Ikaw ba ay Minamanmanan?
Ikaw ba ay Minamanmanan?
KAPAG pumapasok araw-araw sa trabaho si Elizabeth, isang kamera ang sumusubaybay sa kaniyang mga kilos. Habang papasók siya sa gusali, isang kamera ang nakapokus sa kaniyang mukha. Sa maghapon ay napakaraming iba pang kamerang nagmamanman ang nakatutok sa kaniya. Mauunawaan naman ang paraan ng pagmamanmang ito dahil nagtatrabaho siya sa isang kompanya na humahawak ng milyun-milyong dolyar araw-araw.
Batid ni Elizabeth na siya ay mamatyagang mabuti sa kaniyang trabaho; ipinaliwanag ito nang mabuti sa kaniya nang pumasok siya sa trabahong ito. Gayunman, para sa milyun-milyong tao, ang saklaw ng ginagawang pagmamanman sa kanila araw-araw ay maaaring hindi ipinaaalam sa kanila.
Pamumuhay sa Isang Lipunan na May Nagmamanman
Ikaw ba ay minamanmanan habang nasa trabaho? Sa buong daigdig, patuloy na sinusubaybayan ang paggamit ng Internet at E-mail ng milyun-milyong empleado habang sila’y nagtatrabaho. Natuklasan ng taunang pagsusuri ng American Management Association Survey para sa 2001 na “halos tatlong-kapat (73.5%) ng malalaking kompanya sa Estados Unidos . . . ang nakapagrerekord at nakapagrerepaso ng mga pag-uusap at mga ginagawa sa trabaho ng kanilang mga empleado, kasali na rito ang kanilang mga tawag sa telepono, e-mail, paggamit ng Internet at pagbubukas ng mga file sa computer.”
Namumuhunan nang milyun-milyong dolyar ang mga gobyerno para sa mga kagamitang pangmanman. Ipinalagay ng isang ulat na isinumite sa European Parliament noong Hulyo 11, 2001, na “may humaharang ng mga komunikasyon sa pangglobong sistema, anupat tumatakbo ito dahil sa pagtutulungan . . . ng EUA, UK, Canada, Australia at New Zealand.” Sa pamamagitan ng pangglobong network ng mga istasyong satelayt na tumatanggap ng signal, isang sistema na kilala bilang ECHELON, iniulat na nagagawa ng mga gobyernong ito na harangin at inspeksiyunin ang mga impormasyon sa telepono, fax, Internet, at mga mensahe sa E-mail na nakakonekta sa satelayt. Sinasabi ng pahayagang Australian na kapag ginamit ng mga gobyerno ang sistemang ito, “mapipili ang espesipikong mga fax at email, at kung ang sistema ay naiprograma upang makilala ang partikular na boses, makikilala rin mismo ang mga tawag sa telepono ng mga taong iyon.”
Umaasa rin sa makabagong mga paraang ito ng pagmamanman ang mga ahensiya na nagpapatupad ng batas. Sa Estados Unidos, iniulat ng magasing BusinessWeek na ang FBI ay may teknolohiyang kilala bilang Carnivore at ginagamit ito “upang subaybayan ang mga e-mail, instant message (mga mensaheng ipinadadala sa maraming gumagamit ng computer na biglang lumilitaw sa iskrin nito), at mga digital phone call.” Samantala, pahihintulutan ng bagong batas ng Britanya ang mga ahensiya na nagpapatupad ng batas na palihim na “subaybayan ang libu-libong tao na gumagamit ng telepono, mga fax machine at Internet,” ang ulat ng BBC News.
Nakatagong mga Kamera at Detalyadong mga Data Base
Masusubaybayan pa rin ang isang tao kahit hindi siya nakikipagtalastasan sa telepono, fax, o E-mail. Sa estado ng New South Wales sa Australia, ang mga taong sumasakay ng tren ay sinusubaybayan ng mahigit na 5,500 kamera. Sa estado ring iyon, mga 1,900 bus na pag-aari ng gobyerno ang nilagyan din ng mga kamerang pangmanman.
Iniulat na ang Britanya ang may pinakamaraming kamerang pangmanman sa bawat tao sa daigdig—1 sa bawat 55 katao, ayon sa isang pag-aaral. Noong 1996, mayroon lamang 74 na bayan o mga lunsod sa United Kingdom ang nagtataglay ng mga kamerang pangmanman na nagmamatyag sa pampublikong mga lugar. Noong 1999, 500 bayan at mga lunsod ang kinabitan ng gayong mga kagamitan. Ikinakabit ang bagong mga programa sa computer sa mga kamerang pangmanman upang makunan ng kamera ang partikular na mukha ng isang tao, kahit na mapahalo pa ang taong ito sa maraming tao sa isang paliparan o isang liwasang bayan.
Lalo na sa ngayon, ang iyong pribadong buhay ay maaaring subaybayan nang wala kang kaalam-alam. Sinabi ni Simon Davies, direktor ng grupo para sa karapatang pantao na Privacy International: “Hindi pa marahil kailanman nangyari sa kasaysayan na gayon karaming impormasyon ang nakuha mula sa karamihan ng mga tao. Nakikita sa 400 malalaking data base ang mga detalye tungkol sa kalagayan sa buhay ng isang pangkaraniwang adulto sa mauunlad na bansa—may sapat na nakaprogramang impormasyon na mapagtitipunan ng napakaraming reperensiya para sa bawat tao.”
Anong mga paraan ang maaari mong gawin upang maingatan ang iyong pribadong buhay?