Ang Hiwaga ng Cahokia
Ang Hiwaga ng Cahokia
KAPAG nag-iisip ka tungkol sa makasaysayang mga lunsod, alin ang pumapasok sa isip mo? Roma, London, Paris? Kumusta ang Cahokia? ‘Cahokia?’ baka itanong mo. Oo, Cahokia—nasa Illinois, 13 kilometro sa silangan ng St. Louis, Missouri, E.U.A. * Sa pagiging malaki, maunlad, at sa pagkakaroon ng magandang disenyo, itinuring ito bilang namumukod-tanging lunsod ng mga Amerikanong Indian sa loob ng 500 taon. Sa tugatog ng kaunlaran nito, noong mga 1150 C.E., ang Cahokia ay mas malaki pa noon sa London o Roma.
Sa nasasaklaw nitong mahigit na 13 kilometro kuwadrado, ayon sa isang reperensiya, ang Cahokia ay “walang-alinlangang siyang pinakamalaking lunsod sa gawing hilaga ng Mexico bago pa magkaroon ng nakasulat na kasaysayan.” (Encyclopedia of North American Indians) Karagdagan pa, masusumpungan sa kahabaan ng libis ng Ilog Mississippi ang mga labí ng mga bunton ng lupa—piping tagapagpaalaala na minsan ay umiral dito ang isang maunlad na sibilisasyon. Sa katunayan, ang St. Louis mismo ay binigyan ng palayaw na Lunsod ng mga Bunton bago sirain ang 26 na bunton sa sakop na hanggahan nito dahil sa pagpapalawak ng lunsod.
Protektado at Makasaysayang Lugar
Itinuturing ng ilang Katutubong Amerikano na sa Cahokia matatalunton ng maraming tribo ang kanilang pinagmulan. Sinasabi sa aklat na The Native Americans na “ang mga inapo ng manggagawa-ng-bunton na mga taga-Mississippi ang naging mga Chickasaw, Seminole, at Choctaw.” Sinasabi naman ng ibang reperensiya na sila ang mga ninuno ng mga Creek, Cherokee, Natchez, at iba pa.
Dati-rati, may 120 bunton ng lupa sa Cahokia. Pero ngayon, pagkatapos ng maraming taon ng pagsasaka at pagpapalawak ng lunsod sa lugar na iyon, 80 na lamang ang natitira. Sa mga ito, 68 ang nasa mga hangganan ng kasalukuyang 890-ektaryang lugar na iyon.
Mula 1925, iningatan na ang Cahokia bilang isang Illinois State Historic Site. At noong 1982, itinalaga ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization ang Cahokia Mounds bilang isang World Heritage na lugar dahil sa kahalagahan nito sa ikauunawa ng sinaunang kasaysayan ng Hilagang Amerika.
Bakit Dito?
Noon pa mang 700 C.E., ang lugar sa palibot ng Cahokia ay pinaninirahan na ng mga Indian mula sa huling bahagi ng kulturang Woodland. Gayunpaman, ang mga bunton ay ginawa lamang pagkalipas pa ng mga 200 taon. Bakit kaya rito itinayo ang Cahokia? Katulad din ng dahilan ng pagkakatayo ng St. Louis sa karatig nito. Ang lugar na iyon ay malapit sa mga interseksiyon ng tatlong malalaking ilog—ang Mississippi, ang Missouri, at ang Illinois—sa matabang kapatagan na binabaha na tinatawag ng mga heologo na American Bottom.
Ang mga ilog at mga sanga-sanga nito ay punô ng mga isda at nandarayuhang mga ibong pantubig. Ang nakapalibot na mga kakahuyan ay nagsusuplay hindi lamang ng mga troso kundi pati ng mga hayop, lalo na ng mga usang may puting buntot—ang pangunahing pinagkukunan ng karne. Ang iba pang likas na yaman, gaya ng basalto, mapulang bakal, galena, at granito, ay nanggagaling sa karatig na Ozark Plateau. At ang kalapít na kaparangan ay nagsusuplay naman ng maraming nagtataasang damo na ginagamit sa paggawa ng mga bahay at iba pang mga istraktura para sa pinakamataas na bilang ng populasyon na marahil 20,000 o higit pa. Ang binabahang kapatagan ay inaanihan ng napakaraming bunga, kasali na ang mais, amaranto, kalabasa, at mirasol (sunflower). Nakapangunguha rin ang mga taga-Cahokia ng mga pecan, hickory nut, blackberry, at ligáw na mga plum. Bukod diyan, nakapagnenegosyo sila sa maraming lugar dahil sa mga ilog na ito. Ang mga kabibi ng Gulpo ng Mexico, mga tanso ng rehiyon ng North American Great Lakes, at mga mica ng Appalachian Mountains ay natuklasang lahat sa Cahokia.
Ang Buhay at Paniniwala ng mga Taga-Cahokia
Sa isang gusaling pampanauhin sa lugar na ito ay makikita ang isang kasinlaki-ng-taong displey na nagpapakita ng karaniwang mga ginagawa sa Cahokia, pati na ang pagbabalat ng usa at paggiling ng mais. Ang kaalaman sa pagtatanim ng mais, na tinambalan ng nakukuhang iba pang likas na yaman, ang naging pundasyon ng sibilisasyon ng Cahokia.
Inilarawan ng isang arkeologo ang Cahokia bilang “Jerusalem ng Hilagang Amerika,” yamang waring naimpluwensiyahan ng relihiyon ang bawat aspekto ng lipunan nito. Sinasabi naman ng iba pang reperensiya na “sa karurukan ng pag-unlad
nito (A.D. 1000-1150) ang Cahokia ay naging tahanan ng isang lubusang sentralisadong teokrasya.” Ipinakikita ng mga natuklasan ditong mga sinaunang gawang-sining na kung para sa mga taga-Cahokia, ang relihiyon at ang lipunan ay hindi puwedeng paghiwalayin. Ayon sa aklat na Cahokia—City of the Sun, “ang kanilang daigdig ay lipos ng nagkakasalungatang puwersa—dilim at liwanag, kaayusan at kaguluhan, kabutihang ginagantimpalaan at kasamaang pinarurusahan.”Ang mga taga-Cahokia ay naniniwala sa kabilang-buhay. Kaya naman, ang mga patay ay inililibing nang may karangalan at karaniwan nang may mararangyang seremonya, lalo na sa mayayaman. Ang ilan sa kanilang mga bunton ay mga libingan at maaaring ang gamit nito ay nakakatulad niyaong sa mga piramide ng Ehipsiyong mga Paraon.
Pamamasyal sa Dako ng mga Bunton
Suriin natin ang mga bunton. Bagaman iba’t iba ang sukat at hugis ng mga ito, ang lahat ay pawang yari sa lupa, na nakalagay sa mga basket habang inihahatid sa lugar ng pinaggagawaan ng mga bunton. Tinatayang lahat-lahat, mga 1.5 milyong metro kubiko ng lupa ang dinala sa ganitong paraan!
May tatlong uri ng mga bunton: nakapalupong mga bunton, na posibleng nagsilbing mga pananda ng lugar, bagaman ang ilan ay naglalaman ng mga puntod; nakabalisungsong na mga bunton, na posibleng ginamit ding libingan; at palapád na mga bunton,
na ang taas ay mula sa mga isang metro hanggang 30 metro at nagsilbing pinakapundasyon sa pagtatayo ng mga gusali. Kadalasang nakatayo sa ibabaw ng palapád na mga bunton ang mga templo, gusaling pulungan, o tirahan ng mga miyembro ng mayayaman.Ang una nating destinasyon, ang tinatawag na Mound 72, ay itinayo sa ibabaw ng tatlong mas maliliit na libingang bunton. Ito ay 43 metro ang haba, 22 metro ang luwang at wala pang 2 metro ang taas. Kung ihahambing sa ibang mga bunton, hindi ito kalakihan, pero napagkukunan naman ito ng pagkarami-raming mahahalagang sinaunang gawang-sining na nagbigay-linaw tungkol sa Cahokia. Nasa loob ng bunton ang puntod ng isang lalaki na malamang na naging prominenteng lider, dahil sa halos 20,000 butil ng kabibi mula sa Gulf Coast na inilatag bilang higaan niya. Karagdagan pa, ang mga handog na isinasama sa libing, lakip na ang 800 talim ng panà, 15 malulukong na bato na ginagamit sa mga laro ng mga Indian, isang malaking tumpok ng mica, at isang rolyo ng tanso, ay inilibing na kasama niya. Gayundin, nakalibing dito ang mga 300 iba pa na karaniwan ay mga kabataang babae
—posible na ang karamihan ay bilang mga haing tao.Monks Mound—Bakit Napakaespesyal?
Tumungo naman tayo ngayon sa gawing hilaga patawid sa gitnang liwasan ng Cahokia tungo sa Monks Mound, na isinunod sa pangalan ng mga mongheng Trappist na nakatira sa karatig na lugar noong unang mga taon ng ika-19 na siglo at aktuwal na gumawa ng hardin sa bunton. Ito ang pinakamalaking bunton sa Cahokia at may hugis na parang putol na piramide ngunit may apat na terasa na may iba’t ibang taas. Itinayo ito hanggang 14 na yugto, at pinaniniwalaang naganap ang pagtatayo sa pagitan ng 900 at 1200 C.E. Umabot sa mahigit na anim na ektarya ang nasakop ng pundasyon ng bunton, “mas malaki pa sa alinmang piramide sa Ehipto o Mexico.” Ang taas ng bunton ay 30 metro at mahigit sa 300 metro ang haba, anupat ito ang naging pinakamalaking istrakturang yari sa lupa na ginawa sa Western Hemisphere bago dumating si Columbus. Nasa bahaging timog naman ng Monks Mound ang isang mahabang rampa na patungo sa malalapad na terasa. Ipinakikita ng mga hukay na malamang na nagkaroon ng mga hagdan sa rampang ito.
Lumilitaw na hindi pinahihintulutan noon na umakyat sa mga hagdang ito ang pangkaraniwang mga tao. Sa tuktok nito ay nakatayo ang isang malaking gusali—ang tirahan ng tagapamahala ng Cahokia, isang pinuno na kilala bilang ang Dakilang Araw. “Doon malamang na isinasagawa ng pinuno at ng kaniyang mga pari ang relihiyosong mga ritwal at administratibong mga tungkulin, sinusurbey ang kanilang nasasakupan, at sinasalubong ang mga emisaryo mula sa liblib na mga lugar,” ang sabi ng Cahokia—City of the Sun. Mula sa posisyong ito, nasusubaybayan din ng pinuno ang sari-saring istraktura na ginagawa ng mga tao sa ibaba, kasali na ang mga gusaling pulungan, kamalig, gusaling taguan ng pagkain, kuwartong pampapawis, gusaling lalagyan ng mga bangkay at kalansay, at tirahan ng mga mamamayan.
Nababantayan din ng pinuno ang tanggulang nakapalibot sa lunsod, na may maraming tore ng mga guwardiya. Ang tanggulan na dalawang milya ang haba ay tatlong ulit nang itinayo, na sa bawat pagtatayo ay nangailangan ng 20,000 punungkahoy. Naniniwala ang mga arkeologo na ito’y nagsilbing hadlang sa ugnayan ng mga tao sa isa’t isa. Subalit malamang na itinayo rin ito bilang pandepensa. Gayunman, kung sinuman ang mga kaaway ng mga taga-Cahokia, ito ay isang hiwaga.
Ano ang Nangyari sa mga Taga-Cahokia?
May isa pang natitirang hiwaga. Pagsapit ng 1500 C.E., pinabayaan ang Cahokia. Ano kaya ang nangyari? Naglabasan ang maraming teoriya. Sa mga nahukay hanggang sa ngayon, walang makitang mga tanda na nagkaroon ng epidemya, pagsalakay, o likas na kasakunaan. Marahil ang pinagsamang mga dahilan, lakip na ang pagbabago sa klima at pagkalbo sa kagubatan, ang nagdulot ng tagtuyot, gutom, at pagkakagulo ng mga tao.
Naniniwala naman ang ibang siyentipiko na dumanas ang Cahokia ng marami sa katulad na mga problemang panlipunan na sumasalot ngayon sa modernong mga lunsod—polusyon, pagsisiksikan ng mga tao, walang sapat na pagtapunan ng dumi, at marahil maging ng labanang sibil. Subalit yamang wala nang taga-Cahokia ngayon na maglalarawan ng kanilang paraan ng pamumuhay, naiwan sa atin ang maraming di-nalulutas na mga hiwaga.
[Talababa]
^ par. 2 Ang lugar na iyon ay pinanganlang Cahokia noong ika-19 na siglo. Ayon sa paniniwala ng ilan, ang salitang ito ay nangangahulugang “lunsod ng araw.” Ayon naman sa paniniwala ng ibang eksperto, ito raw ay nangangahulugang “mga gansang gubat.” Walang nakasulat na rekord na nagpapakita kung ano ang tawag ng mga tagaroon sa kanilang sarili o sa kanilang lunsod.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 14, 15]
PAANO NAGSIMULA ANG CAHOKIA?
Maraming espekulasyon tungkol sa pinagmulan ng sibilisasyon ng Cahokia, at hindi magkasundo ang mga eksperto sa sagot. Si Francis Jennings, retiradong direktor ng Newberry Library Center for the History of the American Indian, ay kumbinsido na ang sinaunang mga kolonista mula sa Mesoamerika ang nagdala ng kanilang mais at ng kanilang arkitektura sa Mississippi Valley. Sumulat siya: “Dahil sa kanilang mga negosyo, ang mga kolonista ay malamang na naghari-harian sa katutubong mga tribo sa Mississippi Valley anupat sa mapa ay nagmistula itong isang imperyo. Dinala nila mula sa Mesoamerika ang kaugalian ng pagtatayo ng putol na mga piramide at ang paglalagay ng mga templo at mga istrakturang pang-administratibo sa pinakatuktok nito.”
Magkagayunman, inaamin ni Jennings na marami pang bagay ang hindi matiyak. “Pinagtatalunan ng mga arkeologo kung talaga ngang ang mga taga-Mississippi ay mga kolonista mula sa Mexico, at litung-lito sila sa isyung ito ngunit wala naman silang maibigay na kapani-paniwalang alternatibo.”
Ganito ang sabi ni George E. Stuart sa kaniyang aklat na Ancient Pioneers—The First Americans: “Para sa mga arkeologo at mga istoryador sa sining, ang palapád na mga bunton, na ayos na ayos sa palibot ng mga liwasan,” at ang ilan sa mga palayok “ay nagpapakita ng malinaw na impluwensiya, maaaring di-tuwiran, mula sa Mesoamerika—gaya ng minanang mais at balatong na makikita sa mga lugar na iyon.” Pero nagkaroon ng pag-aalinlangan dahil sa kaniyang sinabi na, “walang isa mang sinaunang gawang-sining na tiyakang ginawa ng mga Mesoamerikano ang natagpuan sa Timog-silangan.” Kaya, nananatili pa rin ang hiwaga—sino ang nakaimpluwensiya sa mga naninirahan sa Cahokia? Mga kolonista ba mula sa Mesoamerika? Balang-araw, baka-sakaling masagot din ito ng panahon at arkeolohiya.
[Mga larawan]
Mga talim ng panà at mga bato mula sa Mound 72
[Kahon/Mga larawan sa pahina 16, 17]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
GUSALING PANG-ASTRONOMIYA NG CAHOKIA
Ang isa pang kakaibang istraktura ng Cahokia ay ang magkakasunod na “bilog na bilog ang pagkakaayos na malalaking poste na pare-pareho ang pagitan na dati’y nakatayo sa ibabaw ng mga bunton.” (Magasing National Geographic, Disyembre 1972) Ang tawag sa mga ito ay mga woodhenge dahil sa pagkakahawig ng mga ito sa sinaunang kalendaryong solar sa Stonehenge sa Inglatera.
Naayos muli ang isang woodhenge. Isa itong bilog na 125 metro ang diyametro na may 48 malalaki at mapupulang poste ng sedro at sa palagay ng ilan ay nagsilbing obserbatoryo para pagmasdan ang araw. Ang mga poste ay “nakapaikot ayon sa itinuturo ng kompas, at nakaayos sa paraan na ang ikaapatnapu’t siyam na poste ay nasa labas ng bilog upang makapasok ang isang nagmamasid para pagmasdan ang pagsikat ng araw sa panahon ng equinox (magkapareho ang haba ng araw at gabi) at solstice (napakalayo ng araw sa ekwador) noong A.D. 1000.”
Tatlo lamang sa mga poste ang kayang ipaliwanag ng mga arkeologo. Ang isang poste raw ay palatandaan ng mga equinox, sa unang araw ng tagsibol at ng taglagas, kapag iisang lugar lamang ang pinagsisikatan ng araw. Ang dalawa naman daw ay palatandaan ng unang pagsikat ng araw kung winter solstice at kung summer solstice. Hindi pa alam ang layunin ng iba pang mga poste.
[Larawan]
Woodhenge
[Credit Line]
Cahokia Mounds State Historic Site
[Mga larawan]
Pagsalubong sa sumisikat na araw
Palengke sa Cahokia
Mga gawain ng komunidad
[Credit Line]
Tatlong larawan sa gitna: Cahokia Mounds State Historic Site/Michael Hampshire
[Larawan]
Ang ideya ng pintor sa maaaring kalagayan ng Cahokia noong mga 1200 C.E. Sa tugatog ng kaunlaran nito, ang lunsod ay may humigit-kumulang 20,000 mamamayan
1. Monks Mound
2. Liwasang sentral
3. Kambal na Bunton
4. Pader ng bilangguan
[Credit Line]
Cahokia Mounds State Historic Site/William R. Iseminger
[Mga mapa sa pahina 14]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Pinalawak na Lugar
Ilog Illinois
Ilog Mississippi
Ilog Missouri
St. Louis
Cahokia Mounds
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 15]
Ang Birdman Tablet ng Cahokia
[Larawan sa pahina 17]
Nakapalupong bunton
[Larawan sa pahina 17]
Nakabalisungsong na bunton
[Larawan sa pahina 17]
Palapád na bunton
[Mga larawan sa pahina 18]
Cahokia Mounds Interpretive Center
Monks Mound
[Credit Line]
Mga larawan sa itaas at sa ibaba: Cahokia Mounds State Historic Site
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Lahat ng larawan: Cahokia Mounds State Historic Site