Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ipinasiya ng Isang Lalaki na Sundin ang Diyos

Ipinasiya ng Isang Lalaki na Sundin ang Diyos

Ipinasiya ng Isang Lalaki na Sundin ang Diyos

SA PANAHON ng karimlan noong 1937, nang sumiklab ang kaguluhan dahil sa magkakaibang ideolohiya sa maraming bansa sa Europa, napaharap sa mahihirap na pasiya ang tunay na mga Kristiyano. Dapat ba nilang sundin ang Diyos o ang mga tao? (Gawa 5:29) Batid ng mga kabataang lalaki na nasa edad na para maglingkod sa militar na maaari silang mamatay dahil sa pagsunod sa Diyos.

Napaharap sa gayong pasiya ang 19-na-taóng-gulang na Kastilang si Antonio Gargallo. Isang taon nang nasa kasagsagan noon ang gera sibil sa Espanya nang ipatawag siya ng hukbong nasyonalista ni Heneral Franco para maglingkod sa militar. Noong nagdaang taon, si Antonio ay nabautismuhan bilang isang Saksi ni Jehova, at nabasa niya ang payo sa Kasulatan na ang mga lingkod ng Diyos ay dapat manatiling neutral at hindi dapat kahit mag-aral man lamang ng pakikipagdigma. (Isaias 2:4; Juan 17:16) Dahil sa ayaw niyang magsundalo at pumatay ng kaniyang kababayan, tinangka ni Antonio na tumakas patungong Pransiya. Subalit dinakip siya at dinala sa baraks ng hukbo sa Jaca, Huesca, malapit sa hanggahan ng Pransiya.

Iniharap sa kaniya ng hukuman ng militar ang malupit na mapagpipilian: Magsundalo o mamatay. Ipinasiya ni Antonio na sundin ang Diyos. Nang malapit na siyang patayin, ganito ang isinulat niya sa kaniyang ina at kapatid na babae, na hindi mga Saksi ni Jehova:

“Inaresto ako, at bagaman hindi man lamang ako nilitis, sinentensiyahan ako ng kamatayan. Ngayong gabi ay papanaw na ako. Huwag kayong malungkot o umiyak . . . , sapagkat sinunod ko naman ang Diyos. Tutal, wala naman gaanong nawala sa akin dahil, kung kalooban ng Diyos, magkakaroon ako ng bago at mas mabuting buhay. . . . Kalmadung-kalmado ako habang papalapit ang huling oras ko. Pakisuyong tanggapin ninyo ang huling yakap na nagmula sa inyong anak at kapatid na tunay na nagmamahal sa inyo.” *

Iniulat ng tatlong sundalo na noong patungo na si Antonio sa lugar kung saan siya papatayin, umawit si Antonio ng mga awit ng papuri kay Jehova. Hindi nakakaligtaan ng Diyos ni ng kaniyang Anak ang gayong mga pagsasakripisyo. Makatitiyak tayo na ang tapat na mga Kristiyano, tulad ni Antonio, ay tatanggap ng kanilang gantimpala sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.​—Juan 5:28, 29.

[Talababa]

^ par. 5 Ang sulat ni Antonio, na iningatan sa loob ng mga dekada sa mga artsibo ng militar sa Espanya, ay hindi kailanman nakarating sa kaniyang ina.