Sinubok ang Pananampalataya sa Europa sa Ilalim ng Nazi
Sinubok ang Pananampalataya sa Europa sa Ilalim ng Nazi
AYON SA SALAYSAY NI ANTON LETONJA
Noong Marso 12, 1938, tinawid ng mga sundalo ni Hitler ang hanggahan ng Austria. Pinatugtog nang kaylakas sa radyo ang mga tugtuging pangmartsa at mga sawikaing pulitikal. Nalipos ng damdaming makabayan ang aking tinubuang-bayan, ang Austria.
MATAPOS ang pananakop ni Hitler, napuno ng pag-asa ang mga tao sa Austria. Umasa ang marami na wawakasan ng kaniyang “Sanlibong-Taóng Imperyo” ang kahirapan at kawalan ng trabaho. Maging ang mga paring Katoliko, na nakibahagi sa matinding damdamin ng pagkamakabayan na sumasaklot sa bansa, ay sumaludo kay Hitler.
Bagaman isa pa lamang kabataan na 19 na taóng gulang, hindi ako napadala sa mga pangako ni Hitler. Hindi ako naniwalang malulutas ng anumang pamahalaan ng tao ang mga suliranin ng sangkatauhan.
Natutuhan ang mga Katotohanan sa Bibliya
Ipinanganak ako sa Donawitz, Austria, noong Abril 19, 1919, at ako ang ikatlo at bunsong anak sa aming pamilya. Si Itay ay isang masipag na minero ng karbon. Noong 1923, dinala niya ang aming pamilya sa Pransiya, kung saan nakahanap siya ng trabaho sa minahang bayan ng Liévin. Dahil sa kaniyang pulitikal na mga paninindigan, nawalan siya ng tiwala sa relihiyon, subalit si Inay ay isang debotong Katoliko. Pinalaki niya kaming mga bata na maniwala sa Diyos, at nananalangin siyang kasama namin gabi-gabi. Nang maglaon, lalong nawalan ng tiwala sa relihiyon si Itay anupat pinagbawalan niya si Inay na magsimba.
Sa huling mga taon ng dekada ng 1920, nakilala namin si Vinzenz Platajs, na tinawag naming Vinko, isang kabataan mula sa Yugoslavia. Nakikipag-ugnayan siya sa mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Hindi nagtagal matapos nito, isang Estudyante ng Bibliya ang nagsimulang dumalaw sa aming pamilya. Yamang pinagbawalan ni Itay si Inay na magsimba, tinanong niya si Vinko kung maaari kayang sambahin ang Diyos sa tahanan. Binanggit niya ang Gawa 17:24, na nagsasabing ang Diyos “ay hindi tumatahan sa mga templong gawa ng kamay,” at ipinaliwanag niyang ang tahanan ay isang wastong dako upang sambahin siya. Natuwa si Inay dahil dito at nagsimulang dumalo sa mga pagpupulong na ginaganap sa mga tahanan ng mga Estudyante ng Bibliya.
Pinag-utusan siya ni Itay na itigil ang kalokohang iyon, gaya ng tawag niya rito. Upang hindi namin makasama ang mga Estudyante ng Bibliya, ipinagpilitan niyang dumalo kaming sama-sama sa Misa kung Linggo! Yamang buong-tatag na tumangging sumama si Inay, nagpasiya si Itay na maglingkod ako bilang isang sakristan. Bagaman iginagalang niya ang nais ni Itay sa bagay na ito, patuloy na itinimo ni Inay sa aking puso’t isip ang mga simulain ng Bibliya at isinama ako sa mga pagpupulong ng mga Estudyante ng Bibliya.
Noong 1928, sinagisagan nina Vinko at ng aking ate, si Josephine—o Pepi, gaya ng tawag namin sa kaniya—ang kanilang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Nang maglaon ay nagpakasal sila. Nang sumunod na taon ay isinilang ang kanilang anak na babae, si Fini, sa Liévin. Makalipas ang tatlong taon, inimbitahan sila na makibahagi sa buong-panahong ministeryo sa Yugoslavia, kung saan ipinagbabawal ang gawain ng mga Saksi. Sa kabila ng lahat ng mga kahirapan, hindi nabawasan ang kanilang kagalakan at sigasig sa paglilingkod kay Jehova. Ikinintal sa akin ng kanilang mainam na halimbawa ang pagnanais na maging isang buong-panahong ministro.
Espirituwal na Pagsulong
Nakalulungkot, nauwi sa diborsiyo ang di-pagkakasundo ng aming mga magulang noong 1932. Nagbalik akong kasama ni Inay sa Austria, samantalang ang aking kuya, si Wilhelm (Willi), ay nanatili sa Pransiya. Mula noon, hindi ko na gaanong nakausap si Itay. Nanatili siyang salansang sa amin hanggang sa kaniyang kamatayan.
Nanirahan kami ni Inay sa Gamlitz, isang nayon sa Austria. Palagian niyang ipinakipag-usap sa akin ang salig-Bibliyang mga publikasyon, yamang walang malapit na kongregasyon doon. Nakatutuwa naman, dalawang beses sa loob ng isang buwan ay pinupuntahan kami ni Eduard Wohinz sa bahay sakay ng kaniyang bisikleta upang magbigay ng espirituwal na pampatibay-loob, na naglalakbay mula sa Graz nang halos 100 kilometro papunta at pabalik!
Sa pagsisimula ng kakila-kilabot na pamamahala ni Hitler noong 1938, dinakip si Brother Wohinz. Nalipos kami ng pamimighati nang malaman naming pinatay siya sa pamamagitan ng gas sa isang tinatawag na euthanasia institute sa Linz. Ang kaniyang kahanga-hangang pananampalataya ay nagpatibay sa amin na magpatuloy sa paglilingkod kay Jehova nang may katapatan.
1938—Isang Kapaha-pahamak na Taon
Ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi sa Austria noong 1935. Nang lumipat ang mga sundalo ni Hitler sa Austria noong 1938, naging lubhang mapanganib ang aming pagmiministeryo. Alam ng mga kapitbahay namin na kami ni Inay ay mga Saksi ni Jehova, kaya sinikap namin na hindi makatawag ng pansin. Sinimulan ko pa ngang matulog tuwing gabi sa isang kamalig upang hindi ako basta-basta madakip ng mga Nazi.
Noong kaagahan ng 1938, natapos ko ang pagkuha ng saligang edukasyon at nagsimula akong magtrabaho sa isang panaderya. Yamang tumanggi akong magsabi ng “Heil Hitler” o maging miyembro ng organisasyong Hitler Youth, pinaalis ako sa aking trabaho. Subalit lalo pa akong naging determinado na sagisagan ang aking pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.
Nabautismuhan kami ni Inay noong Abril 8, 1938. Isang gabi, nagtipun-tipon kami kasama ang pitong iba pa sa isang nakabukod na dampa sa may kakahuyan. Matapos ang pahayag sa bautismo, isa-isa kaming naglakad tuwing ikasampung minuto sa isang makitid na daanan patungo sa may labahan. Doon ay binautismuhan kami sa isang kongkretong labangan.
Noong Abril 10, 1938, idinaos ang pakunwaring mga eleksiyon sa isyung may kinalaman sa pagsanib ng Austria sa Alemanya. Ang panawagang “Bumoto kay Hitler” ay mababasa sa mga poster sa buong bansa. Kami ni Inay ay hindi hinilingang bumoto yamang hindi na kami mamamayan ng anumang bansa matapos ang matagal naming paninirahan sa Pransiya—isang kalagayan na nagligtas sa aking buhay nang dakong huli. Si Franz Ganster mula sa Klagenfurt sa timugang Austria, ang palagiang nagdadala sa amin ng mga kopya ng Ang Bantayan. Kaya nakapagtamo kami ng espirituwal na lakas mula sa Salita ng Diyos bago sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II.
Ang Aking Kapatid na si Willi
Si Willi, na mas matanda nang apat na taon sa akin, ay hindi nakipag-ugnayan sa amin ni Inay nang mahigit siyam na taon mula nang umalis kami sa Pransiya. Bagaman tinuruan siya ni Inay sa Bibliya sa panahon
ng kaniyang kabataan, nalinlang siya sa paniniwalang ang pulitikal na programa ni Hitler ang susi sa isang maluwalhating kinabukasan. Noong Mayo 1940, sinentensiyahan si Willi ng isang hukuman sa Pransiya ng dalawang taon na pagkabilanggo dahil sa kaniyang ilegal na mga gawain bilang isang Nazi. Subalit di-nagtagal ay pinakawalan siya nang lumusob sa Pransiya ang mga sundalong Aleman. Pinadalhan niya kami ng isang kard nang pagkakataong iyon samantalang siya’y nasa Paris. Natuwa kaming malaman na buháy siya subalit nagitla kami nang malaman namin ang naging buhay niya!Sa panahon ng digmaan, malimit kaming dalawin ni Willi dahil sa mabuti niyang reputasyon sa mga SS (Schutzstaffel, mga piling sundalo ni Hitler). Lubha siyang humanga sa militar na mga tagumpay ni Hitler. Tuwing sisikapin kong akayin ang pansin niya sa aming salig-Bibliyang pag-asa, halos laging ganito ang sinasabi niya: “Kamangmangan ‘yan! Tingnan mo ang pagsalakay ni Hitler. Di-magtatagal at magiging mga panginoon ng mundo ang mga Aleman!”
Noong Pebrero 1942, nang minsang magbakasyon sa bahay si Willi, ipinakita ko sa kaniya ang aklat na Enemies, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Laking gulat ko nang agad niyang basahin ang buong aklat na iyon. Napagtanto niyang nakatakdang mabigo ang rehimen ni Hitler. Sinuportahan niya ang isang di-makataong sistema at determinado siya ngayong ituwid ang kaniyang pagkakamali nang walang pagpapaliban.
Ang Paninindigan ni Willi sa Katotohanan ng Bibliya
Noong dalawin kami ni Willi nang sumunod na buwan, lubusang nagbago ang kaniyang saloobin. Ang sabi niya: “Anton, mali ang tinahak kong landasin!”
“Willi,” ang sabi ko, “medyo huli na ang lahat nang matanto mo ito.”
“Hindi,” ang sagot niya, “hindi pa huli ang lahat! Sinasabi ng Bibliya na ‘dapat mong gawin ang anumang dapat mong gawin habang ikaw ay buháy,’ at salamat sa Diyos, buháy pa ako!”—Eclesiastes 9:10.
“Ano ba talaga ang binabalak mong gawin?” ang tanong ko.
“Buweno, hindi ko balak na magpatuloy pa sa paglilingkod bilang sundalo,” ang tugon niya. “Puputulin ko ang aking kaugnayan sa mga Nazi at titingnan ko kung ano ang mangyayari.”
Dali-dali siyang nagtungo sa Zagreb, Yugoslavia, upang muling dalawin ang aming kapatid na babae na si Pepi. Matapos dumalo roon nang ilang panahon sa ipinagbabawal na mga pulong ng mga Saksi, palihim siyang binautismuhan. Sa wakas, nagbalik din ang alibughang anak!—Lucas 15:11-24.
Upang makatakas sa mga Nazi sa Pransiya, tinangka ni Willi na tumawid sa hanggahan patungong Switzerland. Subalit naaresto siya ng pulisyang militar ng Alemanya. Nilitis siya sa isang hukumang-militar sa Berlin, at noong Hulyo 27, 1942, hinatulan siya ng kamatayan dahil sa pagtakas. Binigyan ako ng pahintulot na dalawin siya sa Piitang Militar ng Berlin-Tegel. Ako’y dinala sa isang maliit na silid, at di nagtagal ay pumasok si Willi na nakatanikala sa isang bantay. Napaluha ako nang makita ko siya sa gayong kalagayan. Hindi kami pinahintulutang magyakapan at mayroon lamang kaming 20 minuto upang magpaalam sa isa’t isa.
Napansin ni Willi ang aking mga luha at nagsabi: “Anton, bakit ka umiiyak? Dapat maging masaya ka! Lubos akong nagpapasalamat kay Jehova sa pagtulong niya sa akin na muling masumpungan ang katotohanan! Kung mamamatay ako para kay Hitler, wala na akong pag-asa. Subalit ang kamatayan ko para kay Jehova ay nangangahulugan ng tiyak na pagkabuhay-muli at na muli tayong magkikita!”
Sa kaniyang liham ng pamamaalam sa amin, ganito ang isinulat ni Willi: “Ibinibigay ng ating mahal na Diyos, na aking pinaglilingkuran, ang lahat ng aking kinakailangan at tiyak na palalakasin niya ako hanggang sa wakas, upang ako’y makapagbata at makapanaig. Inuulit ko, makatitiyak kayo na wala akong anumang ikinalulungkot at nakapanatili akong matatag sa Panginoon!”
Si Willi ay binitay sa Bradenburg Penitentiary, malapit sa Berlin, nang sumunod na araw, Setyembre 2, 1942. Siya ay 27 taong gulang. Pinatutunayan ng kaniyang halimbawa ang katotohanan ng mga salita sa Filipos 4:13: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”
Ang Katapatan ni Vinko Hanggang Kamatayan
Pumasok na ang hukbong Aleman sa Yugoslavia noong 1941, anupat kinailangang umuwi sa Austria si Pepi gayundin ang kaniyang asawang si Vinko, at ang kanilang 12-taóng-gulang na anak na babae, si Fini. Marami sa mga Saksi sa Austria ang ikinulong
sa mga bilangguan o mga kampong piitan nang panahong iyon. Yamang hindi mamamayan ng anumang bansa—sa ibang pananalita ay hindi mamamayan ng Alemanya—inatasan silang gumawa ng sapilitang pagtatrabaho sa isang bukid sa timugang Austria, malapit sa aming tahanan.Nang maglaon, noong Agosto 26, 1943, dinakip ng Gestapo (ang sekretang Nazi) si Vinko. Nang tangkain ni Fini na magpaalam sa kaniyang ama, sinuntok siya ng hepe ng pulis nang napakalakas anupat tumilapon siya sa silid. Si Vinko ay madalas na pagtatanungin at walang-awang binubugbog ng Gestapo at dinala siya sa Stadelheim Penitentiary sa Munich.
Noong Oktubre 6,1943, dinakip ako ng mga pulis sa aking pinapasukang trabaho, at dinala rin ako sa Stadelheim Penitentiary, kung saan naroroon si Vinko. Yamang matatas ako sa pagsasalita ng Pranses, ginamit ako bilang interprete para sa mga bilanggo ng digmaan na taga-Pransiya. Tuwing maglalakad ako sa bakuran ng bilangguan, nagbabalitaan kami ni Vinko.
Nang bandang huli, nahatulan ng kamatayan si Vinko. Inakusahan siya ng pagtutustos ng mga literatura sa Bibliya sa mga Saksi at pagbibigay ng pinansiyal na tulong sa mga babaing Saksi na ang mga asawa’y nasa mga kampong piitan. Inilipat siya sa mismong piitan malapit sa Berlin kung saan binitay si Willi. Doon siya pinugutan ng ulo noong Oktubre 9, 1944.
Ang huling pakikipagkita ni Vinko sa kaniyang pamilya ay makabagbag-damdamin. Nakita nila itong nakatanikala at bugbog, at hindi niya sila mayakap dahil sa mga tanikala. Si Fini ay 14 na taóng gulang nang huli niyang makita ang kaniyang ama. Naaalaala pa niya ang mga huling salita nito: “Alagaan mo ang nanay mo, Fini!”
Pagkamatay ng kaniyang ama, kinuha si Fini mula sa kaniyang ina at pinatira sa isang pamilyang Nazi na nagsikap na “baguhin” siya. Madalas siyang bugbugin nang walang awa. Nang dumating sa Austria ang mga sundalo ng Russia, binaril ng mga ito ang pamilyang Aleman na labis na nagmalupit sa kaniya. Ipinalagay nila ang pamilyang ito na kilabot ng mga Nazi.
Pagkatapos ng digmaan, nagpatuloy ang aking ate sa buong-panahong ministeryo. Naglingkod siya kasama ng kaniyang ikalawang asawa, si Hans Förster, sa sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Switzerland hanggang sa mamatay siya noong 1998. Sumunod si Fini sa halimbawa ng kaniyang mga magulang at naglilingkod ngayon sa tunay na Diyos, si Jehova, sa Switzerland.
Kalayaan sa Wakas!
Sa maagang bahagi ng taóng 1945, kabilang sa mga gusaling binomba ang aming bilangguan sa Munich. Nawasak ang lunsod. Labingwalong buwan na akong nasa bilangguan nang sa wakas ay dumating ang araw ng paglilitis sa akin sa harap ng hukom. Ang petsa ay Mayo 8, 1945, dalawang linggo na lamang bago opisyal na magwakas ang digmaan. Tinanong ako sa panahon ng paglilitis: “Handa ka bang maglingkod sa militar?”
“Ang isang bilanggo ay hindi pinahihintulutang magsuot ng uniporme o magsabi ng ‘Heil Hitler,’ ” ang tugon ko. Nang tanungin ako kung handa akong maglingkod sa hukbong Aleman, ang sabi ko: “Pakisuyong ibigay ninyo sa akin ang mga papeles sa sapilitang pagpapasundalo, at pagkatapos ay ipababatid ko sa inyo ang aking desisyon!”
Pagkalipas ng ilang araw, tapos na ang digmaan, at sinabihan ako na ako’y maaari nang lumaya. Di-nagtagal pagkatapos nito, lumipat ako sa Graz, kung saan natatag ang isang maliit na kongregasyong may 35 Saksi. Sa ngayon, walong kongregasyon ang patuloy na sumusulong sa lugar na iyon sa Graz.
Mapagmahal na Katulong
Di-nagtagal pagkatapos ng digmaan, nakilala ko si Helene Dunst, isang kabataang guro na naging miyembro ng partidong Nazi. Lubha siyang nasiphayo sa Nazismo. Sa una naming pag-uusap, nagtanong siya: “Bakit tanging kayo lamang ang nakaaalam na ang pangalan ng Diyos ay Jehova at ang iba ay hindi nakaaalam?”
“Sapagkat hindi sinusuri ng karamihan ng mga tao ang Bibliya,” ang tugon ko. Pagkatapos ay ipinakita ko sa kaniya ang pangalan ng Diyos sa Bibliya.
“Kung sinasabi ng Bibliya na ang pangalan ng Diyos ay Jehova, dapat kung gayon na ipabatid natin sa lahat ang bagay na ito!” ang bulalas niya. Nagsimula si Helene na ipangaral ang mga katotohanan ng Bibliya at matapos ang isang taon, sinagisagan niya ang kaniyang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Ikinasal kami noong Hunyo 5,1948.
Noong Abril 1, 1953, kami ay naging mga buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Nang bandang huli, naimbitahan kaming mag-aral sa ika-31 klase ng Watchtower Bible School of Gilead, malapit sa South Lansing, New York. Tinamasa namin doon ang totoong nakapagpapasiglang pakikipagsamahan sa kapuwa namin mga estudyante na nagmula pa sa 64 na iba’t ibang bansa.
Pagkaraan ng aming gradwasyon, muli kaming inatasan sa Austria. Sa loob ng ilang taon, ang gawain namin ay ang dumalaw sa mga kongregasyon upang palakasin sila sa espirituwal. Pagkatapos, inimbitahan kaming maglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Luxembourg. Nang maglaon, hinilingan kaming lumipat sa tanggapang pansangay sa Austria, na nasa Vienna. Noong 1972, samantalang naglilingkod doon, nagsimula kaming mag-aral ng wika ng mga Serbo-Croatiano upang makapagpatotoo sa maraming nandayuhang manggagawa sa Vienna na nagmula sa Yugoslavia. Mayroon na ngayong walong kongregasyon sa wikang Serbo-Croatiano dito sa Vienna, na binubuo ng mga taong nagmula sa lahat ng panig ng Europa!
Noong Agosto 27, 2001, natulog na sa kamatayan si Helene. Pinatunayan niyang isa siyang maaasahan at mahalagang katulong at kasama sa loob ng 53 maliligayang taon ng pag-aasawa. Ang pag-asa ng pagkabuhay-muli ay lalong naging mahalaga sa aking puso ngayon.
Kontento sa Pag-ibig ng Diyos
Sa kabila ng malulungkot na pangyayaring aking naranasan, nananatili akong kontento sa aking gawain sa tanggapang pansangay sa Austria. Ang isang pribilehiyo na natanggap ko kamakailan ay ang isalaysay ang aking personal na mga karanasan may kaugnayan sa eksibisyong “Nalimutang mga Biktima ng Rehimeng Nazi.” Mula noong 1997, naidaos na ang eksibisyong ito sa 70 lunsod at nayon sa Austria, anupat nagbibigay ng pagkakataon sa nakaligtas na mga nakasaksi mismo sa mga bilangguan at kampong piitan ng Nazi na isalaysay ang pananampalataya at ang lakas ng loob ng tunay na mga Kristiyano sa harap ng pag-uusig ng Nazi.
Itinuturing kong isang pribilehiyo na makilala nang personal ang mga tapat na iyon. Sila ay nagsisilbing kahanga-hangang patotoo sa katotohanan ng Roma 8:38, 39: “Kahit ang kamatayan kahit ang buhay kahit ang mga anghel kahit ang mga pamahalaan kahit ang mga bagay na narito ngayon kahit ang mga bagay na darating kahit ang mga kapangyarihan kahit ang taas kahit ang lalim kahit ang anupamang ibang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na ating Panginoon.”
[Larawan sa pahina 17]
Ang aming pamilya noong 1930 (mula sa kaliwa pakanan): ako, si Pepi, si Itay, si Willi, si Inay, at si Vinko
[Larawan sa pahina 18]
Ang aking kuya, si Willi, nang malapit na siyang bitayin
[Larawan sa pahina 19]
Nagkasama kami ni Vinko sa Stadelheim Penitentiary, sa Munich
[Mga larawan sa pahina 19]
Ang anak na babae ni Vinko ay pinatira sa isang malupit na pamilyang Nazi; nananatili siyang tapat hanggang sa kasalukuyan
[Larawan sa pahina 20]
Si Helene ay naging mahalagang kasama ko sa loob ng 53 taon ng aming pag-aasawa
[Larawan sa pahina 20]
Nagsasalita sa eksibisyong “Nalimutang mga Biktima ng Rehimeng Nazi”