Mga Mananayaw na Mapula ang Balahibo
Mga Mananayaw na Mapula ang Balahibo
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA KENYA
NAPAKAINGAY sa buong paligid. Ang walang-tigil at natatarantang satsatan ng maraming ibon ay umaalingawngaw sa ibabaw ng liblib na lawa. Nagtatampisaw sa kumikinang at luntiang tubig na parang esmeralda ang libu-libong kulay-rosas na mga ibon. Sa itaas, napupunô ang kalangitan ng kanilang elegante at magandang paglipad. Lumiliko at lumilibot sa ibabaw ng tubig, ipinapagaspas nila ang kanilang mahahaba at maninipis na pakpak, anupat nakikita ang matingkad na pulang mga batik. Makapigil-hiningang pagmasdan ang langkay ng mga ibon na kumikinang ang matingkad na kulay! Ito marahil ang pinakakamangha-manghang ibon sa lupa—ang kulay-rosas na mga flamingo ng Great Rift Valley sa Aprika.
Elegante at Mahahaba ang Binti
Mula noong sinaunang panahon ang flamingo ay hinangaan dahil sa kaibig-ibig at magandang tindig nito. Ang larawan nitong may mahabang leeg ay inukit sa bato at makikita sa mga hieroglyph na sistema ng pagsulat sa Ehipto. Lubhang pambihira at hinangaan ang hitsura ng ibon anupat ang mga Ehipsiyo ay nagpipitagan dito bilang sagisag ng diyos na si Ra. Ang payat at mahabang nakakurbang leeg ng flamingo at ang mapapayat at magagandang binti nito ay itinampok sa sinaunang mga drowing sa kuweba.
Sa ngayon, apat na uri ng flamingo ang matatagpuan sa mga lugar ng Aprika, Caribbean, Eurasia, at Timog Amerika. Ang lesser flamingo ang pinakamaliit
na uri. Napakaganda ng kulay nito, mga balahibo na kulay magulang na rosas at mga binti’t paang matingkad na pula. Doble ang laki ng greater flamingo sa lesser flamingo at umaabot sa taas na 140 sentimetro. Ang lahat ng flamingo ay may iisang karaniwang katangian—isang tuka na bahagyang nakabaluktot sa gitna at kumukurbang pababa, anupat lumilikha ng isang anyo na magandang pagmasdan.Kapag nagsisimulang lumipad, marahang ipinapagaspas ng ibon ang mga pakpak nito at kumakaripas sa tubig sa pamamagitan ng maliliksing paa nito, kaya nakakabuwelo ito upang umangat sa himpapawid. Dahil sa mahabang leeg nito at ulong nakaungos sa unahan at sa mga paa nitong tuwid na tuwid sa likuran, elegante itong lumilipad sa himpapawid. Tinatayang apat na milyong flamingo ang nakatira sa Great Rift Valley sa Aprika.
Eleganteng Ibon, Mahirap na Kapaligiran
Ang napakaraming flamingo na nakatira sa Rift Valley ay nabubuhay sa sunud-sunod na mga lawa ng soda na talagang pambihira. Ang tubig ay lubhang sagana sa kemikal na sodium carbonate anupat malangis itong hawakan at bahagyang nakasusunog ng balat. Ang temperatura sa palibot ng mga lawa ng soda sa Rift ay maaaring tumaas nang hanggang 65 digri Celsius. Ang masangsang na amoy ng asupre at tasik ay nanggagaling sa mga bula na naglalaman ng gas sa mga tubig ng lawa at pumapailanlang sa mainit na hangin. Napakapuro ng mga alkalina at asin sa tubig anupat namumuo ang mga ito at animo’y mapuputing bato sa kahabaan ng baybayin.
Kakaunting nilalang ang nabubuhay sa gayon kaasidong tubig. Gayunman, nabubuhay roon ang ilang maliliit na nilalang—ang pagkaliit-liit na mangasul-ngasul na berdeng lumot. Pinaiinit ng tropikal na araw ang tubig na may alkalina, anupat tamang-tama ang kalagayan para sa pagtubo ng maraming lumot. Napakarami ring lumot anupat ang tubig sa lawa ay nagiging kulay berde. Tulad ng mga esmeralda na inenggaste sa eleganteng kuwintas, magandang ginagayakan ng sunud-sunod na mga lawang ito ng
soda ang mga libis at kabundukan sa kahabaan ng Great Rift Valley.Nakapagtataka na ang magandang nilalang na gaya ng flamingo ay nabubuhay sa gayon kahirap at di-kanais-nais na kapaligiran. Subalit nabubuhay rito ang flamingo. Ang tila mahinang mga binti nito ay hindi apektado ng maasidong tubig, at hindi naman ito nalulubog sa malambot at malagkit na putik dahil sa mga balat sa pagitan ng mga daliri ng paa nito. Ang lesser flamingo ay nasasangkapan sa natatanging paraan para mabuhay sa di-kanais-nais na kapaligirang ito. Ang tuka nito ay naglalaman ng maliliit na pilamento na humihigop at sumasala sa pagkaliliit na organismo na namumutiktik mga lima hanggang pitong sentimetro mula sa ibabaw ng tubig ng lawa. Kapag kumakain, ipinapasok ng flamingo ang tuka nito sa ilalim lamang ng ibabaw ng tubig. Hinihigop ng tulad-piston na dila ng flamingo ang tubig papasok at inilalabas ito sa maliliit na pilamento na sumasala sa gayo’y naiiwan ang pagkaliliit na organismo.
Makulay na mga Seremonya sa Panliligaw
Pagsikat ng araw sa umaga sa luntiang tubig ng lawa, para bang itinaas ang pagkalaki-laking telón. Ipinakikita ng ginintuang liwanag ang napakaraming langkay ng mga flamingo na kumikinang na parang mga lagablab ng apoy sa ibabaw ng lawa. Siksikan ang mga ibon. Ang nagtatanghal na mga ibon
ay pangkat-pangkat na nagmartsa, na ipinapaling ang kanilang mga tuka sa magkabi-kabila, samantalang tuwid na tuwid ang kanilang mga leeg.Habang nagmamartsa ang mga pangkat ng ibon na nagsasalubong sa isa’t isa sa magkabilang direksiyon, ipinababanaag ng araw ang magagandang balahibo ng mga ibon, anupat nag-aanyong isang moseyk ng magkaibang kulay ng iskarlata at rosas. Lumuluksu-lukso at sumasayaw ang mga ibon, na ibinubuka ang kanilang mga pakpak upang ipakita ang matingkad na pulang kulay ng kanilang balahibo sa pakpak. Itinatanghal ang kanilang matingkad na mga kulay, tumatakbo sila sa tubig at nagsisimulang lumipad, subalit muling lalapag at uulitin ang ritwal. Masyadong nagsisiksikan ang mga flamingo anupat ang isang ibon ay hindi maaaring makalipad kundi kailangan muna nitong maghintay hanggang sa lumipad yaong mga flamingo na nasa bukana. Dahil sa pagkakak at pagkakaingay sa katuwaan, lumilikha ang mga ito ng nakabibinging ingay.
Pagkatapos, walang anu-ano, ang mga ibon ay langkay-langkay na lumilipad papalayo pagkagat ng dilim. Kumikilos sa mahahabang hanay o sa pormang-V, lumilipad sila nang daan-daang kilometro hanggang marating nila ang kanilang patutunguhan—ang lawa ng soda na tamang-tama para sa pamumugaran at pagpapalaki ng kanilang mga inakáy. Nakapagtataka, ang pandarayuhang ito ay kasabay niyaong sa mga flamingo sa iba pang lawa ng soda sa Rift Valley.
Pangit na Naging Maganda
Pinipili ng mga flamingo na gumawa ng kanilang mga pugad sa mga lawa na liblib at hindi napapasok. Mahalaga ang pagiging nabubukod nito, yamang ang pangkat ng mga flamingo na namumugad at naglilimlim ay lubhang sensitibo. Kung mabubulabog, maaaring lubusang iwan ng mga magulang na ibon ang kanilang mga itlog at hindi na kailanman bumalik.
Napakaraming gawain sa lugar ng pamugaran. Tarantang-taranta ang mga magulang na ibon sa paggawa ng pugad. Ibinabaluktot ang kanilang mahahabang leeg, sumasalok sila ng putik, dumi ng ibon, at ilang balahibo upang gumawa ng isang hugis-kono na bunton na mga 40 sentimetro ang taas. Ang ibabaw nito ay ginagawa niyang medyo malukong upang ang isang itlog ay hindi mabasa sa mababaw at alkalinang tubig. Di-magtatagal at daan-daang libong inakáy ang napipisa. Napakaraming magulang na ibon ang paroo’t parito sa lugar ng pamugaran, abalang-abala sa nakapapagod na gawaing pagpapakain at pangangalaga sa kanilang gutóm na mga inakáy.
Pagkatapos, kapag ang mga inakáy ay nakalalakad na, biglang iiwan ng mga magulang na ibon ang kanilang mga inakáy at lilipad sa ibang bahagi ng lawa, kung saan mas marami at mas sagana ang mangasul-ngasul na berdeng lumot. Dito, malayo sa pangangailangan ng kanilang mga inakáy, makakakain sila at makapagpapanauli ng kanilang lakas. Saka tinitipon ng ilang natitirang adultong ibon ang mga langkay ng inakáy sa isang alagaan ng mga inakáy. Sa ilalim ng mapagmasid na pangangalaga ng mga adultong ibon na ito, ang maiingay na inakáy ay dinadala sa mga patag na lugar na maasin hanggang sa makapiling nilang muli ang kanilang mga magulang. Nakapagtataka, sa lahat ng kalituhang ito, nakikilala ng mga magulang na ibon ang kani-kanilang indibiduwal na inakáy at patuloy na inaalagaan ang mga ito.
Asiwang kumilos ang mga inakáy at hindi gaanong nakakahawig ang kanilang kahanga-hangang mga magulang. Ang kanilang batang mga binti at leeg ay maikli, ang kanilang mga tuka ay tuwid, at ang kanilang balahibo ay pawang kulay puti. Pagkalipas ng ilang panahon ang kanilang maiikling binti ay humahaba, ang kanilang mga leeg ay humahaba at kumukurba, at ang kanilang mga tuka ay nagsisimulang bumaluktot, anupat ang hugis ay nagiging magandang anggulo na natatangi sa mga flamingo. Lilipas pa ang mga dalawa hanggang tatlong taon bago ang pangit na inakáy ay maging isang magandang flamingo na mapula ang balahibo. Pagkatapos ay hahanap ito ng isang kapareha at sasama sa langkay-langkay ng kulay-rosas na mga flamingo na nakadaragdag sa kagandahan ng mga lawa ng soda sa Rift Valley.
Ang magandang kilos at kagandahan ng flamingo ay isang kahanga-hangang halimbawa ng matalinong disenyo. Nakalulugod sa ating paningin at pandinig ang pagmamasid sa magandang nilalang na ito sa iláng. Ngunit higit pa riyan, pinasisidhi nito ang ating pagpapahalaga at pag-ibig sa kamangha-manghang Maylalang nito, ang Diyos na Jehova.
[Larawan sa pahina 17]
Mga “greater flamingo”
[Larawan sa pahina 17]
Mga “lesser flamingo”
[Mga larawan sa pahina 18]
Hindi gaanong nakakahawig ng mga inakáy ang kanilang kahanga-hangang mga magulang