Mga Hiyas Mula sa Dalampasigan
Mga Hiyas Mula sa Dalampasigan
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA NICARAGUA
NARANASAN mo na bang matuwa dahil sa nakasumpong ka ng isang ubod ng gandang kabibi na kumikinang sa buhanginan? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Pinahahalagahan ng mga taong iba’t iba ang edad ang mga kabibi dahil sa pagkarami-raming uri at pantanging kagandahan nito.
Masusumpungan ang mga kabibi sa halos lahat ng dalampasigan sa daigdig. Gayunman, ang kabibi ay hindi lamang isang bagay na kahali-halinang hawakan at hangaan. Bawat kabibi ay dating tahanan ng isang nilalang na malambot ang katawan na siyang gumawa nito—isang mulusko. Sa katamtamang pagtantiya, mahigit sa 50,000 uri ng mulusko ang nabubuhay ngayon!
Matatagpuan sa Baybaying Pasipiko ng Nicaragua ang lahat ng kabibi na tinatalakay sa artikulong ito. Marami sa mga ito ang tinipon ko mula sa tatlong-kilometrong kahabaan ng tabing-dagat na tinatawag na Poneloya at Las Peñitas. Ang iba naman ay ibinigay sa akin ng mga mangingisda sa lugar na iyon. Hayaan mong ipakilala ko sa iyo ang ilan sa mga kabibing ito, kasama na ang mga nilalang sa dagat na gumawa sa mga ito.
Ang Malalaking Gastropod
Ang karamihan sa mga kabibi ay ginawa ng mga mulusko na kabilang sa dalawang pangunahing uri: Gastropoda (mga gastropod) at Bivalvia (mga bivalve). Ang mga gastropod, kabilang na rito ang lahat ng uri ng susô, ay may ulo na karaniwan nang may mga galamay at mata. Gumagapang at humihilahod ang mga muluskong ito sa pamamagitan ng nag-iisang malaman na paa nito. Kaya naman tinawag ang mga ito na mga gastropod—isang termino na nangangahulugang “may tulad-tiyan na paa.”
Paano humihinga at kumakain ang gastropod? Maraming uri nito na nasa dagat ang humihinga sa pamamagitan ng siphon, na isang tulad-tubong sangkap na nakausli sa ulo nito. Nakasisipsip ang mga ito ng tubig sa pamamagitan ng kanilang mga hasang dahil sa siphon na ito. Ang ilang gastropod ay may proboscis, isa pang tulad-tubong sangkap na ginagamit sa pagkain. Marami ring gastropod ang may radula—matigas na himaymay na may maliliit at matitibay na ngipin. Ang himaymay na ito ay tulad ng isang kikil na ginagamit ng mulusko upang himayin ang pagkain nito. Ang lahat ng gastropod ay may sistema ng nerbiyo,
sistema ng sirkulasyon, sistema ng panunaw, at mga sangkap sa pagpaparami.Paano mo malalaman kung isang gastropod ang gumawa ng isang kabibi? Kung ito ay isang pirasong kabibi na karaniwang pilipit ang hugis, na tinatawag na univalve. Ang mga kabibing sinaw (murex), buan-buan (tun), sigay (cowrie), habasan (cone), at torong-torong (turritella) ay pawang ginawa ng gastropod. Suriin nating mabuti ang ilan sa mga hiyas na ito.
Bigla ang Paglaki—Nagbabarena Upang Makakain
Ang mga kabibing sinaw na makukuha sa lahat ng panig ng daigdig ay karaniwan nang masalimuot ang hugis. Nakasumpong ako ng dalawang uri, ang kaakit-akit na royal murex na kulay rosas at kayumanggi at ang kasingganda nito na root murex. Saan nagmula ang matinik na umbok sa likod nito? Ginagawa ng mulusko ang mga umbok nito, na tinatawag na mga varix, sa mga yugto ng mabagal na paglaki ng kabibi. Makikita mo sa pagitan ng mga umbok ang materyales ng kabibi na tumubo sa panahon ng biglang paglaki nito. Ganito ang paliwanag ng aklat na Shells—Treasures of the Sea: “Ang paggawa ng bagong materyales ng kabibi ay umuubos ng maraming enerhiya anupat pinababagal ng marami sa mga gastropod ang kanilang metabolismo at hindi nagkikikilos upang higit na enerhiya ang mailaan nito sa mabilis na pagtubo ng kabibi. Karaniwan nang ibinabaon ng hayop na ito o itinatago sa iba pang paraan ang kaniyang sarili upang hindi magambala ng mga maninila. . . . Maaaring tumagal nang ilang araw o ilang linggo ang biglang paglaki nito, depende sa kung anong uri ito ng mulusko.”
Ang sinaw mismo ay isang kinatatakutang maninila. Minsan habang nangongolekta ng mga kabibi, nagtaka ako kung bakit may maliit at bilóg na bilóg na butas ang ilang kabibi. Nang maglaon ay nalaman ko na ang sinaw ay kabilang sa ilang uri ng mulusko na makapagbabarena ng maliit na butas sa kabibi ng nasila nito sa pamamagitan ng kaniyang radular na mga ngipin. Pagkatapos ay ipinapasok ng sinaw sa butas ang proboscis nito at nasisiyahan sa kaniyang pagkain!
Namangha akong malaman na ang sinaw ay di-tuwirang binanggit sa Bibliya. Ang dalawang uri na karaniwang matatagpuan sa Dagat Mediteraneo, ang Murex trunculus at Murex brandaris, ang pinagkukunan ng mamahaling tinang purpura na ginagamit na pangulay sa damit noong panahon ng Bibliya. (Esther 8:15; Lucas 16:19) Isang glandula ng sinaw ang naglalabas ng manilaw-nilaw na likido na nagiging matingkad na murado o mamula-mulang purpura kapag nahantad sa hangin at sikat ng araw. Yamang kakaunti lamang ang likidong nailalabas ng bawat sinaw, tinatayang 12,000 sinaw ang kinakailangan upang makagawa ng isa’t kalahating gramo ng tina. Hindi kataka-taka na mayayaman lamang ang nakabibili ng purpura ng Tiro, gaya ng tawag sa tinang ito! *
Mga Kabibi na Ngumingiti
Nakakolekta rin ako ng isang uri ng kabibing buan-buan, ang grinning tun. Ang mga buan-buan ay masusumpungan saanmang panig ng daigdig, yamang maaaring lumulutang-lutang lamang ang mga uod nito sa loob ng mga linggo o buwan pa nga bago manirahan sa ilalim ng dagat at doon lumaki. Kaagad mong mapapansin ang magaganda at malalapad na pinakatadyang ng kabibi na nasa palibot nito gayundin ang
natatanging disenyo ng grinning tun—ang makapal na labi nito na pinatibay ng mga ngipin. Sinasabing nakatutulong ang labi na ito upang ang malinamnam na susô na nasa loob ng kabibi ay hindi makain ng gutóm na mga alimasag.Ang aking koleksiyon ay binubuo ng magagandang ispesimen ng—kapuwa mga bata pa at magulang nang—balo-balo (crown conch), na binigyan ng gayong katawagan dahilan sa tusuk-tusok na “korona” nito. Mayroon din akong isang kabibing triton na bata pa, isang uri na maaaring humaba nang 15 sentimetro, gayundin ng Pleuroploca princeps, na may kamahalan dahil sa naiibang kulay kahel nito. Bihirang mapadpad sa tabing-dagat ang gayong malalaking kabibi na nabubuhay sa kailaliman ng dagat. Ang magagandang ispesimen na ito ay kabilang sa mga ibinigay ng mga kaibigan kong mangingisda, na siyang nakahuli sa mga ito sa pamamagitan ng kanilang mga lambat o ng mga bitag para sa ulang. Kinukuha nila ang laman ng mga ito upang kainin at may-kabaitang ibinibigay naman sa akin ang magagandang kabibi.
Mas Maliit Subalit Kaakit-akit
Sa mga panahong kumati ang tubig, makikitang nakahanay sa dalampasigan ang mga kabibi, at maraming maliliit at nakatatawag-pansing mga kabibing gastropod ang matatagpuan sa mismong tabing-dagat. Kabilang dito ang kaakit-akit na mga uri—mga sigay, mga kabibing habasan, olive, saka-saka (auger), sundial, moon, at torong-torong. Dahil sa dami ng uri ng mga kabibi sa daigdig, iisang pamilya lamang ng mga kabibi ang pinagtutuunang tipunin ng ilang kolektor. Bilang halimbawa, ang mga kabibing habasan lamang ay mayroon nang 500 uri!
Isa sa pinakakaakit-akit na katangian ng mga kabibing gastropod ay ang pilipit na disenyo ng mga ito. Ang mga kabibing sundial at saka-saka ay nangungunang mga halimbawa
ng gayong magagandang disenyo. Ang mga kabibing gastropod ay may disenyo na hindi nagbabago hanggang sa lumaki ang mga ito. Kaya habang lumalaki, hindi nagbabago ang hugis ng mga ito. Nalilikha ng mulusko ang pilipit na hugis nito sa pamamagitan ng patuluyang pagdaragdag ng materyales sa gilid ng kabibi, na para bang nag-iikid ng materyales sa isang guniguning linya mula sa loob ng kabibi. Ang nabuong kabibi ay nagiging matibay at matatag na tahanan ng mulusko na nasa loob nito—kapaki-pakinabang at maganda!Mga Paros, Tipáy, at Iba Pang Bivalve
Kumusta naman ang isa pang klase ng mulusko na nabanggit kanina, ang Bivalvia? Napakarami ring kabibi ng mga muluskong ito ang matatagpuan sa mga tabing-dagat ng Nicaragua. Ang isang kabibing bivalve ay binubuo ng dalawang magkasukat na magkasukat na kabibing may dugtungan, na tinatawag na mga balat ng kabibi, na sumasara at ipinagsasanggalang ang muluskong nasa loob nito. Ang paros ay isang kilaláng-kilalá na bivalve. Walang ulo ang mga muluskong bivalve, subalit may mga sangkap na pandamdam ang mga ito na tinatawag na mga chemoreceptor na tumutulong sa kanila na makalasa o makaamoy sa tubig. Karaniwan na, kinakatas ng mga bivalve ang mga organikong materyal sa tubig-dagat bilang pagkain. Ang ilan ay may makitid at malaman na paa na ginagamit ng mga ito sa paglangoy. Ang tipáy, na isa ring bivalve, ay nakalalangoy sa pamamagitan ng malakas at magkasabay na pagsasara ng mga balat ng kabibi nito, anupat lumilikha ng malakas na daloy ng tubig na nagpapaurong sa tipáy. Upang makausad, nagpapapulandit ito ng tubig sa kaniyang likuran. Subalit paano nalalaman ng tipáy kung may nagbabantang panganib sa kaniyang paligid? Nagtataglay ito ng dose-dosenang maliliit subalit sensitibong asul na mga mata na nasa dalawang hanay sa palibot ng katawan nito. Nahahalata ng mga ito ang nagdaraang anino ng isang maninila.
Malamang na ang pinakamahal na sangkap na ginagawa ng mga bivalve ay ang nakar, o mother-of-pearl. Ang mga kabibi ay pangunahin nang binubuo ng mga kristal na calcium carbonate—isang sangkap ng mga mineral na asin sa tubig-dagat. Gayunman, ang maningning na kagandahan ng nakar ay nagmumula sa isang partikular na uri ng calcium carbonate na tinatawag na aragonite. Sa loob ng kanilang mga kabibi, ang ilang uri ng mulusko ay naglalatag ng pagkaliliit at maninipis na kristal na aragonite na ang disenyo ay gaya ng patung-patong na bubungang tisa. Tumatalbog at umaaninag ang liwanag sa mga kristal na ito, na nagiging dahilan upang magkaroon ang kabibi ng halu-halong kulay na talagang kahanga-hanga. Sa katunayan, ginagamit ng ilang uri ng bivalve ang nakar upang balutin ang isang bagay na sanhi ng iritasyon sa loob ng kanilang kabibi, gaya ng butil ng buhangin. Sa kalaunan, ang susun-suson na nakar at ang nakaiiritang butil ng buhangin ay maaaring maging isang maganda at mamahaling perlas.
Ang Kakaibang Katangian ng Mulusko
Ang huling babanggitin ko ay ang tungkol sa itinuturing ng marami na pinakakahanga-hangang katangian ng mulusko—ang pagkakaroon nito ng mantle, isang sangkap na taglay ng lahat ng mga mulusko. Ito ang pinakamahalagang bahagi ng ibabaw ng mulusko na siyang gumagawa ng bagong materyales ng kabibi. Ganito ang sabi ng Shells—Treasures of the Sea: “Ang mga mulusko ay nagtataglay ng tunaw na [calcium carbonate] sa dugo nito at inilalabas ito sa pamamagitan ng tulad-tubong mga butas na nasa mantle, . . . sa palibot ng tumutubong gilid ng kabibi.” Ang mga mulusko ay naglalabas din ng isang protina na nagiging dahilan upang maging kristal ang calcium sa tubig.
Kasabay nito, ang mga selulang pangulay na nasa mantle ay nagbibigay ng napakaraming iba’t ibang kulay at disenyo sa mga hiyas na ito habang sila’y lumalaki. Palaisipan para sa mga malacologist—mga siyentipikong nagsusuri sa mga mulusko—kung ano ang gamit ng mga kulay at disenyo sa kabibi. Lumilitaw na hindi naman mahalaga ang kulay at disenyo sa kakayahan ng mga molusko na makilala ang isa’t isa. At hindi naman laging naikukubli ng gayong mga katangian ang mulusko sa kapaligiran nito. Subalit ang malawak na pagkakasari-sari ng kulay, disenyo at hugis ng mga kabibi ng mga mulusko ay tiyak na nakabibighani sa atin!
Kaya sa susunod na pagkakataong maglalakad ka sa mabuhanging tabing-dagat at makapulot ng isang kumikinang na kabibi, tandaan ang isang bagay. Ito man ay isang karaniwang bivalve o isang magandang gastropod na papilipit ang disenyo, ang hinahawakan mo ay isang hiyas—ang dating tahanan ng isang maliit at malambot-ang-katawang nilalang na kilala bilang mulusko.
[Talababa]
^ par. 13 Para sa higit pang detalye, tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 661-2, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Blurb sa pahina 26]
Ang mga gastropod ay isang pirasong kabibi lamang, samantalang ang mga bivalve ay nakagagawa ng dalawang-pirasong kabibi na may dugtungan
[Larawan sa pahina 25]
ROOT MUREX
[Larawan sa pahina 25]
ROYAL MUREX
[Larawan sa pahina 25]
GRINNING TUN
[Larawan sa pahina 26]
SIGAY
[Larawan sa pahina 26]
HABASAN
[Larawan sa pahina 26]
OLIVE SHELL
[Larawan sa pahina 26]
SAKA-SAKA
[Larawan sa pahina 26]
BALO-BALO
[Larawan sa pahina 26]
TAMBULI
[Larawan sa pahina 26]
TIPÁY BATU
[Larawan sa pahina 26]
PLEUROPLOCA PRINCEPS
[Larawan sa pahina 26]
MOON SHELL
[Larawan sa pahina 26]
TORONG-TORONG
[Larawan sa pahina 26]
SUNDIAL SHELL
[Larawan sa pahina 27]
KASING-KASING
[Larawan sa pahina 27]
TIPÁY