Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Dapat ba Akong Manood ng mga Music Video?
“Napakaganda ng mga music video. Parang maiikling pelikula ang ilan sa mga ito. May kuwento ang mga ito, at hangang-hanga ako sa koryograpi.”—Casey.
“Magaling na paraan ito para makahanap ng bagong musika. Mas marami pang ipinakikita ito sa iyo bukod pa sa regular na 40 pinakapopular na musika. Maganda ring pag-usapan ang tungkol sa mga music video.”—Josh.
“Mahalaga sa akin ang mga detalye sa video—kung sino ang umaawit, kung ano ang suot niya, kung paano siya kumikilos. Ipinaliliwanag ng lahat ng ito ang kahulugan ng mga liriko.”—Kimberly.
“Gusto kong makita kung ano ang gagawin ngayon ng aking mga paboritong banda. Gustung-gusto ko ang mga ‘special effect.’ At ang ilang video ay nakatatawa. Subalit kailangan mong maging maingat.”—Sam.
MARAHIL ay nasisiyahan ka rin sa panonood ng mga music video. Nang una itong lumitaw sa telebisyon, ang mga produksiyon nito ay simple lamang at mababa ang badyet. Subalit nang ang mga music video ay mapatunayang hindi panandaliang kausuhan lamang at nakapagpataas ito sa benta ng mga rekord, mabilis na naging lubhang sopistikado ang mga ito, sa sining at sa teknikal na paraan. Sa ngayon ang mga ito ay isang mahalagang bahagi sa daigdig ng musika at napatunayang lubhang popular sa mga kabataan. Sa ilang bansa, may mga istasyon ng TV na pantanging iniuukol sa pagpapalabas ng mga music video!
Subalit bakit sinasabi ng mga kabataang gaya ni Sam, na sinipi rito, na kailangang maging maingat? Maaari kayang ang ilang music video ay may di-kanais-nais na epekto sa iyo—marahil ay pinasásamâ ang iyong pag-iisip at mga pamantayang moral o sinisira pa nga ang kaugnayan mo sa iyong Maylalang? Baka naman masyadong kalabisan na ang gayong tanong. Subalit pag-isipan ito, Kung ikaw ay lalangoy sa isang lawa o sa karagatan at nakita mo ang babala na nagsasabing delikado o mapanganib na lumangoy roon, matalino bang ipagwalang-bahala ang gayong mga babala? Tiyak na hindi. Kaya, makabubuti para sa iyo na pag-isipan ang mga babala hinggil sa mga music video.
Mga Panganib
Dapat mong kilalanin ang katotohanan na ang nakikita at naririnig mo ay nakaaapekto sa iyo! 1 Samuel 16:14-23) Maaari rin bang magkaroon ng di-kanais-nais na epekto ang musika? Ganito ang sabi ng aklat na Rock and Roll—Its History and Stylistic Development: “Hindi masasabi ng isa na ang musika ay may malakas na impluwensiya sa ilan lamang pangyayari at walang impluwensiya sa ibang bagay. Kung kinikilala natin na may mabuting epekto ang musikang rock (mayroon nga ito), dapat din nating aminin na mayroon itong negatibong mga epekto (mayroon nga ito). Ang taong may-pagmamalaking nagsasabing ‘Oo nga, nakikinig ako sa musika, pero hindi ito nakaaapekto sa akin’ ay alinman sa walang-muwang o lubhang walang kabatiran.”
Sinasabi sa atin ng Bibliya na ginamit ng unang hari ng Israel, si Saul, ang musika sa kapaki-pakinabang na paraan—upang palubagin ang kaniyang damdamin. (Paulit-ulit na binabanggit ng Bibliya ang impluwensiya ng mata sa ating pag-iisip at damdamin. (Kawikaan 27:20; 1 Juan 2:16) Kaya sa pamamagitan ng pagdaragdag ng epektibong mga larawan sa musika, lubhang napasisidhi ng mga tagagawa ng video ang mga epekto ng musika sa mga tagapakinig nito. Anu-anong uri ng larawan ang karaniwang ginagamit?
Ayon sa isang pagsusuri, mga 57 porsiyento ng mga rock video ang naglalaman ng mararahas na kilos. Mga 76 na porsiyento ang naglalaman ng mga larawan ng seksuwal na mga gawain. Nasumpungan ng isa pang pagsusuri kamakailan na 75 porsiyento ng mga video na nagkukuwento ang nagtatampok din ng seksuwal na mga larawan at metapora, at mahigit sa kalahati ang nagtatampok ng karahasan, karaniwan nang laban sa kababaihan. Ngayon, talaga bang makapipinsala sa iyo ang panonood ng gayong mga video? Binanggit ng isang magasin na “sa katunayan, nasumpungan ng eksperimental na pagsusuri na ang panonood ng mga music video ay makaiimpluwensiya sa mga saloobin ng mga tin-edyer tungkol sa maaga o mapanganib na pagtatalik.” At hindi maikakaila na habang sinisikap ng mga musikero na daigin sa kanilang mga pagtatanghal ang mga nauna sa kanila o ang mga kasabayan nila, ang mga music video sa pangkalahatan ay nagiging higit at higit na detalyado.
Ganito ang sabi ng isang dalubhasa sa larangan ng edukasyon: “Nangangatuwiran ang marami na ang kanilang naririnig—at nakikita, dahil sa mga music video—ay walang pinag-iba sa impluwensiya ng musika sa nakalipas na mga salinlahi . . . Ngunit waring ipinakikita ng karamihan sa mga artista ngayon ang kawalang-galang at kagaspangan ng ugali bilang katanggap-tanggap upang lumakas ang benta ng kanilang mga rekord.” At ganito ang sinabi ng magasing Chicago hinggil sa mga nanonood ng music video sa isang channel: “Walang-tigil nilang pinanonood ang mga tagpo na nagpapahiwatig ng pagtatalik na maituturing na pornograpya.”
Inilarawan din ng magasing Chicago ang isang music video kung saan ang “isang binata ay nakaupo sa isang counter sa isang restawran at inihilig ang kaniyang ulo sa likuran. Lumitaw ang isang malaki at duguang hiwa sa kaniyang leeg at nahulog ang ulo.” Isang video pa ang iniulat na nagpakita ng isang lalaki na isa-isang hinuhubad ang kaniyang damit, at pagkatapos ay nakapangingilabot na inaalis din ang kaniyang laman at mga kalamnan. Inilarawan ang iba pang bagay na nakapangingilabot iulat.
Ngayon, maaaring hindi pansinin ng ilan ang mga bagay na ito, anupat sinasabing ang mga video na inilarawan dito ay sobra naman at na ang karamihan ay hindi naman talaga gayon kasamâ. Baka ipangatuwiran pa nga ng ilan na sa palagay nila ay hindi naman nakagigitla o nakaiinis ang mga music video. Ngunit hindi kaya ipinahihiwatig niyan na ang paulit-ulit na panonood ng gayong mga video ay nagpamanhid na sa mga indibiduwal na iyon? Ganito ang inamin ni Casey, ang kabataang lalaki na sinipi sa simula: “Kung hindi mo tatakdaan ang mga pinanonood mo, ang dating nakapangingilabot ay nagiging pangkaraniwan na lamang sa dakong huli. Hindi mo namamalayan, naghahangad ka nang higit pa at natatanggap mo na ang dating nakapangingilabot sa iyo.”
Ano ang maaaring maging resulta? Maaaring lubhang mapinsala ang iyong kakayahang magpasiya nang may katinuan hinggil sa moral na mga bagay. Sapagkat ang ating mga isipan ay madaling maimpluwensiyahan sa di-kanais-nais na paraan, pinapayuhan tayo ng Bibliya na ‘ingatan natin ang praktikal na karunungan at ang kakayahang mag-isip.’ (Kawikaan 3:21; 5:2) Ang isa pang di-kanais-nais na resulta ay na maaari nitong pinsalain ang iyong pakikipagkaibigan sa Diyos na Jehova. Hindi ba iyan ang iyong pinakamahalagang tinataglay? Kaya kailangan mong pag-ingatan ang pakikipagkaibigang iyan sa pamamagitan ng paggawa ng mga hakbang upang maiwasan ang anumang uri ng di-wastong libangan. Paano mo magagawa iyon?
Pagsasanggalang sa Iyong Sarili
Una, pakisuyong tanggapin na talagang mali ang manood ng mga eksenang nagtatanghal ng mga bagay na maliwanag na hinahatulan ng Bibliya. (Awit 11:5; Galacia 5:19-21; Apocalipsis 21:8) Kapag niluluwalhati ng isang video ang mga bagay na hindi ‘angkop sa mga taong banal,’ dapat na maging determinado kang ihinto ang panonood nito. (Efeso 5:3, 4) Sabihin pa, ang pagpapalit ng channel—o pagpatay sa TV—ay maaaring hindi madali kung nakatutuwa ang ipinalalabas sa video. Kaya kailangan mong manalangin na gaya ng isinulat ng salmista: “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan.”—Awit 119:37.
Natural na maaari kang masuklam sa mga video na nakapangingilabot gaya ng inilarawan kanina. Subalit, ang ilang video ay tila mas tuso sa kanilang presentasyon. Ang mga eksena tungkol sa seksuwalidad ay maaaring maikli o sandali lamang. Ang mga liriko at mga larawan ay baka may-kahusayang inayos upang itaguyod ang ilang di-makadiyos na pangmalas nang hindi kailanman lantarang sinasabi o ipinakikita ang anumang bagay. Gayunpaman, kung ikaw ay medyo nakokonsiyensiya sa napapanood mong video, malamang na ito sa ilang paraan ay di-kanais-nais o di-makakristiyano. Kaya, paano ka magpapasiya kung ano ang panonoorin at kung ano ang iiwasan kapag hindi maliwanag ang mga isyu hinggil sa kawastuan nito?
Sabihin pa, kung manonood ka man ng mga music video ay personal na desisyon mo at ng iyong mga magulang, na siyang may pananagutang magpasiya kung ano ang iyong maaari at hindi maaaring panoorin. (Efeso 6:1, 2) Subalit kung payagan ka ng iyong mga magulang na manood ng mga music video, kailangang patnubayan ka hindi lamang ng kung ano sa palagay mo ang tama para sa iyo. Pinatitibay-loob tayo ng Hebreo 5:14 na ‘sanayin ang ating kakayahan sa pang-unawa’ upang ‘makilala kapuwa ang tama at ang mali.’ Ang ating mga kakayahan sa pang-unawa ay sinasanay sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga simulain sa Bibliya, na nagbibigay ng huwaran upang matiyak natin kung ano ang mabuti at kung ano ang masama sa pangmalas ni Jehova. Sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga simulaing iyon sa Bibliya, makikilala mo kung ano ang mapanganib sa iyong espirituwal na kalusugan, kahit na walang partikular na tuntunin mula sa Bibliya upang pumatnubay sa iyo.
Kung gayon, anong espesipikong mga simulain sa Bibliya ang maaaring pumatnubay sa iyo may kinalaman sa panonood ng mga music video? Tatalakayin ito sa isang artikulo sa hinaharap.
[Blurb sa pahina 20]
“Ang taong may-pagmamalaking nagsasabing ‘Oo nga, nakikinig ako sa musika, pero hindi ito nakaaapekto sa akin’ ay alinman sa walang-muwang o lubhang walang kabatiran”
[Mga larawan sa pahina 21]
Talaga bang maaari kang manood ng isang bagay na di-kanais-nais at hindi maaapektuhan nito?