Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano ang Masama sa Pandaraya?
“Alam ng lahat na masama ang pandaraya, subalit madaling gawin ito.”—Jimmy, edad 17.
NATUKSO ka na bang sumulyap sa papel ng kaklase mo habang nagsusulit kayo? Kung nagawa mo ito, hindi ka nag-iisa. Ganito ang sinabi ni Jenna, na nasa ika-12 baitang, tungkol sa di-ikinahihiyang kaugalian ng karamihan sa kaniyang mga kaklaseng nangongopya: “Ipinagyayabang pa nila kung paano nila ito ginagawa,” ang sabi niya. “Itinuturing ka nilang kakatwa kung hindi ka mandaraya!”
Sa isang surbey sa Estados Unidos, 80 porsiyento ng mga tin-edyer na nangunguna sa kanilang klase ang umamin na nandaraya, at 95 porsiyento sa mga “nangunguna” sa klaseng ito ay hindi kailanman nahuli. Pagkatapos isagawa ang surbey sa mahigit na 20,000 estudyanteng nasa ika-5 hanggang ika-8 baitang at nasa haiskul, ganito ang naging konklusyon ng Josephson Institute of Ethics: “Kung may kinalaman sa katapatan at integridad, palalâ nang palalâ ang kalagayan.” Nagugulat ang mga tagapagturo kung gaano na kapalasak ang pandaraya! Ganito pa ang nasabi ng patnugot sa paaralan na si Gary J. Niels: “Kakaunti lamang ang hindi nandaraya.”
Inaasahan ng karamihan sa mga magulang na ang kanilang mga anak ay gumagawi nang marangal pagdating sa kanilang gawain sa paaralan. Subalit nakalulungkot, ikinokompromiso ng maraming kabataan ang kanilang katapatan sa pamamagitan ng pandaraya. Anong bagong mga paraan ang kanilang ginagamit? Bakit bumabaling sa pandaraya ang ilang kabataan? Bakit dapat mong iwasan ito?
Pandaraya sa Pamamagitan ng Makabagong Teknolohiya
Ginagamit ng nandaraya sa kasalukuyang panahon ang anuman sa maraming mapanlinlang na mga paraan. Sa katunayan, wala nang gaanong kabuluhan ang pangongopya ng araling-bahay o mga answer sheet kung ihahambing sa makabagong pamamaraan sa teknolohiya sa ngayon. Kasali rito ang paggamit ng mga pager na tumatanggap ng mga sagot sa pagsusulit na mula sa mga nagpapadala na nasa ibang lugar; mga calculator na patiunang may nakaprogramang “karagdagang” impormasyon; pagkaliliit na mga kamerang nakatago sa damit, na ginagamit upang magpadala ng mga tanong sa isang makatutulong na nasa ibang lugar; mga kagamitang nakapagpapadala ng mensahe sa pamamagitan ng infrared sa kalapit na kaklase; at maging ang mga site sa Internet na naglalaman ng kumpletong mga term paper sa halos lahat ng paksa!
Sinisikap pahintuin at baguhin ng mga tagapagturo ang nakababahalang kausuhang ito sa pandaraya, subalit hindi ito madaling gawin. Para ipakitang hindi ito madali, hindi lahat ng estudyante—o mga guro—ay nagkakaisa sa kung ano talaga ang itinuturing na pandaraya. Halimbawa, kapag sama-samang gumagawa ng isang proyekto ang mga grupo ng mga estudyante, ang pagkakaiba ng tapat na sama-samang pagtutulungan at ng di-tapat na pagsasabuwatan ay baka hindi gaanong malinaw. Pagkatapos ay nariyan ang mga nagsasamantala sa pagsisikap ng grupo anupat pinababayaang iba ang gumawa ng lahat ng bagay.
“Ubod nang tamad ang ilan sa mga estudyanteng ito—wala talaga silang ginagawa!” ang sabi ni Yuji, na nag-aaral sa isang kolehiyo na suportado ng gobyerno. “Pagkatapos ay iisa ang marka namin. Sa palagay ko’y pandaraya rin iyan!”Bakit Sila Nandaraya?
Sa isang surbey, natuklasan na ang kawalan ng paghahanda ang nangungunang dahilan kung bakit pinipili ng maraming estudyante ang mandaya. Ang ibang estudyante naman, dahil sa nauudyukan ng pakikipagkompetensiya sa paaralan o dahil sa mataas na inaasahan ng kanilang mga magulang sa kanila, ay nagsabi na wala silang mapagpipilian. “Walang ibang mahalaga sa mga magulang ko kundi ang mga marka,” ang sabi ni Sam, 13 taóng gulang. “Tinatanong nila ako: ‘Anong marka ang nakuha mo sa eksamen ninyo sa matematika? Anong marka ang nakuha mo sa eksamen ninyo sa Ingles?’ Naiinis ako diyan!”
Para sa ilan, ang patuloy na panggigipit upang makakuha ng mataas na marka ay umaakay sa pandaraya. Ganito ang sabi ng aklat na The Private Life of the American Teenager: “May bagay na di-timbang sa sistema kaya gayon na lamang katindi ang panggigipit anupat malimit na nahihigitan ng panggigipit na magkaroon ng mataas na marka ang kasiyahan na matuto, kung minsan hanggang sa isakripisyo ang katapatan.” Sumasang-ayon ang maraming estudyante. Tutal, walang sinuman ang gustong bumagsak sa isang pagsusulit, lalo na sa isang asignatura. “Talagang takot na takot ang ilang tao na bumagsak,” ang naobserbahan ni Jimmy, isang estudyante sa haiskul. “Kahit na alam nila ang mga sagot, mandaraya pa rin sila para lamang makatiyak.”
Wari bang hindi masama ang pandaraya dahil sa maraming tao ang handang isakripisyo ang mga pamantayan ng katapatan. At kung minsan ay tila kapaki-pakinabang pa nga ito. “Isang bata ang nasulyapan ko kahapon na nangongopya sa eksamen sa isa sa aking mga klase,” ang sabi ng 17-taóng-gulang na si Greg. “Ngayong araw nang isauli sa amin ang papel ng eksamen namin, mas mataas pa ang marka niya kaysa sa akin.” Marami ang naiimpluwensiyahan ng pagiging palasak ng pandaraya sa gitna ng kanilang mga kaedad. “Inaakala ng ilang estudyante na ‘kung ginagawa iyon ng iba, kailangan ko ring gawin iyon,’ ” ang sabi ni Yuji. Subalit totoo ba iyan?
Isang Nakalilinlang na Pagkalulong
Ihalintulad ang pandaraya sa pagnanakaw. Nagiging katanggap-tanggap ba ang pagnanakaw dahil sa bagay na maraming tao ang gumagawa nito? ‘Siyempre hindi,’ baka sabihin mo—lalo na kung ang iyong pera ang ninanakaw! Sa pandaraya, kinukuha natin ang isang bagay na hindi para sa atin—marahil ay pagsasamantala pa nga sa mga taong tapat ang paggawi. (Efeso 4:28) “Hindi iyan tama,” ang sabi ni Tommy, na katatapos lamang sa haiskul. “Parang sinasabi mo na, ‘alam ko ang bagay na iyan,’ pero ang totoo hindi mo naman talaga alam iyon. Kaya nagsisinungaling ka.” Ang pangmalas ng Bibliya hinggil dito ay maliwanag na ipinakita nito sa Colosas 3:9: “Huwag kayong magsisinungaling sa isa’t isa.”
Ang pandaraya ay maaaring maging isang pagkalulong na mahirap ihinto. “Natututuhan ng mga mandaraya na hindi nila kailangang mag-aral para makapasa,” ang sabi ni Jenna, “kaya umaasa na lang sila sa pandaraya. Pero minsang mag-isa na sila, hindi na nila alam kung ano ang kanilang gagawin.”
Ang simulaing nakatala sa Galacia 6:7 ay dapat seryosong pag-isipan: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” Kasama sa mga kahihinatnan ng pandaraya sa paaralan ay ang panunumbat ng budhi, ang pagkawala ng pagtitiwala ng iyong mga kaibigan, at hindi pagkatuto. Tulad ng kanser na nagiging malubha, ang kinagawiang ito ay makaaapekto sa ibang pitak ng buhay at makasisira sa pinakamatalik na kaugnayan sa iba. Higit sa lahat, makaaapekto ito sa iyong kaugnayan sa Diyos, na hindi nalulugod sa panlilinlang.—Kawikaan 11:1.
Niloloko lamang ng mga umaasa sa pandaraya ang kanilang sarili. (Kawikaan 12:19) Sa kanilang ikinikilos, nakakatulad ng kanilang ginagawa ang masasamang tagapamahala sa sinaunang lunsod ng Jerusalem: “Ang isang kasinungalingan ay ginawa naming aming kanlungan at sa kabulaanan ay nagkubli kami.” (Isaias 28:15) Subalit ang totoo ay hindi maitatago ng isang nandaraya ang kaniyang mga ginagawa sa Diyos.—Hebreo 4:13.
Huwag Mandaya!
Sa maraming kaso, pinaghihirapang mabuti at pinaghuhusay ng mga kabataan ang kanilang pandaraya—na mas mainam sana kung ang pagsisikap nila sa pandaraya ay ibuhos na lamang sa pag-aaral nang mabuti. Gaya ng sinabi ng 18-taóng-gulang na si Abby, “kung magsisikap lang silang mabuti sa pag-aaral kung paano sila nagpapakahirap sa pandaraya, malamang na makakukuha sila ng mas matataas na marka.”
Sabihin pa, maaaring napakalakas ng tukso na mandaya. Subalit dapat mong iwasan ang patibong na ito sa moral! (Kawikaan 2:10-15) Paano mo ito magagawa? Una, tandaan mo kung bakit ka nasa paaralan—upang matuto. Totoo, baka nga hindi mo gaanong mapakinabangan ang maraming bagay na iyong pinag-aaralan na posibleng hindi mo naman magagamit kailanman. Subalit kung lalaktawan ang prosesong ito sa pamamagitan ng pandaraya, nahahadlangan ng isang tao ang kaniyang kakayahang matuto ng bagong mga bagay at magamit ang kaalamang ito sa praktikal na paraan. Talagang pinagsisikapan ang tunay na unawa para matamo ito; kailangang magsunog ng kilay ang isa. Sinabi ng Bibliya: “Bilhin mo ang katotohanan at huwag mong ipagbili iyon—karunungan at disiplina at pagkaunawa.” (Kawikaan 23:23) Oo, kailangan mong dibdibin ang iyong pag-aaral at paghahanda. “Kailangan mong magsikap sa pag-aaral,” ang iminumungkahi ni Jimmy. “Magbibigay ito ng kumpiyansa sa iyo dahil sa alam mo ang mga sagot.”
Totoo, baka kung minsan ay hindi mo alam ang lahat ng sagot, at ang maaaring ibunga nito ay mababang iskor. Magkagayon man, kung hindi mo ikokompromiso ang iyong mga prinsipyo, makikita mo kung ano ang kailangan mong gawin upang sumulong ka pa.—Kawikaan 21:5.
Si Yuji, na sinipi sa umpisa, ay isang Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag niya kung ano ang ginagawa niya kapag ginigipit siya ng iba niyang kaklase na tulungan silang mandaya: “Una sa lahat—basta sinasabi ko sa kanila na ako’y isang Saksi,” aniya. “Malaki ang naitulong niyan sa akin dahil sa alam nila na ang mga Saksi ni Jehova ay matatapat na tao. Kapag may nanghihingi sa akin ng sagot sa panahon ng eksamen, basta tumatanggi ako. Pagkatapos ay ipinaliliwanag ko kung bakit hindi ko iyon ginawa.”
Sumasang-ayon si Yuji sa sinabi ni apostol Pablo sa mga Hebreo: “Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Ang iyong panghahawakan sa matataas na pamantayan ng katapatan at ang pagtangging makipagkompromiso sa pamamagitan ng pandaraya ay nagbibigay ng tunay na halaga sa mabubuting marka na iyong nakukuha. Nakapag-uuwi ka mula sa paaralan ng isa sa pinakamagagandang regalo na maibibigay mo sa iyong mga magulang—ang katibayan ng Kristiyanong katapatan. (3 Juan 4) Bukod pa rito, naiingatan mo ang isang malinis na budhi at nagkakaroon ka ng kagalakan sa pagkaalam na napaliligaya mo ang puso ng Diyos na Jehova.—Kawikaan 27:11.
Kung gayon, gaano man ito kapalasak, iwasan mo ang pandaraya! Sa paggawa mo ng gayon, maiingatan mo ang iyong mabuting kaugnayan sa iba at, higit sa lahat, sa Diyos ng katotohanan, si Jehova.—Awit 11:7; 31:5.
[Blurb sa pahina 14]
Malimit na hindi nauunawaan ng isang nandaraya na talagang siya ay nagnanakaw
[Blurb sa pahina 14]
Ang pandaraya ay karaniwan nang umaakay sa mas malulubhang gawa ng kawalang-katapatan
[Blurb sa pahina 15]
Hindi maitatago ng isang nandaraya ang kaniyang mga ginagawa sa Diyos
[Larawan sa pahina 15]
Ang pag-aaral nang mabuti bago ang pagsusulit ay magbibigay sa iyo ng kumpiyansa