Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Ginintuang Prutas na May Kawili-wiling Nakalipas

Isang Ginintuang Prutas na May Kawili-wiling Nakalipas

Isang Ginintuang Prutas na May Kawili-wiling Nakalipas

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA FIJI

ANG taon ay 1789. Ang pitong-metrong bangka na walang bubong at punô ng tao ay napakaliit kung ihahambing sa napakalawak na karagatan. Ang mga pasahero nito ay nanghihina na dahil sa gutom at pagod sapagkat nililimas nila ang tubig mula sa bangka sa loob ng ilang araw sa pagkalalaking alon at malalakas na hangin. Kailangan pa nilang lakbayin ang layong mahigit na 5,000 kilometro ng di-kilalang karagatan, na napaliligiran ng mapanganib na mga bahura ng korales. Kaunti lamang ang kanilang panustos na pagkain​—ang bawat tao ay nirarasyunan ng 30 gramo lamang ng tinapay (biskuwit sa barko) sa isang araw at kaunting tubig. Waring napakaliit nga ng tsansang mabuhay ang mga lalaki.

Sa loob lamang ng mahigit na isang linggo, naghimagsik ang mga tauhan ng barko at ang mga ito na ngayon ang nangasiwa, sila’y isinakay sa lantsang salbabida at naglayag sa karagatan, at ang isa sa kanila ay napatay sa isang pagsalakay ng mga katutubo. Naranasan din nila ang mga bagyong makulog at muntik-muntikan nang abutan ng mga katutubong humahabol sa kanila sakay ng mga bangka mula sa mga isla na kilala noon bilang Cannibal Isles.

Ano ang nakaakit sa mga lalaking ito upang puntahan ang malayo at mapanganib na bahaging ito ng Timog Pasipiko, na napakalayo mula sa kani-kanilang tahanan sa Inglatera, isang lupain na may napakaayos na mga taniman at mga hardin? Ang bagay na hinahanap nila ay ang kamangha-manghang puno ng rimas. Ipaliliwanag namin kung paanong ang magandang punungkahoy na ito at ang nakapagpapalusog na prutas nito ay gumanap ng mahalagang papel sa kuwentong ito at sa naunang mapanganib na pagbibiyahe upang manggalugad.

Marahil ay nakikilala mo ang mga lalaki sa bangka sa nabanggit na ulat bilang mga nakaligtas sa kahiya-hiyang paghihimagsik sa Bounty. Ang 215-toneladang barko ng hukbong pandagat ng Britanya na Bounty, sa ilalim ni Kapitan William Bligh, ay naglayag mula sa Inglatera patungong Tahiti. Pagdating doon, isasakay ni Bligh ang grupo ng lubhang pambihirang “mga pasahero”​—mga 1,000 batang puno ng rimas. Ang mga halamang nasa pasô ay maaaring magbayad ng kanilang pasahe sa pamamagitan ng pamumunga ng ginintuang prutas minsang maitanim at lumago ang mga ito sa kanilang bagong tirahan sa mga kolonya ng Britanya sa Caribbean.

Ang proyektong ito ay isinagawa salig sa payo na ibinigay ni Sir Joseph Banks sa pamahalaan ng Britanya, na noong panahong iyon ay masikap na naghahanap ng isang bagong pagmumulan ng pagkain para sa mga aliping nagtatrabaho sa mga tubuhan. Si Banks, na noo’y nagtatrabaho bilang tagapayo sa Kew Botanical Gardens malapit sa London, Inglatera, ay dati nang naglayag bilang botaniko na kasama ni Kapitan James Cook sa kaniyang naunang pagbibiyahe upang galugarin ang Pasipiko. * Kapuwa nila nakita ni Cook ang malaking potensiyal para sa puno ng rimas.

Bagaman hindi naman personal na sumama kay Bligh, inihanda ni Banks ang mga plano para sa pangangalaga sa mga halamang nasa barko sa panahon ng mahabang biyahe sa karagatan, anupat binibigyan ng partikular na pansin ang pangangailangan nito sa sariwang tubig. Naniniwala ang ilang manunulat na ang higit na pansin at tubig na ibinigay sa mga punungkahoy​—sa ikapipinsala ng mga tauhan​—ang maaaring siyang nag-udyok sa diskontentong mga tauhan upang maghimagsik. Mula sa baybayin ng Tonga, noong madaling-araw ng Abril 28, 1789, si Bligh at ang 18 katao na sumuporta sa kaniya bilang kapitan ay itinaboy palaot habang may nakatutok na patalim. Ang “mga pasaherong” rimas ay malamang na inihagis at hinayaang mamatay sa dagat ng mga naghimagsik na tuwang-tuwa.

Subalit si Bligh ay isang taong hindi agad nasisiraan ng loob. Sinimulan niya ang tinatawag na “pinakabantog na biyahe ng bangkang walang bubong sa kasaysayan ng pandaragat.” Sa loob ng pitong mahihirap na linggo, naglayag siya sakay ng maliit na bangkang ito nang mahigit na 5,800 kilometro, pahilagang-kanluran na dumaraan sa pagitan ng mga pulo na kilala ngayon bilang Fiji, hanggang sa silangang baybayin ng New Holland (Australia), at nakarating sila sa ligtas na dako sa isla ng Timor.

Pagbalik niya sa Inglatera, dalawa pang barko ang inilagay sa ilalim ng pangunguna ni Bligh, sa gayon ay nagbalik siya sa Tahiti upang kunin ang mga puno ng rimas. Sa pagkakataong ito, noong taóng 1792, matagumpay niyang naihatid ang mga 700 “pasahero” na nasa pasô sa mga isla ng St. Vincent at Jamaica sa West Indies. Sa ngayon, ang mga puno ng rimas ay lumalago roon​—namumunga ng isang ani ng ginto, wika nga, sa ilalim ng kanilang luntiang mga dahon.

Bagaman ang biyahe ni Bligh ay tiyak na isang kuwentong epiko tungkol sa pananatiling buháy at paggagalugad, isang bagong kabanata lamang ito sa kasaysayan ng rimas. Kung makapagsasalita lamang ang puno ng rimas, marami itong sasabihing pangyayari libu-libong taon na ang nakalipas nang ito ay dalhin ng sinaunang mga marino sa malalayong biyahe upang manggalugad!

Ang Sinaunang mga Biyahe ng Puno ng Rimas

Naniniwala ang mga arkeologo na nagkaroon ng ilang yugto ng mga pandarayuhan sa gawing kanluran ng Pasipiko, ang pinakauna rito ay nagsimula noong mga 1500 B.C.E. * Nagsimula sa Timog-silangang Asia, ginamit ng mga taong Lapita ang malalaking bangka na may doblihang kasko upang mandayuhan sa mga bansang kilala ngayon bilang Indonesia, New Guinea, New Caledonia, Vanuatu, at Fiji at hanggang sa gitnang Pasipiko. Kalakip sa mga paglalakbay na ito ang kagila-gilalas na mga tagumpay sa paglalayag, kung iisipin na ang ilang biyahe sa pagitan ng mga isla ay nangangahulugan ng pagtawid nang daan-daang kilometro sa karagatan.

Ang mga bangka ng mga Lapita na may doblihang kasko ay makapaglululan ng maraming tao kasama ang kanilang alagang mga hayop, panustos na pagkain, at iba’t ibang binhi, pinutol na mga sanga, at mga halaman na nasa pasô. Habang nagsisipangalat ang mga Lapita sa ibayo ng Pasipiko, natuklasan nila ang mga isla ng Melanesia, Polynesia, at Micronesia sa hilaga at ang New Zealand sa timog at nanirahan sa mga lugar na iyon. Nagsipangalat sila na gaya ng mga alon na tinatangay ng agos palayo hanggang sa makarating sila sa Easter Island at Hawaii. * Saanman sila maglayag, kasama sa kanilang katangi-tanging “mga pasahero” ang matibay na puno ng rimas.

Isang Pagkaing Maraming Gamit at Masustansiya

Sa Fiji ngayon, gaya sa maraming iba pang bahagi ng daigdig, napakahalaga ng rimas dahil sa ito’y masustansiya at murang pagkain. Ang ilang uri ng puno ay matibay at mabunga, anupat namumunga nang mga tatlong beses sa isang taon hanggang sa 50 taon, kahit na ang mga kalagayan ng panahon ay hindi mabuti. Ang prutas ay parang tinapay ang kayarian, at ang maraming uri nito ay may iba’t ibang lasa. Ang lasa ay karaniwang inilalarawan na parang tinapay at patatas. Maaari itong ilaga, pasingawan, ihurno, o iprito, at kadalasang ginagawa itong panghimagas. Maaari itong patuyuin at durugin upang maging harina na gamit sa pagluluto, at kapag inalis ang laman nito at pinakasim, magagamit ito sa loob ng ilang taon.

Ang mga dahon ay maaaring ipambalot sa mga pagkaing gaya ng isda o manok upang mapanatili ang likido at lasa habang niluluto. Nakakain din ang buto na inalisan ng balat at ito’y lasang nuwes. Kung minsan ang dagta ay tinitipon at nginangata ng mga bata na parang chewing gum. Anong pagkasari-sari ng mga gamit nito! Madaling maunawaan kung bakit lalo nang naiibigan ng mga tagaisla ng Pasipiko ang puno ng rimas.

Sinabi sa amin ni Ledua, na nakatira sa Fiji, na ang pagbanggit sa rimas ay nagpapagunita kapuwa sa kaayaaya at malulungkot na alaala noong kaniyang kabataan. May limang malalaking puno ng rimas ang kaniyang pamilya. Atas ni Ledua na walisin ang mga dahon nito sa bakuran, isang gawain na kinaiinisan niya. Sa kabilang dako naman, kadalasan pagkatapos ng klase, sila ng mga kapatid niya ay namumulot ng prutas at ipinagbibili ang marami sa bahay-bahay. Ginagamit naman ng kanilang mga magulang ang mga napagbilhan para sa mga bagay na kailangan nila sa pagdalo sa mga asambleang Kristiyano, gaya ng pagkain, pasahe sa bus, o bagong sapatos.

Marahil nakatira ka sa isa sa maraming bahagi ng lupa na kung saan tumutubo ang “pasaherong” ito na naglakbay na sa maraming lugar at may matayog na pangalang Artocarpus altilis. Maaaring hindi mo naisip noon ang kahanga-hangang nilalang na ito bilang kayamanan o isang bagay pa nga na mahalaga o maganda. Gayunman, para sa marami na nakatira sa Pasipiko ang pangalang rimas ay nagpapagunita sa dakilang mga tagumpay sa dagat at mga biyahe upang manggalugad, ng mga taong Lapita, at ni Kapitan Bligh.

[Mga talababa]

^ par. 7 Tingnan ang artikulong pinamagatang “Kew Gardens​—Sentrong Tagapaglipat ng Tanim Para sa Daigdig,” na lumabas sa Gumising! ng Enero 8, 1989.

^ par. 13 Sabihin pa, ang petsang ito ay batay lamang sa arkeolohiya at hindi isinasaalang-alang ang kronolohiya ng Bibliya.

^ par. 14 Naniniwala ang ilang istoryador na ang ilan sa sinaunang mga manlalakbay na ito sa Pasipiko ay nakarating hanggang sa baybayin ng Peru sa Timog Amerika at sa kanilang biyahe pabalik, dinala naman nila sa Pasipiko ang kamote mula sa Timog Amerika. Kung totoo ito, nangangahulugan ito na ang kamote ay naglakbay sa mga isla sa kabilang direksiyon na nilakbay ng rimas, anupat narating ang Timog-silangang Asia, kung saan nanggaling ang rimas.

[Kahon/Larawan sa pahina 25]

Isang Punungkahoy na Nagbubunga ng Maraming Kaloob

Ang magulang na puno ng rimas ay kagila-gilalas na laging luntian ang dahon. Galing ito sa mga kagubatan ng Malaysia. Bilang miyembro ng pamilya ng Moraceae, kamag-anak ito ng mga puno ng igos, mulberry, at langka. Kapag magulang na, ito ay tumataas nang 12 metro, at tinutubuan ito ng mga usbong na maaaring putulin at itanim. Ang puno ng rimas ay nagkakaroon ng lalaki at babaing mga bulaklak sa magkahiwalay na kumpol. Ang mga bulaklak na ito, na sa likas na kalagayan ay umaasa sa maliliit na mga bayakan para sa kanilang polinisasyon at pagkakalat ng binhi, ay nagiging malalaking bilog o biluhabang mga prutas, na halos kasinlaki ng isang maliit na melon, berde sa labas at kulay krema hanggang ginintuang dilaw naman sa loob.

Ang puno ng rimas ay nagkakaroon din ng napakalalaki, makikintab, matitingkad na berdeng dahon, na nagbibigay ng lilim sa mainit na tropikal na araw. Ang malambot at magaang na kahoy nito ay ginagamit sa paggawa ng muwebles at mga bangka, samantalang ang panloob na balat ng puno ay ginagamit naman kung minsan sa paggawa ng isang uri ng tela na kilala sa buong Pasipiko bilang tapa. Ang malagatas na dagta ay ginagamit bilang isang sangkap para sa waterproof compound, at sa ilang dako ang dagta ay ginagamit bilang pampahid sa mga balíng buto at bilang pandikit pa nga upang makahuli ng mga ibon.

[Larawan sa pahina 24]

Larawang iginuhit ni Robert Dodd na naglalarawan sa paghihimagsik sa “Bounty”

[Credit Line]

National Library of Australia, Canberra, Australia/Bridgeman Art Library

[Mga larawan sa pahina 26]

Maaaring ihanda ang rimas sa maraming iba’t ibang paraan