Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Tahimik na Krisis” Malapit Nang Magwakas!

“Ang Tahimik na Krisis” Malapit Nang Magwakas!

“Ang Tahimik na Krisis” Malapit Nang Magwakas!

“HINDI tulad ng mga kalagayan noon, nabubuhay tayo ngayon sa isang daigdig ng kasaganaan. . . . Posible sanang. . . may sapat na pagkain para sa lahat.” Ganiyan ang sinabi ng isang pag-aaral ng World Health Organization (WHO). Kung ganiyan ang kalagayan, ano ang tunay na problema na nagiging sanhi ng malnutrisyon?

“Ang problema ay sanhi ng di-pantay na produksiyon at pamamahagi ng pagkain,” sabi ng WHO. “Nakalulungkot, ang mahihirap na nakatira sa papaunlad na mga bansang may mabungang lupain ay kadalasang nagmamasid na lamang na walang anumang taglay​—at kumakalam ang mga sikmura​—​samantalang pagkarami-raming ani at tone-toneladang produkto ang iniluluwas kapalit ng salapi. Pansamantalang kapakinabangan para sa iilan, pangmatagalang kawalan para sa marami.” Ipinakikita ng isang pag-aaral kamakailan ng Food and Agriculture Organization ng United Nations (FAO) na ‘ang sangkalima ng pinakamayayamang tao’ sa lupa ang siyang ‘kumakain ng 45 porsiyento ng lahat ng karne at isda; 5 porsiyento lamang ang nakakain ng sangkalima ng pinakamahihirap.’

Sa kabilang panig, “ang kawalan ng oportunidad sa pagtatamo ng mahusay na edukasyon at kabatiran sa wastong impormasyon ay sanhi rin ng malnutrisyon,” sabi ng United Nations Children’s Fund, anupat idinagdag pa: “Kung walang maingat na isinaplanong mga pamamaraan sa pamamahagi ng impormasyon at mas mahusay at higit na abot-kayang programang pang-edukasyon, hindi malilinang ang kabatiran, mga kasanayan at pag-uugaling kinakailangan upang labanan ang malnutrisyon.” Subalit ang kakulangan naman sa pagkain ay nagpapahina sa kalusugan ng isang tao at sa kaniyang kakayahang makapagtamo ng isang mas mahusay na edukasyon​—kaya ang mga ito ay magkaugnay rin na mga suliranin.

Katarungan at Walang-Pag-iimbot na Interes sa Iba

Sa kabila ng gayong nakasisiphayong mga hadlang, optimistiko pa rin ang ilang dalubhasa sa larangang ito. Halimbawa, nagpahayag ng ganitong pag-asa ang panlahat na patnugot ng FAO na si Jacques Diouf: “Nakikini-kinita ko ang isang daigdig kung saan ang lahat ng lalaki, babae at bata ay may sapat na masustansiya at ligtas na pagkain bawat araw. Sa larawang nasa aking isipan, mababawasan ang napakalaking agwat ng karangyaan at kahirapan. Naguguniguni ko ang pagpaparaya at hindi ang diskriminasyon; kapayapaan at hindi labanang sibil; wastong paggamit sa likas na mga yaman at hindi pagsira sa kapaligiran; kasaganaan para sa lahat at hindi nakapanghihinang kawalan ng pag-asa.”

Gayunman, gaya ng ating nakita, higit pa sa pinaraming produksiyon at pinalawak na pamamahagi ng pagkain ang kinakailangan upang matupad ang gayong mga pangarap. Kinakailangan ang ganap na katarungan at walang-pag-iimbot na interes sa iba. Subalit ang magagaling na katangiang ito ay hindi likas sa makabagong komersiyalismo.

Posible bang maalis ang pagkalalaking mga hadlang na gaya ng kasakiman, karukhaan, labanan, at pagkamakasarili nang sa gayo’y mawala na sa lupa ang malnutrisyon? O isa itong imposibleng pangarap?

Ang Tanging Tunay na Solusyon

Ayon sa Bibliya, hindi tayo dapat mabigla sa pinakaugat na mga problemang nagbubunga ng malnutrisyon. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, . . . mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, . . . mga walang pag-ibig sa kabutihan, . . . na may anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.”​—2 Timoteo 3:1-5.

Maaalis kaya ng sangkatauhan ang gayong mga saloobing malalim na ang pagkakaugat nang walang tulong ng Diyos? Waring imposible ito, hindi ba? Marahil ay napansin mo na kung minsan, ang mga taong nasa pamahalaan ay may mabubuting hangarin upang malutas ang mga suliranin sa lipunan, subalit ang pagkamakasarili, pag-ibig sa salapi, at di-kasakdalan ng iba ay humahadlang at sumisira maging sa napakatapat na mga pagsisikap.​—Jeremias 10:23.

Gayunman, ang solusyon ay hindi isang imposibleng pangarap. Ipinangangako ng Bibliya na wawakasan ng Kaharian ng Diyos ang problema ng kawalang-katarungan at lahat ng iba pang dalamhati na sumasalot sa sangkatauhan ngayon.

Ipinaaalam ng Isaias 9:6-7 ang kamangha-manghang pag-asang ito: “Isang bata ang ipinanganak sa atin, isang anak na lalaki ang ibinigay sa atin; at ang pamamahala bilang prinsipe ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Ang kasaganaan ng pamamahala bilang prinsipe at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa trono ni David at sa kaniyang kaharian upang itatag ito nang matibay at upang alalayan ito sa pamamagitan ng katarungan at sa pamamagitan ng katuwiran, mula ngayon at hanggang sa panahong walang takda. Ang mismong sigasig ni Jehova ng mga hukbo ang gagawa nito.”

Ang Kahariang ito mismo ang ipinapanalangin ng mga tao kapag sinasambit nila ang Panalangin ng Panginoon at sinasabi sa Diyos, “Dumating nawa ang iyong kaharian.” (Mateo 6:9, 10) Pansinin na binanggit ni Isaias na “ang mismong sigasig ni Jehova ng mga hukbo ang gagawa nito.” Oo, ang Diyos na Jehova ay laging lubhang interesado sa paglalaan ng mga pangangailangan ng mga tao. Nilayon niyang magbunga ng saganang pagkain para sa lahat ang lupang ito.

Ganito ang sinasabi ng Awit 65:9-13 hinggil sa kaniya: “Ibinaling mo ang iyong pansin sa lupa, upang mabigyan mo ito ng kasaganaan; lubha mo itong pinayayaman. Ang bukal mula sa Diyos ay punô ng tubig. Inihahanda mo ang kanilang butil, sapagkat ganiyan mo inihahanda ang lupa. Dinidilig ang mga tudling nito, pinapatag ang mga kimpal nito; pinalalambot mo ito sa saganang ulan; pinagpapala mo ang mismong mga sibol nito. . . . Ang mga pastulan ay nadaramtan ng mga kawan, at ang mabababang kapatagan ay nababalutan ng butil.”

Oo, ang Maylalang, si Jehova, ang pinakamabuting tagapaglaan sa sangkatauhan. Siya “ang Isa na nagbibigay ng pagkain sa lahat ng laman: sapagkat ang kaniyang maibiging-kabaitan ay hanggang sa panahong walang takda.”​—Awit 136:25.

Makapagtitiwala tayo na pangangalagaan ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ang lahat ng tao. “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw,” gaya ng sinasabi ng Bibliya. Subalit magkakaroon din ng pantay-pantay na pamamahagi, sapagkat “ililigtas niya [ni Jesu-Kristo] ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. . . . Ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya.” (Awit 72:12, 13, 16) Kaya lakasan mo ang iyong loob! Ang “tahimik na krisis” na ito ay malapit nang malunasan minsan at magpakailanman.

[Blurb sa pahina 11]

“Posible sanang maalis ang gutom at malnutrisyon. Taglay natin ang kalutasan. Ang hamon ay nakasalalay sa . . . sama-samang pagkilos ng buong bansa at ng buong daigdig.”​—World Health Organization

[Buong-pahinang larawan sa pahina 10]