Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Malapit Nang Magwakas ang Pagsasamantala sa mga Bata!

Malapit Nang Magwakas ang Pagsasamantala sa mga Bata!

Malapit Nang Magwakas ang Pagsasamantala sa mga Bata!

“SA Universal Declaration of Human Rights, ipinahayag ng United Nations na ang bata ay may karapatan sa pantanging pangangalaga at tulong,” ang sabi ng preambulo ng Kombensiyon sa mga Karapatan ng Bata. May kinalaman sa kahalagahan ng pamilya, sinabi pa nito: “Para sa ganap at timbang na pag-unlad ng kaniyang personalidad, ang bata ay dapat lumaki sa loob ng isang pamilya, sa isang kapaligiran ng kaligayahan, pag-ibig at pang-unawa.” Subalit, ang mithiing ito ay hindi natatamo.

Hindi sapat ang basta pag-usapan lamang ang tungkol sa mas mabuting daigdig para sa mga bata. Palasak ang pagsamâ ng moral, at itinuturing ng maraming tao ang situwasyon na normal. Ang laganap na kabuktutan at kasakiman ay hindi masupil ng mga tagapagpatupad ng batas. Maging ang mga magulang, sa halip na magpakita ng pag-ibig at magsanggalang sa kanilang mga anak, ay kadalasang siyang sanhi ng pagiging maluwag sa moral. Kung gayon, ano ang pag-asa natin na magwawakas nga ang prostitusyon ng mga bata?

Bagaman nabigong tiyakin ng bulok na sistemang ito na bigyan ng isang maibiging tahanan at tiwasay na kinabukasan ang lahat ng mga bata, malapit nang alisin ng ating Maylalang ang lahat ng uri ng kasamaan at kahalayan, pati na ang prostitusyon ng mga bata. Walang kamalay-malay ang daigdig, malapit nang makialam ang Diyos na Jehova sa mga gawain ng tao sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian. Hindi matatakasan ng mga nagpapasamâ at nagsasamantala sa iba ang hatol ng Diyos. Tanging ang mga taong umiibig sa kanilang kapuwa-tao ang makaliligtas upang mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos. “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.”​—Kawikaan 2:21, 22.

Isip-isipin ang ginhawa kapag kapuwa ang mga bata at mga adulto ay mabubuhay nang walang kaimbihan at seksuwal na pag-abuso! Kahit na ang emosyonal at pisikal na pinsala na dulot ng pagsasamantala at karahasan ay lilipas na. Hindi na magugunita ng dating mga biktima ng seksuwal na pagsasamantala ang mapapait na karanasan o trauma na kanilang pinagdaanan. “Ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon.”​—Isaias 65:17.

Pagkatapos, wala nang batang ipanganganak para pagmalupitan o seksuwal na abusuhin. Ang kaligayahan, pag-ibig, at pang-unawa ay hindi na magiging pangarap lamang. Kung tungkol sa mga maninirahan sa bagong sanlibutan ng Diyos, ganito ang sabi ng Isaias 11:9: “Hindi sila mananakit o maninira man.”

Oo, anong ligaya nga kapag ang karalitaan, pag-abuso sa droga, di-maliligayang pamilya, at ang moral na kasamaan ay wala na! Maghahari ang kapayapaan, katuwiran, at katiwasayan. “Ang aking bayan ay mananahanan sa mapayapang tinatahanang dako at sa mga tahanang may lubos na kapanatagan at sa tahimik na mga pahingahang-dako.”​—Isaias 32:18.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 9]

Mahahadlangan ng Pagmamahal ng Magulang ang Pagkawasak ng Pamilya

● “Pinasigla ako ng aking mga magulang na samantalahin ang panahon ng aking pag-aaral at matuto ng isang hanapbuhay na nangangailangan ng edukasyon o pagsasanay. Hindi nila ipinilit sa akin ang kanilang mga kagustuhan, subalit tinulungan nila akong pumili ng mga paaralan na may kurso na kailangan ko.”​—Tais.

● “Nang kami ng kapatid kong babae ay namili, sumama sa amin si inay. Bukod sa tinulungan niya kaming magtipid, tinulungan din niya kaming iwasan ang mga damit na marangya o hindi mahinhin.”​—Bianca.

● “Kapag nagpupunta kami sa mga parti, laging tinatanong ng aking mga magulang kung sinu-sino ang naroroon, anong uri ng musika ang patutugtugin, at kailan magsisimula at matatapos ang parti. Sa karamihan ng mga parti, magkakasama kami bilang isang pamilya.”​—Priscila.

● “Noong bata pa ako hanggang sa pagdadalaga ko, kami ng aking mga magulang ay laging malayang nag-uusap. Napansin iyon ng isang kaeskuwela ko at nagsabi: ‘Naiinggit ako sa iyo dahil sa nasasabi mo ang halos lahat ng bagay sa iyong mga magulang. Naaasiwa akong makipag-usap sa nanay ko, at kadalasan sa ibang tao ko natututuhan ang mga bagay na gusto kong malaman.’ ”​—Samara.

● “Masaya akong tin-edyer. Hindi ako mapaghinala sa mga tao at palatawa ako. Palagay na palagay ang loob ko sa aking mga kaibigan at nasisiyahan akong makipag-usap sa kanila tungkol sa mga bagay na nakatutuwa. Nauunawaan ng aking mga magulang na ito ang personalidad ko, at hindi nila sinikap na baguhin ang aking mga pagkilos. Subalit may-kabaitan nila akong tinulungan na maunawaang dapat akong maging maingat at kumilos nang tama sa pakikitungo sa mga hindi kasekso.”​—Tais.

● “Katulad ng karamihan sa ibang kabataan, naging interesado ako sa lalaki. Itinakda ng tatay ko ang edad kung kailan ako maaaring magpaligaw. Hindi ko ito ikinalungkot. Sa halip, naunawaan ko na nagmamalasakit sa akin ang aking mga magulang at nais nilang protektahan ako mula sa pinsala sa hinaharap.”​—Bianca.

● “Nakita ko na isang bagay na kalugud-lugod ang pag-aasawa, lalo na dahil sa halimbawa ng aking mga magulang. Mahusay ang kanilang ugnayan at napanatili nila ang mainam na pag-uusap. Naaalaala ko na noong ako’y nakikipag-date, pinayuhan ako ni inay kung paano kikilos sa ilalim ng ilang mga kalagayan at ipinaliwanag niya kung paano ito makaaapekto sa aking pag-aasawa.”​—Priscila.

[Larawan sa pahina 10]

Sa bagong sanlibutan ng Diyos, wala nang bata ang pagmamalupitan kailanman