Sirya—Mga Bakas ng Kawili-wiling Lumipas
Sirya—Mga Bakas ng Kawili-wiling Lumipas
MATATAGPUAN ito sa isa sa mga sangandaan ng sinaunang daigdig—isang lugar noon kung saan nagsasalubong ang dinaraanan ng mga pulutong na naglalakbay mula sa Mediteraneo patungong Tsina at mula sa Ehipto patungong Anatolia. Minsang dumaan sa lupain nito ang mga hukbo ng Akkad, Babilonya, Ehipto, Persia, Gresya, at Roma. Pagkalipas ng maraming siglo, dumaan ang mga Turko at mga Krusado rito. Sa makabagong panahon, ang mga hukbo ng Pransiya at Britanya ay naglaban upang masakop ito.
Sa ngayon, isang bahagi ng rehiyong ito ang nagtataglay pa rin ng pangalan na siyang naging kilalá libu-libong taon na ang lumipas—Sirya. Bagaman marami nang nagbago sa lugar na ito, ang mga bakas ng kasaysayan ay matatalunton pa rin dito. Interesadung-interesado ang mga estudyante ng Bibliya sa lupaing ito, yamang may papel na ginampanan ang Sirya sa kasaysayan ng Bibliya.
Damasco—Isang Sinaunang Lunsod
Kuning halimbawa ang Damasco, ang kabisera ng Sirya. Diumano’y isa ito sa pinakamatatandang lunsod sa daigdig na patuloy na pinaninirahan sapol nang ito’y itatag. Matatagpuan sa paanan ng kabundukan ng Anti-Lebanon, kung saan dumadaloy rito ang Ilog Barada, ang Damasco ay nagsilbing pinananabikang oasis sa loob ng maraming siglo na nasa gilid ng napakalawak na Disyerto ng Sirya. Malamang na dumaan sa lunsod na ito ang patriyarkang si Abraham nang maglakbay siya sa timog patungong Canaan. At isinama niya si Eliezer, “isang taong taga-Damasco,” sa kaniyang sambahayan at ginawa itong isang lingkod.—Genesis 15:2.
Makalipas ang halos isang libong taon, nakipaglaban ang mga Siryanong hari ng Zoba sa kauna-unahang hari ng Israel, si Saul. (1 Samuel 14:47) Ang ikalawang hari ng Israel, si David, ay nakipaglaban din sa mga hari ng Aram (ang Hebreong pangalan ng Sirya), tinalo sila, at ‘naglagay ng mga garison sa Sirya ng Damasco.’ (2 Samuel 8:3-8) Sa gayon ay naging mahigpit na magkaaway ang Israel at Sirya.—1 Hari 11:23-25.
Nang sumapit ang unang siglo C.E., waring humupa ang alitan ng mga Siryano at mga Judio. Nagkaroon pa nga ng maraming sinagoga ng Judio sa Damasco nang panahong iyon. Maaaring natatandaan mo na si Saul (na naging si Pablo) ng Tarso ay naglalakbay galing sa Jerusalem patungong Damasco nang siya’y makumberte sa Kristiyanismo.—Gawa 9:1-8.
Walang katibayan ng pagdaan ni Abraham o ng panlulupig ni David sa makabagong-panahong Damasco. Subalit may mga labí ng matandang lunsod ng Roma gayundin ng isang malaking Gawa 9:10-19) Bagaman ibang-iba na ang lansangan sa ngayon mula sa anyo nito noong panahon ng Roma, sa lugar na ito pinasimulan ni apostol Pablo ang kaniyang natatanging karera. Ang pintuang-daan ng Bab-Sharqi ng Roma ang hangganan ng Tuwid na Lansangan. Ang mga pader ng lunsod, na may mga bahay na nakatayo sa itaas, ay tumulong sa amin na maunawaan kung paano nakatakas si Pablo nang ibaba siya sa pamamagitan ng isang basket sa isang butas sa pader.—Gawa 9:23-25; 2 Corinto 11:32, 33.
lansangan sa matandang lunsod na tumatalunton sa sinaunang Via Recta ng Roma (Tuwid na Lansangan). Sa isang bahay noon sa lansangang ito natagpuan ni Ananias si Saul pagkatapos na makahimalang makumberte sa Kristiyanismo si Saul sa labas lamang ng Damasco. (Palmyra—Isang Makasaysayang Oasis
Mga tatlong oras na biyahe patungo sa hilagang-silangan ng Damasco, matatagpuan ang kahanga-hangang arkeolohikal na lugar: ang Palmyra, tinatawag na Tadmor sa Bibliya. (2 Cronica 8:4) Masusumpungan sa kalagitnaan ng Dagat Mediteraneo at ng Ilog Eufrates, ang oasis na ito ay natutubigan dahil sa mga bukal sa ilalim ng lupa na sumisibol dito mula sa kabundukan sa bandang hilaga. Ang sinaunang lansangang binabagtas ng mga mangangalakal sa pagitan ng Mesopotamia at mga lupain sa bandang kanluran ay sumusunod sa Fertile Crescent sa gayo’y umaabot sa dulong hilaga ng Palmyra. Gayunman, noong unang siglo B.C.E., dahil sa kawalang-katatagan ng pulitika sa hilaga, nagkaroon ng mas maikli at mas magandang daan sa katimugang bahagi. Kaya naman naabot ng Palmyra ang tugatog ng tagumpay nito.
Palibhasa’y kapaki-pakinabang sa Roma bilang neutral na lugar sa bandang silangan sa labas ng imperyo nito, ang Palmyra ay isinama sa Romanong probinsiya ng Sirya, subalit sa dakong huli ay idineklara itong isang malayang lunsod. Nakahanay sa maringal na lansangan na may kolonada ang naglalakihang mga templo, nakaarkong mga monumento, paliguan, at teatro. Ang mga portiko sa magkabilang panig ay sementado para sa mga taong nagdaraan, subalit hindi sementado ang malaking lansangan para naman sa kaalwanan ng mga grupo ng kamelyong nagdaraan. Pansamantalang tumitigil sa Palmyra ang mga pulutong na bumabagtas sa lansangang dinaraanan ng mga mangangalakal sa pagitan ng Tsina at India sa bandang Silangan at sa mga lupain ng Griego-Romano na nasa Kanluran naman. Doon ay sapilitan silang pinagbayad ng buwis na ipinapataw sa mga seda, espesya, at iba pang kalakal na kanilang dala.
Sa tugatog ng tagumpay nito, noong ikatlong siglo C.E., ang populasyon ng Palmyra ay halos 200,000. Sa panahong ito nakipaglaban sa Roma ang ambisyosang reyna na si Zenobia at sa dakong huli ay natalo noong 272 C.E. Sa ganitong paraan, walang kamalay-malay na tinupad ni Zenobia ang bahagi ng hula na iniulat ni propeta Daniel mga 800 taon ang kaagahan. * (Daniel, kabanata 11) Pagkatapos matalo si Zenobia, sandaling nagpatuloy ang Palmyra bilang estratehikong himpilan ng Imperyo ng Roma, subalit hindi na kailanman nabawi ang dating kapangyarihan at karingalan nito.
Patuloy Hanggang sa Eufrates
Pagkalipas ng tatlong oras na paglalakbay patawid ng disyerto sa bandang hilagang-silangan ay matatagpuan ang bayan ng Dayr az Zawr, kung saan makikita ang napakalaking Ilog Eufrates. Ang makasaysayang páagusáng ito na nagmumula sa mga bundok ng silangang Anatolia (Asian Turkey), ay pumapasok sa Sirya na nasa hilaga lamang ng Carkemis, at umaagos sa timog-silangan sa kahabaan ng Sirya patungong Iraq. Masusumpungan ang mga labí ng dalawang sinaunang mga lunsod ng Sirya na hindi naman kalayuan sa hanggahan ng Iraq.
Isang daang kilometro sa timog-silangang dako, sa kurbada ng Eufrates, ay matatagpuan ang mga labí ng sinaunang tanggulang lunsod ng Dura-Europos. Dalawampu’t limang kilometro pa sa timog-silangan ay matatagpuan naman ang lugar ng Mari. Dati itong maunlad na lunsod ng komersiyo na winasak ng hari ng Babilonya na si Hammurabi noong ika-18 siglo B.C.E. Natuklasan sa mga artsibo ng maharlikang palasyo nito ang humigit-kumulang 15,000 tapyas na luwad na may inskripsiyon—mga dokumento na maraming isiniwalat na kasaysayan.
Nang wasakin ng mga sundalo ni Hammurabi ang lunsod, giniba nila ang itaas na mga pader, anupat napunô ng mga ladrilyo at lupa ang nasa ibabang mga silid. Dahil dito ay naingatan ang mga miyural nito, estatuwa, seramik, at napakaraming iba pang mga gawang sining hanggang sa matuklasan ng isang grupo ng mga arkeologong Pranses ang lugar noong 1933. Makikita ang mga bagay na ito sa mga museo sa Damasco at Aleppo gayundin sa Louvre, sa Paris.
Mga Sinaunang Lunsod sa Hilagang-Kanlurang Sirya
Mararating ng isa ang Aleppo (Haleb) kapag sinundan ang Eufrates sa bandang hilagang-kanluran. Ang Aleppo, gaya ng Damasco, ay sinasabing isa sa pinakamatatandang lunsod sa daigdig na patuloy na pinaninirahanan. Ang mga souk, o may bubong na mga basar, ng Aleppo ay kabilang sa pinakamagandang pagmasdan sa Gitnang Silangan.
Nasa timog lamang ng Aleppo ang Tell Mardikh, ang lugar ng sinaunang lunsod-estado ng Ebla. Ang Ebla ay naging malakas na lunsod ng kalakalan na sumakop sa hilagang Sirya noong huling kalahatian ng ikatlong milenyo B.C.E. Natuklasan sa mga paghuhukay roon ang mga labí ng templo na inialay sa diyosa ng Babilonya na si Ishtar. Natuklasan din ang isang maharlikang palasyo na may mga silid ng artsibo na naglalaman ng mahigit na 17,000 luwad na lapida. Ang mga gawang sining mula sa Ebla ay makikita sa museo ng Idlib, isang maliit na bayan na 25 kilometro ang layo mula sa lugar na iyon.
Nasa bandang timog naman ng daan ng Damasco ang Hama, ang Hamat sa Bibliya. (Bilang 13:21) Paliku-liko naman ang Ilog Orontes sa Hama, anupat ginawa itong isa sa pinakamagagandang lunsod ng Sirya. Pagkatapos ay tatambad naman ang Ras Shamra, ang lugar ng sinaunang lunsod ng Ugarit. Noong ikatlo at ikalawang milenyo B.C.E., ang Ugarit ay naging mayamang daungan para sa kalakalan na may debotong mga mananamba nina Baal at Dagon. Mula noong 1929, nakahukay ang mga arkeologong Pranses ng maraming luwad na lapida at mga inukit na bronse na maraming isiniwalat tungkol sa napakasamang paraan ng pagsamba kay Baal. Tumutulong ito sa atin upang higit na maunawaan kung bakit pinuksa ng Diyos ang mga Canaanita na sumasamba kay Baal.—Deuteronomio 7:1-4.
Oo, matatalunton pa rin ng isa ang mga bakas ng kawili-wiling lumipas ng Sirya.
[Talababa]
^ par. 12 Tingnan ang artikulong “Ang May Maitim na Buhok na Senyora sa Iláng ng Sirya,” sa Enero 15, 1999, labas ng Ang Bantayan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Mapa sa pahina 24, 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
DAGAT MEDITERANEO
‐‐ Pinagtatalunang mga hanggahan
EHIPTO
ISRAEL
JORDAN
LEBANON
SYRIA
DAMASCUS
Barada
Orontes
Hama (Hamath)
Ugarit (Ras Shamra)
Ebla (Tell Mardikh)
Aleppo (Haleb)
Carchemish (Jerablus)
Euphrates
Zenobia
Dayr az Zawr
Dura-Europos
Mari
Palmyra (Tadmor)
IRAQ
TURKEY
[Mga larawan sa pahina 24]
Damasco (ibaba) at Tuwid na Lansangan (itaas)
[Larawan sa pahina 25]
Mga bahay na parang bahay-pukyutan
[Larawan sa pahina 25]
Ugarit
[Larawan sa pahina 25]
Hama
[Larawan sa pahina 26]
Mari
[Larawan sa pahina 26]
Aleppo
[Credit Line]
© Jean-Leo Dugast/Panos Pictures
[Larawan sa pahina 26]
Maharlikang palasyo, Ebla
[Larawan sa pahina 26]
Mga pastol sa Zenobia
[Larawan sa pahina 26]
Palmyra
[Larawan sa pahina 26]
Ang Eufrates sa Dura-Europos
[Picture Credit Lines sa pahina 25]
Mga bata: © Jean-Leo Dugast/Panos Pictures; mga bahay na parang bahay-pukyutan: © Nik Wheeler