngiti—ay nagpapasaya sa atin, tayo man ay mga sanggol o mga adulto. Sinasabing ang gayong ngiti ay may positibong impluwensiya pa nga sa ating pisikal na kalusugan. Ayon sa mga terapist sa pagsasalita na sina Mirtha Manno at Rubén Delauro, na namamahala sa isang self-help clinic na tinatawag na Smiling and Health, ang pagngiti ay lumilikha ng elektrikal na pangganyak na nakaaapekto sa pituitary gland. Ang glandulang ito naman ang naglalabas ng mga endorphin, kemikal na mga substansiya sa utak na nagpapasaya sa atin.
Ang isa pang mahalagang dahilan para ngumiti ay ang positibong epekto nito sa iba. Ibinabadya ng isang taimtim na ngiti ang ating mga damdamin kahit hindi tayo magsalita, ito man ay isang ngiti ng pagbati, ng simpatiya, o ng pampatibay-loob. Paminsan-minsan, ang basta pagtingin sa nakaaakit na ngiti ng isang bata sa isang litrato ay nagpapangyari sa atin na ngumiti.
Kapag nginitian tayo, matutulungan tayo nito na maging mas relaks at maharap nang mas mabuti ang kabiguan o mga problema. Inirerekomenda ng Bibliya: “Huwag mong ipagkait ang mabuti doon sa mga kinauukulan, kapag nasa kapangyarihan ng iyong kamay na gawin ito.” (Kawikaan 3:27) Oo, sa pamamagitan ng simpleng pagngiti, makikinabang tayo at ang iba. Bakit hindi magsikap na ibahagi ang pinakamahalagang kaloob na ito—isang magiliw na ngiti?