Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Mapanglaw na “Ginang” ng Bosporus

Ang Mapanglaw na “Ginang” ng Bosporus

Ang Mapanglaw na “Ginang” ng Bosporus

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TURKEY

TULAD ng isang inang nakaabang sa pintuan ng kaniyang bahay at naghihintay sa pag-uwi ng mga minamahal niya, daan-daang taon siyang mapanglaw at nangungulilang nakatayo kung saan umaagos ang Kipot ng Bosporus patungong Dagat ng Marmara. (Tingnan ang mapa.) Nagmistulang puntas sa laylayan ng kaniyang saya ang rumaragasang mga agos na ang mga alon ay sumasalpok sa mabatong baybayin. Mula rito sa kaniyang kinatatayuan, tahimik na nasaksihan ng “ginang” na ito​—ang Maiden’s Tower​—ang paglipas ng kasaysayan.

Sa paglipas ng maraming siglo, nakita niya ang paglubog ng mga barko, ang pagkaganid ng mga hukbo sa madudugong labanan, at ang mga pagsasaya sa mga libangan sa palasyo. Kaya kapag nababanggit ang Istanbul, ang unang sumasagi sa isipan ng marami ay ang toreng ito, ang pinakasagisag ng matandang lunsod.

Mahirap ipaliwanag kung bakit napakaraming tao ang naaakit sa tore. Gabi-gabi habang papalubog ang araw, palaging may nakatayo sa baybaying Asia ng Maiden’s Tower at nakatanaw sa ibayong dako ng tubig habang nasa likod niya ang balangkas ng lunsod ng Istanbul. Baka ginugunita ng isang matanda ang mga pangyayari sa kaniyang buhay o minumuni ng isang kabataan​—na lipos ng pag-asa​—ang magiging kinabukasan niya. O baka iniisip ng isang babaing iniwan ng kaniyang mga minamahal na tila kasimpanglaw niya ang tore. Ganito ang sabi minsan ng makatang Turko na si Sunay Akın, na madalas banggitin ang tore sa kaniyang mga akda: “Ang pinakamasamang tanawin ng Istanbul ay mula sa Maiden’s Tower sapagkat hindi nakikita mula roon ang kagandahan ng Maiden’s Tower.”

Mahirap matalunton ang kasaysayan ng tore. Sa katunayan, habang sinisiyasat ng isa ang nakaraan ng “ginang” na ito ng Bosporus, lalo namang natutuklasan ng isa na tila nakakubli sa tradisyon at alamat ang kaniyang nakaraan.

Sinaunang Kasaysayan ng Pulo

Ang kauna-unahang impormasyon ay may kinalaman, hindi sa tore mismo, kundi sa mga batong pinagtayuan ng tore. Noong 411 B.C.E., kumampi ang Byzantium (Istanbul ngayon) sa mga taga-Sparta noong nagaganap ang mga digmaan sa pagitan ng Atenas at Sparta. Kaya ang Bosporus na nasa gawing Europa ay kumampi sa Sparta, at ang nasa gawing Asia naman ay sa Atenas. Nalupig ng Atenas ang Sparta nang bandang huli, ngunit pansamantalang hindi kumilos ang Atenas laban sa Byzantium, at sa halip ay piniling kontrolin na lamang ang Kipot ng Bosporus at makinabang sa mga buwis na ipinapataw sa mga sasakyang naglalayag doon. Pinaniniwalaang sa mga bato nito nagtayo ng istasyon ng buwis ang heneral at pulitiko ng Atenas na si Alcibiades. Gayunman, walang binabanggit na toreng nakatayo roon nang panahong iyon.

Pagkalipas ng ilang taon, napasailalim sa soberanya ng Atenas ang Byzantium mismo. Dahil sa nangangamba ito sa banta ni Haring Felipe II ng Macedonia, nagpadala ang Atenas ng 40 barkong pandigma upang palakasin ang puwersa nito sa Byzantium. Isinama ng kumandante ng plota, si Admiral Hares, ang kaniyang asawa ngunit nagkasakit ito nang dakong huli at namatay sa Chrysopolis (Üsküdar). Gumawa ng altar si Admiral Hares para sa kaniyang asawa, at ayon sa alamat, itinayo ito sa maliit at mabatong pulo na kinalalagyan ng Maiden’s Tower.

Paano Tumagal ang Tore?

Ayon sa The Book of the Maiden’s Tower, ang kauna-unahang pagkakataon na may naitayong parang tore sa mga bato ay sa panahon ng pamamahala ni Manuel I Comnenus (1143-80), nang maitayo ang isang maliit at tulad-tanggulang istraktura na may mga kanyon.

Matapos kubkubin ang Istanbul noong 1453, naingatan ang maliit na kuta, at patuloy itong ginamit sa mga layuning pangmilitar. Idinagdag nang maglaon ang isang parola na gawa sa kahoy at nakaharap sa Dagat ng Marmara. Pagkatapos ng pangungubkob sa Istanbul, nanatiling nakatayo ang tore habang lumilipas ang madugong kasaysayan ng sangkatauhan​—nagdigmaan ang mga sasakyang pandagat sa Bosporus at naglaban nang mano-mano ang mga lalaking nagwawasiwas ng tabak. Ipinandigma laban sa isa’t isa ang mga barkong pangkarga na may lulang mga pulbura at anumang pampaliyab.

Sinalanta ng mga lindol at sunog ang tore sa loob ng maraming taon hanggang sa wakas, noong 1720, halos wasakin ito ng sunog. Pagkatapos, muling itinayo ni Damat Ibrahim Pasha ang tore na yari sa bato, at nilagyan pa ng maliit na toresilya, na may maraming bintana, at kinalupkupan ng tingga. Noong 1829, ginamit ang tore bilang ospital na pangkuwarentenas nang biglang lumitaw ang kolera. Di-nagtagal, isinakatuparan ang malaki at pinakahuling pagkukumpuni noong pamamahala ni Mahmud II noong 1832. Pinangasiwaan ng Lighthouse Board ang tore noong 1857, at inatasan ang isang kompanyang Pranses upang gawing parolang mapapakinabangan ang tore, na naging lubusang automated noong 1920. Patuloy na ginamit bilang parola ang tore sa loob ng halos sandaang taon.

Kadalasang ginagamit ang tore bilang parola noong panahon ng mga Ottoman upang gumabay sa daan kapag gabi; gayunman, ginagamit din ito sa araw kapag maulap ang panahon. Kapag mabagyo naman ang panahon, nanganganlong at itinatali ang maliliit na bangka sa tore upang hindi matangay ng mga alon. Nagpapaputok ng mga kanyon mula sa tore kapag may opisyal na mga pagdiriwang.

Sa pana-panahon, ginamit ng Ottoman Palace ang tore sa iba’t ibang paraan. Ikinulong sa tore bilang hintuan ang mga ipatatapon o bibitaying mga opisyal ng pamahalaan bago sila magpatuloy sa kanilang mahabang paglalakbay o ipapatay.

Patuloy na Nagbabago ang Papel Nito

Pagkatapos ng 1923, inihinto ang opisyal na paggamit sa tore, at nagsilbi na lamang itong parola. Noong mahirap na mga taon ng Digmaang Pandaigdig II, kinumpuni ang tore at pinatibay ng kongkreto ang panloob na kayarian nito. Pagkaraan ng 1965, nang ilipat ang pangangasiwa ng tore sa hukbong-dagat, ginamit ito sa maikling panahon bilang sentro ng komunikasyong pangmilitar. Pagkatapos, noong ikalawang bahagi ng ika-20 siglo, lumaki ang internasyonal na trapiko sa dagat na tumatawid sa Bosporus, anupat mas marami at mas malalaking barko ang naglayag sa Kipot. Nang magdatingan ang malalaking barko, nagwakas ang yugto ng tahimik na pag-iisa ng Maiden’s Tower. Pagkaraan ng 1983, ginamit ang tore ng Turkish Maritime Authority bilang panggitnang dako sa paggabay sa daloy ng trapiko sa Kipot.

Kasisimula pa lamang ng 1989 nang akayin ng isang pambihirang balita ang pansin tungo sa “ginang” ng Bosporus. “Nilason ang Maiden’s Tower,” ang mababasa sa ulong balita ng isang ulat, na nag-aangking may iniimbak sa tore na siyanuro (cyanide), ang ginagamit upang pausukan ang mga sasakyang pinamumugaran ng peste sa pantalan. Dating nakalagay sa isang kagigibang gusali sa daungan, ang nakamamatay na lason ay inimbak sa tore “sapagkat wala nang iba pang mapaglagyan.” Sa ganitong paraan, nilalason ang mapanglaw na “ginang” ng Bosporus. Ang mas seryoso pa, sabi ng ulat, kung sumabog noon ang gas na siyanurong iyon, naging kapaha-pahamak ito sa Istanbul. Pagkalipas ng walong buwan ng malaking publisidad sa pahayagan at telebisyon, nalunasan sa wakas ang situwasyon nang ilipat ang mga lalagyan ng siyanuro sa ibang lugar.

Hindi nakapagtataka nang pumunta ang isang grupo ng mga makatang kabataan sa Maiden’s Tower noong Mayo 1992 at ipinabatid, nang may suporta ng mayor, na nais nilang gawing isang sentro ng kultura ang halos napabayaan nang tore. Isaalang-alang na naging inspirasyon ito ng di-mabilang na mga makata at mga manunulat sa loob ng daan-daang taon. Di-nagtagal pagkatapos nito, pinasigla ang tore ng mga eksibit ng mga sining at potograpiya, at ginanap ang ilang konsiyerto roon. Sa maikling yugtong ito, idineklarang “republika ng poesya” ang tore.

Ang Maiden’s Tower sa Ngayon

Sa layuning buksan ang tore sa mga bisita, malaking pagkukumpuni ang isinagawa noong 1999. Pagkatapos nito, ipinatalastas na sa susunod na taon, bilang bahagi ng proyektong panturismo, bubuksan ito bilang isang restawran at sentro ng kultura. Sa ngayon, bukás sa mga bisita at turista ang isang restawran, kapihan at bar, dakong tanawan, at tindahan ng mga subenir. May maliliit na bangkang naghahatid mula sa iba’t ibang daungan sa palibot ng Istanbul.

Totoo naman na hindi malugod na tinanggap ng maraming tao ang ganitong pangnegosyong pagsasauli sa tore. Gayunman, halos walang nabawas sa halina ng Maiden’s Tower. Kung makapaglakbay ka sa Istanbul, tiyakin mong makapasyal ka sa Maiden’s Tower. Baka matuwa kang maupo sa isa sa mga harding naghahain ng tsa na nasa gawing Asia ng Istanbul, kung saan malilibang ka sa walang-kaparis na tanawin ng Bosporus at Maiden’s Tower habang humihigop ka ng iyong tsa. At kapag nagkagayon, baka maalaala mo nang kahit ilang sandali man lamang, ang mahabang kasaysayan nitong magiliw na “ginang” ng Bosporus.

[Mga mapa sa pahina 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

TURKEY

ISTANBUL

DAGAT NG MARMARA

Kipot ng Bosporus

DAGAT NA ITIM

[Larawan sa pahina 25]

Litograpo, ika-19 na siglo

[Larawan sa pahina 26]

Restawran

[Larawan sa pahina 26]

Dakong tanawan