Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Makatuwirang Pangmalas sa Pribadong Buhay

Isang Makatuwirang Pangmalas sa Pribadong Buhay

Isang Makatuwirang Pangmalas sa Pribadong Buhay

“ANG MGA MATA NI JEHOVA AY NASA LAHAT NG DAKO, NAGBABANTAY SA MASASAMA AT SA MABUBUTI.”​—Kawikaan 15:3.

KAKAUNTING tao ang magiging komportable sa pagkaalam na may ibang taong nagmamanman sa bawat kilos nila, anupat sinusubaybayan ang kanilang lihim na iniisip, inaalam ang mga bagay na kanilang pinakahahangad. Magkagayon man, ito ang talagang sinasabi ng Bibliya na kayang gawin ng Diyos. Sa Hebreo 4:13, sinasabi ng Bibliya: “Walang nilalang na hindi hayag sa kaniyang paningin, kundi ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.” Hindi ba ito panghihimasok sa pribadong buhay? Hindi naman. Bakit gayon?

Bilang paglalarawan: Habang lumalangoy ka sa tabing-dagat, maaaring patuloy kang minamatyagan ng tagapagligtas-buhay. Hindi mo ito itinuturing na panghihimasok sa iyong pribadong buhay. Sa katunayan, nabibigyan ka ng katiwasayan dahil sa pagkanaroroon niya. Alam mo na kapag nalagay ka sa alanganin, agad siyang pupunta upang tulungan ka. Sa gayunding paraan, palaging binabantayan ng isang ina ang bawat galaw ng kaniyang sanggol. Kung hindi siya magiging mapagbantay, ituturing siya na pabayang ina.

Gayundin naman, sinusubaybayan ng Diyos na Jehova ang ating iniisip at ikinikilos dahil hangad niya ang pinakamabuti para sa kapakanan natin. Isang propeta sa Bibliya ang nagsabi: “Kung tungkol kay Jehova, ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” (2 Cronica 16:9) Pero hanggang saan ba ang talagang nakikita ni Jehova sa ating lihim na iniisip at ikinikilos? Nagbibigay ng kaunawaan hinggil dito ang ilang pangyayari kay Jesus, ang Anak ng Diyos.

Ang Kakayahang Bumasa ng Puso at Isip

Habang naghahapunan si Jesus sa bahay ng isang Pariseo, isang kilalang makasalanang babae ang dumating at lumuhod sa paanan ni Jesus. Nagsimula siyang umiyak at saka niya pinunasan ng kaniyang buhok ang mga paa ni Jesus na pinatakan ng kaniyang luha. Sinabi ng ulat: “Nang makita ito, ang Pariseo na nag-anyaya sa kaniya ay nagsabi sa loob niya: ‘Ang taong ito, kung siya nga ay propeta, ay makakakilala kung sino at kung anong uri ng babae ang humihipo sa kaniya.’” Ipinakikita ng sagot ni Jesus na hindi lamang nalaman ni Jesus ang pinagmulan ng babae kundi alam din niya kung ano ang sinabi ng Pariseo “sa loob niya.”​—Lucas 7:36-50.

Sa isa pang pagkakataon, si Jesus ay kinompronta ng isang grupong salansang sa kaniyang paggawa ng mga himala. Ganito ang sinabi ng ulat na nakatala sa Mateo 9:4: “Si Jesus, sa pagkaalam ng kanilang mga kaisipan, ay nagsabi: ‘Bakit kayo nag-iisip ng mga balakyot na bagay sa inyong mga puso?’” Ang kakayahan ni Jesus na alamin ang iniisip ng iba ay hindi lamang basta isang matalinong panghuhula.

Isinisiwalat ng pangangatuwiran tungkol sa ulat ng pagkabuhay-muli ni Lazaro na maraming bagay ang nasasangkot dito. Apat na araw nang patay ang malapít na kaibigan ni Jesus na si Lazaro. Pumanaw na ang kaniyang pag-iisip, at nagsisimula na siyang maagnas. (Awit 146:3, 4) Nang ipag-utos ni Jesus na buksan ang pasukan ng libingan ni Lazaro, tumutol ang kapatid na babae ni Lazaro na si Marta: “Panginoon, sa ngayon ay nangangamoy na siya.” Ngunit sa tulong ng kapangyarihan ng Diyos, binuhay-muli ni Jesus si Lazaro, kalakip dito ang lahat ng napakapersonal at lihim na mga alaala na kailangan para maisauli ang dating pagkatao ni Lazaro bago siya namatay.​—Juan 11:38-44; 12:1, 2.

Ang kakayahan ng Diyos na Jehova na alamin ang nasa kaloob-looban natin ay tiniyak ng mga sinabi ni Jesus hinggil sa panalangin. Bago niya itinuro sa kaniyang mga alagad ang huwarang panalangin, sinabi ni Jesus: “Nalalaman ng Diyos na inyong Ama kung anong mga bagay ang kinakailangan ninyo bago pa man ninyo hingin sa kaniya.” Sinabi rin ni Jesus: “Kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong pribadong silid at, pagkasara ng iyong pinto, manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim; sa gayon ang iyong Ama na tumitingin sa lihim ang gaganti sa iyo.”​—Mateo 6:6, 8.

Mga Kapakinabangan ng Pagkaalam na Sinusubaybayan Tayo ng Diyos

Napipigilan ba ang ating pagkilos o nalilimitahan ang ating kalayaan dahil sa pagkaalam na sinasaliksik ng Diyos ang lahat ng puso at ang “bawat hilig ng mga kaisipan ay kaniyang natatalos”? (1 Cronica 28:9) Sa kabaligtaran, ang kabatiran na walang bagay ang maaaring ilihim sa Diyos ay isang mabisang puwersa sa paggawa ng mabuti.

Sinabi ni Elizabeth, na binanggit sa umpisa ng artikulo, na ang pangunahing dahilan ng pananatili niyang tapat ay hindi dahil sa mga kamerang pangmanman na sumusubaybay sa kaniya sa trabaho. Sa halip, ang sabi niya: “Ang bagay na alam kong pinagmamasdan ni Jehova ang aking iginagawi ang nag-uudyok sa akin na maging tapat sa lahat ng aking ginagawa, kahit na wala ako sa trabaho.”

Gayundin ang sinabi ni Jim. Siya’y nagtatrabaho sa isang pabrika kung saan pangkaraniwang problema ang pagnanakaw ng mga empleado. Ngunit hindi pinagnanakawan ni Jim ang kaniyang amo. Sinabi niya: “Totoo na puwede akong makalusot sa pagnanakaw sa aming kompanya, pero pinahahalagahan ko ang aking relasyon sa Diyos at alam kong nakikita niya ang lahat ng ginagawa ko.”

Ang pagkaalam na batid ng Diyos ang lahat ng ating ginagawa, kalakip pa rito ang pagnanais na magkaroon ng mabuting kaugnayan sa kaniya, ay makapag-uudyok sa isang tao na gumawa ng malalaking pagbabago sa kaniyang buhay. Halimbawa, si Doug ay pinalaki sa isang pamilyang Kristiyano subalit hindi niya talaga dinibdib ang bagay na nakikita ng Diyos ang kaniyang mga ginagawa. Bunga nito, nagkaroon siya ng dobleng pamumuhay. Dumadalo siya sa Kristiyanong mga pagpupulong kasama ng kaniyang pamilya subalit gumagamit din siya ng droga kasama ng kaniyang mga kaibigan. Ang labis na pagkahilig niya sa motorsiklo ang umakay sa kaniya na sumali sa isang kilaláng gang ng mga haragan sa pagmomotorsiklo. Para tanggapin siya, si Doug ay gumawa ng mabibigat na krimen.

Pagkalipas ng ilang taon, nag-aral muli ng Bibliya si Doug. Napag-unawa niya na si Jehova ay isang tunay na persona na nakababatid at naaapektuhan sa ginagawa ng mga tao. Napakilos si Doug na magsimulang mamuhay alinsunod sa matataas na pamantayan ng Diyos sa moral. Bagaman kaugalian na ng gang na pagbubugbugin ang sinumang kumakalas sa gang, pumunta si Doug sa isang pulong ng gang at pormal siyang nagbitiw sa pagiging miyembro ng gang sa harap ng lahat. Natatandaan niya: “Nang tumayo ako para magsalita, napakalakas ng tibok ng puso ko. Pakiramdam ko’y gaya ako ni Daniel sa yungib ng mga leon. Pero tahimik akong nanalangin kay Jehova at pagkatapos ay malumanay kong ipinaliwanag ang dahilan ng aking pagkalas. Nang umalis ako, ang lahat ay kumamay at bumati sa akin maliban sa isa. Naranasan ko ang katotohanan ng Isaias 41:13: ‘Ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa iyong kanang kamay, ang Isa na nagsasabi sa iyo, “Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.”’” Nadama ni Doug na binigyan siya ni Jehova ng kinakailangan niyang lakas upang mabago ang kaniyang buhay.

Isang Makatuwirang Pangmalas

Hindi makatuwirang isipin na makapaglilihim tayo ng mga bagay-bagay mula sa Diyos. Tahasang sinasabi ng Bibliya: “Ang hangal ay nagsabi sa kaniyang puso: ‘Walang Jehova.’” (Awit 14:1) Gaya ng itinampok ng naunang mga artikulo, nakagawa ang mga tao ng pagkarami-raming kamerang pangmanman na nakakakilala ng espesipikong mukha ng isa kahit sa karamihan ng tao. Nakaimbento sila ng mga kagamitan para pakinggan nang lihim ang pag-uusap ng iba na kayang piliin ang partikular na boses mula sa maraming libu-libong gumagamit ng telepono. Kung gayon, tiyak na kayang suriin ng Maylalang ng utak ng tao ang iniisip ng sinumang indibiduwal, kung nakikita Niyang kinakailangang gawin iyon.

Samantalang taglay ng ating Maylalang ang karapatang malaman ang lahat ng lihim na ginagawa ng isang tao, walang ganitong karapatan ang mga tao. Nagpapayo si apostol Pedro sa lahat ng nagnanais na magtamo ng pagsang-ayon ng Diyos: “Huwag magdusa ang sinuman sa inyo bilang isang . . . manggagawa ng kasamaan o bilang isang mapakialam sa mga bagay-bagay ng ibang tao.” (1 Pedro 4:15) Nagbabala rin si apostol Pablo laban sa pakikialam sa “buhay-buhay ng ibang tao.”​—1 Timoteo 5:13.

Ang isang matinding halimbawa ng pagiging “mapakialam” at mapanghimasok “sa buhay-buhay ng ibang tao” ay ang lumalaganap na kausuhan sa ilang bansa ng paggamit ng mga mamamayan ng isang maliit na kagamitang audio o video na nagrerekord upang tiktikan ang iba. Sa Hapon, halimbawa, natuklasan kamakailan ng mananakbo ng marathon na si Naoko Takahashi, na nagwagi ng gintong medalya sa Sydney Olympic Games, na isang maliit na kamera ang itinago sa kaniyang banyo at nakunan siya nang walang kamalay-malay. Isang video ang nagawa, at libu-libong kopya nito ang ilegal na ipinagbili.

Laganap din ang pagnanakaw o pandaraya sa pagkakakilanlan ng isang tao, ang paggamit ng pinakamakabagong teknolohiya upang nakawin ang personal at detalyadong impormasyon sa buhay ng isang tao. Makatuwiran lamang na gumawa ng mga hakbang upang ipagsanggalang ang iyong pribadong buhay mula sa walang pahintulot na pagmamanman. * Sinasabi ng Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.”​—Kawikaan 22:3.

Lihim na mga Ginagawa​—Pagsusulit ng Lahat

Habang dumarami ang krimen, karahasan, at terorismo, malamang na higit na mamanmanan ng mga gobyerno ang kanilang mga mamamayan. Ngunit hindi na magtatagal, hindi na kakailanganin pa ang mga kamerang pangmanman at mga kagamitan para pakinggan nang lihim ang pag-uusap ng iba. Nangangako ang Bibliya na sa malapit na hinaharap, pagsusulitin ng Diyos na Jehova ang lahat ng tao sa kanilang mga ginagawa, ito man ay hayag o lihim na mga gawa.​—Job 34:21, 22.

Mula sa panahong iyon patuloy, mawawala na sa lupa ang karahasan, pagkapoot, at kriminal na gawain na matagal nang sumasalot sa sangkatauhan. Paano ito magiging posible? Sapagkat sa panahong iyon ay hindi lamang lubos na makikilala ni Jehova ang lahat ng taong nabubuhay kundi makikilala nang lubusan ng lahat ng nabubuhay si Jehova. Mapatutunayang totoo ang mga salita ni propeta Isaias: “Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”​—Isaias 11:9.

[Talababa]

^ par. 21 Tingnan ang kahong “Mag-ingat!”

[Blurb sa pahina 12]

Ang kabatiran na walang bagay ang maaaring ilihim sa diyos ay isang mabisang puwersa sa paggawa ng mabuti

[Kahon/Larawan sa pahina 11]

Mag-ingat!

ANG PRIBADONG BUHAY AT MGA SITE PARA SA PAGHAHANAP NG TRABAHO: Nanganganib ang pribadong buhay ng mga naghahanap ng trabaho na naglalagay ng kanilang mga résumé sa Internet. Ang mga résumé ay maitatago sa mga site para sa paghahanap ng trabaho sa loob ng maraming taon at maaari pa nga itong pagkunan ng impormasyon ng mga nagnanakaw ng pagkakakilanlan ng iba. Hinihiling ng ilang site para sa paghahanap ng trabaho ang personal na impormasyon ng mga naghahanap ng trabaho, gaya ng pangalan, adres, edad, at karanasan sa nakalipas na trabaho, at pagkatapos ay ipinapasa ang impormasyong ito sa ikatlong panig na nagbebenta, gaya ng mga tagapag-anunsiyo.

ANG PRIBADONG BUHAY AT MGA KOMUNIKASYON SA TELEPONO: Sa ngayon, walang murang paraan upang matiyak ang pagiging lihim ng pag-uusap ito man ay sa teleponong cordless o sa mga cellular phone. Kung nakikipag-usap ka hinggil sa isang lihim na bagay, mas ligtas kung gagamit ka ng pangkaraniwang de-kurdon na telepono. Tiyakin mo na pareho kayo ng kausap mo na gumagamit ng pangkaraniwang telepono. Ang mga signal sa maraming teleponong cordless ay nasasagap ng mga radio scanner, ang ilan pa nga ay nasasagap ng ibang teleponong cordless o ng mga kagamitang pangmonitor sa mga sanggol. Kapag may binili ka na itinawag mo sa telepono at ibinigay mo ang numero ng iyong credit card at petsa ng pagpasó nito, maaaring i-monitor ang iyong tawag sa teleponong cordless o cellular phone at maaari kang mabiktima ng pandaraya. *

[Talababa]

^ par. 32 Ang impormasyon ay hinalaw mula sa Web site na Privacy Watch Clearinghouse.

[Larawan sa pahina 9]

Ang pagmamatyag ng isang tagapagligtas-buhay ay hindi itinuturing na panghihimasok sa pribadong buhay

[Mga larawan sa pahina 10]

Ang pagkaalam na batid ng Diyos ang lahat ng ating ikinikilos ang nag-udyok kay Doug na gumawa ng mga pagbabago sa kaniyang buhay