Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Naglalaan ng Mas Masarap na Pagkain ang mga “Telenanay”
Sa Madrid, Espanya, ang abalang mga kabataan na mahilig sa masarap na pagkain subalit walang panahon o hilig na magluto ay nakasumpong ng isang bagong solusyon. Sa pamamagitan ng Internet, umuupa sila ng isang “telenanay,” ang sabi ng pahayagang El País ng Espanya. Dalawang beses sa isang linggo sa pamamagitan ng taksi, ang kanilang inampong ina ay nagpapadala sa kanila ng nakapagpapalusog at lutong-bahay na pagkaing tatagal nang ilang araw. Kabilang sa mga pagkain ang isda, pasta, gulay, butong-gulay, karne, prutas, at mga produktong galing sa gatas. Palaging tumatawag sa telepono ang “telenanay” sa bawat bagong ampon na “anak” upang alamin ang istak ng mga pagkain sa kaniyang repridyeretor, ang mga gusto niya, at ang kaniyang mga pangangailangan. May naghahatid din ng pagkain sa opisina araw-araw para sa apat katao o higit pa, at mayroon ding menu sa dulo ng sanlinggo.
Isang Tunél Para sa mga Palaka
Nagulat ang mga inhinyerong nagtatrabaho sa Vancouver Island Highway ng Canada na matuklasang ang haywey ay bumabagtas sa isa pang mahalagang ruta—ang “daanan ng mga palaka.” Ayon sa magasing Beautiful British Columbia, “daan-daan libong tatlong-sentimetro na kanluraning palaka” ang nakitang tumatawid sa haywey na hindi pa natatapos habang nandarayuhan sila mula sa latian kung saan sila nagpaparami tungo sa kanilang tirahan sa ilaya. Ang potensiyal na pinsala na maaaring idulot ng proyekto sa mga palaka ay nagpangyari sa “mga inhinyero sa proyekto na magkamot ng ulo.” Paano nila lulutasin ang problema? Sinabi ni Craig Barlow, ang coordinator ng proyekto para sa kapaligiran, na ang mga inhinyero ay gumawa ng isang “sistema ng pagbabakod upang papuntahin ang nandarayuhang mga palaka sa tuyong mga alkantarilya na pantanging ginawa sa ilalim ng haywey.” Sinabi ng magasin na ang kanluraning palaka ay “napakadaling maapektuhan ng polusyon sa tubig, kawalan ng tirahan, at pagbabago ng klima.”
Sinamantala ng mga Manloloko ang 9/11
Wala pang isang araw pagkatapos ng pagsalakay ng mga terorista noong Setyembre 11, 2001, sinamantala ng mga magnanakaw at mga manloloko ang pagdadalamhati at pagkabukas-palad na kasunod nito. Ang ilan ay nagpanggap na mga tagasagip at nagnakaw mula sa lugar na pinangyarihan. Maging ang tatlong-toneladang buldoser ay ninakaw noong isang gabi. Naglipana ang mga manggagantso. Ang ilang tao ay nagbenta ng huwad na mga kasangkapang pananggalang sa biyoterorismo at mga panlunas sa anthrax. Ang iba ay nagbenta ng huwad na lupa na umano’y galing sa Ground Zero bilang mga subenir. Maraming tao ang nagsumite ng huwad na mga papeles upang makakuha ng seguro at bayad-pinsala sa ari-arian. Sinikap ng isang mag-asawa na makakuha ng pera sa pagsasabing ang kanilang apartment, na aktuwal na anim na kilometro ang layo mula sa lugar na pinangyarihan, ay nasira sa kasakunaan. Marami ang tumanggap ng mga kabayaran para sa “namatay” na mga kamag-anak na buháy pa o hindi kailanman umiral. Ang mga tagapaglako ay nagtinda ng mga bagay na gaya ng mga bandila at mga insigniya, na sinasabing ang mga kikitain mula rito ay mapupunta sa mga ahensiyang tumutulong sa mga biktima, subalit hindi nila kailanman ibinigay ang salaping nakuha mula rito. Ginamit ng maraming manloloko ang mga Web site upang mangilak ng pera na sinasabi nilang mapupunta sa mga biktima. Kinuha naman ng ilan ang mga pangalan ng mga nawawala mula sa mga talaan ng mga taong hindi pa nakikita at tinawagan ang mga pamilya nito upang makakuha ng personal na impormasyong gagamitin naman nila upang manakaw ang mga pagkakakilanlan ng mga biktima. Nagpapatuloy ang mga imbestigasyon sa mga krimeng ito.
Laganap Pa Rin ang Tuberkulosis
Ang tuberkulosis (TB) ay tiyak na hindi pa nalilipol, ang ulat ng pahayagang Clarín ng Buenos Aires. Totoo ito lalo na sa mga bansang lubhang hikahos. Sa Argentina, “may 14,000 bagong mga kaso taun-taon,” ang sabi ng artikulo. “Ayon sa isang report mula sa World Health Organization . . . , patuloy na pumapatay ng mga dalawang milyong tao taun-taon ang sakit na ito.” Bagaman ang TB ay kadalasang iniuugnay sa malnutrisyon at karalitaan, isinasapanganib nito ang lahat ng tao dahil sa lubha itong nakahahawa. “Lubhang nakahahawa ang tuberkulosis, at apektado nito ang lahat,” ang sabi ni Dr. Julio González Montaner, isang tagapanguna sa paggamit ng mga gamot upang labanan ang TB. Ipinaliwanag niya na ang isang tao ay maaaring mahawa sa loob ng isang eroplano, sa kaniyang sariling pamayanan, o sa kaniyang pinagtatrabahuhan.
Unang Batas Hinggil sa Polusyon sa Liwanag
Ang Czech Republic ang unang bansa na may batas na nagbabawal sa polusyon sa liwanag, sabi ng Berliner Morgenpost. Ang batas na kilala bilang Protection of the Atmosphere Act ay nagkabisa noong Hunyo 1, 2002. Lubusan itong sinuportahan ng mga astronomo at gayundin ng mamamayan sa pangkalahatan. Binibigyang-kahulugan ng batas ang polusyon sa liwanag bilang “ang lahat ng anyo ng kaliwanagan sa pamamagitan ng artipisyal na liwanag na lumalampas sa mga lugar na itinalaga rito, lalo na kung itinutuon ito paitaas.” Ang mga mamamayan at mga organisasyon ay obligadong magbawas ng nasasayang na liwanag, na humahadlang sa pagmamasid sa kalangitan sa gabi, sa pamamagitan ng paggamit ng ilaw na hindi naglalabas ng liwanag paitaas. Kahit na bago pa ang Hunyo 1, ang paggamit ng gayong mga ilaw sa kabayanan ng Brno ay lubhang nakabawas sa nasasayang na liwanag. “Kagila-gilalas ang pagsulong,” ang sabi ng astronomong Czech na si Jan Hollan.
Pambuong-Daigdig na mga Suliranin sa Kakayahang Bumasa at Sumulat
Gaano nga ba kahusay na natuturuan ang mga estudyante sa ngayon? Nagsagawa ng isang pag-aaral ang Organization for Economic Cooperation and Development batay sa mga pagsubok na nagsasangkot sa 265,000 estudyante sa haiskul na mga 15 taóng gulang sa 32 bansa upang alamin “ang antas ng kaalaman at mga kasanayan na kailangan para sa lubos na pakikibahagi sa lipunan ng mga estudyanteng malapit nang magtapos ng haiskul.” Isiniwalat ng kanilang mga tuklas na 6 na porsiyento ng mga mag-aaral ang mababa pa sa “pinakamababang antas ng kahusayan sa pagbasa.” Nagawa naman ng 12 porsiyento ang “pinakasaligang atas sa pagbasa na gaya ng paghanap ng simpleng impormasyon o pagkilala sa pangunahing tema ng isang akda.” Sa aberids, sa kakayahang bumasa at sumulat, mas mahusay ang mga babae kaysa sa mga lalaki sa lahat ng mga bansa. Ang mga mag-aaral mula sa Finland ang pinakamagaling sa pagbasa, samantalang ang mga estudyanteng Hapones at Koreano naman ang nanguna sa siyensiya at matematika. “Sa 20 mula sa 28 bansa, itinuturing ng mahigit sa isa sa apat na estudyante ang paaralan na isang dako na ayaw nilang puntahan,” ang sabi ng pag-aaral.
Mga Ulong Balita na Hindi Lumitaw
“Anong mga pangyayari ang hindi lumitaw sa mga pahayagan noong ‘Apocalipsis’ [ng Setyembre 11, 2001]?” ang tanong ng magasing Médias ng Pransiya. Kabilang sa mga ulong balita na hindi lumitaw noon sa 12 pahayagang pambansa at panrehiyon sa Pransiya ang mga balita tungkol sa isang eroplanong pandigma ng Amerika na pinabagsak sa Iraq, isang lindol na yumanig sa Taiwan, isang bagyo na kumitil ng lima katao sa Hapon, at relihiyosong karahasan na pumatay ng di-kukulangin sa 165 sa Nigeria. Ang iba pang balita na natabunan ng kasakunaan sa World Trade Center ay ang mga iskandalo sa isports at ang pagkamatay ng isang 14-anyos na batang lalaki dahil sa sinaksak ng isang 15-anyos na batang babae. Ang tanging pahayagan sa Pransiya na sumunod sa naiplano nitong ulong balita ay isang pahayagang pang-isports. Subalit ayon sa Médias, nangyari ito sapagkat ang isang larawan na nagpapakita sa mga manlalaro ng soccer na nagsasagawa ng isang minutong katahimikan bago ang unang pagsipa ng bola ay hindi dumating sa oras upang maging ulong balita.
Ang 40-Taóng Pamana ng Paninigarilyo
Noong 1962, inilathala ng Royal College of Physicians ng Inglatera ang Smoking and Health, “ang unang malinaw na babala mula sa isang lupon ng opisyal sa Britanya tungkol sa mga panganib ng tabako,” sabi ng The Independent ng London. Nang panahong iyon, 70 porsiyento ng mga lalaki at 43 porsiyento ng mga babae ang naninigarilyo. Sa sumunod na 40 taon, “limang milyong tao na sa UK ang namatay dahil sa paninigarilyo, 12 ulit ang dami sa mga napatay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.” Bagaman 29 na porsiyento lamang ng mga lalaki at 25 porsiyento ng mga babae ngayon ang naninigarilyo, ang mga sigarilyo “ay patuloy pa ring itinataguyod, pinagtitinging kalugud-lugod at ipinagbibili sa mga kabataan,” ang sabi ng The Independent. Ayon sa isang report kamakailan ng Royal College, tumaas na naman ang bilang ng mga naninigarilyo at ito pa rin ang pangunahing banta sa kalusugan ng bayan. Sinabi ni Sir Richard Doll, na sa isang bagong pag-aaral noong 1950 ay iniugnay ang paninigarilyo at kanser sa baga, na hindi pa huli ang lahat upang ihinto ang bisyo. Sinabi pa niya: “Ang mensahe ko ay, huminto sa paninigarilyo, masiyahan sa buhay at tamasahin ang mas mahabang buhay.”