Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ilan ba Talaga ang Ating mga Pandamdam?

Ilan ba Talaga ang Ating mga Pandamdam?

Ilan ba Talaga ang Ating mga Pandamdam?

“Tayo ay tumutugon sa mga bagay sa paligid natin nang napakahusay at napakadali, anupat mahirap maunawaan ang malawak na saklaw ng ginagawa kahit ng pinakasimpleng pandamdam.”​—SENSORY EXOTICA​—A WORLD BEYOND HUMAN EXPERIENCE.

GUNIGUNIHIN mo ang iyong sarili na nagbibisikleta sa kahabaan ng isang tahimik na daan sa lalawigan. Habang nagpepedal ka, ang mga pandama (sensor) sa iyong mga binti ay nagsasabi sa iyo kung gaano dapat kapuwersa ang pagpedal mo upang mapanatili ang iyong bilis. Pinananatiling tuwid ng mga sangkap mo sa panimbang ang iyong katawan; nasasamyo ng mga butas ng iyong ilong ang mahahalimuyak na amoy; nakikita ng iyong mga mata ang magagandang tanawin; naririnig ng iyong mga tainga ang huni ng mga ibon. Palibhasa’y nauuhaw ka na, dinampot mo ang iyong inuming de-bote, sa tulong ng mga touch receptor sa iyong mga daliri. Isinisiwalat ng iyong mga taste bud at ng mga pandama mo sa mainit at malamig ang lasa ng likido at ang temperatura nito. Sinasabi naman ng mga pandama sa iyong balat at yaong nasa balahibo mo sa katawan kung gaano kalakas ang hangin at, pati na ng impormasyon mula sa iyong mga mata, kung gaano kabilis ang iyong takbo. Ipinaaalam din sa iyo ng balat mo ang temperatura at halumigmig sa paligid, samantalang sinasabi naman sa iyo ng kabatiran mo sa oras kung gaano katagal ka nang nagbibisikleta. Nang maglaon, inuudyukan ka ng panloob na mga pandama na magpahinga at kumain. Oo, ang buhay ay tunay na isang napakahusay na pagkakasuwato ng mga pandamdam!

Limang Pandamdam Lamang ba?

Habang nagbibisikleta ka, ilang pandamdam ang gumagana​—ang pangkaraniwang limang pandamdam lamang ba: paningin, pandinig, pang-amoy, panlasa, at pandama? Ayon sa Encyclopædia Britannica, ang limang pandamdam na ito ay itinala ng sinaunang pilosopo na si Aristotle, na “ang impluwensiya ay nananatili pa rin anupat binabanggit pa rin ng maraming tao ang limang pandamdam na para bang wala nang iba pa.”

Gayunman, ayon sa Britannica, ang pagsusuri sa pagiging sensitibo lamang ng balat “ay nagpapatunay na ang mga pandama ng tao ay higit pa sa lima.” Paano mangyayari ito? Ang ilang pandamdam na dating ipinalalagay na bahagi ng pandama ay itinuturing na ngayon na hiwalay na pandamdam. Halimbawa, tumutugon at nakikilala ng mga pain receptor ang epekto ng kumikilos at nakapirming mga bagay, ng init, at ng mga enerhiya ng kemikal o mga substansiya. Ang iba pang pandama ay nagpapahiwatig ng pangangati. Ipinakikita pa nga ng katibayan na mayroon tayong di-kukulangin sa dalawang uri ng pandama ng diin (pressure sensor)​—isa para sa bahagyang diin sa ating katawan, at isa naman para sa mas mariin. Marami ring panloob na mga pandamdam ang ating katawan. Ano ang ginagawa ng mga ito?

Ang Panloob na mga Pandamdam

Nahihiwatigan ng panloob na mga pandamdam ang mga pagbabagong nangyayari sa loob ng ating katawan. Inihuhudyat ng mga ito ang mga bagay na gaya ng gutom, uhaw, pagod, panloob na kirot, at ang pangangailangang huminga o magtungo sa palikuran. Palibhasa’y kasuwato ng ating biyolohikal na orasan, napapagod tayo pagkatapos ng trabaho at nakararanas ng jet-lag kapag tayo’y naglakbay sakay ng eroplano na bumabagtas sa mga time zone dahil sa panloob na mga pandama natin. Sa katunayan, dahil sa “napapakiramdaman” natin ang paglipas ng panahon, iminumungkahi na ang kabatiran hinggil sa panahon ay idagdag sa listahan ng mga pandamdam.

Mayroon din tayong vestibular sense, o pandama sa panimbang, na nasa panloob na tainga natin. Tumutugon ito sa grabidad, bilis, at ikot. At sa kahuli-hulihan, mayroon tayong kinesthetic sense, na nagpapangyaring madama natin, kahit na nakapikit ang ating mata, ang pagkabanat ng kalamnan at ang pagkilos at posisyon ng ating mga biyas.

Sabihin pa, ang pandamdam ay hindi natatangi sa mga tao. Ang mga hayop ay nagtataglay rin ng maraming pandamdam, kabilang na ang ilan na tunay na kagila-gilalas na hindi natin taglay. Sa susunod na artikulo, susuriin natin ang ilan sa mga ito. Maingat din nating susuriin ang ating mga sarili at ang walang-katulad na mga katangian na naglalagay sa mga tao sa pantanging dako sa mga nabubuhay na bagay sa lupa.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 4]

Ang Hiwaga ng Pandama ng Tao

Napakaeksakto ng pandama ng kamay ng tao. Ayon sa magasing Smithsonian, natuklasan ng mga mananaliksik na nadarama ng ating kamay ang isang tuldok na tatlong micron lamang ang taas. (Ang buhok ng tao ay may diyametro na 50 hanggang 100 micron.) Gayunman, sa pamamagitan ng “paggamit ng isang hibla (texture) sa halip na isang tuldok, natuklasan ng mga mananaliksik na nahahalata ng kamay ang kagaspangan na 75 nanometer lamang ang taas”​—ang isang nanometer ay isang ikasanlibo ng isang micron! Ang gayon kamangha-manghang pagkasensitibo ay ipinalalagay na dahil sa mga 2,000 touch receptor sa bawat dulo ng daliri.

May mahalagang ginagampanan din ang pandama natin sa ating kalusugan at kapakanan. “Ang isang taong hinahaplos ay naglalabas ng mga hormon na pumapawi ng kirot at tumutulong sa isa na magkaroon ng malinaw na pag-iisip,” ang sabi ng U.S.News & World Report. Naniniwala ang ilan na kapag ang isang bata ay pinagkaitan ng maibiging haplos ng iba, mahahadlangan ang paglaki nito.

[Picture Credit Lines sa pahina 3]

Mata: The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck; tainga at panloob na tainga: © 1997 Visual Language; kamay: The Anatomy of Humane Bodies, with figures drawn after the life by some of the best masters in Europe . . . Oxford, 1698, William Cowper