Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Sanhing Malalim ang Pagkakaugat, Malawak na mga Epekto

Mga Sanhing Malalim ang Pagkakaugat, Malawak na mga Epekto

Mga Sanhing Malalim ang Pagkakaugat, Malawak na mga Epekto

“Nagutom ako at bumuo kayo ng komite upang imbestigahan ang aking pagkagutom. Wala akong tirahan at nagsumite kayo ng ulat hinggil sa aking kaawa-awang kalagayan. Nagkasakit ako at nagdaos kayo ng seminar hinggil sa kalagayan ng mga maralita. Inimbestigahan ninyo ang lahat ng aspekto ng aking kalunus-lunos na kalagayan pero gutom pa rin ako, walang tirahan at may sakit.”​—Hindi kilala ang may-akda.

BAGAMAN marami nang ginawang pagsisikap ang mga ahensiya sa daigdig upang mapahinto ang malnutrisyon, nabigo silang isakatuparan ang mga tunguhing kanilang inaasam. Halimbawa, noong 1996, ang World Food Summit ng Food and Agriculture Organization ng United Nations (FAO) ay nagtakda ng tunguhing pababain nang kalahati ang bilang ng mga tao sa daigdig na kulang sa nutrisyon​—mga 400 milyon katao​—pagsapit ng taóng 2015. *

Kapuri-puri naman, may ilang pagsulong na naisagawa. Subalit nakalulungkot, ganito ang pag-amin ng kamakailang ulat ng FAO na The State of Food Insecurity in the World 2001: “Maliwanag na naging mabagal ang pag-unti ng mga taong kulang sa nutrisyon sa daigdig.” Kaya ang tunguhin ng komperensiyang iyon ay imposible pa ring makamit. Sa katunayan, inaamin ng ulat na “ang bilang ng mga taong kulang sa nutrisyon ay dumami nang husto sa karamihan ng papaunlad na mga bansa.”

Bakit napakahirap talunin ang kaaway na ito? Upang masagot ito, kailangan muna nating bigyang-katuturan ang malnutrisyon at pagkatapos ay suriin ang malawak na mga epekto nito at ang mga sanhi nito na malalim ang pagkakaugat.

Ano ba ang mga Sanhi ng Malnutrisyon?

Ang malnutrisyon ay sanhi ng kakulangan ng sustansiyang sangkap na pumapasok sa mga selula ng katawan, at ito ay karaniwan nang bunga ng kombinasyon ng dalawang salik: (1) hindi sapat na pagkain ng protina, kalori, bitamina, at mineral at (2) malimit na pagkakaroon ng impeksiyon.

Ang mga sakit na gaya ng pagtatae, tigdas, malarya, at mga sakit sa palahingahan ay maaaring lubhang magpahina sa katawan at maging dahilan ng pagkawala ng mga sustansiyang sangkap. Ang mga taong may ganitong mga sakit ay nawawalan ng gana at hindi nagkákakaín at sa gayo’y dumaranas ng malnutrisyon. Sa kabilang panig, ang isang batang kulang sa nutrisyon ay higit na madaling kapitan ng mga impeksiyon. Kaya ang mga ito ay magkaugnay na suliraning nagiging dahilan ng pagdami ng mga namamatay dahil sa protein-energy malnutrition (PEM).

Bakit mas nanganganib ang mga bata na dumanas ng malnutrisyon? Sila ay nasa yugto ng mabilis na paglaki anupat kinakailangan nila ang higit na kalori at protina. Sa katulad na mga dahilan, madaling maapektuhan ng malnutrisyon ang nagdadalang-tao at nagpapasusong mga ina.

Karaniwan na, nagsisimula ang malnutrisyon ng isang sanggol bago pa man ito ipanganak. Kung ang ina ay kulang sa nutrisyon o kapos sa masustansiyang pagkain bago at sa panahon ng pagdadalang-tao, magiging magaan ang timbang ng isang sanggol. Pagkatapos, ang maagang pag-awat, di-wastong mga kaugalian sa pagpapakain, at kawalan ng kalinisan ay maaaring magdulot ng malnutrisyon.

Ang kakulangan sa mahahalagang sustansiyang sangkap ay makahahadlang sa wastong paglaki at pagsulong ng bata. Nagiging iyakin at sakitin ito. Habang lumalala ang kalagayan, lalong nagiging kapansin-pansin sa bata ang pagbaba ng timbang, pangangalumata at paglubog ng bumbunan (ang malambot na bahagi sa ibabaw ng ulo ng sanggol), panunuyô ng balat at mga himaymay, at paghina ng kakayahang mapanatili ang temperatura ng katawan.

Ang kakulangan sa nutrisyon ay maaari ring mahalata sa iba pang paraan. Makahahadlang din ito sa paglaki ng mga bata. Halimbawa, ang kakulangan sa mineral​—pangunahin na ang iron, iodine, at zinc​—at ang mga bitamina​—partikular na ang bitamina A​—ay maaaring magbunga ng gayong epekto. Binanggit ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) na ang kakulangan sa bitamina A ay nakaaapekto sa halos 100 milyong maliliit na bata sa daigdig at nagiging sanhi ng pagkabulag. Pinahihina rin nito ang sistema ng imyunidad, anupat pinabababa ang resistensiya ng bata sa mga impeksiyon.

Malawak na mga Epekto

Sinisira ng malnutrisyon ang katawan, partikular na ang katawan ng isang bata. Ang bawat sangkap at sistema ng katawan​—kasali na ang puso, mga bato, sikmura, bituka, baga, at utak​—ay maaapektuhan.

Ipinakikita ng iba’t ibang pag-aaral na ang mabagal na paglaki ng isang bata ay nauugnay sa mabagal na pag-unlad ng isip at pagiging mahina sa pag-aaral at kakayahang mag-isip. Tinatawag ng isang ulat ng United Nations ang mga epektong ito na pinakamalubha at nagtatagal na mga epekto ng malnutrisyon.

Maaaring danasin ng mga batang nakaligtas sa malnutrisyon ang mga epekto nito hanggang sa pagkaadulto. Kaya nga ganito ang malungkot na nasabi ng UNICEF: “Ang pagbaba ng dunong ng tao sa gayon kalaking antas​—na halos lubusan namang maiiwasan ang mga sanhi​—ay isang napakalaking pagsásayáng, napakabuktot pa nga at isang kabiguang gamitin ang isang bagay sa kapaki-pakinabang na paraan.” Kaya lubhang ikinababahala ang pangmatagalang mga bunga ng malnutrisyon. Iniuugnay ng isang pananaliksik kamakailan ang kakulangan ng nutrisyon mula sa pagkasanggol sa posibilidad ng pagkakaroon ng nagtatagal na mga sakit na gaya ng sakit sa puso, diyabetis, at alta presyon kapag ang isa ay naging adulto.

Gayunman, ang pinakamalubhang problema ay hindi ang malalang malnutrisyon, gaya ng inamin ng UNICEF: “Mahigit tatlong-kapat ng mga namatay dahil sa malnutrisyon ay sinasabing hindi sanhi ng malubhang malnutrisyon kundi ng di-malala at di-gaanong malubhang mga anyo nito.” (Amin ang italiko.) Ang mga batang dumaranas ng di-malala o di-gaanong malubhang malnutrisyon ay baka magkaroon ng pangmatagalang mga problema sa kalusugan bilang resulta nito. Kaya nga napakahalagang mapansin ang mga sintomas ng kakulangan ng nutrisyon sa mga bata upang magamot ito nang wasto.​—Tingnan ang kahon sa pahina 7.

Mga Sanhing Malalim ang Pagkakaugat

Gaya ng nabanggit na, ang tuwirang sanhi ng malnutrisyon ay ang kakulangan sa pagkain. Subalit mayroon pa itong mas seryosong panlipunan, pang-ekonomiya, pangkultura, at pangkapaligirang mga sanhi. Pangunahin sa mga ito ang kahirapan, na nakaaapekto sa milyun-milyong tao, partikular na sa papaunlad na mga bansa. Gayunman, bukod sa pagiging sanhi ng malnutrisyon, ang kahirapan ay isa rin namang bunga nito, palibhasa’y pinahihina ng kakulangan ng nutrisyon ang pagkamabunga ng mga tao, at sa gayo’y pinalalala pa ang kahirapan.

May iba pang mga salik na nagiging dahilan ng malnutrisyon. Ang kakulangan ng kaalaman ay nagbubunga ng di-wastong mga kaugalian sa pagkain. Ang mga impeksiyon, gaya ng nakita natin, ay may papel ding ginagampanan. Mayroon ding panlipunan at pangkulturang mga sanhi, gaya ng di-pantay na pamamahagi ng pagkain at diskriminasyon sa kababaihan. Pangkaraniwan nang ang mga babae ang kumakain nang “pinakahuli at pinakakaunti”​—iyon ay, pagkatapos ng mga lalaki at mas kaunti ang nakakain kaysa sa mga lalaki. Pinagkakaitan din ang kababaihan ng mga pagkakataong makapag-aral na makatutulong sana sa kanila upang mapangalagaan nang mas mahusay ang kanilang mga anak.

Karagdagan pa, ang pangkapaligirang mga salik ay nakapagpapahina sa produksiyon ng pagkain. Kabilang sa mga ito ang likas na mga kasakunaan at digmaan. Ayon sa The State of Food Insecurity in the World 2001, mula lamang noong Oktubre 1999 hangang Hunyo 2001, 22 bansa na ang napinsala dahil sa tagtuyot, 17 dahil sa mga buhawi at baha, 14 dahil sa digmaan o labanang sibil, 3 dahil sa napakatinding taglamig, at 2 dahil sa paglindol.

Paggamot at Prebensiyon

Paano magagamot ang isang batang dumaranas ng malnutrisyon? Kung malala ang kakulangan ng bata sa nutrisyon, baka ang pinakamainam na panimulang paggamot ay ipaospital ang bata. Ayon sa isang manwal ng mga manggagamot na inilathala ng World Health Organization, susuriin ng mga doktor ang kalagayan ng bata at gagamutin ang anumang impeksiyon o pagkatuyo ng tubig sa katawan nito. Ang pagpapakain ay maaaring pasimulan nang unti-unti, na karaniwang ginagamitan ng isang maliit na tubong ipinapasok sa ilong hanggang sa sikmura. Ang panimulang yugtong ito ay maaaring tumagal nang mga isang linggo.

Ang susunod namang yugto ay ang rehabilitasyon. Muling pinaiinom ang bata ng gatas ng ina at hinihimok na kumain hangga’t maaari. Mahalagang mapalakas ang emosyon at pangangatawan ng bata sa yugtong ito. Nakagugulat ang mabubuting epekto ng mapagkalingang pag-aaruga at pagmamahal sa paglaki ng bata. Ito ang pagkakataon na maaari nang turuan ang ina kung paano pangangalagaan ang kaniyang anak sa pamamagitan ng wastong pagkain at kalinisan, upang huwag muling magkasakit ang bata. Pagkatapos ay mailalabas na ang bata sa ospital. Mahalaga na dalhin ang bata sa ospital o klinika para matingnan muli ng doktor.

Gayunman, maliwanag na ang prebensiyon ang pinakamainam na dapat gawin. Kaya nga sa maraming bansa, ang pamahalaan at pribadong mga organisasyon ay nagtatag ng mga programa ng food supplementation o mga programa para sa pagsasangkap ng higit na sustansiya sa mga pagkaing karaniwang binibili ng mga tao. Ang mga komunidad ay nakatutulong din sa prebensiyon ng malnutrisyon sa maraming paraan, gaya ng pagkakaroon ng mga programa hinggil sa edukasyong pangnutrisyon, pagpapanatiling malinis sa suplay ng maiinom na tubig, pagtatayo ng mga palikuran, pagpapanatiling malinis sa kapaligiran, pagtataguyod ng mga kampanya sa pagbabakuna, at pagsubaybay sa paglaki at pagsulong ng mga bata.

Subalit ano ang magagawa ng mga indibiduwal upang maiwasan ang malnutrisyon? Ang kahon sa pahina 8 ay may ilang nakatutulong na mga mungkahi. Karagdagan pa, inirerekomenda ng nutrisyonista sa mga bata na si Georgina Toussaint na bumalik ang ina sa kaniyang pediatrician o klinikang pangkalusugan pitong araw pagkasilang ng kaniyang anak, kapag isang buwan na ang sanggol, at bawat buwan pagkatapos nito. Dapat ding patingnan ng ina ang bata sa isang propesyonal na nangangalaga ng kalusugan kung makikita sa bata ang mga sintomas ng pagkatuyo ng tubig sa katawan, malubhang pagtatae, o lagnat.

Bagaman nakatutulong ang mga rekomendasyong ito upang mapabuti ang pagkain ng mga bata, dapat nating tanggapin na ang malnutrisyon ay isang malaking problema​—napakalaki anupat hindi ito kayang lutasin ng mga pagsisikap ng tao. Ganito ang pag-amin ng Encyclopædia Britannica: “Gayunman, ang pagsusuplay ng sapat na pagkain at edukasyong pangnutrisyon sa lahat ng tao ay nananatiling isang mabigat na problema.” Kung gayon, may pag-asa pa bang magwakas ang “tahimik na krisis” na ito?

[Talababa]

^ par. 3 Para sa higit pang impormasyon hinggil sa World Food Summit, tingnan ang Agosto 8, 1997, labas ng Gumising! pahina 12-14.

[Kahon sa pahina 7]

KULANG BA SA NUTRISYON ANG INYONG ANAK?

Paano ba sinusuri ng mga propesyonal sa kalusugan ang nutrisyonal na kalusugan ng isang bata? Maaari silang magsagawa ng pagsusuri sa iba’t ibang sintomas, magtanong hinggil sa mga kinagawian sa pagkain, at humiling na isagawa ang isang pagsusuri sa laboratoryo. Gayunman, mas madalas silang umasa sa tuwirang pagkuha ng sukat at timbang ng bata. Sinusukat nila ang katawan ng bata at inihahambing ito sa nakatalang mga sukat na nasa pinagbabatayang mga pamantayan ng sukat. Tumutulong ito sa kanila na malaman ang uri at kalubhaan ng malnutrisyon.

Ang pinakamahalagang mga sukat ay ang timbang, taas, at ang laki ng bisig. Malalaman ang antas ng kakulangan sa nutrisyon kapag pinaghambing ang taas ng bata sa edad nito; kung ito ay malala, ang bata ay payat na payat at halos buto’t balat. Itinuturing na malala ang karamdaman kung ang timbang ng bata ay mahigit 40 porsiyentong mas mababa kaysa sa normal na timbang, di-gaanong malubha kung ito ay 25 hanggang 40 porsiyentong mas mababa, at di-malala kung ito ay 10 hanggang 25 porsiyentong mas mababa. Ang napakababang tumbasan ng taas at edad ay maaaring magpahiwatig ng malalang kakulangan sa nutrisyon​—napipigilan ang paglaki ng bata.

Ang pinakamalubhang mga anyo ng protein-energy malnutrition (PEM) ay ang marasmus, kwashiorkor, at ang kombinasyon ng dalawang ito. Ang pinasususong mga sanggol na nasa pagitan ng 6 at 18 buwang gulang ang karaniwang dumaranas ng marasmus (unti-unting pangangayayat). Sa umpisa, makikitang ito’y malubhang kakulangan lamang sa kalori at mga sustansiyang sangkap hanggang sa ito’y lumala dahil sa di-sapat na pagpapasuso o paggamit ng napakalabnaw na mga panghalili sa gatas ng ina. Labis na bumababa ang timbang ng bata, pumapayat ito anupat siya’y nagiging halos buto’t balat na, at naaantala ang kaniyang paglaki. Gayundin, ang sanggol ay nagiging “mukhang matanda na,” bugnutin, at napakaiyakin.

Ang terminong kwashiorkor, na kinuha mula sa salitang Aprikano, ay nangangahulugang “batang pinaalis sa puwesto.” Tumutukoy ito sa isang bata na inagawan ng kaniyang bagong-silang na kapatid sa gatas ng ina. Lumilitaw ang sakit na ito matapos na ang sanggol ay awatin, at bagaman kalakip dito ang kakulangan sa kalori, ito ay talagang sanhi ng malubhang kakulangan sa mga protina. Pinipigilan nito ang paglabas ng tubig sa katawan ng isa, na nagiging dahilan upang magmukhang namamaga ang mga paa, kamay at tiyan ng bata. Kung minsan ay naaapektuhan din nito ang mukha, anupat ito’y nagiging bilugán. Nagkakasugat-sugat ang balat at nagbabago ang kulay at hilatsa ng buhok ng isa na may sakit nito. Namamaga ang atay ng mga batang dumaranas ng ganitong karamdaman at sila’y walang sigla at malulungkutin. Ganiyan ang kalagayan ni Erik, na nabanggit sa simula, na pinasuso ng kaniyang ina sa loob lamang ng isang buwan pagkapanganak sa kaniya; pagkatapos ay pinainom siya nito ng napakalabnaw na gatas ng baka. Pagsapit ng ikatlong buwan, pinakain siya ng mga sopas na gulay at tubig na may asukal at pinaalagaan na lamang sa isang kapitbahay.

Ang ikatlong uri ng PEM ay may mga sintomas kapuwa ng marasmus at kwashiorkor. Nakamamatay ang lahat ng sakit na ito kung hindi kaagad malulunasan.

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

INGATAN ANG INYONG ANAK MULA SA MALNUTRISYON!

◼ Mahalaga na pagbutihin ang pagkain ng isang ina. Ang nagdadalang-tao at nagpapasusong kababaihan ay kinakailangang kumain ng mas maraming kalori at protina. Partikular na tumutulong ang protina sa paggawa ng gatas ng ina. Kaya kung kakaunti ang pagkain, bigyang priyoridad ang mga babaing nasa edad na upang magkaanak at ang maliliit na bata.

◼ Sa halos lahat ng kalagayan, ang pinakamainam na pagkain ng isang sanggol ay ang gatas ng kaniyang ina. Lalo na itong totoo sa mga unang araw pagkapanganak yamang ang gatas ng ina ay nagtataglay ng mga antibody na magsasanggalang sa sanggol mula sa impeksiyon. Sa loob ng unang apat na buwan o mahigit pa, ang gatas ng ina ay naglalaan ng lahat ng sustansiyang sangkap na kinakailangan ng sanggol upang lumaki at sumulong nang wasto.

◼ Sa pagitan ng ikaapat at ikaanim na buwan, handa nang tumanggap ang sanggol ng iba pang mga pagkain, bagaman ang gatas pa rin ng ina ang pangunahin nitong pagkain. Unti-unti siyang pakainin ng niligis na mga prutas at gulay. Subukan munang pakainin ang sanggol ng isang klase ng pagkain. Pagkalipas ng dalawa o tatlong araw, kapag nakasanayan na ang pagkaing iyon, patikimin naman siya ng iba pa. Mangyari pa, kadalasang kinakailangan ang tiyaga at maraming pagsisikap bago magustuhan ng sanggol ang isang bagong pagkain. Kapag inihahanda ang gayong pagkain, tandaan na lahat ng bagay ay kailangang maging malinis na malinis! Hugasang mabuti ang mga pagkain at kagamitan!

◼ Sa pagitan ng ikalima at ikasiyam na buwan, karaniwan nang nangangailangan ang sanggol ng mas maraming kalori at protina na hindi maitutustos ng gatas lamang. Patuluyan at may-pagtitiyagang pakainin ang bata ng iba pang mga pagkain. Maaaring subukan muna ang pambatang mga pagkain na binutil at mga gulay, at pagkatapos ay karne naman at mga produktong mula sa gatas. Samantalang kinakailangan pang salain ang una nitong mga pagkain, maaaring tadtarin na lamang ito nang pino, mula sa ikaanim na buwan ng sanggol patuloy. Ang pagdaragdag ng asin o asukal ay hindi kinakailangan ni inirerekomenda man.

◼ Pagkalipas ng walong buwan, hindi na ang gatas ng ina ang pangunahing pagkain ng sanggol kundi isa na lamang itong kapupunan. Maaari nang kumain ang sanggol ng mga pagkaing kinakain ng ibang miyembro ng pamilya. Kailangang panatilihing lubos na malinis ang pagkain, at kailangan itong tadtarin nang pino para mas madaling nguyain. Kabilang sa angkop na mga pagkain ay ang mga prutas at gulay, mga binutil at butong-gulay, at karne at mga produktong mula sa gatas. * Partikular nang kinakailangan ng mga bata ang mga pagkaing mayaman sa bitamina A. Ang ilang halimbawa ng mga pagkaing ito ay ang gatas ng ina, matingkad na berdeng madahong mga gulay, at ang kulay-kahel at dilaw na mga prutas at mga gulay na gaya ng mangga, karot, at papaya. Ang mga bata na wala pang tatlong taóng gulang ay kailangang kumain nang lima o anim na beses sa maghapon.

◼ Ang mga pagkaing napakarami ang pagkakasari-sari na inihanda sa iba’t ibang kombinasyon ay naglalaan ng mga sustansiyang sangkap na magsasanggalang sa inyong sanggol. Dapat magtuon ng pansin ang ina sa paglalaan sa kaniyang anak ng pagkaing may mainam na kalidad, anupat hindi pinipilit ang bata na kumain kung busog na ito ni ipinagkakait man ang pagkain sa bata kung mukhang nais pa nitong kumain.

[Talababa]

^ par. 43 Makasusumpong ka ng higit pang impormasyon sa artikulong “Masustansiyang mga Pagkain na Maaari Mong Makuha,” sa Mayo 8, 2002, labas ng Gumising!

[Larawan]

Sumasang-ayon ang mga eksperto na ang gatas ng ina ang halos laging pinakamainam na pagkain para sa isang bagong-silang

[Credit Line]

© Caroline Penn/Panos Pictures

[Larawan sa pahina 7]

Mga batang kumakain ng nilugaw na trigo at gulay sa isang paaralan sa Bhutan

[Credit Line]

FAO photo/WFP Photo: F. Mattioli

[Larawan sa pahina 9]

Makagagawa ka ng mga hakbang upang mapabuti ang pagkain ng iyong anak

[Credit Line]

FAO photo