Bakit Ito Isang Lumalagong Problema?
Bakit Ito Isang Lumalagong Problema?
ALAM mo bang ang prostitusyon ang kumakatawan sa ikatlo sa pinakamalaking negosyo sa daigdig, nahihigitan lamang ng droga at ilegal na pangangalakal ng mga sandata? Ayon sa United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization, patuloy na dumarami ang lahat ng uri ng prostitusyon.
Sa isang bansa sa Latin-Amerika, iniulat ng Komite sa Pagsisiyasat ng Kongreso na may mahigit na 500,000 batang babae na nagbibili ng aliw, bagaman labag sa batas ang prostitusyon.
Sa isa pang bansa, may mga 300,000 batang nagbibili ng aliw sa mga lansangan, lalo na sa mga lugar na may ilegal na kalakalan ng droga.
Sa mga bansa sa Asia, halos isang milyong kabataang babae ang iniulat na ginagamit bilang mga
nagbibili ng aliw sa mga kalagayang maihahambing sa pang-aalipin. Ang ilang lupain ay kilala sa pagiging lugar na dinarayo dahil sa prostitusyon ng mga bata at turismo na nagtataguyod ng sekso.Dahil sa maraming kaso ng mga sakit na naililipat sa pamamagitan ng pagtatalik, gaya ng AIDS, ang mga parokyano ay handang magbayad ng malaking halaga para sa mga bata na itinuturing na mas malamang na mga birhen at sa gayo’y hindi pa gaanong nahawahan. “Ang takot sa AIDS ang nagtutulak sa mga lalaki na maghanap ng mas batang mga babae at lalaki, na lalo pang nagpapalubha sa problema,” ang paliwanag ni Luíza Nagib Eluf ng Ministri ng Hustisya sa Brazil. Sabi niya: “Ang seksuwal na pagsasamantala sa mga bata at mga tin-edyer na babae ang pinakagrabeng problema na panlipunan ng mahihirap na babae sa Brazil.”
Karalitaan at Prostitusyon ng mga Bata
Lumalago ang prostitusyon sa isang miserable at maralitang kapaligiran. Ayon sa isang opisyal ng pamahalaan, ang pagsasamantala sa mga bata at prostitusyon sa kaniyang bansa ay “malinaw na iniuugnay sa pagkasira ng pamilya at mga bunga ng paghihirap at gutom.” Sinasabi ng ilang magulang na ang karalitaan ang nag-udyok sa kanila na ipagbili ang kanilang mga anak sa prostitusyon. Ang mga batang lansangan ay bumabaling sa prostitusyon sapagkat ito ang tanging paraan na nakikita nila para mabuhay.
Ipinaliwanag ng pahayagang O Estado de S. Paulo na ang mga batang babae ay maaaring maging isa na nagbibili ng aliw sa pamamagitan ng pakikisama sa isang barkada sa lansangan. Upang may makain, maaari siyang magnakaw at paminsan-minsan ay magbili ng aliw. Kasunod nito, siya ay nagiging propesyonal na nagbibili ng aliw.
Kung minsan ang mga tin-edyer ay ipinadadala sa ibang mga bansa upang magbili ng aliw. “Ang perang ipinadadala ng nandayuhang mga nagbibili ng aliw sa kanilang mga pamilya ay kadalasang napakalaking halaga dahil sa karalitaan ng ilang mga bansa sa Asia at Aprika,” ang ulat ng UNESCO Sources. “Pinasisigla rin ang prostitusyon sa mga bansang ito, anupat ang mga turista mula sa mayayamang bansa ay sadyang nagpupunta rito upang samantalahin ang ‘mga paglilingkod’ na ibinibigay ng mga kabataan at mga bata.”
Sa paglalarawan sa mga panganib na doo’y nahahantad ang mga batang nagbibili ng aliw sa lansangan sa isang lunsod sa Latin-Amerika, ganito ang ulat ng magasing Time: “Ang ilang nagbibili ng aliw ay kasimbata ng 12 anyos. Dahil sa karaniwan nang ito’y mga batang galing sa wasak na mga pamilya,
natutulog sila saanman sila makasumpong ng lugar sa araw, at madalas sila sa mga disko sa gabi, kung saan nagpapalipas ng gabi ang mga marino.”Sa ilalim ng impluwensiya ng droga, ang batang nagbibili ng aliw ay maaaring dumanas ng kawalang-dangal na karaniwan nang hindi niya sasang-ayunan. Halimbawa, ayon sa magasing Veja, nasumpungan ng pulisya ang 92 videotape kung saan inirekord ng isang medikal na doktor ang malupit na pagpapahirap sa mahigit na 50 kababaihan, ang ilan sa mga ito ay menor-de-edad.
Sa kabila ng nakapanghihilakbot na mga katotohanang ito, ganito ang sabi ng isang kabataan na nagbibili ng aliw: “Kung maghahanap ako ng trabaho, hindi ako kikita ng sapat na salapi upang makabili ng pagkain sapagkat wala akong tinapos. Alam ng aking pamilya ang ginagawa ko, at ayaw kong
ihinto ang ganitong buhay. Akin ang katawan ko, at magagawa ko ang nais kong gawin dito.”Gayunman, hindi kailanman naging tunguhin ng mga batang babae na ito ang prostitusyon ang maging buhay nila. Ayon sa isang social worker, maraming kabataan na nagbibili ng aliw ang “gustong mag-asawa” at nangangarap ng isang “Makisig na Prinsipe.” Bagaman may masalimuot na mga kalagayan na humahantong sa pamumuhay nila bilang isa na nagbibili ng aliw, ganito ang sabi ng isang mananaliksik: “Ang lubhang nakapangingilabot ay na ang karamihan ay hinalay sa kanila mismong mga tahanan.”
Isang Wakas sa Prostitusyon ng mga Bata?
Gayunman, may pag-asa para sa kaawa-awang mga batang ito. Binago ng mga nagbibili ng aliw, anuman ang edad nila, ang kanilang landasin ng buhay. (Tingnan ang kahon na “Maaaring Magbago ang mga Tao,” sa pahina 7.) Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay nakatulong sa milyun-milyong tao sa buong daigdig na maging mabubuting kapuwa at tapat na mga miyembro ng pamilya. May kinalaman sa mga tao na dating mga mapakiapid, mangangalunya, magnanakaw, masasakim, lasenggo, ating mababasa: “Ganiyan ang ilan sa inyo noon. Ngunit hinugasan na kayong malinis, ngunit pinabanal na kayo, ngunit ipinahayag na kayong matuwid sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos.”—1 Corinto 6:9-11.
Sa ngayon, gaya noong panahon ng Bibliya, may mga indibiduwal na nagbabago ng kanilang buhay sa ikabubuti. Gayunman, higit pa ang kinakailangan upang mahinto ang seksuwal na pagsasamantala. Nilalabanan ng ilang pamahalaan at ng iba pang mga organisasyon ang turismo na nagtataguyod ng sekso at prostitusyon ng mga bata. Subalit sa totoo lang, walang gaanong magagawa ang mga tao para alisin ang kahapisan at karalitaan. Hindi mahahadlangan ng mga mambabatas ang mga kaisipan at mga saloobin na siyang ugat ng imoralidad.
Gayunman, sa halip na sa pamamagitan ng mga pagsisikap ng tao, may isa pang paraan na lulutas sa lahat ng problemang ito—ang Kaharian ng Diyos. Ipaliliwanag ito ng susunod na artikulo.
[Blurb sa pahina 6]
Ang prostitusyon ng mga bata ay kadalasang dahil sa karalitaan
[Kahon sa pahina 6]
Mataas na Kabayaran
Nang siya ay anim na taóng gulang lamang, si Daisy ay pinagsamantalahan ng isa sa kaniyang mga kapatid na lalaki. Bunga nito, tumira siya sa kaniyang kuya hanggang noong sumapit siya sa gulang na 14, siya ay nagsimulang magtrabaho sa isang nightclub. Pagkaraan ng ilang araw, nagkasakit si Daisy. Nang gumaling siya, sinabi sa kaniya ng mga may-ari ng nightclub na may utang siyang pera sa kanila, anupat napilitan siyang magtrabaho bilang isa na nagbibili ng aliw. Pagkalipas ng mga isang taon, baón pa rin siya sa utang, at wari bang hindi na siya makaaahon pa. Gayunman, binayaran ng isang marino ang lahat ng kaniyang pagkakautang at dinala siya sa ibang lunsod, kung saan pinakitunguhan siya na parang alipin. Iniwan niya ang lalaki, at nang maglaon ay nakisama siya sa isa pang lalaki sa loob ng tatlong taon, pagkatapos ay nagpakasal sila. Dahil sa maraming malulubhang problema sa pag-aasawa, tatlong beses siyang nagtangka na magpatiwakal.
Nang maglaon, silang mag-asawa ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Subalit nadama ni Daisy na hindi siya karapat-dapat maging isang Saksi ni Jehova. Nang ipakita sa kaniya mula sa Bibliya na tinatanggap ng Diyos na Jehova ang mga taong gumawa ng kinakailangang mga pagbabago, inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova. Nagsikap nang husto si Daisy na gawin ang tama, subalit hindi niya nadama na sapat ito anupat sinusumpong siya ng panlulumo. Mabuti na lamang, tinanggap niya ang tulong upang mapanaigan ang mga trauma na dulot ng seksuwal na pag-abuso at ng naging buhay niya bilang isang bata na nagbibili ng aliw at upang makamit at mapanatili ang emosyonal na katatagan.
[Kahon sa pahina 7]
Maaaring Magbago ang mga Tao
Nang nasa lupa si Jesu-Kristo, nahabag siya sa napipighati at makasalanang mga tao. Alam niya na maaaring mabago ng mga nagbibili ng aliw ang kanilang istilo ng pamumuhay, anuman ang edad nila. Sinabi pa nga ni Jesus sa mga lider ng relihiyon: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang mga maniningil ng buwis at ang mga patutot ay nauuna na sa inyo sa kaharian ng Diyos.” (Mateo 21:31) Bagaman hinahamak dahil sa kanilang paraan ng pamumuhay, ang mga taong may matuwid na puso ay tumatanggap ng kapatawaran dahil sa kanilang pananampalataya sa Anak ng Diyos. Handang talikdan ng mga nagsisising makasalanan ang kanilang buhay ng prostitusyon upang tanggapin ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos. Kaya namuhay sila na kasuwato ng matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Sa ngayon din naman, tinatanggap ng lahat ng uri ng tao ang katotohanan mula sa Salita ng Diyos at binabago ang kanilang paraan ng pamumuhay.
Kuning halimbawa ang nangyari kina Maria, Carina, at Estela, na binanggit sa unang artikulo. Bukod sa nilabanan niya ang panggigipit ng kaniyang ina na magpatuloy sa pagbibili ng aliw, nakipagpunyagi nang husto si Maria upang ihinto ang pag-abuso sa droga. Ganito ang paliwanag niya: “Nagdroga ako upang patayin ang aking damdamin ng kawalang-halaga dahil sa pamumuhay ko bilang isa na nagbibili ng aliw.” Sinabi ni Maria kung paano siya tinanggap ng Kristiyanong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova: “Humanga ako sa pag-ibig na ipinakita ng mga miyembro ng kongregasyon. Pinakitunguhan ako ng lahat—mga bata at adulto—nang may paggalang. Napansin ko na ang mga lalaking may-asawa ay tapat sa kani-kanilang asawa. Maligayang-maligaya ako na tanggapin nila bilang kanilang kaibigan.”
Nang siya ay 17 taóng gulang, dinalaw si Carina ng mga Saksi ni Jehova. Nagsimula siyang mag-aral ng Bibliya, bagaman sa loob ng ilang panahon ay nagtatrabaho pa rin siya bilang isa na nagbibili ng aliw. Unti-unti, naunawaan at pinahalagahan niya ang mga katotohanan sa Bibliya. Kaya nagpasiya siyang lumipat sa isang malayong lunsod, at doon siya naging isang Saksi ni Jehova.
Si Estela, na sa murang gulang ay nasangkot sa prostitusyon, walang-taros na pagsasaya, at malakas na pag-inom ng alak, ay naging interesado sa Bibliya. Gayunman, siya ay nag-isip na hindi na siya kailanman mapatatawad ng Diyos. Subalit nang maglaon, naunawaan niya na ang Diyos na Jehova ay talagang nagpapatawad sa mga nagsisisi. Ngayon siya ay isa nang miyembro ng kongregasyong Kristiyano, may-asawa, at nagpapalaki ng tatlong anak, sinabi ni Estela: “Maligayang-maligaya at nagpapasalamat ako kay Jehova sapagkat iniahon niya ako sa lusak at tinanggap ako sa kaniyang malinis na organisasyon.”
Sinusuportahan ng mga ulat na ito ang sinasabi ng Bibliya na kalooban ng Diyos na ang “lahat ng uri ng mga tao [mga lalaki at babae] ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:4.
[Larawan sa pahina 7]
Kadalasang sangkot sa droga ang mga batang nagbibili ng aliw
[Picture Credit Line sa pahina 5]
© Jan Banning/Panos Pictures, 1997