Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Malaking Pandarayuhan

Ang Malaking Pandarayuhan

Ang Malaking Pandarayuhan

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA KENYA

DUMADAGUNDONG ang lupa sa tunog ng napakaraming yabag ng mga paa. Humuhugos ang pulutong ng humihingal na mga hayop, anupat umaalimpuyo ang pulang alikabok dahil sa pagsikad ng mga ito. Kumakaskas ang payat na mga binti ng mga hayop habang nagtatakbuhan ang kawan sa palusong at paahon na mga libis at burol, bumabagtas sa malalawak na damuhan, at tumatawid sa mga ilog at sapa. Pulu-pulutong ang paghugos ng mga ito, anupat lumikha ito ng malaking daanan kung saan halos mabunot ang damo rito. Ang napakalaking kawan ng umuungal at nagtatakbuhang mga nilalang na ito ang bumubuo sa isa sa pinakamalalaking buhay-iláng at pinakakahanga-hangang panoorin sa kalikasan sa lupa​—ang malaking pandarayuhan ng mga wildebeest.

Ang Hardin ng Eden ng Aprika

Ang Serengeti ay isang iláng na lupain. Ito ay isang napakalawak at alun-along damuhan na halos 30,000 kilometro kuwadrado ang sinasaklaw na lugar, na matatagpuan sa mga bansa ng Tanzania at Kenya. Ang lupa rito ay natatakpan ng suson ng matabang lupa mula sa bulkan, anupat lumilikha ng tamang-tamang kalagayan para yumabong ang mga damo na tumatakip sa lupa. May kakahuyan ng akasya at sabana ng matitinik na puno na pinagmumulan ng mga dahon para sa nanginginaing mga pamilya ng elepante. Napakaganda ng malalaki at marahang mga hakbang ng mga kawan ng giraffe habang ito’y gumagala sa sabana.

Sa ilang lugar ay umuusli sa kapatagan ang batong granito, na pinakinis ng hangin at ulan, at nagiging angkop na angkop na lugar para panooran ng mga leon at leopardo. Ang rumaragasang mga ilog na paliku-liko sa lupain ay punung-punô ng mga hippopotamus at buwaya. Makikita namang nanginginain sa napakalawak na kapatagan ang mga kawan ng wildebeest, hartebeest, topis, at maraming iba pang uri ng antilope. Umiinom naman sa mga bukal ng tubig ang uhaw na mga sebra na nakapalibot sa mga ito na gaya ng mga kuwintas ng mga abaloryong puti at itim. Walang kahirap-hirap na naglululundag ang mga gasela at impala sa kapatagan na parang malalaking arko ang talon. Mabagal na nanginginain ang malalaking kawan ng cape buffalo, na may malalaki at nakabaluktot na mga sungay at malaman na mga katawan, na binubunot ang tungkos ng mga damo sa pamamagitan ng kanilang malalapad na nguso.

Napakaraming grupo ng mga leon sa Serengeti. Sa kainitan ng araw, nakahilata ang mga ito sa lilim ng mga puno at palumpong, nag-aabang ng masisila pagsapit ng malamig na gabi. Halos hindi makita ang batik-batik na mga leopardo sa lugar na hinihigaan nito, na napakaganda ng pagkakahimlay sa itaas ng mga sanga ng puno, anupat naikukubli dahil sa batik-batik na liwanag sa ilalim ng mga dahon. Akmang-akma ang malawak na damuhan para takbuhan ng cheetah na tila kidlat ang tulin sa pagtakbo. Hindi na makilala ang payat na katawan nito habang kumakaripas ito ng takbo sa kapatagan samantalang tinutugis ang sinisila nito.

Totoo, ang ekosistema sa Serengeti ay nakapaglalaan ng paraiso sa mga hayop na kamangha-manghang pagmasdan. Subalit ang napakalaking mga kawan ng mga wildebeest ang lumilikha ng isa sa pinakamagaganda at kagila-gilalas na mga bagay sa kalikasan sa daigdig ng mga hayop.

Ang Payaso ng Kapatagan

Tinatayang may 1.5 milyong wildebeest ang gumagala-gala sa Serengeti. Kakatwa ang hitsura ng nilalang na ito, may mahabang ulo at makinang na mga mata, na magkalayung-magkalayo at halos nasa itaas ng bungo nito. Ang tulad-baka na sungay nito ay bahagyang nakabaluktot pababa at pagkatapos ay nakalikaw nang pataas. Ang likuran nito ay pababa ang kurba hanggang sa may pigi na mukhang mahina at hindi bagay sa malakas na mga balikat at leeg ng hayop. Ang manipis at payat na mga binti nito ang sumusuporta sa bigat ng malaking katawan ng wildebeest. Dahil sa mayroon itong mahaba at maputing balbas sa baba, maitim na kilíng sa batok, at buntot na gaya ng sa kabayo, ang wildebeest ay kamukha ng iba’t ibang hayop na pinagsama-sama.

Malimit na nakatatawa at nakalilibang ang nakatutuwang pag-uugali ng mga wildebeest. Kapag nagkatipun-tipon sa malalaking kawan, parang nakakatulad ng koro ng libu-libong palaka ang napakaingay na pag-ungal ng mga ito. Kapag nakatayo sa kapatagan, wari bang litung-lito at gulát na gulát ang hitsura ng mga ito habang pinagmamasdan ang mga bagay sa paligid nila.

Kung minsan ay magtatatakbo ang barakong wildebeest sa kapatagan, na kumakandirit nang patagilid at tumatakbo nang paikot. Lumiliyad ito at saka tumatalun-talon ang payat na mga binti nito, anupat sinisipa ang alikabok sa nakatatawang paraan. Sinasabi ng ilan na sinasadya ang magigiting na kilos na ito upang pahangain ang mga babaing wildebeest o babalaan ang ibang lalaking wildebeest. Pero kung minsan, waring masaya lamang na nagtatatalon ang barako.

Isinilang sa Mapanganib na Daigdig

Pagsapit ng tamang panahon, nagsisimula nang magsilang ang mga wildebeest. May pambihira silang kakayahan na pagsabay-sabayin ang pagsilang ng kanilang mga anak, anupat naisisilang nito ang 80 hanggang 90 porsiyento ng mga guya sa loob ng tatlong linggo. Sa panahong ito, napakaingay ng kawan dahil sa libu-libong pag-ungal ng maliliit pang wildebeest. Kailangang magkaroon agad ng buklod ang bawat ina sa kani-kaniyang guya, sapagkat kapag nagtakbuhan ang kawan, madaling magkahiwalay ang ina at guya, at napakaliit ng tsansa na mabuhay ang guya sa sarili lamang nito.

Ang maliliit pang wildebeest ay isinisilang sa isang mapanganib na daigdig ng mapagbantay na mga maninila. Maghihintay muna ang mga babae hanggang sa wala nang panganib bago ito magsilang. Gayunman, kapag nagulantang ng isang maninila, may kahanga-hanga silang kakayahan na ihinto ang panganganak at saka ito kakaripas ng takbo. Pagkatapos, sa dakong huli kapag wala nang nagbabantang panganib, maisisilang na nila nang lubusan ang kanilang guya.

Waring ang guya ay may likas na kakayahang makadama ng panganib at nakatatayo agad sa loob ng ilang minuto pagkasilang nito. Pagkalipas ng isang linggo, kaya na ng maliliit pang wildebeest na kumaskas ng takbo sa kapatagan sa bilis na 50 kilometro bawat oras.

Panahon ng Pandarayuhan

Kawan-kawan kapag nandarayuhan ang mga wildebeest sa ibayo ng Serengeti. Ang ulan ang pangunahing dahilan ng kanilang pulu-pulutong na pandarayuhan. Ang buhos ng ulan ay kontrolado ng mga lagay ng panahon na taunang nangyayari sa siklo. Sa buong taon, karaniwan nang umuulan sa ilang lugar sa napakalawak na damuhang ito.

Kailangan ng mga wildebeest ng tubig araw-araw at dapat na palagi itong may makakaing damo. Hangga’t may makukuhang pagkain at tubig, nananatili sila sa isang lugar. Subalit habang nagpapatuloy ang tag-init, nagsisimulang matigang ang kapatagan at naglalaho ang mga pinagmumulan ng tubig. Hindi puwedeng hintayin ng kawan ng mga wildebeest ang ulan. Kailangan nilang puntahan ang lugar kung saan umuulan.

Saanmang lugar umuulan, ang tuyong kapatagan ay biglang nagbabago. Sa loob ng ilang araw, sumisibol sa lupa ang berdeng usbong at ito ang nagiging luntiang damuhan. Punô ng sustansiya at halumigmig ang murang mga damong ito​—isang mabisang pang-akit sa mga wildebeest.

Ang mga nilalang na ito ay may napakatalas na kakayahan upang tuklasin kung saan umuulan, kahit na sa napakalayong lugar. Walang sinuman ang nakababatid kung paano nila nalalaman na umuulan sa ibang bahagi ng Serengeti​—iyon man ay dahil sa may nakikita itong napakakapal at maitim na ulap sa itaas na nasa malayo o sa naaamoy na halumigmig sa tuyong hangin. Sa paanuman, upang mabuhay, kailangang mandayuhan ang mga kawan. At talagang dumadagundong ang pandarayuhan ng mga ito!

Isang Mapanganib na Paglalakbay

Sa umpisa ay unti-unti ang paglisan. Ang mga wildebeest ay mga nilalang na mahilig magkawan-kawan; kapag naglakad ang isang hayop sa isang direksiyon, hihinto sa panginginain ang iba pa sa paligid, at susunod ang mga ito. Hindi magtatagal, ang buong kawan ay nagpapanakbuhan na anupat kahanga-hanga ang paglisan. Bunsod ng uhaw at gutom, patuloy ang mga ito sa paglisan. Kung minsan ay tumatakbo ang mga ito. At kung minsan naman ay bumubuntot sila sa linya, na siyang dahilan ng pagkakaroon ng malalalim na lubak sa maalikabok na lupa.

Ang kanilang paglalakbay ay lipos ng panganib. Sinusundan ng mga maninila ang pagkalaki-laking mga kawan ng wildebeest, anupat minamatyagang mabuti ang anumang hayop na makupad, pilay, o may sakit. Sa patuloy na pagtakbo ng mga wildebeest, napadadaan ang mga ito sa mga teritoryo ng pulutong ng mga leon, na nakatambang. Palibhasa’y nakatago sa talahiban, nilulusob ng malalaking leon ang pulutong ng nanginginaing mga hayop, anupat nagsisipangalat ang mga ito dahil sa pagkataranta. Sinasamantala naman ng mga leopardo, cheetah, mababangis na aso, at mga hyena ang mga hayop na nahúhulí o napahiwalay mula sa malaking kawan. Kapag may napatay, biglang sumusulpot ang mga buwitre. Palibhasa’y nagkakagulo at nag-aaway-away sa mga natira, wala silang itinitira kundi mga buto na lamang, na namumuti sa matinding sikat ng araw sa Aprika.

Ang rumaragasang mga ilog ay nakatatakot na mga hadlang na kailangang tawirin ng kawan. Kagila-gilalas na tanawin ang pagtawid sa mga ilog, na libu-libong hayop ang lumulusong sa tubig mula sa matataas na pampang. Ang karamihan naman ay ligtas na nakatatawid sa kabila ng pampang. Tinatangay naman ng malakas na agos ang iba o sinasagpang ng nag-aabang na mga buwaya na bahagyang nakalubog sa tubig. Taun-taon ay ginagawa ang mapanganib na paglalakbay na ito. Kapag natapos na ito, maaaring halos 3,000 kilometro ang layo ng binagtas ng mga ito.

Tao​—Ang Pinakamatinding Maninila

Sa loob ng libu-libong taon, hindi gaanong naging banta ang tao sa pandarayuhan ng mga wildebeest. Ngayon ang tao na ang pinakamalaking banta sa kahanga-hangang pandarayuhan na ito. Nitong nakalipas na mga dekada, sinikap ng mga pamahalaan ng Tanzania at Kenya na ipagsanggalang ang mga hayop sa Serengeti. Subalit, bagaman pangunahin nang nagaganap ang pandarayuhan ng mga wildebeest sa loob ng protektadong mga hangganan ng mga santuwaryo ng hayop sa iláng, libu-libong hayop ang binibitag at pinapatay ng ilegal na mga mangangaso. Palibhasa’y nagtataglay ng pambitag na mga kable, mga pana na may lason, at baril, nangangaso sila ng mga hayop upang magsuplay ng karne at ng mga subenir sa tuwang-tuwang mga mamimili. Pinapatrulya ng isang pangkat ng mga tanod sa mga hayop at mga bantay-gubat ang protektadong mga lugar, subalit pagkalaki-laki ng Serengeti anupat halos imposible na lubusang maprotektahan ito. Habang dumarami ang populasyon ng tao, tumitindi rin ang panggigipit na panghimasukan ang malagóng damuhang ito. Ang pagbubukod ng malalawak na lupain para sa buhay-iláng ay isang kontrobersiyal na usaping laging pinagtatalunan.

Noon ay milyun-milyong bison ang gumagala-gala sa kapatagan ng Hilagang Amerika. Naglaho na ang mga ito ngayon. Ikinatatakot ng iba na gayundin ang mangyayari sa kahuli-hulihang malalaking kawan ng wildebeest sa Silangang Aprika. Napakalungkot na araw niyaon kapag ating nasaksihan ang paglaho ng gayong kahanga-hangang kababalaghan sa kalikasan. Inaasam-asam natin ang pagdating ng araw na ang tao at mga hayop ay mabubuhay sa sakdal na pagkakatimbang at pagkakasuwato, sa ilalim ng matuwid na pamamahala ng Diyos. (Isaias 11:6-9) Samantala, patuloy tayong manggigilalas sa kahanga-hangang kaganapang ito​—ang malaking pandarayuhan ng mga wildebeest.

[Larawan sa pahina 18]

Kailangang tawirin ng mga kawan ang rumaragasang mga ilog