Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Mahuhusay na Manggagaya

Sinasabing maaaring gayahin ng mga ibong martines ang huni ng mahigit sa 40 iba’t ibang ibon. Subalit hindi lang iyon ang kaya nilang gawin. Napansin na ginagaya ng karaniwang martines ang tunog ng mga bus, sirena, lagaring de-motor, alarma ng kotse, tupa, at kahit ang humahalinghing na mga kabayo. Subalit ngayon ay nadagdagan pa ang tunog na kaya nilang gayahin​—ang kiriring ng mga cell phone. Kaya “kapag nakarinig ka ng cell phone na kumiriring buhat sa labas, baka magulat ka na ang ‘cell phone’ ay may mga balahibo,” ang ulat ng magasing National Geographic. “Habang dumarami ang mga cell phone, malamang na dumami pa ang tunog na matutularan ng mga mocking bird, mayna, at ng iba pang mga manggagaya,” ang sabi ng magasin.

“Mahirap na Trabaho Para sa Utak ang Pagsisinungaling”

Natuklasan ng mga mananaliksik sa University of Pennsylvania na mas nahihirapang magtrabaho ang utak kapag nagsisinungaling kaysa kapag nagsasabi ng totoo. Nagsagawa ng pag-aaral si Dr. Daniel Langleben hinggil sa kababalaghang ito sa pamamagitan ng paggamit ng isang functional magnetic resonance imaging (fMRI) na makina upang matukoy kung aling bahagi ng utak ang gumagana kapag nagsisinungaling ang isang tao. Kapag napaharap sa isang tanong, kailangan munang iproseso ito ng ating utak. Pagkatapos, “halos sa pamamagitan ng likas na ugali, iisipin muna ng isang sinungaling ang tamang sagot bago lumikha o magsabi ng maling sagot,” ang ulat ng The News ng Mexico City. “Ang utak ay napipiga sa kaiisip ng isasagot,” ang sabi ni Langleben. “Ang proseso ng pagsasabi ng isang kasinungalingan ay higit na masalimuot kaysa sa pagsasabi ng katotohanan, na nagdudulot ng higit na gawain sa neuron.” Ang higit na gawaing ito ng neuron ay makikita sa isang fMRI na tulad ng liwanag ng bombilya. “Kahit pa nga sa matamis ang dila, mahirap na trabaho para sa utak ang pagsisinungaling,” ang sabi ng pahayagan.

Dumaraming Reserba ng mga Sandata sa Daigdig

Noong 2001, tinatayang 639 na milyong maliliit na armas ang nasa kamay ng mga pulis, militar, rebeldeng puwersa, at mga indibiduwal sa buong daigdig, ang ulat ng Small Arms Survey 2002, isang pag-aaral na tinustusan ng UN. “Ito ay mas mataas nang di-kukulangin sa 16 na porsiyento kaysa sa naunang pagtaya,” ang sabi ng Survey. Karagdagan pa, ang reserba ng maliliit na armas sa daigdig ay dumarami nang humigit-kumulang sa 1 porsiyento bawat taon bunga ng bagong mga produksiyon. Sa kasalukuyan, ang mga pistola, riple, kanyon, at mga rocket launcher na napapasan sa balikat ay ginagawa ng mga 1,000 kompanya sa mahigit na 98 bansa sa buong daigdig. Ayon sa ulat, “ang [kabuuang] halaga na ginugugol sa paggawa ng maliliit na armas sa daigdig, kasali na ang munisyon, noong taóng 2000 . . . ay tinatayang di-kukulangin sa 7 bilyong dolyar (U.S.).” Mula 80 hanggang 90 porsiyento ng pandaigdig na kalakalan ng maliliit na armas ay legal, na ang pinakamalaking bilang ng mga sandata (59 na porsiyento) ay pag-aari ng mga sibilyan.

Magkahalong Usok at Ulap na Pumapatay

“Halos sangkalima ng lahat ng namatay sa kanser sa baga sa mga lunsod ay dulot ng maliliit na butil ng polusyon, na karamihan sa mga ito ay nagmumula sa mga tambutso ng sasakyan,” ang ulat ng magasing New Scientist. Sinubaybayan ng mga mananaliksik sa Estados Unidos at Canada ang buhay ng halos kalahating milyong Amerikano sa loob ng 16 na taon, na isinasaalang-alang ang mga sanhi ng panganib na gaya ng edad, kasarian, lahi, kasaysayan sa paninigarilyo, pagkain, pag-inom ng alak, at pagkahantad sa polusyon sa trabaho. “Ang pagsasaliksik ay nagtuon ng pansin sa pagkaliliit na butil na wala pang 2.5 mikrometro ang diyametro,” ang sabi ng New Scientist, dahil “ang pagkaliliit na butil na ito ay ipinalalagay na nakamamatay kapag nakapasok sa kaloob-looban ng baga.” Natuklasan ng pag-aaral na ang panganib sa pagkakahantad sa magkahalong usok at ulap sa ilang lunsod ay “maihahambing sa mga panganib na dulot ng matagal na pagkakalanghap sa usok ng sigarilyo na ibinuga ng iba,” ang sabi ng magasin.

Di-nairehistrong mga Pagsilang

“Hindi nairerehistro ang pagsilang ng mahigit sa 50 milyong bata taun-taon​—mahigit sa 40 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga pagsilang sa buong daigdig,” ang ulat ng United Nations Children’s Fund (UNICEF). Idinagdag pa nito: “Sa 39 na bansa, di-kukulangin sa 30 porsiyento ng lahat ng bata ang hindi nairehistro nang isilang sila at sa 19 na bansa ang katumbas nito ay di-kukulangin sa 60 porsiyento.” Ano ang ibig sabihin nito? Kung walang sertipiko ng kapanganakan, hindi legal na kikilalanin ang mga bata, at maaaring limitahan nito ang kanilang pagtatamo ng mahahalagang serbisyong pantao. “Ang pagrerehistro ng kapanganakan ay isang saligang karapatang pantao, na nagpapangyari upang makamit ang iba pang mga karapatan gaya ng edukasyon, pangangalaga sa kalusugan, . . . at proteksiyon mula sa diskriminasyon, pang-aabuso at pagsasamantala,” ang sabi ng UNICEF. At ang mga problema dahil sa hindi nairehistrong mga pagsilang ay hindi lamang limitado sa mga bata. “Sa kalaunan, ang mga adultong hindi nairehistro ay maaaring hindi makakuha . . . ng lisensiya para sa pag-aasawa,” ang sabi ng ulat.

Nagbabantang “Masaid ang Ekolohiya”

Tinataya ng mga siyentipiko na kung magpapatuloy ang paggamit sa likas na mga yaman ng lupa sa kasalukuyang bilis, “malapit nang masaid ang ating ekolohiya,” ang ulat ng pahayagang Globe and Mail ng Canada. Sang-ayon sa isang pag-aaral na unang inilathala sa babasahing Proceedings of the National Academy of Sciences, tinataya na noong 1961, “nagamit na ng mga tao ang 70 porsiyento ng taunang kakayahan ng planeta sa biyolohikal na pagkamabunga. Noong 1999, ito ay nasa 120 porsiyento na. Sa ngayon, umaabot na ito sa 125 porsiyento.” Nangangahulugan ito na gugugol ang lupa ng 15 buwan “upang bumuti uli ang likas na mga yaman na ginagamit ng tao” sa pamamagitan ng pangingisda, pagsasaka, pagmimina, at pagsunog ng mga fossil fuel taun-taon. “Ang isang dahilan kung bakit lalong nagiging mabilis ang paglubha ng situwasyon ay sapagkat humihina ang biyolohikal na kakayahan ng planeta yamang ang ilang lupain ay labis nang napinsala anupat hindi na makapagpatubo ng mga pananim. Masahol pa riyan, ang mga pangangailangan sa biyolohikal na kakayahang iyon ay tumataas habang ang populasyon ng daigdig ay lumalaki,” ang sabi ng pahayagan.

Ibang Gamit ng mga Simbahan

“Nang dumalaw si Mark Twain sa Montreal noong 1881, sinabi niya na ‘hindi ka makapaghahagis ng isang ladrilyo nang hindi nakababasag ng salamin ng simbahan.’ Sa ngayon, maaari mong mabasag ang bintana ng isang kondominyum na matatagpuan sa dating kinatitirikan ng simbahan,” ang sabi ng pahayagang The Gazette ng Montreal. Bagaman ang lunsod ay mayroon pa ring mga 600 dako ng pagsamba, sinabi ng pahayagan na halos 100 sa mga ito, na karamihan ay sa mga Katoliko, ay maaaring ipagbili sa susunod na dekada. “Ayon sa Artsidiyosesis ng Montreal, mga 25 parokyang Katoliko ang nagsara mula noong 1960.” Ang populasyon ng mga Katoliko sa Canada ay dumami mula 1.5 milyon noong 1871 hanggang halos 10 milyon noong 1971; subalit, “ang bilang ng mga nagsisimba ay bumulusok, lalo na sa Quebec,” ang sabi ng The Gazette. Sa pahayagang iyon, sinabi ni Bernard Fortin, ang nangangasiwa sa pagpaplano ng gawaing pagpapastol para sa Artsidiyosesis ng Montreal, na ang bilang ng mga nagsisimba sa lugar na iyon ay bumaba mula 75 porsiyento noong 1970 hanggang halos 8 porsiyento sa ngayon.

Mga Sakit na Nauugnay sa Pagkain Dahil sa Telebisyon

Sang-ayon sa isang ulat ng The Independent ng London, “may malaking kaugnayan ang telebisyon sa mga sintomas ng mga sakit na nauugnay sa pagkain ng mga kabataang babae.” Kinapanayam ni Dr. Anne Becker ng Harvard Medical School, sa Estados Unidos, ang mga adultong babae sa Fiji di-nagtagal pagkatapos magkaroon ng telebisyon doon noong 1995. Natuklasan niya na ang telebisyon “ay may masamang epekto hinggil sa konsepto kung ano talaga ang dapat maging hitsura ng iyong katawan at sa sakit na nauugnay sa pagkain dahil sa paggawi ng isa.” Paano? Karaniwan nang pinasisigla ng kulturang Fijiano na maging magana sa pagkain at magkaroon ng malaking bulas ng pangangatawan. Subalit nang mapanood ang mga artista sa telebisyon na may balingkinitang pangangatawan, karamihan sa mga estudyanteng babae ay naudyukang gayahin sila. Halimbawa, bago magkaroon ng telebisyon sa Fiji, walang isa man sa mga babaing iyon ay sinasadya ang pagsuka upang kontrolin ang kaniyang timbang. Gayunman, pagkalipas ng tatlong taon, iniulat na 11.3 porsiyento ang gumagawa ng gayon. Natuklasan din ng mga mananaliksik na 69 na porsiyento sa mga estudyanteng babae ang nagsabi na sila ay nagdiyeta para mabawasan ang timbang, at halos 75 porsiyento ang nagsabi na nadarama nilang sila’y “masyadong malaki o mataba.”