“Isang Napakalupit na Krimen”
“Isang Napakalupit na Krimen”
SI Maria * ay naging batang nagbibili ng aliw nang siya ay 14 na taóng gulang. Pinili niya ang miserableng buhay na ito dahil sa pamimilit ng kaniyang sariling ina, na nagsabi sa kaniya na siya ay maganda at mahuhumaling sa kaniya ang mga lalaki. Sinabi rin sa kaniya na kikita siya ng maraming pera. Sa gabi, si Maria ay dinadala ng nanay niya sa isang motel kung saan niya ito ibinubugaw. Sa malapit-lapit na lugar naghihintay ang ina upang tanggapin ang mga bayad. Gabi-gabi, si Maria ay nakikipagtalik sa tatlo o apat na lalaki.
Hindi kalayuan sa bahay ni Maria, ang 13-taóng-gulang na si Carina ay pinilit din sa prostitusyon. Katulad ng maraming iba pang mga pamilya sa kaniyang komunidad ng mga manggagawa sa tubuhan, isinaayos ng mga magulang ni Carina na ipagbili niya ang kaniyang katawan upang madagdagan ang kanilang kinikitang salapi. Sa ibang lugar naman, si Estela ay huminto sa pag-aaral sa murang gulang, anupat hindi pa nga siya marunong bumasa at sumulat, at nagsimulang magtrabaho bilang isa na nagbibili ng aliw sa lansangan. At si Daisy ay mga anim na taóng gulang nang pagsamantalahan siya ng isa sa kaniyang mga kuya—ang una sa maraming gawang insesto na sapilitang ginawa sa kaniya. Siya ay naging isang nagbibili ng aliw sa gulang na 14.
Sa maraming bahagi ng daigdig, isang nakatatakot na katotohanan ang problema tungkol sa prostitusyon ng mga bata. Kalunus-lunos ang mga resulta. Kadalasan, ang mga batang nagbibili ng aliw, ito man ay paminsan-minsan o buong-panahon, ay nasasangkot din sa krimen at pag-abuso sa droga. Marami sa kanila ang nakadaramang bigo at walang-halaga, anupat bahagya o walang makitang posibilidad na matakasan ang kanilang miserableng buhay.
Kinikilala ng maimpluwensiyang mga tao ang mapangwasak na mga epekto ng prostitusyon ng mga bata. Angkop ang sinabi ng dating presidente na si Fernando Henrique Cardoso ng Brazil: “Isang napakalupit na krimen ang prostitusyon ng mga bata.” Inilathala ng isang pahayagan sa Brazil ang seryosong komentong ito tungkol sa prostitusyon ng mga bata: “Nararanasan araw-araw ng mga bansa kung saan ang gayong gawain ay pangkaraniwan, ipinahihintulot, tinatanggap, at hinahangad pa nga dahil sa [salaping] dinadala nito ang mapangwasak na mga epektong dulot nito. Di-maiiwasan na mawalang-saysay ang anumang pinansiyal na pakinabang na maidudulot nito dahil sa mga kapahamakang dala ng gayong gawain sa indibiduwal, sa pamilya, at sa lipunan.”
Gayunman, sa kabila ng mararangal na intensiyon niyaong mga gustong pahintuin ang prostitusyon ng mga bata, lumalago ang problema. Ano ang umaakay sa ganitong kakila-kilabot na kalagayan? Bakit ipinahihintulot o itinataguyod pa nga ng napakarami ang gayong kriminal na gawain?
[Talababa]
^ par. 2 Binago ang mga pangalan sa seryeng ito na itinampok sa pabalat.
[Blurb sa pahina 3]
“Isang napakalupit na krimen ang prostitusyon ng mga bata.”—DATING PRESIDENTE FERNANDO HENRIQUE CARDOSO NG BRAZIL
[Blurb sa pahina 4]
“Ang lahat ng anyo ng seksuwal na pagsasamantala ay hindi kasuwato ng dignidad ng tao, at samakatuwid ay labag sa napakahalagang mga karapatang pantao, anuman ang edad, kasarian, lahi, etniko o katayuan sa lipunan ng biktima.”—UNESCO SOURCES