Kailangan Mo ang Sapat na Tulog!
Kailangan Mo ang Sapat na Tulog!
Mayroon bang tututol sa kapahayagang ang mahimbing na tulog sa gabi ay mahalagang salik sa pagpapanatili ng mabuting kalusugan? Marahil wala. Gayunman, hindi gaanong mahalaga ang tulog para sa marami. “Subalit pinagbabayaran mo ito kinabukasan,” ang sabi ni Shawn Currie, isang clinical psychologist at assistant professor sa University of Calgary, sa Canada. Kapag kulang ang tulog mo, malamang na ikaw ay maging mas mayamutin at kung minsan ay manlumo pa nga.
“Ayon sa teoriya ng mga siyentipiko ang tulog ay nakatutulong sa utak na mag-imbak ng impormasyon, at na nagpapatuloy ang pagkuha ng kaalaman sa panahon ng pagtulog,” ang sabi ng pahayagang Calgary Herald. Ganito ang sabi ni Propesor Currie: “Sa gabi, pinatitibay mo ang iyong mga alaala at anumang natutuhan mo sa araw na iyon ay wastong iniimbak sa gabi. Aktuwal na sinisira ng hindi pagkakaroon ng sapat na pahinga ang pagkuha ng kaalaman.” Bukod diyan, sinasabi niya na “kapag sapat ang tulog mo, malamang na makatulong ito sa ilang paraan upang maging matatag ang iyong damdamin.”
Kaya, gaano kahaba ang sapat na pagtulog? Samantalang iminumungkahi ng maraming dalubhasa ang walong oras bilang isang panlahat na tuntunin, ganito ang sabi ni Currie: “May iba’t ibang pangangailangan sa pagtulog ang mga tao.” Sa kadahilanang iyan, iminungkahi niya na magsikap na makatulog nang mahimbing. Subalit paano ba magagawa ito, lalo na niyaong mga may insomniya? Narito ang ilang mungkahi:
◼ Maligo ng maligamgam na tubig bago matulog.
◼ Mag-ehersisyo nang katamtaman ilang beses sa isang linggo; subalit huwag magpakapagod sa pag-eehersisyo bago matulog.
◼ Panatilihing tahimik, madilim, at medyo malamig ang iyong silid-tulugan.
◼ Sikaping magising sa iisang oras tuwing umaga upang magkaroon ng isang regular na parisan sa pagtulog.
Dahil sa nakikitang mga kapakinabangan sa kalusugan, maging makatuwiran at isaalang-alang ang kahalagahan ng tulog.