Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Agrimensura Nasiyahan ako sa artikulong “Agrimensura​—Ano ba Ito?” (Hunyo 8, 2002) Kaming mag-asawa ay mga inspektor ng estado para sa paggawa ng mga daan. Pang-araw-araw na atas sa aming trabaho ang agrimensura. Nalugod akong malaman ang kasaysayan nito, at lalo pa itong naging natatangi sa pagtatampok ninyo sa Kawikaan 22:28. Bagaman alam kong ang mga larawan ay mga ilustrasyon lamang, nais kong itawag-pansin na mahigpit naming hinihiling na ang lahat ng mga agrimensor ay magsuot ng mga vest at kasangkapang pangkaligtasan. Ginagawa sila nitong kitang-kita, yamang madalas na sila’y nagtatrabaho sa tabi ng daan na nakatalikod sa nagdaraang mga sasakyan. Salamat sa inyong lubhang nakapagtuturong artikulo!

C. S., Estados Unidos

Digmaan Ang ganda ng pakiramdam ko pagkatapos kong mabasa “Ang Pangmalas ng Bibliya: Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang Digmaan?” (Mayo 8, 2002) Nakabahala sa akin ang partikular na paksang ito sapagkat isa ako sa mga Saksi ni Jehova at ang mga taong nakakausap ko sa aking ministeryo ay nagtatanong sa akin kung bakit ang sinaunang bansang Israel ay nakipaglaban sa napakaraming digmaan. Sinikap kong ipaliwanag ito, subalit wala akong sapat na impormasyon. Napakasimple at nakakukumbinsi ang artikulong ito! Kinopya ko ang lahat ng mga punto upang magamit ko ang mga ito sa anumang panahon. Talagang kailangan namin ang gayong mga artikulo!

V. S., Russia

Drayber ako ng heavy-tank na nasa delantera noong Digmaang Pandaigdig II. Kinaumagahan pagkatapos naming mabihag ang isang estratehikong burol, isang altar ang itinayo sa parang. Naaalaala ko pa ang tatlong tauhan ng tangke na nakaluhod sa altar at binabasbasan ng kapelyan. Di-nagtagal pagkatapos niyon, ang kaaway ay nagsagawa ng ganting pagsalakay, at ang tatlong tauhan ng tangke ay napatay. Kaming mag-asawa ay naging mga Saksi ni Jehova noong 1957, at mula noon ay batid namin na ang Diyos ay wala sa magkabilang panig ng labanang iyon. Di-nagtagal pagkatapos nito, nakikipagbaka kami sa isang espirituwal na pakikidigma, at alam na alam namin kung saan panig ang Diyos.

F. S., New Zealand

Pagiging Ina Salamat sa inyong serye na “Pagiging Ina​—Kailangan Bang Maging Isang Superwoman?” (Abril 8, 2002) Ako po’y 13 anyos lamang, subalit ipinakita sa akin ng mga artikulong ito kung ano ang nararanasan ng aking ina at kung ano pa ang mararanasan niya sa darating na ilang buwan​—siya po’y lima’t kalahating buwan nang buntis. Ngayong nabasa ko ang magasing ito, talaga pong sinisikap kong parangalan siya at magpakita sa kaniya ng higit na paggalang.

N. B., Estados Unidos

Alta Presyon Salamat sa inyong mahusay na artikulong “Alta Presyon​—Paghadlang at Pagkontrol.” (Abril 8, 2002) Naospital ako dahil sa biglang paghina ng aking puso. Pagkatapos niyan, nabasa ko ang artikulong ito, at detalyadong binalangkas nito kung paano pakikitunguhan ang alta presyon. Siyempre pa, tumanggap ako ng maraming tagubilin mula sa aking manggagamot at sa isang nutritionist. Gayunman, ang artikulong ito ay isinulat sa paraang madaling maunawaan. Mula ngayon, gusto kong ingatan ang buhay na ibinigay sa akin ni Jehova!

N. I., Hapon

May alta presyon ako, at pinayuhan ako ng mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan na limitahan ang pagkain ko ng asin sa dalawang gramo sa isang araw. Sa pahina 22, ang bilang na anim na gramo sa isang araw, ayon sa Third Brazilian Consensus on Arterial Hypertension, ay waring mataas. Hindi kaya ito typographical na pagkakamali?

F. S., Estados Unidos

Sagot ng “Gumising!”: Inirerekomenda ng pinagkunan ng impormasyong ito ang hindi hihigit sa 100 mEq (milliequivalent) ng asin sa isang araw, na 5.85 gramo. Ang isang kutsarita, na mas madaling maunawaan, ay 5.18 gramo. Subalit, gaya ng kinilala sa talababa, ang isang taong may alta presyon o katulad na karamdaman ay dapat kumonsulta sa isang manggagamot. Ang gayong tao ay maaaring makinabang sa higit pang pagbawas sa pagkain ng asin.